Ang Hula ni Oseas ay Tumutulong sa Atin na Lumakad na Kasama ng Diyos
Ang Hula ni Oseas ay Tumutulong sa Atin na Lumakad na Kasama ng Diyos
“Lalakad silang kasunod ni Jehova.”—OSEAS 11:10.
1. Anong simbolikong drama ang masusumpungan sa aklat ng Oseas?
GUSTO mo ba ang mga dramang may nakatatawag-pansing mga tauhan at magagandang eksena? Ang aklat ng Bibliya na Oseas ay naglalaman ng isang simbolikong drama. * Ang dramang ito ay naglalarawan sa mga nangyari sa pamilya ng propeta ng Diyos na si Oseas at may kaugnayan sa makasagisag na pagpapakasal ni Jehova sa sinaunang Israel sa pamamagitan ng tipan ng Kautusang Mosaiko.
2. Ano ang nalalaman natin tungkol kay Oseas?
2 Ang tagpo sa dramang ito ay masusumpungan sa Oseas kabanata 1. Lumilitaw na nanirahan si Oseas sa teritoryo ng sampung-tribong kaharian ng Israel (tinatawag ding Efraim, dahil sa pangunahing tribo nito). Nanghula siya noong panahon ng paghahari ng huling pitong tagapamahala ng Israel at ng mga hari ng Juda na sina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias. (Oseas 1:1) Kaya nanghula si Oseas nang di-kukulangin sa 59 na taon. Bagaman ang aklat na ipinangalan sa kaniya ay natapos di-nagtagal pagkalipas ng 745 B.C.E., kapit pa rin ito sa ngayon, sa panahong milyun-milyon ang nagtataguyod ng landasing kagaya ng inihula sa mga salitang ito: “Lalakad silang kasunod ni Jehova.”—Oseas 11:10.
Ang Isinisiwalat ng Sumaryo
3, 4. Ipaliwanag sa maikli ang inilalahad sa Oseas kabanata 1 hanggang 5.
3 Ang maikling sumaryo sa Oseas kabanata 1 hanggang 5 ay magpapatibay ng ating kapasiyahan na lumakad na kasama ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya at pagtataguyod ng landasing kasuwato ng kaniyang kalooban. Bagaman nagkasala ng espirituwal na pangangalunya ang mga naninirahan sa kaharian ng Israel, magiging maawain sa kanila ang Diyos kung sila’y magsisisi. Inilarawan ito ng naging pakikitungo ni Oseas sa kaniyang asawang si Gomer. Matapos siyang magsilang kay Oseas ng isang anak, lumilitaw na nagkaroon pa siya ng dalawang anak sa labas. Gayunman, muli siyang tinanggap ni Oseas, kung paanong handa ring magpakita ng awa si Jehova sa nagsisising mga Israelita.—Oseas 1:1–3:5.
4 Nagkaroon ng legal na usapin si Jehova laban sa Israel dahil wala sa lupaing iyon ang katotohanan, maibiging-kabaitan, o kaalaman sa Diyos. Pagsusulitin niya kapuwa ang idolatrosong Israel at ang suwail na kaharian ng Juda. Subalit kapag “nasa kagipitan” naman ang bayan ng Diyos, hinahanap nila si Jehova.—Oseas 4:1–5:15.
Nagsimula ang Drama
5, 6. (a) Gaano kalaganap ang pakikiapid sa sampung-tribong kaharian ng Israel? (b) Bakit makahulugan sa atin ang babalang ibinigay sa sinaunang Israel?
5 “Yumaon ka,” ang utos ng Diyos kay Oseas, “kumuha ka sa ganang iyo ng isang asawang mapakiapid at ng mga anak sa pakikiapid, sapagkat sa pamamagitan ng pakikiapid ay talagang humihiwalay ang lupain mula sa pagsunod kay Jehova.” (Oseas 1:2) Gaano ba kalaganap ang pakikiapid sa Israel? Sinasabi sa atin: “Iniligaw nga [ang bayan ng sampung-tribong kaharian] ng espiritu ng pakikiapid, at dahil sa pakikiapid ay umaalis sila mula sa pagpapasailalim sa kanilang Diyos. . . . Ang inyong mga anak na babae ay nakikiapid at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya. . . . Kung tungkol sa mga lalaki, bumubukod silang kasama ng mga patutot, at naghahain silang kasama ng mga babaing patutot sa templo.”—Oseas 4:12-14.
6 Palasak na ang pakikiapid sa Israel, kapuwa sa espirituwal at pisikal na diwa. Kaya hihingi ng “pagsusulit” si Jehova laban sa mga Israelita. (Oseas 1:4; 4:9) Makahulugan sa atin ang babalang ito dahil pagsusulitin ni Jehova ang mga nagsasagawa ng imoralidad at nakikibahagi sa maruming pagsamba sa ngayon. Ngunit yaong mga lumalakad na kasama ng Diyos ay sumusunod sa kaniyang mga pamantayan sa malinis na pagsamba at nakababatid na “walang sinumang mapakiapid . . . ang may anumang mana sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.”—Efeso 5:5; Santiago 1:27.
7. Ano ang inilalarawan ng ugnayan nina Oseas at Gomer bilang mag-asawa?
7 Nang pakasalan ni Oseas si Gomer, lumilitaw na birhen siya, at isa siyang tapat na asawa noong siya ay “nagsilang sa kaniya ng isang anak na lalaki.” (Oseas 1:3) Gaya ng inilarawan sa simbolikong drama, di-nagtagal matapos palayain ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto noong 1513 B.C.E., nakipagtipan din ang Diyos sa kanila na katulad ng kasunduan sa isang malinis na pag-aasawa. Sa pagsang-ayon sa tipang iyon, nangako ang Israel na magiging tapat sa kaniyang “asawang nagmamay-ari,” si Jehova. (Isaias 54:5) Oo, ang makasagisag na ugnayang ito ng Israel at ng Diyos bilang mag-asawa ay inilalarawan ng malinis na ugnayan nina Oseas at Gomer bilang mag-asawa. Ngunit napakalaki ng ipinagbago ng mga kalagayan!
8. Saan nagmula ang sampung-tribong kaharian ng Israel, at ano ang masasabi mo tungkol sa pagsamba nito?
8 Ang asawa ni Oseas ay “muling nagdalang-tao at nagsilang ng isang anak na babae.” Ang batang babaing iyon at ang kasunod pa nito ay malamang na ipinaglihi ni Gomer dahil sa pangangalunya. (Oseas 1:6, 8) Yamang si Gomer ay kumakatawan sa Israel, baka itanong mo, ‘Paano naging patutot ang Israel?’ Noong 997 B.C.E., humiwalay ang sampung tribo ng Israel mula sa mga tribo ng Juda at Benjamin na nasa timog. Itinatag sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga ang pagsamba sa guya upang hindi na pumunta pa sa Juda ang mga mamamayan nito para sumamba kay Jehova sa kaniyang templo sa Jerusalem. Ang pagsamba sa huwad na diyos na si Baal, na nagtatampok ng pagpapakasasa sa sekso, ay naging talamak sa Israel.
9. Gaya ng inihula sa Oseas 1:6, ano ang nangyari sa Israel?
9 Pagkasilang ng ikalawang anak ni Gomer na malamang na anak din sa labas, sinabi ng Diyos kay Oseas: “Tawagin mong Lo-ruhama [nangangahulugang “Siya na Hindi Pinagpakitaan ng Awa”] ang kaniyang pangalan, sapagkat hindi na ako muling magpapakita ng awa sa sambahayan ng Israel, sapagkat walang pagsalang aalisin ko sila.” (Oseas 1:6) ‘Inalis sila’ ni Jehova nang dalhing bihag ng mga Asiryano ang mga Israelita noong 740 B.C.E. Gayunman, nagpakita ng awa ang Diyos sa dalawang-tribong kaharian ng Juda at iniligtas ito ngunit hindi sa pamamagitan ng busog, tabak, digmaan, mga kabayo, o mga mangangabayo. (Oseas 1:7) Noong 732 B.C.E., pinatay ng isang anghel sa loob lamang ng isang gabi ang 185,000 kawal na Asiryano na nagbabanta sa kabiserang lunsod ng Juda, ang Jerusalem.—2 Hari 19:35.
Ang Legal na Usapin ni Jehova Laban sa Israel
10. Ano ang inilarawan ng mapangalunyang paggawi ni Gomer?
10 Iniwan ni Gomer si Oseas at naging “asawang mapakiapid,” anupat nangalunya sa ibang lalaki. Inilarawan nito kung paanong sa makapulitikang paraan ay nakipag-alyansa ang kaharian ng Israel Oseas 1:2; 2:2, 12, 13.
sa idolatrosong mga bansa at nagsimulang umasa sa mga ito. Sa halip na kilalaning si Jehova ang pinagmulan ng materyal na kasaganaan nito, itinuring ng Israel na nagmula ito sa mga diyos ng gayong mga bansa at nilabag pa ang tipan sa pag-aasawa na ipinakipagtipan nito sa Diyos nang makibahagi ito sa huwad na pagsamba. Hindi nga kataka-takang magkaroon ng legal na usapin si Jehova laban sa espirituwal na mapangalunyang bansang ito!—11. Ano ang nangyari sa tipang Kautusan nang hayaan ni Jehova na maging tapon ang Israel at Juda?
11 Ano ang parusa sa Israel dahil sa pag-iwan sa kaniyang Asawang Nagmamay-ari? Pinangyari ng Diyos na ‘pumaroon siya sa ilang’ ng Babilonia, ang bansang lumupig sa Asirya, kung saan itinapon ang mga Israelita noong 740 B.C.E. (Oseas 2:14) Nang wakasan ni Jehova sa ganitong paraan ang 10-tribong kaharian, hindi niya pinawalang-bisa ang kaniyang tipan sa pag-aasawa sa orihinal na 12-tribong bansa ng Israel. Sa katunayan, nang hayaan ng Diyos na wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E. at pahintulutang maging bihag ang bayan ng Juda, hindi niya pinawi ang tipan ng Kautusang Mosaiko na sa pamamagitan nito ay makasagisag na nagpakasal sa kaniya ang 12-tribo ng Israel. Pinawi lamang ang gayong ugnayan matapos itakwil ng mga lider na Judio si Jesu-Kristo at ipapatay siya noong 33 C.E.—Colosas 2:14.
Pinayuhan ni Jehova ang Israel
12, 13. Ano ang diwa ng Oseas 2:6-8, at paano kumakapit sa Israel ang mga salitang iyon?
12 Pinayuhan ng Diyos ang Israel na “alisin ang kaniyang pakikiapid,” subalit nais niyang sumunod sa mga maalab na umiibig sa kaniya. (Oseas 2:2, 5) “Kaya narito,” ang sabi ni Jehova, “babakuran ko ng mga tinik ang iyong daan; at magbubunton ako ng batong pader laban sa kaniya, anupat ang kaniyang sariling mga lansangan ay hindi niya masusumpungan. At hahabulin nga niya ang kaniyang mga maalab na mangingibig, ngunit hindi niya sila aabutan; at tiyak na hahanapin niya sila, ngunit hindi niya sila masusumpungan. At sasabihin niya, ‘Nais kong yumaon at bumalik sa aking asawa, ang una, sapagkat mas mabuti pa ang kalagayan ko nang panahong iyon kaysa sa ngayon.’ Ngunit hindi niya kinilala na ako ang nagbigay sa kaniya ng butil at ng matamis na alak at ng langis, at na pinarami ko ang pilak para sa kaniya, at ang ginto, na ginamit nila para kay Baal [o, na “ginawa nilang imahen ni Baal,” talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References].”—Oseas 2:6-8.
13 Bagaman hiningi ng Israel ang tulong ng mga bansang naging “mga maalab na mangingibig” nito, wala isa man sa kanila ang nakatulong sa kaniya. Binakuran siya ng waring di-mapapasok na palumpungan, upang hindi sila makapagbigay ng anumang tulong sa kaniya. Pagkatapos ng tatlong taóng pagkubkob ng Asirya, bumagsak ang kabiserang lunsod nito, ang Samaria, noong 740 B.C.E., at hindi na kailanman muling naitatag ang sampung-tribong kaharian. Iilan lamang sa mga bihag na Israelita ang nakapag-isip-isip kung gaano kaganda ang situwasyon noong pinaglilingkuran pa ng kanilang mga ninuno si Jehova. Itinakwil ng mga nalabing iyon ang pagsamba kay Baal at hinangad ang panibagong pakikipagtipan kay Jehova.
Isa Pang Pagsusuri sa Drama
14. Bakit ibinalik ni Oseas ang pakikipag-ugnayan kay Gomer bilang kaniyang asawa?
14 Upang lubusang maunawaan ang koneksiyon ng kalagayan ng pag-aasawa ni Oseas at ng kaugnayan ng Israel kay Jehova, isaalang-alang ang Oseas 3:1) Sinunod ni Oseas ang utos na ito sa pamamagitan ng muling pagbili kay Gomer mula sa lalaking kinakasama nito. Pagkatapos, mariing pinayuhan ni Oseas ang kaniyang asawa: “Sa loob ng maraming araw ay tatahan ka bilang akin. Huwag kang makikiapid, at huwag kang magiging sa ibang lalaki.” (Oseas 3:2, 3) Tumugon naman si Gomer sa disiplina, at ibinalik ni Oseas ang pakikipag-ugnayan sa kaniya bilang asawa. Paano ito kumapit sa pakikitungo ng Diyos sa bayan ng Israel at Juda?
mga salitang ito: “Sinabi ni Jehova sa akin: ‘Yumaon ka nang minsan pa, umibig ka sa isang babae na iniibig ng isang kasamahan at nangangalunya.’ ” (15, 16. (a) Sa anong mga kalagayan makakamit ng bansang dinisiplina ng Diyos ang kaniyang awa? (b) Paano natupad ang Oseas 2:18?
15 Samantalang bihag pa sa Babilonya ang mga tapon mula sa Israel at Juda, ginamit ng Diyos ang kaniyang mga propeta upang siya ay ‘magsalita sa kanilang puso.’ Upang makamit ang awa ng Diyos, kailangang magpakita ng pagsisisi ang kaniyang bayan at magbalik sa kanilang Asawang Nagmamay-ari, gaya ni Gomer na bumalik sa kaniyang asawa. Kung magkagayon ay ilalabas ni Jehova ang kaniyang dinisiplinang tulad-asawang bansa mula sa “ilang” ng Babilonya at ibabalik siya sa Juda at Jerusalem. (Oseas 2:14, 15) Tinupad niya ang pangakong iyan noong 537 B.C.E.
16 Tinupad din ng Diyos ang pangakong ito: “Makikipagtipan ako sa araw na iyon may kaugnayan sa mabangis na hayop sa parang at sa lumilipad na nilalang sa langit at sa gumagapang na bagay sa lupa, at ang busog at ang tabak at digmaan ay papawiin ko mula sa lupain, at pahihigain ko sila nang tiwasay.” (Oseas 2:18) Ang mga nalabing Judio na nagbalik sa kanilang sariling lupain ay namuhay nang matiwasay, anupat hindi na kailangang matakot sa mga hayop. Nagkaroon din ng katuparan ang hulang ito noong 1919 C.E., nang palayain ang nalabi ng espirituwal na Israel mula sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Nananahan sila ngayon sa katiwasayan at nagtatamasa ng buhay sa isang espirituwal na paraiso kapiling ng kanilang mga kasamahan, na umaasang mabubuhay magpakailanman sa lupa. Ang makahayop na pag-uugali ay hindi na makikita sa tunay na mga Kristiyanong ito.—Apocalipsis 14:8; Isaias 11:6-9; Galacia 6:16.
Isapuso ang mga Aral
17-19. (a) Anong mga katangian ng Diyos ang hinihimok dito na tularan natin? (b) Paano tayo dapat maapektuhan ng awa at habag ni Jehova?
17 Ang Diyos ay maawain at mahabagin, at dapat na gayon din tayo. Iyan ang isang aral na itinuturo ng unang mga kabanata ng Oseas. (Oseas 1:6, 7; 2:23) Ang pagnanais ng Diyos na maglawit ng awa sa nagsisising mga Israelita ay kasuwato ng kinasihang kawikaan: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.” (Kawikaan 28:13) Nakaaaliw rin sa nagsisising manggagawa ng kamalian ang mga salita ng salmista: “Ang mga hain sa Diyos ay isang wasak na espiritu; ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.”—Awit 51:17.
18 Itinatampok ng hula ni Oseas ang habag at awa ng Diyos na ating sinasamba. Sakali mang mapalihis ang ilan mula sa Kaniyang matuwid na mga landas, maaari silang magsisi at manumbalik. Kung gagawin nila iyon, malugod silang tatanggapin ni Jehova. Nagpakita siya ng awa sa nagsisising mga miyembro ng bansang Israel, na makasagisag niyang pinakasalan. Bagaman sinuway nila si Jehova at ‘pinasakitan ang Banal ng Israel, siya ay maawain at inaalaala niyang sila ay laman.’ (Awit 78:38-41) Ang gayong awa ay dapat magtulak sa atin na patuloy na lumakad na kasama ng ating mahabaging Diyos, si Jehova.
19 Bagaman palasak sa Israel ang mga kasalanang gaya ng pamamaslang, pagnanakaw, at pangangalunya, si Jehova ay ‘nagsalita sa puso ng Israel.’ (Oseas 2:14; 4:2) Dapat na mapasigla ang ating puso at mapatibay ang ating personal na kaugnayan kay Jehova habang binubulay-bulay natin ang kaniyang awa at habag. Kaya tanungin natin ang ating sarili: ‘Paano ko kaya higit na matutularan ang awa at habag ni Jehova sa aking pakikitungo sa iba? Kung humingi ng tawad ang isang kapuwa Kristiyano na nagkasala sa akin, handa ba akong magpatawad gaya ng Diyos?’—Awit 86:5.
20. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang dapat tayong magtiwala sa bigay-Diyos na pag-asa.
20 Nagbibigay ang Diyos ng tunay na pag-asa. Halimbawa, ipinangako niya: “Ibibigay ko sa kaniya . . . ang mababang kapatagan ng Acor bilang pasukan tungo sa pag-asa.” (Oseas 2:15) Ang sinaunang tulad-asawang organisasyon ni Jehova ay may tiyak na pag-asang maibalik-muli sa kaniyang sariling lupain, kung saan matatagpuan “ang mababang kapatagan ng Acor.” Ang katuparan ng pangakong ito noong 537 B.C.E., ay nagbibigay sa atin ng makatuwirang dahilan upang magsaya sa tiyak na pag-asang inilalaan sa atin ni Jehova.
21. Anong papel ang ginagampanan ng kaalaman sa ating paglakad na kasama ng Diyos?
21 Upang patuloy na lumakad na kasama ng Diyos, kailangan tayong patuloy na kumuha ng kaalaman tungkol sa kaniya at ikapit ito sa ating buhay. Salat na salat sa kaalaman tungkol kay Jehova ang Israel. (Oseas 4:1, 6) Gayunman, lubhang pinahalagahan ng ilan ang turo ng Diyos, ikinapit ito, at lubusan silang pinagpala. Isa sa kanila si Oseas. Gayundin ang 7,000 na hindi lumuhod kay Baal noong panahon ni Elias. (1 Hari 19:18; Roma 11:1-4) Ang ating personal na pagpapahalaga sa turo ng Diyos ay tutulong sa atin na patuloy na lumakad na kasama ng Diyos.—Awit 119:66; Isaias 30:20, 21.
22. Paano dapat malasin ang apostasya?
22 Inaasahan ni Jehova na itatakwil ng mga lalaking nangunguna sa kaniyang bayan ang apostasya. Gayunman, sinasabi ng Oseas 5:1: “Dinggin ninyo ito, O mga saserdote, at magbigay-pansin kayo, O sambahayan ng Israel, at makinig kayo, O sambahayan ng hari, sapagkat ang kahatulan ay may kinalaman sa inyo; sa dahilang naging bitag kayo para sa Mizpa at gaya ng lambat na nakaladlad sa ibabaw ng Tabor.” Ang apostatang mga lider ay naging bitag at lambat sa mga Israelita, na nang-aakit sa kanila na magsagawa ng idolatriya. Ang Bundok Tabor at ang lugar na tinatawag na Mizpa ay malamang na mga sentro ng gayong huwad na pagsamba.
23. Paano ka nakinabang sa pag-aaral sa Oseas kabanata 1 hanggang 5?
23 Hanggang sa puntong ito, naipakita sa atin ng hula ni Oseas na si Jehova ay isang maawaing Diyos na nagbibigay ng pag-asa at nagpapala sa mga nagkakapit ng kaniyang turo at nagtatakwil ng apostasya. Gaya ng nagsisising mga Israelita noon, hanapin natin kung gayon si Jehova at laging sikaping mapalugdan siya. (Oseas 5:15) Sa paggawa nito, aani tayo ng mabuti at magkakaroon ng walang-katulad na kagalakan at kapayapaan na tinatamasa ng lahat ng may-katapatang lumalakad na kasama ng Diyos.—Awit 100:2; Filipos 4:6, 7.
[Talababa]
^ par. 1 Inihaharap sa Galacia 4:21-26 ang isang simbolikong drama. Hinggil dito, tingnan ang Tomo 2, pahina 693-4, ng Insight on the Scriptures, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang inilalarawan ng ugnayan nina Oseas at Gomer bilang mag-asawa?
• Bakit nagkaroon ng legal na usapin si Jehova laban sa Israel?
• Aling aral sa Oseas kabanata 1 hanggang 5 ang nagustuhan mo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Alam mo ba kung kanino kumakatawan ang asawa ni Oseas?
[Larawan sa pahina 19]
Nilupig ng mga Asiryano ang mga naninirahan sa Samaria noong 740 B.C.E.
[Larawan sa pahina 20]
Nagbabalik sa kanilang sariling lupain ang nagagalak na bayan