Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sining ng Pakikinig Nang May Pag-ibig

Ang Sining ng Pakikinig Nang May Pag-ibig

Ang Sining ng Pakikinig Nang May Pag-ibig

“SALAMAT sa iyong pakikinig.” May nakapagsabi na ba sa iyo ng ganiyan kamakailan? Napakasarap pakinggan! Ang isang mabuting tagapakinig ay pinahahalagahan ng halos lahat ng tao. Sa pakikinig nang mabuti, napagiginhawa natin ang mga taong napipighati o napabibigatan dahil sa mga problema. At hindi ba’t nakatutulong sa atin ang pagiging mabuting tagapakinig para mapahalagahan ang mga tao? Sa kongregasyong Kristiyano, ang pakikinig nang may pag-ibig ay isang mahalagang bahagi ng ‘pagsasaalang-alang sa isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at maiinam na gawa.’​—Hebreo 10:24.

Gayunman, maraming tao ang hindi marunong makinig. Mahilig silang magpayo, maglahad ng kanilang sariling karanasan, o magsabi ng kanilang mga pangmalas sa halip na makinig sa nais sabihin ng iba. Talagang isang sining ang pakikinig. Paano tayo matututong makinig nang may pag-ibig?

Isang Mahalagang Susi

Si Jehova ang ating “Dakilang Tagapagturo.” (Isaias 30:20) Marami siyang maituturo sa atin tungkol sa pakikinig. Isaalang-alang kung paano tinulungan ni Jehova ang propetang si Elias. Palibhasa’y natakot sa mga banta ni Reyna Jezebel, tumakas si Elias tungo sa iláng at nagsabing sana’y mamatay na lamang siya. Doon, nakipag-usap sa kaniya ang anghel ng Diyos. Habang ipinaliliwanag ng propeta kung bakit siya natakot, nakinig si Jehova at pagkatapos ay nagtanghal ng Kaniyang dakilang kapangyarihan. Ang resulta? Yamang hindi na takót, nagbalik si Elias sa kaniyang atas. (1 Hari 19:2-15) Bakit nagbigay ng panahon si Jehova para makinig sa ikinababahala ng kaniyang mga lingkod? Dahil nagmamalasakit siya sa kanila. (1 Pedro 5:7) Narito ang isang susi sa pagiging mabuting tagapakinig: Magmalasakit sa iba, at magpakita ng tunay na pagkabahala sa kanila.

Nang malubhang magkasala ang isang lalaki sa Bolivia, pinahalagahan niya ang gayong pagmamalasakit mula sa isang kapananampalataya. Nagpaliwanag ang lalaki: “Iyon na ang pinakamalungkot na yugto ng aking buhay. Sumuko na sana ako sa pagsisikap na paglingkuran si Jehova kung hindi dahil sa isang brother na naglaan ng panahon upang makinig sa akin. Wala siyang gaanong sinabi, pero nang makita kong handa siyang makinig bilang pagmamalasakit, talagang nakapagpalakas ito sa akin. Hindi ko kailangan ang solusyon; alam ko kung ano ang dapat kong gawin. Kailangan ko lamang malaman na may nagmamalasakit sa aking nararamdaman. Dahil sa kaniyang pakikinig, hindi ako lubusang nawalan ng pag-asa.”

Si Jesu-Kristo ay isang dakilang Huwaran sa sining ng pakikinig nang may pag-ibig. Di-nagtagal pagkamatay ni Jesus, dalawa sa kaniyang mga alagad ang naglakbay mula sa Jerusalem patungo sa isang nayon na mga 11 kilometro ang layo. Walang alinlangan na nanghina ang kanilang loob. Kaya nakisabay sa kanila sa paglakad ang binuhay-muling si Jesu-Kristo. Nagbangon siya ng mga tanong na pinag-isipang-mabuti upang malaman ang kanilang ikinababahala, at tumugon naman ang mga alagad. Ipinahayag nila ang mga pag-asang kanilang pinanghahawakan at ang kabiguan at kalituhang nadarama nila nang panahong iyon. Nagmalasakit si Jesus sa kanila, at ang kaniyang pakikinig nang may pag-ibig ang nagpasigla sa dalawang alagad para makinig. Pagkatapos ay “binigyang-kahulugan [ni Jesus] sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.”​—Lucas 24:13-27.

Ang pakikinig muna ay isang maibiging paraan upang pakinggan tayo ng iba. “Hindi nagugustuhan ng aking mga magulang at biyenan ang pagpapalaki ko sa aking mga anak,” ang sabi ng isang babaing taga-Bolivia. “Nagdaramdam ako sa kanilang mga komento, ngunit kulang pa rin ang tiwala ko sa aking sarili bilang isang magulang. Nang panahong iyon, isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa akin. Ipinakipag-usap niya sa akin ang tungkol sa mga pangako ng Diyos. Gayunman, dahil sa paraan ng pagtatanong niya sa aking opinyon, napag-isip-isip ko na handang makinig sa akin ang babaing ito. Pinatuloy ko siya, at di-nagtagal ay ipinaliliwanag ko na sa kaniya ang aking problema. Matiyaga siyang nakinig. Itinanong niya kung ano ang pangarap ko sa aking mga anak at kung ano ang opinyon dito ng aking asawa. Nakagiginhawang makasama ang isa na handang umunawa sa akin. Nang ipakita na niya sa akin ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa buhay pampamilya, alam kong nakikipag-usap ako sa isa na nagmamalasakit sa aking situwasyon.”

“Ang pag-ibig . . . ay hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan,” ang sabi ng Bibliya. (1 Corinto 13:4, 5) Kung gayon, ang pakikinig nang may pag-ibig ay nangangahulugan na isinasaisantabi natin ang ating sariling kapakanan. Maaaring mangahulugan ito ng pagpatay sa telebisyon, pagbitaw sa pahayagan, o pagpatay sa cell phone kapag kinakausap tayo ng iba tungkol sa isang seryosong bagay. Ang pakikinig nang may pag-ibig ay nangangahulugan ng pagiging lubhang interesado sa iniisip ng isang tao. Humihiling ito ng hindi pagbabaling ng usapan sa ating sarili sa pamamagitan ng pagsasabi ng ganito, “Naalaala ko tuloy ang nangyari sa akin noon.” Bagaman maaari namang gawin ito sa isang palakaibigang pag-uusap, kailangan nating isaisantabi ang personal na mga interes kapag ipinakikipag-usap ng isa ang isang malubhang problema. Maaari pang ipamalas sa ibang paraan ang tunay na interes sa iba.

Makinig Upang Maunawaan ang Nadarama ng Iba

Napakinggan ng mga kasamahan ng lalaking si Job ang di-kukulangin sa sampu sa kaniyang mga pahayag. Gayunman, ibinulalas ni Job: “O kung sana ay may nakikinig sa akin.” (Job 31:35) Bakit? Dahil ang kanilang pakikinig ay hindi nakaaaliw. Hindi sila nagmalasakit kay Job ni nagnais mang maunawaan ang kaniyang nadarama. Talagang wala silang pakikipagkapuwa-tao na gaya ng sa madamaying mga tagapakinig. Ngunit nagpapayo si apostol Pedro: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw, mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Pedro 3:8) Paano natin maipakikita ang pakikipagkapuwa-tao? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagkabahala sa nadarama ng ibang tao at pagsisikap na maunawaan ang mga ito. Ang may-pagkamadamaying pagkokomento na gaya ng “nakakainis nga naman iyon” o “hindi ka nga siguro naintindihan” ay isang paraan upang ipakita na nababahala tayo. Ang isa pang paraan ay ang ulitin ang sinasabi ng isang tao sa ating sariling pananalita upang ipakitang nauunawaan natin ang kaniyang sinasabi. Ang pakikinig nang may pag-ibig ay nangangahulugan ng pagbibigay-pansin hindi lamang sa mga salita kundi maging sa damdamin na ipinahihiwatig ng mga ito.

Si Robert * ay isang makaranasang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Naglahad siya: “Minsan na akong pinanghinaan ng loob sa aking ministeryo. Kaya nakipag-usap ako sa naglalakbay na tagapangasiwa. Siya ay nakinig na mabuti at nagsikap na maunawaan ang aking nadarama. Waring naiintindihan pa nga niya ang aking pangamba na baka pintasan niya ako dahil sa aking saloobin. Tiniyak sa akin ng kapatid na nauunawaan naman niya ang aking nadarama, sapagkat siya mismo ay nakadama na ng gayon. Talagang nakatulong ito sa akin upang magpatuloy.”

Makapakikinig ba tayo nang hindi inaayunan ang sinasabi sa atin? Maaari ba nating sabihin sa isa na pinahahalagahan natin ang pagsasabi niya ng kaniyang nadarama? Oo. Paano kung ang iyong binatilyo ay nakipag-away sa paaralan o ang iyong dalagita ay umuwi at nagsabi na umiibig na siya? Hindi ba’t mas mabuti sa isang magulang na makinig muna at magsikap na maunawaan kung ano ang iniisip ng kabataan bago magpaliwanag kung ano ang wasto at di-wastong paggawi?

“Ang panukala sa puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig,” ang sabi ng Kawikaan 20:5, “ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” Kung ang isang marunong at makaranasang tao ay hindi mahilig magpayo kung hindi ito hinihingi, baka kailangan natin siyang ganyakin upang marinig ang kaniyang payo. Ganiyan din kapag nakikinig tayo nang may pag-ibig. Kailangan ang kaunawaan para maganyak na sabihin ng isang tao ang kaniyang niloloob. Nakatutulong ang pagtatanong, ngunit dapat tayong maging maingat na ang ating mga tanong ay hindi nanghihimasok sa pribadong mga bagay. Baka makatutulong na imungkahing magsimula ang nagsasalita sa mga bagay na sa tingin niya’y hindi nakaaasiwang banggitin. Halimbawa, ang isang asawang babae na nais ipakipag-usap ang tungkol sa mga problema nilang mag-asawa ay baka mas madaling makapagpasimula kung pag-uusapan muna kung paano sila nagkakilala ng kaniyang asawa hanggang sa sila’y magpakasal. Ang isang tao na naging di-aktibo sa ministeryong Kristiyano ay baka mas madaling makapagpasimula kung ipaliliwanag muna niya kung paano niya natutuhan ang katotohanan.

Pakikinig Nang May Pag-ibig​—Isang Hamon

Maaaring mahirap makinig kapag ang isa ay galít sa atin, sapagkat likas sa atin na ipagtanggol ang ating sarili. Paano natin haharapin ang gayong hamon? “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit,” ang sabi ng Kawikaan 15:1. Ang isang paraan upang makasagot nang mahinahon ay ang may-kabaitang anyayahan ang isang tao na magsalita at pagkatapos ay matiyagang makinig habang ipinahahayag niya ang kaniyang hinanakit.

Ang mainitang mga pagtatalo ay kadalasang sa pagitan ng dalawang taong basta inuulit lamang ang kanilang nasabi na. Pareho nilang nadarama na hindi nakikinig ang kanilang kausap. Napakainam nga kung hihinto ang isa sa kanila at talagang makikinig! Siyempre pa, mahalaga na magpigil ng sarili at magpahayag ng niloloob sa maingat at maibiging paraan. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.”​—Kawikaan 10:19.

Ang kakayahang makinig nang may pag-ibig ay hindi likas sa atin. Gayunman, isa itong sining na maaaring matutuhan sa pamamagitan ng pagsisikap at disiplina. Tiyak na isa itong kasanayan na mahalagang matutuhan. Ang pakikinig na mabuti kapag nagsasalita ang iba ay isang kapahayagan ng ating pag-ibig. Nagdudulot din ito ng kaligayahan sa atin. Kung gayon, isa ngang katalinuhan na linangin ang sining ng pakikinig nang may pag-ibig!

[Talababa]

^ par. 12 Binago ang pangalan.

[Larawan sa pahina 11]

Kapag nakikinig, kailangan nating isaisantabi ang ating sariling kapakanan

[Larawan sa pahina 12]

Maaaring mahirap makinig kapag ang isa ay galít