“Ang mga Daan ni Jehova ay Matapat”
“Ang mga Daan ni Jehova ay Matapat”
“Ang mga daan ni Jehova ay matapat, at ang mga matuwid ang siyang lalakad sa mga iyon.”—OSEAS 14:9.
1, 2. Anong uri ng pasimula ang ibinigay ni Jehova sa mga Israelita, ngunit ano ang nangyari sa kanila?
BINIGYAN ni Jehova ng matapat na pasimula ang mga Israelita noong panahon ng propetang si Moises. Subalit pagsapit ng unang mga taon ng ikawalong siglo B.C.E., naging napakasama ng situwasyon nila anupat nasumpungan ng Diyos na sila’y nagkasala nang malubha. Kitang-kita ito sa Oseas kabanata 10 hanggang 14.
2 Naging mapagpaimbabaw ang puso ng Israel. Ang bayan ng sampung-tribong kahariang iyan ay ‘nag-araro ng kabalakyutan’ at gumapas ng kalikuan. (Oseas 10:1, 13) “Noong bata pa ang Israel ay inibig ko siya,” ang sabi ni Jehova, “at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.” (Oseas 11:1) Bagaman iniligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ang iginanti nila sa kaniya ay pagsisinungaling at panlilinlang. (Oseas 11:12) Kaya naman ganito ang ipinayo ni Jehova sa kanila: “Sa iyong Diyos ay dapat kang manumbalik, na nag-iingat ng maibiging-kabaitan at katarungan.”—Oseas 12:6.
3. Ano ang mangyayari sa mapaghimagsik na Samaria, ngunit paano makatatanggap ng awa ang mga Israelita?
3 Magiging kapaha-pahamak ang wakas ng mapaghimagsik na Samaria at ng hari nito. (Oseas 13:11, 16) Ngunit nagsisimula ang huling kabanata ng hula ni Oseas sa ganitong pakiusap: “Manumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos, O Israel.” Kung may-pagsisisi sanang humingi ng tawad ang mga Israelita, kaaawaan sila ng Diyos. Siyempre pa, kailangang kilalanin nila na “ang mga daan ni Jehova ay matapat” at dapat nilang lakaran ang mga ito.—Oseas 14:1-6, 9.
4. Anu-anong simulain mula sa hula ni Oseas ang isasaalang-alang natin?
4 Ang bahaging ito ng hula ni Oseas ay naglalaman ng maraming simulain na makatutulong sa atin na lumakad na kasama ng Diyos. Isasaalang-alang natin ang mga ito: (1) Humihiling si Jehova ng walang-pagpapaimbabaw na pagsamba, (2) ipinakikita ng Diyos sa kaniyang bayan ang matapat na pag-ibig, (3) kailangan tayong palaging umasa kay Jehova, (4) laging matapat ang mga daan ni Jehova, at (5) makapanunumbalik kay Jehova ang mga makasalanan.
Humihiling si Jehova ng Walang-Pagpapaimbabaw na Pagsamba
5. Anong uri ng paglilingkod ang inaasahan ng Diyos sa atin?
5 Inaasahan ni Jehova na mag-uukol tayo ng sagradong paglilingkod sa kaniya sa malinis at walang-pagpapaimbabaw na paraan. Gayunman, ang Israel ay naging di-mabungang “punong ubas na nabubulok.” Ang mga naninirahan sa Israel ay ‘nagparami ng mga altar’ para gamitin sa huwad na pagsamba. Ang mga apostatang ito ay nagtayo pa nga ng mga haligi—marahil ay mga obelisko na dinisenyong gamitin para sa maruming pagsamba. Sisirain ni Jehova ang mga altar na ito at wawasakin ang gayong mga haligi.—Oseas 10:1, 2.
6. Upang makalakad na kasama ng Diyos, anong ugali ang dapat nating iwaksi?
6 Walang dako ang pagpapaimbabaw sa mga lingkod ni Jehova. Ngunit ano ang nangyari sa mga Israelita? Aba, “ang kanilang puso ay naging mapagpaimbabaw”! Bagaman nakipagtipan na sila kay Jehova bilang isang bayang nakaalay sa kaniya, nasumpungan niyang nagkasala sila ng pagpapaimbabaw. Ano ang matututuhan natin dito? Kung naialay na natin ang ating sarili sa Diyos, hindi tayo dapat maging mapagpaimbabaw. Nagbababala ang Kawikaan 3:32: “Ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid.” Upang makalakad na kasama ng Diyos, dapat nating ipakita ang pag-ibig “mula sa isang malinis na puso at mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”—1 Timoteo 1:5.
Ipinakikita ng Diyos sa Kaniyang Bayan ang Matapat na Pag-ibig
7, 8. (a) Sa anong mga kalagayan natin matatamasa ang matapat na pag-ibig ng Diyos? (b) Ano ang dapat nating gawin kung nagkasala tayo nang malubha?
7 Kung sasambahin natin si Jehova sa walang-pagpapaimbabaw at matapat na paraan, tatanggapin natin ang kaniyang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig. Sinabi sa suwail na mga Israelita: “Maghasik kayo ng binhi sa katuwiran para sa inyong sarili; gumapas kayo ayon sa maibiging-kabaitan. Magbungkal kayo ng sakahang lupain para sa inyong sarili, habang may panahon upang hanapin si Jehova hanggang sa dumating siya at magbigay sa inyo ng tagubilin sa katuwiran.”—Oseas 10:12.
8 Kung may-pagsisisi lamang sanang hinanap ng mga Israelita si Jehova! Kung gayon, malugod niya silang ‘bibigyan ng tagubilin sa katuwiran.’ Kung tayo ay personal na nagkasala nang malubha, hanapin natin si Jehova, na nananalangin sa kaniya ukol sa kapatawaran at humihingi ng espirituwal na tulong mula sa Kristiyanong matatanda. (Santiago 5:13-16) Hanapin din sana natin ang patnubay ng banal na espiritu ng Diyos, sapagkat “siyang naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.” (Galacia 6:8) Kung tayo ay ‘maghahasik may kinalaman sa espiritu,’ patuloy nating matatamasa ang matapat na pag-ibig ng Diyos.
9, 10. Paano kumakapit sa Israel ang Oseas 11:1-4?
9 Makapagtitiwala tayo na si Jehova ay laging nakikitungo sa kaniyang bayan sa maibiging paraan. Masusumpungan ang katibayan nito sa Oseas 11:1-4, kung saan mababasa natin: “Noong bata pa ang Israel ay inibig ko siya, at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak. . . . Sa mga imahen ni Baal ay naghain sila, at sa mga nililok na imahen ay nagsimula silang gumawa ng haing usok. Ngunit ako naman, tinuruan kong lumakad ang Efraim [ang mga Israelita], na binubuhat sila sa aking mga bisig; at hindi nila kinilala na pinagaling ko sila. Sa pamamagitan ng lubid ng makalupang tao ay patuloy ko silang hinila, sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig, anupat sa kanila ay naging gaya ako niyaong mga nag-aalis ng pamatok sa kanilang mga panga, at banayad akong nagdala ng pagkain sa bawat isa.”
10 Dito’y inihambing ang Israel sa isang munting bata. Maibiging tinuruan ni Jehova na lumakad ang mga Israelita, anupat binubuhat sila sa kaniyang mga bisig. At patuloy niya silang hinila sa pamamagitan ng “mga panali ng pag-ibig.” Isa ngang nakaaantig-damdaming tagpo! Gunigunihin na isa kang magulang na tumutulong sa iyong anak na humakbang sa unang pagkakataon. Nakaunat ang iyong mga bisig. Baka gumagamit ka pa nga ng mga panali na mahahawakan ng iyong maliit na anak upang hindi siya mabuwal. Gayung-gayon kagiliw ang pag-ibig ni Jehova sa iyo. Nalulugod siyang akayin ka sa pamamagitan ng “mga panali ng pag-ibig.”
11. Sa anong paraan ‘naging gaya ng nag-aalis ng pamatok’ ang Diyos?
11 Sa pakikitungo sa mga Israelita, si Jehova ay ‘naging gaya niyaong mga nag-aalis ng pamatok sa kanilang mga panga, at banayad siyang nagdala ng pagkain sa bawat isa.’ Kumilos ang Diyos na parang isang nag-aalis o nag-iisod sa pamatok upang makakain nang maalwan ang isang hayop. Napasailalim lamang ang bayan ng Israel sa mapaniil na pamatok ng kanilang mga kaaway nang sirain nila ang kanilang pamatok ng pagpapasakop kay Jehova. (Deuteronomio 28:45, 48; Jeremias 28:14) Huwag sana tayong mahulog kailanman sa kamay ng ating pangunahing kaaway, si Satanas, at dumanas ng kirot sa kaniyang mapaniil na pamatok. Sa halip, patuloy tayong lumakad nang matapat kasama ng ating maibiging Diyos.
Palaging Umasa kay Jehova
12. Ayon sa Oseas 12:6, ano ang kailangan upang patuloy tayong makalakad na kasama ng Diyos?
12 Upang patuloy na lumakad na kasama ng Diyos, dapat na palagi tayong umasa sa kaniya. Sinabi sa mga Israelita: “May kinalaman sa iyo, sa iyong Diyos ay dapat kang manumbalik, na nag-iingat ng maibiging-kabaitan at katarungan; at umasa nawang palagi sa iyong Diyos.” (Oseas 12:6) Makapagbibigay ang mga naninirahan sa Israel ng katibayan ng may-pagsisising panunumbalik kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapamalas ng maibiging-kabaitan, pagsasagawa ng katarungan, at ‘palaging pag-asa sa Diyos.’ Gaanuman tayo katagal na lumalakad na kasama ng Diyos, dapat na maging determinado tayong magpamalas ng maibiging-kabaitan, magsagawa ng katarungan, at palaging umasa sa Diyos.—Awit 27:14.
13, 14. Paano ikinapit ni Pablo ang Oseas 13:14, na nagbibigay sa atin ng anong dahilan upang umasa kay Jehova?
13 Ang hula ni Oseas may kaugnayan sa mga Israelita ay nagbibigay sa atin ng pantanging dahilan upang umasa sa Diyos. “Mula sa kamay ng Sheol ay tutubusin ko sila,” ang sabi ni Jehova. “Mula sa kamatayan ay babawiin ko sila. Nasaan ang iyong mga tibo, O Kamatayan? Nasaan ang iyong pagiging mapamuksa, O Sheol?” (Oseas 13:14) Hindi nilayon ni Jehova na iligtas ang mga Israelita mula sa kamatayan noong panahong iyon, ngunit sa dakong huli ay lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman at pawawalang-saysay ang tagumpay nito.
14 Sa pagliham sa mga kapuwa pinahirang Kristiyano, sumipi si Pablo sa hula ni Oseas at sumulat: “Kapag ito na nasisira ay nagbihis ng kawalang-kasiraan at ito na mortal ay nagbihis ng imortalidad, kung magkagayon ay magaganap ang pananalita na nakasulat: ‘Ang kamatayan ay nilulon magpakailanman.’ ‘Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong tibo?’ Ang tibo na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan, ngunit ang kapangyarihan para sa kasalanan ay ang Kautusan. Ngunit salamat sa Diyos, sapagkat ibinibigay niya sa atin ang tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!” (1 Corinto 15:54-57) Ibinangon ni Jehova si Jesus mula sa kamatayan, anupat nagbibigay ng isang nakaaaliw na garantiya na bubuhaying-muli ang mga taong nasa alaala ng Diyos. (Juan 5:28, 29) Isa ngang nakagagalak na dahilan upang umasa kay Jehova! Gayunman, isa pang bagay bukod sa pag-asang pagkabuhay-muli ang nag-uudyok sa atin na lumakad na kasama ng Diyos.
Laging Matapat ang mga Daan ni Jehova
15, 16. Ano ang inihula hinggil sa Samaria, at paano natupad ang hula?
15 Ang ating pananalig na “ang mga daan ni Jehova ay matapat” ay tumutulong sa atin na magpatuloy sa paglakad na kasama ng Diyos. Hindi lumakad sa matuwid na mga daan ng Diyos ang mga naninirahan sa Samaria. Dahil dito, pagbabayaran nila ang kanilang kasalanan at kawalan ng pananampalataya kay Jehova. Ganito ang inihula: “Ang Samaria ay ituturing na may-sala, sapagkat siya ay totoong mapaghimagsik laban sa kaniyang Diyos. Sa pamamagitan ng tabak ay mabubuwal sila. Ang kanilang mga anak ay pagluluray-lurayin, at ang kanilang mga babaing nagdadalang-tao ay wawakwakin.” (Oseas 13:16) Ipinakikita ng makasaysayang mga ulat na kayang gawin ng mga Asiryano, na lumupig sa Samaria, ang kahila-hilakbot na mga kalupitang iyon.
16 Ang Samaria ang kabiserang lunsod ng sampung-tribong kaharian ng Israel. Subalit dito, ang pangalang Samaria ay maaaring kumapit sa buong teritoryo ng kahariang iyon. (1 Hari 21:1) Kinubkob ni Haring Salmaneser V ng Asirya ang lunsod ng Samaria noong 742 B.C.E. Nang sa wakas ay bumagsak ang Samaria noong 740 B.C.E., marami sa prominenteng mga naninirahan doon ang ipinatapon sa Mesopotamia at Media. Hindi pa rin tiyak kung sino talaga kina Salmaneser V o sa kaniyang kahalili, si Sargon II, ang nakabihag sa Samaria. (2 Hari 17:1-6, 22, 23; 18:9-12) Gayunman, tinutukoy ng mga ulat ni Sargon ang pagpapatapon sa 27,290 Israelita sa mga lugar sa itaas na bahagi ng Eufrates at sa Media.
17. Sa halip na lapastanganin ang mga pamantayan ng Diyos, ano ang dapat nating gawin?
17 Pinagbayaran nang malaki ng mga naninirahan sa Samaria ang hindi nila pagsunod sa matapat na mga daan ni Jehova. Bilang nakaalay na mga Kristiyano, tayo rin ay daranas ng masasaklap na resulta kung mamimihasa tayo sa pagkakasala, anupat nilalapastangan ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Huwag sana nating itaguyod kailanman ang gayong balakyot na landasin! Sa halip, ikapit ng bawat isa sa atin ang payo ni apostol Pedro: “Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamaslang o magnanakaw o manggagawa ng kasamaan o bilang isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao. Ngunit kung siya ay nagdurusa bilang isang Kristiyano, huwag siyang mahiya, kundi patuloy niyang luwalhatiin ang Diyos sa pangalang ito.”—1 Pedro 4:15, 16.
18. Paano natin ‘patuloy na maluluwalhati ang Diyos’?
18 ‘Patuloy nating niluluwalhati ang Diyos’ sa pamamagitan ng paglakad sa kaniyang matapat na mga daan sa halip na paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa ating sariling kagustuhan. Pumatay si Cain dahil ginawa niya ang gusto niya at hindi nakinig sa babala ni Jehova na malapit na siyang sunggaban ng kasalanan. (Genesis 4:1-8) Tumanggap si Balaam ng kabayaran mula sa hari ng Moab ngunit nabigo ang kaniyang pagtatangkang sumpain ang Israel. (Bilang 24:10) At pinatay ng Diyos ang Levitang si Kora at ang iba pa dahil sa paghihimagsik sa awtoridad nina Moises at Aaron. (Bilang 16:1-3, 31-33) Tiyak na ayaw nating lumakad sa mapamaslang na “landas ni Cain,” sumugod sa “maling landasin ni Balaam, o malipol sa “mapaghimagsik na salita ni Kora.” (Judas 11) Gayunman, kung magkasala tayo, nagbibigay sa atin ng kaaliwan ang hula ni Oseas.
Makapanunumbalik kay Jehova ang mga Makasalanan
19, 20. Anong mga hain ang naihandog ng mga nagsisising Israelita?
19 Kahit yaong mga nabuwal dahil sa paggawa ng malubhang kasalanan ay makapanunumbalik kay Jehova. Sa Oseas 14:1, 2, masusumpungan natin ang pamamanhik na ito: “Manumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos, O Israel, sapagkat nabuwal ka sa iyong kamalian. Magdala kayo ng mga salita at manumbalik kay Jehova. Sabihin ninyong lahat sa kaniya, ‘Pagpaumanhinan mo nawa ang kamalian; at tanggapin mo ang mabuti, at ihahandog namin bilang ganti ang mga guyang toro ng aming mga labi.’ ”
20 Ang nagsisising mga Israelita ay nakapaghandog sa Diyos ‘ng mga guyang toro ng kanilang mga labi.’ Ito ay mga hain ng taimtim na papuri. Tinukoy ni Pablo ang hulang ito nang himukin niya ang mga Kristiyano na “maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Kaylaki ngang pribilehiyo na lumakad na kasama ng Diyos at maghandog ng gayong mga hain sa ngayon!
21, 22. Anong pagsasauli ang mararanasan ng nagsisising mga Israelita?
21 Ang mga Israelitang tumalikod sa kanilang likong landasin at nanumbalik sa Diyos ay naghandog sa kaniya ng ‘mga guyang toro ng kanilang mga labi.’ Bilang resulta, naranasan nila ang espirituwal na pagsasauli, gaya mismo ng ipinangako ng Diyos. Sinasabi ng Oseas 14:4-7: “Pagagalingin ko [ni Jehova] ang kanilang kawalang-katapatan. Iibigin ko sila nang bukal sa aking kalooban, sapagkat ang aking galit ay napawi na mula sa kaniya. Ako ay magiging gaya ng hamog sa Israel. Siya ay mamumulaklak na gaya ng liryo, at magkakalat ng kaniyang mga ugat na gaya ng Lebanon. Ang kaniyang maliliit na sanga ay tutubo, at ang kaniyang dangal ay magiging gaya ng sa punong olibo, at ang kaniyang bango ay magiging gaya ng sa Lebanon. Muli silang tatahan sa kaniyang lilim. Sila ay magpapatubo ng butil, at mag-uusbong na gaya ng punong ubas. Ang kaniyang pinakaalaala ay magiging gaya ng alak ng Lebanon.”
22 Ang nagsisising mga Israelita ay pagagalingin sa espirituwal na paraan at muling magtatamasa ng pag-ibig ng Diyos. Si Jehova ay magiging gaya ng nakagiginhawang hamog sa kanila sa diwa na sagana niya silang pagpapalain. Ang kaniyang isinauling bayan ay magkakaroon ng dangal na “gaya ng sa punong olibo,” at lalakad sila sa mga daan ng Diyos. Yamang tayo mismo ay determinadong lumakad na kasama ng Diyos na Jehova, ano ang hinihiling sa atin?
Patuloy na Lumakad sa Matapat na mga Daan ni Jehova
23, 24. Sa anong nakapagpapasiglang hula nagtatapos ang aklat ng Oseas, at paano ito nakaaapekto sa atin?
23 Upang patuloy tayong makalakad na kasama ng Diyos, dapat tayong magpamalas ng “karunungan mula sa itaas” at laging kumilos kasuwato ng kaniyang matapat na mga daan. (Santiago 3:17, 18) Ang huling talata ng hula ni Oseas ay kababasahan ng ganito: “Sino ang marunong, upang maunawaan niya ang mga bagay na ito? Ang maingat, upang malaman niya ang mga iyon? Sapagkat ang mga daan ni Jehova ay matapat, at ang mga matuwid ang siyang lalakad sa mga iyon; ngunit ang mga mananalansang ang siyang matitisod sa mga iyon.”—Oseas 14:9.
24 Sa halip na maugitan ng karunungan at mga pamantayan ng sanlibutang ito, maging determinado tayong lumakad sa matapat na mga daan ng Diyos. (Deuteronomio 32:4) Ginawa iyan ni Oseas sa loob ng 59 na taon o higit pa. May-katapatan niyang ipinahayag ang mga mensahe mula sa Diyos, anupat nalalaman na mauunawaan ng marurunong at maiingat ang gayong mga salita. Kumusta naman tayo? Hangga’t pinahihintulutan tayo ni Jehova na magpatotoo, patuloy nating hahanapin ang mga may-karunungang tatanggap sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan. At nalulugod tayong gawin ito habang lubos na nakikipagtulungan sa “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
25. Ang pagsasaalang-alang natin sa hula ni Oseas ay tutulong sa atin na gawin ang ano?
25 Ang pagsasaalang-alang natin sa hula ni Oseas ay dapat tumulong sa atin na magpatuloy sa paglakad na kasama ng Diyos taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan. (2 Pedro 3:13; Judas 20, 21) Kayganda ngang pag-asa! Personal na magkakatotoo sa atin ang pag-asang iyan kung pinatutunayan natin sa salita at sa gawa na talagang taimtim tayo kapag ating sinasabi: “Ang mga daan ni Jehova ay matapat.”
Paano Mo Sasagutin?
• Kung nag-uukol tayo ng malinis na pagsamba sa Diyos, paano siya makikitungo sa atin?
• Bakit tayo dapat palaging umasa kay Jehova?
• Bakit ka kumbinsido na matapat ang mga daan ni Jehova?
• Paano tayo patuloy na makalalakad sa matapat na mga daan ni Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 28]
Tanggapin ang espirituwal na tulong mula sa Kristiyanong matatanda
[Larawan sa pahina 29]
Ang hula ni Oseas ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang umasa sa mga pangako ni Jehova hinggil sa pagkabuhay-muli
[Mga larawan sa pahina 31]
Patuloy na lumakad na kasama ng Diyos taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan