Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Makapag-iingat kaya ng mabuting budhi ang isang Kristiyano kung tatanggap siya ng trabaho na nagsasangkot ng pagdadala ng armas?
Dinidibdib ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang kanilang bigay-Diyos na pananagutang ilaan ang materyal na mga pangangailangan ng kanilang pamilya. (1 Timoteo 5:8) Gayunman, ang ilang trabaho ay maliwanag na labag sa mga simulain ng Bibliya at dapat iwasan. Kabilang dito ang mga trabahong may kaugnayan sa pagsusugal, maling paggamit ng dugo, at pagtataguyod ng mga produkto ng tabako. (Isaias 65:11; Gawa 15:29; 2 Corinto 7:1; Colosas 3:5) Ang iba pang uri ng trabaho, bagaman hindi tuwirang hinahatulan sa Bibliya, ay maaaring labag sa budhi ng isa o sa budhi ng iba.
Ang pagtanggap sa sekular na trabaho na humihiling ng pagdadala ng baril o iba pang sandata ay isang personal na desisyon. Gayunman, ang pagtatrabaho nang nakaarmas ay naghahantad sa isa sa posibilidad na magkasala sa dugo sakaling kailanganing gamitin ang kaniyang sandata. Kung gayon, kailangang may-pananalanging isaalang-alang ng isang Kristiyano kung handa ba niyang tanggapin ang pananagutang gumawa ng biglaang desisyon na nagsasangkot ng buhay ng tao. Ang pagdadala ng sandata ay naghahantad din sa isang tao sa panganib na masaktan o mamatay dahil sa pagsalakay o pagganti.
Maaari ring makaapekto sa iba ang desisyon ng isa. Halimbawa, pangunahing pananagutan ng isang Kristiyano na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Maaari bang magturo sa iba ang isa na ‘makipagpayapaan sa lahat ng tao,’ ngunit naghahanapbuhay naman na may gamit na sandata? (Roma 12:18) Kumusta naman ang mga anak o iba pang miyembro ng pamilya? Hindi kaya naisasapanganib ang kanilang buhay dahil may baril sa bahay? Bukod diyan, hindi kaya matisod ang iba dahil sa paninindigan ng isa hinggil sa bagay na ito?—Filipos 1:10.
Sa “mga huling araw” na ito, parami nang paraming tao ang “mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:1, 3) Yamang nalalaman ito, mananatili kayang “malaya sa akusasyon” ang isang tao kung pipiliin niyang magtrabaho nang nakaarmas na posibleng maging dahilan upang makalaban niya ang gayong mga indibiduwal? (1 Timoteo 3:10) Tiyak na hindi. Dahil dito, hindi ituturing ng kongregasyon na “di-mapupulaan” ang gayong tao kung patuloy siyang magdadala ng sandata matapos siyang payuhan nang may kabaitan salig sa Bibliya. (1 Timoteo 3:2; Tito 1:5, 6) Samakatuwid, ang gayong lalaki o babae ay hindi kuwalipikado para sa anumang pantanging pribilehiyo sa kongregasyon.
Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kung uunahin nila sa kanilang buhay ang mga kapakanan ng Kaharian, hindi sila kailangang labis na mabalisa tungkol sa pagkakamit ng mga pangangailangan sa buhay. (Mateo 6:25, 33) Sa katunayan, kung ilalagak natin ang ating buong tiwala kay Jehova, “siya ang aalalay sa [atin]. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”—Awit 55:22.