Si Jehova ang Ating Pastol
Si Jehova ang Ating Pastol
“Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.” —Awit 23:1.
1-3. Bakit hindi nakapagtataka na inihalintulad ni David si Jehova sa isang pastol?
KUNG ipalalarawan sa iyo kung paano pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang bayan, ano ang sasabihin mo? Sa ano mo ihahambing ang magiliw na pangangalaga niya sa kaniyang tapat na mga lingkod? Mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, isinulat ng maharlikang salmistang si David ang magandang paglalarawan kay Jehova, na ginagamit ang paghahalintulad na hango sa trabaho ni David noong bata pa siya.
2 Isang pastol si David noong kabataan niya, kaya alam niya ang pangangalaga sa tupa. Alam na alam niya na kapag iniwan ang mga tupa, madaling naliligaw ang mga ito at nabibiktima ng mga magnanakaw o mababangis na hayop. (1 Samuel 17:34-36) Kung walang mapagkalingang pastol, baka hindi nila mahanap ang kanilang pastulan at hindi sila makapanginain. Nang matanda na siya, walang-alinlangang may magagandang alaala si David sa maraming oras na ginugol niya sa pag-akay, pagsasanggalang, at pagpapakain sa mga tupa.
3 Hindi nakapagtataka na ang gawain ng pastol ang naisip ni David nang kasihan siyang ilarawan ang pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan. Sa ganitong mga salita nagsisimula ang ika-23 Awit na isinulat ni David: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.” Isaalang-alang natin kung bakit angkop na pangungusap ito. Pagkatapos, sa tulong ng Awit 23, makikita natin ang mga paraan ng pangangalaga ni Jehova sa kaniyang mga mananamba gaya ng pastol na nangangalaga sa kaniyang mga tupa.—1 Pedro 2:25.
Angkop na Paghahalintulad
4, 5. Paano inilalarawan ng Bibliya ang mga katangian ng mga tupa?
4 Maraming titulo si Jehova sa Kasulatan, subalit ang pagtukoy sa kaniya bilang “Pastol” ang isa sa pinakamagiliw sa mga ito. (Awit 80:1) Upang higit na maunawaan kung bakit angkop na tawaging Pastol si Jehova, makatutulong sa atin na malaman ang dalawang bagay: una, ang likas na ugali ng mga tupa at pangalawa, ang mga tungkulin at katangian ng mabuting pastol.
5 Madalas banggitin ng Bibliya ang mga katangian ng mga tupa, anupat inilalarawan ang mga ito na madaling tumugon sa pagmamahal ng pastol (2 Samuel 12:3), hindi agresibo (Isaias 53:7), at walang kalaban-laban. (Mikas 5:8) Ganito ang sabi ng isang manunulat na nag-alaga ng mga tupa sa loob ng maraming taon: “Hindi ‘basta inaalagaan’ ng mga tupa ang kanilang sarili gaya ng akala ng ilan. Kailangan nila ng maraming atensiyon at metikulosong pangangalaga nang higit kaysa sa alinpamang uri ng alagang hayop.” Upang mabuhay, kailangan ng walang kalaban-labang mga nilalang na ito ang mapagkalingang pastol.—Ezekiel 34:5.
6. Paano ipinaliliwanag ng isang diksyunaryo sa Bibliya ang karaniwang araw sa buhay ng isang sinaunang pastol?
6 Ano ang nangyayari sa karaniwang araw ng sinaunang pastol? Ipinaliliwanag ng isang diksyunaryo sa Bibliya: “Sa madaling araw ay inaakay niya ang kawan mula sa kulungan, nasa unahan siya nito habang patungo sa lugar kung saan manginginain ang mga ito. Binabantayan niya rito ang mga ito nang buong araw, tinitiyak na walang tupang maliligaw, at kung may pansamantalang mawala sa kaniyang paningin at mapahiwalay sa kawan, masikap niya itong hahanapin hanggang sa matagpuan at maibalik. . . . Sa gabi ay ibinabalik niya sa kulungan ang kawan, anupat binibilang ang mga ito sa may pinto habang dumaraan sa ilalim ng tungkod upang matiyak na walang nawawala. . . . Kadalasan, kailangan niyang bantayan ang kulungan sa gabi mula sa pagsalakay ng mababangis na hayop, o tusong pagtatangka ng gumagalang magnanakaw.” *
7. Bakit kailangan kung minsan ng pastol na magpakita ng higit na tiyaga at paggiliw?
7 May mga panahon na kailangan ng mga tupa, lalo na ng manganganak na ina at ng kordero nito, ang higit na tiyaga at paggiliw. (Genesis 33:13) Isang reperensiya sa Bibliya ang nagsasabi: “Madalas na isinisilang ang kordero mula sa kawan sa malayong lugar sa gilid ng bundok. Alistong binabantayan ng pastol ang ina sa mga sandaling iyon na wala itong kalaban-laban at binubuhat niya ang kordero at dinadala sa kulungan. Sa loob ng ilang araw, hangga’t hindi pa ito makalakad, baka buhatin niya ito sa kaniyang mga bisig o sa maluluwang na tupi ng kaniyang balabal.” (Isaias 40:10, 11) Maliwanag na kailangan ng isang mabuting pastol ang magkatuwang na katangian—lakas at paggiliw.
8. Anu-anong dahilan ang ibinigay ni David kung bakit siya nagtitiwala kay Jehova?
8 “Si Jehova ang aking Pastol”—hindi ba’t angkop na paglalarawan iyan sa ating makalangit na Ama? Habang sinusuri natin ang Awit 23, makikita natin kung paano tayo pinangangalagaan ng Diyos nang may lakas at paggiliw ng isang pastol. Sa Aw 23 talata 1, ipinahayag ni David ang kaniyang pagtitiwala na gagawa ang Diyos ng lahat ng kinakailangang paglalaan para sa Kaniyang mga tupa upang hindi sila ‘kulangin ng anuman.’ Sa sumusunod na mga talata, nagbigay si David ng tatlong dahilan para magtiwala: inaakay, ipinagsasanggalang, at pinakakain ni Jehova ang Kaniyang mga tupa. Isa-isa natin itong talakayin.
“Inaakay Niya Ako”
9. Anong mapayapang kalagayan ang inilalarawan ni David, at paano magiging gayon ang kalagayan ng mga tupa?
9 Una, inaakay ni Jehova ang kaniyang bayan. Isinulat ni David: “Sa mga madamong pastulan ay pinahihiga niya ako; sa tabi ng mga pahingahang-dako na natutubigang mainam ay pinapatnubayan niya ako. Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinagiginhawa. Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan.” (Awit 23:2, 3) Kawan na mapayapang nakahiga sa gitna ng kasaganaan—inilalarawan dito ni David ang kalagayang kasiya-siya, maginhawa, at matiwasay. Ang salitang Hebreo na isinaling “pastulan” ay maaaring mangahulugan na “kaayaayang lugar.” Malamang na sa ganang sarili nila, hindi makahahanap ang mga tupa ng nakagiginhawang dako na payapang mahihigan. Kailangan silang akayin ng kanilang pastol sa gayong “kaayaayang lugar.”
10. Paano ipinakikita ng Diyos ang kaniyang pagtitiwala sa atin?
10 Paano tayo inaakay ni Jehova sa ngayon? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng halimbawa. Pinasisigla tayo ng kaniyang Salita na “maging mga tagatulad . . . sa Diyos.” (Efeso 5:1) Binabanggit sa konteksto ng mga salitang iyon ang habag, kapatawaran, at pag-ibig. (Efeso 4:32; 5:2) Tiyak na si Jehova ang nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa ng gayong kaibig-ibig na mga katangian. Makatotohanan ba ang hinihiling niya na tularan natin siya? Oo. Ang totoo, ang kinasihang payo na iyon ay kamangha-manghang kapahayagan ng kaniyang pagtitiwala sa atin. Sa anong paraan? Nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos, na nangangahulugang pinagkalooban tayo ng moral na mga katangian at ng kakayahang magpahalaga sa espirituwal na mga bagay. (Genesis 1:26) Kaya alam ni Jehova na sa kabila ng ating mga di-kasakdalan, mayroon tayong potensiyal na maglinang ng mga katangiang katulad ng sa kaniya. Isip-isipin ito—nagtitiwala ang ating maibiging Diyos na matutularan natin siya. Kung susundan natin ang kaniyang halimbawa, aakayin niya tayo, sa makasagisag na diwa, sa kaayaayang “pahingahang-dako.” Sa gitna ng marahas na daigdig na ito, ‘tatahan tayo nang tiwasay,’ anupat nadarama ang kapayapaan na nagmumula sa pagkaalam na sinasang-ayunan tayo ng Diyos.—Awit 4:8; 29:11.
11. Sa pag-akay sa kaniyang mga tupa, ano ang isinasaalang-alang ni Jehova, at paano ito makikita sa hinihiling niya sa atin?
11 Si Jehova ay magiliw at matiyaga sa pag-akay sa atin. Isinasaalang-alang ng pastol ang mga limitasyon ng kaniyang mga tupa, kaya inaakay niya sila “ayon sa bilis ng mga alagang hayop.” (Genesis 33:14) Sa katulad na paraan, ang pag-akay ni Jehova ay “ayon sa bilis ng” kaniyang mga tupa. Isinasaalang-alang niya ang ating mga kakayahan at kalagayan. Sa diwa, ibinabagay niya ang kaniyang bilis, anupat hindi kailanman humihiling ng higit sa makakaya natin. Ang hinihiling niya ay ang ating buong-kaluluwang paglilingkod. (Colosas 3:23) Subalit paano kung matanda ka na at hindi mo na kaya ang dati mong nagagawa? O paano kung may malubha kang sakit na humahadlang sa iyo? Diyan pumapasok ang kagandahan ng kahilingang maging buong kaluluwa sa ating paglilingkod. Walang dalawang tao ang parehung-pareho. Ang paglilingkod nang buong kaluluwa ay nangangahulugan ng paggamit ng iyong buong lakas sa paglilingkod sa Diyos sa abot ng iyong makakaya. Sa kabila ng mga kahinaan na nagpapabagal sa atin, pinahahalagahan ni Jehova ang ating buong-pusong pagsamba.—Marcos 12:29, 30.
12. Anong halimbawa sa Kautusang Mosaiko ang naglalarawan sa pag-akay ni Jehova “ayon sa bilis ng” kaniyang mga tupa?
12 Upang ilarawan ang pag-akay ni Jehova “ayon sa bilis ng” kaniyang mga tupa, isaalang-alang ang binabanggit sa Kautusang Mosaiko hinggil sa handog ukol sa pagkakasala. Nais ni Jehova ang maiinam na handog na udyok ng mapagpasalamat na puso. Kasabay nito, ang mga handog ay nakadepende sa kakayahan ng naghahandog. Sinabi ng Kautusan: “Kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat para sa isang tupa, kung gayon ay dadalhin niya . . . ang dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati.” At paano kung hindi niya kaya kahit ang dalawang kalapati? Kung gayon ay maaari siyang magdala ng “mainam na harina.” (Levitico 5:7, 11) Ipinakikita nito na hindi humihiling ang Diyos ng higit sa makakaya ng naghahandog. Yamang hindi nagbabago ang Diyos, nakaaaliw malaman na hindi siya kailanman humihiling ng higit sa ating makakaya; sa halip, nalulugod siyang tanggapin ang anumang kaya natin. (Malakias 3:6) Nakatutuwa ngang magpaakay sa gayong maunawaing Pastol!
“Wala Akong Kinatatakutang Masama, Sapagkat Ikaw ay Kasama Ko”
13. Sa Awit 23:4, paano mas personal na nakipag-usap si David, at bakit hindi ito nakapagtataka?
13 Nagbigay si David ng pangalawang dahilan ng kaniyang pagtitiwala: Ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang mga tupa. Mababasa natin: “Bagaman lumalakad ako sa libis ng matinding karimlan, wala akong kinatatakutang masama, sapagkat ikaw ay kasama ko; ang iyong tungkod at ang iyong baston ang siyang umaaliw sa akin.” (Awit 23:4) Mas personal na ngayon ang pakikipag-usap ni David anupat tinawag niya si Jehova sa panghalip na “ikaw.” Hindi ito nakapagtataka, sapagkat ang binabanggit ni David ay kung paano siya tinulungan ng Diyos na makapagbata sa mahihirap na kalagayan. Maraming dinaanan si David na mapanganib na mga libis—mga panahong nanganib mismo ang kaniyang buhay. Subalit hindi niya hinayaang madaig siya ng takot, sapagkat nadama niyang kasama niya ang Diyos—nakahanda ang Kaniyang “tungkod” at “baston.” Ang pagkaalam sa proteksiyong ito ay nakaaliw kay David at walang-alinlangang naglapit sa kaniya kay Jehova. *
14. Ano ang tinitiyak sa atin ng Bibliya hinggil sa pagsasanggalang ni Jehova, pero hindi ito nangangahulugan ng ano?
14 Paano ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang mga tupa sa ngayon? Tinitiyak sa atin ng Bibliya na walang mananalansang—demonyo man o tao—ang magtatagumpay sa paglipol sa kaniyang mga tupa sa lupa. Hinding-hindi ito pahihintulutan ni Jehova. (Isaias 54:17; 2 Pedro 2:9) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ipagsasanggalang tayo ng ating Pastol mula sa lahat ng kapahamakan. Dumaranas tayo ng mga pagsubok na karaniwan lamang sa mga tao, at napapaharap tayo sa pagsalansang na nararanasan ng lahat ng tunay na Kristiyano. (2 Timoteo 3:12; Santiago 1:2) May mga panahon na tayo, wika nga, ay “lumalakad sa libis ng matinding karimlan.” Halimbawa, baka malagay tayo sa bingit ng kamatayan dahil sa pag-uusig o sa isang partikular na krisis sa kalusugan. O baka may mahal tayo sa buhay na muntik na o tuluyan na ngang namatay. Sa panahong maituturing na pinakamadilim na mga sandali, kasama natin ang ating Pastol, at iingatan niya tayo. Paano?
15, 16. (a) Sa anu-anong paraan tayo tinutulungan ni Jehova upang malampasan ang mga hadlang na napapaharap sa atin? (b) Maglahad ng isang karanasan upang ipakita kung paano tayo tinutulungan ni Jehova sa panahon ng pagsubok.
15 Hindi nangangako si Jehova na makahimala siyang mamamagitan. * Pero ito ang matitiyak natin: Tutulungan tayo ni Jehova na malampasan ang anumang hadlang na mapapaharap sa atin. Bibigyan niya tayo ng karunungan upang makayanan ang “iba’t ibang pagsubok.” (Santiago 1:2-5) Ginagamit ng pastol ang kaniyang tungkod o baston hindi lamang upang itaboy ang mga maninila kundi upang marahang gabayan ang kaniyang mga tupa sa tamang direksiyon. Maaari tayong gabayan ni Jehova, marahil sa pamamagitan ng kapuwa natin mananamba, upang maikapit natin ang payong nakasalig sa Bibliya na malaki ang maitutulong sa ating situwasyon. Bukod dito, bibigyan tayo ni Jehova ng lakas para makapagbata. (Filipos 4:13) Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, sasangkapan niya tayo ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Tutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na mabata ang anumang pagsubok na pasasapitin sa atin ni Satanas. (1 Corinto 10:13) Hindi ba’t nakaaaliw malaman na laging handang tumulong sa atin si Jehova?
16 Oo, saanmang mapanganib na libis tayo masuong, hindi natin kailangang maglakad doon nang nag-iisa. Kasama natin ang ating Pastol na tumutulong sa atin sa mga paraang hindi natin lubusang napag-uunawa sa simula. Isaalang-alang ang karanasan ng isang Kristiyanong elder na nasuring may kanser sa utak. “Inaamin ko na noong una ay nag-iisip ako kung galít sa akin si Jehova o kung mahal niya ako. Subalit determinado akong hindi lumayo kay Jehova. Sa halip, sinabi ko sa kaniya ang aking niloloob. At tinulungan ako ni Jehova, anupat madalas na inaaliw ako sa pamamagitan ng mga kapatid. Marami ang nagkuwento ng kanilang natutuhan mula sa kanilang sariling karanasan sa pagharap sa malubhang sakit. Ipinaalaala sa akin ng kanilang timbang na mga komento na pangkaraniwan lamang ang dinaranas ko. Dahil sa praktikal na mga tulong, pati na ang ilang nakaaantig-damdaming pagpapakita ng kabaitan, natiyak ko na hindi galít sa akin si Jehova. Mangyari pa, kailangan ko pa ring makipagpunyagi sa aking sakit, at hindi ko alam ang kahihinatnan nito. Subalit kumbinsido ako na kasama ko si Jehova at na patuloy niya akong tutulungan na makayanan ang pagsubok na ito.”
“Naghahanda Ka sa Harapan Ko ng Isang Mesa”
17. Paano inilalarawan ni David si Jehova sa Awit 23:5, at bakit hindi ito salungat sa ilustrasyon hinggil sa isang pastol?
17 Binanggit na ngayon ni David ang pangatlong dahilan ng kaniyang pagtitiwala sa kaniyang Pastol: Pinakakain ni Jehova ang kaniyang mga tupa, at sagana siyang magpakain. Isinulat ni David: “Naghahanda ka sa harapan ko ng isang mesa sa harap niyaong mga napopoot sa akin. Pinahiran mo ng langis ang aking ulo; ang aking kopa ay punung-punô.” (Awit 23:5) Sa talatang ito, inilalarawan ni David ang kaniyang Pastol bilang bukas-palad na punong-abala na saganang naglalaan ng pagkain at inumin. Ang dalawang ilustrasyong ito—ang mapagkalingang pastol at ang bukas-palad na punong-abala—ay hindi magkasalungat. Tutal, alam dapat ng mabuting pastol kung saan matatagpuan ang madamong pastulan at sapat na maiinom na tubig upang hindi ‘kulangin ng anuman’ ang kaniyang kawan.—Awit 23:1, 2.
18. Ano ang nagpapakita na bukas-palad na punong-abala si Jehova?
18 Bukas-palad din ba na punong-abala ang ating Pastol? Aba, oo! Isip-isipin na lamang ang kalidad, dami, at pagkasari-sari ng espirituwal na pagkain natin sa ngayon. Sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin, pinaglalaanan tayo ni Jehova ng nakatutulong na mga publikasyon at saganang mga programa sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon—na pawang sumasapat sa ating espirituwal na mga pangangailangan. (Mateo 24:45-47) Talagang walang kakapusan sa espirituwal na pagkain. Gumagawa ang “tapat at maingat na alipin” ng milyun-milyong Bibliya at pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, at makukuha na ngayon ang gayong mga publikasyon sa 413 wika. Napakarami ng pagkakasari-sari ng espirituwal na pagkaing ito na inilalaan ni Jehova—mula sa “gatas,” saligang mga turo sa Bibliya, hanggang sa “matigas na pagkain,” malalalim na espirituwal na impormasyon. (Hebreo 5:11-14) Bunga nito, kapag napapaharap tayo sa mga suliranin o pagpapasiya, kadalasang nasusumpungan natin ang mismong kailangan natin. Paano na kaya tayo kung walang gayong espirituwal na pagkain? Talagang napakabukas-palad na tagapaglaan ng ating Pastol!—Isaias 25:6; 65:13.
“Tatahan Ako sa Bahay ni Jehova”
19, 20. (a) Sa Awit 23:6, anong pagtitiwala ang ipinahayag ni David, at paano tayo magkakaroon ng gayunding pagtitiwala? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Pagkatapos bulay-bulayin ang mga katangian ng kaniyang Pastol at Tagapaglaan, ito ang naging konklusyon ni David: “Tiyak na susundan ako ng kabutihan at ng maibiging-kabaitan sa lahat ng mga araw ng aking buhay; at tatahan ako sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw.” (Awit 23:6) Nagsalita si David mula sa pusong lipos ng pasasalamat at pananampalataya—pasasalamat sa pag-alaala sa nakaraan at pananampalataya sa pagtanaw sa hinaharap. Panatag ang dating pastol na ito, yamang nalalaman niya na hangga’t nananatili siyang malapít sa kaniyang makalangit na Pastol, na para bang tumatahan sa Kaniyang bahay, lagi siyang tatanggap ng maibiging pangangalaga ni Jehova.
20 Anong laki ng pasasalamat natin sa magagandang salita na nasa ika-23 Awit! Nahanap ni David ang pinakaangkop na paraan upang ilarawan kung paano inaakay, ipinagsasanggalang, at pinakakain ni Jehova ang kaniyang mga tupa. Iningatan ang magiliw na mga kapahayagan ni David upang magtiwala rin tayo na maaasahan natin si Jehova bilang ating Pastol. Oo, hangga’t nananatili tayong malapít kay Jehova, pangangalagaan niya tayo gaya ng maibiging Pastol “sa kahabaan ng mga araw,” hanggang sa walang hanggan. Gayunman, bilang kaniyang mga tupa, may pananagutan tayong lumakad na kasama ng ating dakilang Pastol, si Jehova. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung ano ang nasasangkot dito.
[Mga talababa]
^ par. 6 Tingnan ang Genesis 29:7; Job 30:1; Jeremias 33:13; Lucas 15:4; Juan 10:3, 4.
^ par. 13 Kumatha si David ng ilang awit kung saan pinuri niya si Jehova sa pagliligtas sa kaniya mula sa panganib.—Tingnan bilang halimbawa ang mga superskripsiyon ng Awit 18, 34, 56, 57, 59, at 63.
^ par. 15 Tingnan ang artikulong “Sa Pakikialam ng Diyos—Ano Ang Maaasahan Natin?” sa Oktubre 1, 2003, isyu ng Ang Bantayan.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit angkop na inihalintulad ni David si Jehova sa isang pastol?
• Sa anong paraan maunawain si Jehova sa pag-akay sa atin?
• Sa anu-anong paraan tayo tinutulungan ni Jehova na magbata ng mga pagsubok?
• Ano ang nagpapakita na bukas-palad na punong-abala si Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Tulad ng isang pastol sa Israel, inaakay ni Jehova ang Kaniyang mga tupa