Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging mga Ministrong Progresibo at Madaling Makibagay

Maging mga Ministrong Progresibo at Madaling Makibagay

Maging mga Ministrong Progresibo at Madaling Makibagay

“Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan.”​—1 CORINTO 9:22.

1, 2. (a) Sa anu-anong paraan naging epektibong ministro si apostol Pablo? (b) Paano inilarawan ni Pablo ang mismong saloobin niya sa kaniyang atas?

PANATAG siya sa pakikitungo kapuwa sa mga edukado at sa hamak na mga manggagawa ng tolda. Mapanghikayat siya sa mga dignitaryo ng Roma at sa mga magbubukid ng Frigia. Nakagaganyak ang mga sulat niya sa liberal na mga Griego at sa konserbatibong mga Judio. Hindi mapabubulaanan ang kaniyang lohika at mabisa siya sa pag-abot ng puso. Sinikap niya na mayroon silang puntong mapagkakasunduan ng sinuman upang mailapit niya ang ilan kay Kristo.​—Gawa 20:21.

2 Ang lalaking ito ay si apostol Pablo, na walang-alinlangang isang epektibo at progresibong ministro. (1 Timoteo 1:12) Tinanggap niya kay Jesus ang atas na “dalhin ang . . . pangalan [ni Kristo] sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” (Gawa 9:15) Ano ang naging saloobin niya sa atas na ito? Ipinahayag niya: “Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan. Ngunit ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.” (1 Corinto 9:19-23) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Pablo na makatutulong sa atin na maging higit na epektibo sa ating pangangaral at pagtuturo?

Napagtagumpayan ng Nagbagong Lalaki ang Hamon

3. Ano ang damdamin ni Pablo sa mga Kristiyano bago siya makumberte?

3 Si Pablo ba noon pa man ay isa nang taong may mahabang pagtitiis at makonsiderasyon, anupat nababagay sa atas na tinanggap niya? Hinding-hindi! Si Saul (gaya ng tawag kay Pablo noon) ay isang marahas na tagausig ng mga tagasunod ni Kristo dahil sa pagiging panatiko sa relihiyon. Nang nasa kabataan pa, sumang-ayon siya sa pagpaslang kay Esteban. Pagkatapos, walang-awang tinugis ni Pablo ang mga Kristiyano. (Gawa 7:58; 8:1, 3; 1 Timoteo 1:13) Patuloy siyang ‘sumisilakbo ng pagbabanta at pagpaslang laban sa mga alagad ng Panginoon.’ Dahil hindi kontento na mga mananampalataya lamang sa Jerusalem ang tinutugis niya, pinalaganap niya ang kaniyang kampanya ng pagkapoot hanggang sa Damasco sa hilaga.​—Gawa 9:1, 2.

4. Anong pagbabago ang kinailangang gawin ni Pablo upang magampanan ang kaniyang atas?

4 Ang ugat ng matinding poot ni Pablo sa Kristiyanismo ay malamang na dahil sa paniniwalang pasasamain lamang ng bagong pananampalataya ang Judaismo sapagkat mahahaluan ito ng kakaiba at di-kanais-nais na mga ideya. Sa katunayan, si Pablo ay dating “isang Pariseo,” ang mismong pangalan na nangangahulugang “nakahiwalay.” (Gawa 23:6) Isip-isipin na lamang ang pagkabigla ni Pablo nang malaman niyang siya ang pinili ng Diyos upang ipangaral si Kristo​—anupat sa dinami-dami ng tao​—sa mga Gentil pa! (Gawa 22:14, 15; 26:16-18) Aba, ni hindi nga nakikisalo ang mga Pariseo sa pagkain kasama ng itinuturing nilang mga makasalanan! (Lucas 7:36-39) Walang alinlangan na malaking pagsisikap ang kinailangan niyang gawin para baguhin ang kaniyang pangmalas at iayon ito sa kalooban ng Diyos na maligtas ang lahat ng uri ng tao.​—Galacia 1:13-17.

5. Paano natin matutularan si Pablo sa ating ministeryo?

5 Baka gayundin ang kailangan nating gawin. Habang parami nang paraming tao mula sa iba’t ibang bansa at wika ang natatagpuan natin sa ating teritoryo, kailangan nating suriing mabuti ang ating saloobin at alisin ang anumang pagtatangi. (Efeso 4:22-24) Batid man natin ito o hindi, apektado tayo ng ating kinalakhang lipunan at natanggap na edukasyon. Maikikintal nito sa atin ang mga pangmalas at saloobin na may pagkiling, pagtatangi at pagmamatigas. Dapat nating labanan ang gayong mga damdamin kung nais nating magtagumpay sa paghanap at pagtulong sa tulad-tupang mga tao. (Roma 15:7) Ganiyan ang ginawa ni Pablo. Tinanggap niya ang hamon na palawakin ang kaniyang ministeryo. Dahil sa pag-ibig, nalinang niya ang mga kasanayan sa pagtuturo na karapat-dapat tularan. Oo, ipinakikita ng pag-aaral sa ministeryo ng “apostol sa mga bansa” na siya ay mapagbigay-pansin, madaling makibagay, at mapamaraan sa pangangaral at pagtuturo. *​—Roma 11:13.

Kung Paano Kumilos ang Progresibong Ministro

6. Paano masasabing mapagbigay-pansin si Pablo sa kinalakhan ng kaniyang mga tagapakinig, at ano ang naging resulta?

6 Si Pablo ay mapagbigay-pansin sa mga paniniwala at kinalakhan ng kaniyang mga tagapakinig. Nang kausap niya si Haring Agripa II, kinilala ni Pablo na ang hari ay “dalubhasa sa lahat ng mga kaugalian at gayundin sa mga pagtatalo sa gitna ng mga Judio.” Pagkatapos ay buong-kahusayang ginamit ni Pablo ang nalalaman niya sa mga paniniwala ni Agripa at ipinakipag-usap sa kaniya ang mga bagay na lubos na nauunawaan ng hari. Napakalinaw at lubhang nakakakumbinsi ang pangangatuwiran ni Pablo anupat sinabi ni Agripa: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.”​—Gawa 26:2, 3, 27, 28.

7. Paano ipinakita ni Pablo na madali siyang makibagay noong nangangaral siya sa isang pulutong sa Listra?

7 Madali ring makibagay si Pablo. Pansinin kung paanong ibang-iba ang kaniyang paraan nang sikapin niyang pakiusapan ang isang pulutong sa lunsod ng Listra na huwag sumamba sa kaniya at kay Bernabe bilang mga diyos. Sinasabing ang mga taong ito, na nagsasalita ng wika ng Licaonia, ay kabilang sa populasyon na walang gaanong pinag-aralan at masyadong mapamahiin. Ayon sa Gawa 14:14-18, binanggit ni Pablo ang mga nilalang at ang likas na mga paglalaan nito bilang katibayan ng kahigitan ng tunay na Diyos. Madaling naunawaan ang pangangatuwiran, at lumilitaw na “napigilan [nito] ang mga pulutong sa paghahain” kina Pablo at Bernabe.

8. Sa anu-anong paraan ipinakita ni Pablo na siya ay madaling makibagay sa kabila ng silakbo ng kaniyang damdamin kung minsan?

8 Mangyari pa, hindi naman sakdal si Pablo, at kung minsan, sumisilakbo rin ang kaniyang damdamin sa ilang bagay. Halimbawa, minsan nang tuligsain siya sa nakahihiya at di-makatuwirang paraan, binatikos niya ang isang Judio na nagngangalang Ananias. Subalit nang sabihan si Pablo na ang ininsulto pala niya ay ang mataas na saserdote, agad siyang humingi ng paumanhin. (Gawa 23:1-5) Sa Atenas, sa simula ay “nainis [siya] sa pagkakita na ang lunsod ay punô ng mga idolo.” Subalit sa kaniyang pahayag sa Burol ni Mars, hindi ipinakita ni Pablo ang pagkainis na iyon. Sa halip, sa pakikipagtalakayan niya sa mga taga-Atenas, nangatuwiran siya salig sa isang puntong mapagkakasunduan sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanilang altar para “Sa Isang Di-kilalang Diyos” at pagbanggit sa isa sa kanilang mga makata.​—Gawa 17:16-28.

9. Paano ipinakita ni Pablo ang pagiging mapamaraan sa pakikitungo niya sa iba’t ibang uri ng tagapakinig?

9 Sa pakikitungo sa iba’t ibang uri ng tagapakinig, ipinakita ni Pablo ang galíng sa pagiging mapamaraan. Isinaalang-alang niya ang kultura at kapaligirang humubog sa pag-iisip ng kaniyang tagapakinig. Nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Roma, alam na alam niya na nakatira sila sa kabisera ng pinakamakapangyarihang imperyo nang panahong iyon. Ang pangunahing punto ng liham ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma ay na ang kapangyarihan ng kasalanan ni Adan na magpasamâ ay nagapi na ng kapangyarihan ni Kristo na tumubos. Nakipag-usap siya sa mga Kristiyano sa Roma at sa maraming iba pa sa wikang tatagos sa kanilang puso.​—Roma 1:4; 5:14, 15.

10, 11. Paano ibinagay ni Pablo sa kaniyang mga tagapakinig ang mga ilustrasyon niya? (Tingnan din ang talababa.)

10 Ano ang ginawa ni Pablo nang gusto niyang ipaliwanag sa kaniyang mga tagapakinig ang malalalim na katotohanan sa Bibliya? Ang apostol ay mahusay sa paggamit ng karaniwan at madaling maunawaang mga ilustrasyon upang liwanagin ang mahirap unawaing mga ideya sa Kasulatan. Halimbawa, batid ni Pablo na pamilyar ang mga tao sa Roma sa sistema ng pang-aalipin sa buong Imperyo ng Roma. Sa katunayan, malamang na mga alipin ang marami sa mga taong sinusulatan niya noon. Kaya naman ginamit ni Pablo ang pagkaalipin bilang ilustrasyon upang lalong patibayin ang kaniyang mapuwersang argumento tungkol sa pagpili ng tao kung magpapadaig siya sa kasalanan o susunod sa katuwiran.​—Roma 6:16-20.

11 “Sa mga taga-Roma,” ang sabi ng isang reperensiyang akda, “maaaring lubusang palayain ng nagmamay-ari ang isang alipin, o puwedeng bilhin ng alipin ang kaniyang kalayaan sa pamamagitan ng pagbabayad sa nagmamay-ari sa kaniya. Puwede ring ibigay ang kalayaan kung ililipat ang pagmamay-ari sa isang diyos.” Maaaring ituloy ng pinalayang alipin ang pagtatrabaho sa kaniyang panginoon kapalit ng suweldo. Malamang na ang kaugaliang ito ang tinukoy ni Pablo nang isulat niya ang tungkol sa pagpili ng indibiduwal kung aling panginoon ang susundin niya​—kasalanan o katuwiran. Ang mga Kristiyano sa Roma ay pinalaya na sa kasalanan at pag-aari na ngayon ng Diyos. Malaya na silang makapaglilingkod sa Diyos, ngunit puwede pa rin nilang piliin na maglingkod sa kasalanan​—ang dating panginoon​—​kung gugustuhin nila. Ang simple ngunit pamilyar na ilustrasyong iyan ay mag-uudyok sa mga Kristiyanong iyon sa Roma na tanungin ang kanilang sarili, ‘Aling panginoon ang pinaglilingkuran ko?’ *

Matuto sa Halimbawa ni Pablo

12, 13. (a) Anong pagsisikap ang kailangan sa ngayon upang maabot ang puso ng ating iba’t ibang tagapakinig? (b) Ano ang nasumpungan mong epektibo kapag nangangaral sa mga taong may iba’t ibang kinalakhan?

12 Gaya ni Pablo, dapat tayong maging mapagbigay-pansin, madaling makibagay, at mapamaraan upang maabot ang puso ng ating iba’t ibang tagapakinig. Upang matulungan ang ating mga tagapakinig na makuha ang diwa ng mabuting balita, nais nating gumawa nang higit pa kaysa sa basta makadalaw lamang, makapagbigay ng pinaghandaang mensahe, o makapag-iwan ng ilang literatura sa Bibliya. Sinisikap nating alamin ang kanilang mga pangangailangan at mga álalahanín, ang kanilang mga gusto at di-gusto, at ang kanilang mga pangamba at mga maling akala. Bagaman nangangailangan ito ng matamang pag-iisip at malaking pagsisikap, may-kasiglahan itong ginagawa ng mga mamamahayag ng Kaharian sa buong daigdig. Halimbawa, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Hungary ay nag-ulat: “Iginalang ng mga kapatid ang mga kaugalian at istilo ng pamumuhay ng mga tagaibang bansa at hindi nila inaasahan na makikibagay ang mga ito sa lokal na mga kaugalian.” Gayundin ang sinisikap gawin ng mga Saksi saanmang lugar.

13 Sa isang bansa sa Malayong Silangan, karamihan sa mga tao ay palaisip sa kalusugan, pagsasanay sa anak, at edukasyon. Sinisikap ng mga mamamahayag ng Kaharian doon na itampok ang mga paksang ito sa halip na talakayin ang mga bagay na gaya ng pagsamâ ng mga kalagayan sa daigdig o ng komplikadong mga problemang panlipunan. Sa katulad na paraan, napansin ng mga mamamahayag sa isang malaking lunsod sa Estados Unidos na ang mga tao sa isang partikular na pamayanan sa kanilang teritoryo ay nababahala sa mga bagay na gaya ng katiwalian, pagsisikip ng trapiko, at krimen. Matagumpay na ginagamit ng mga Saksi ang mga paksang ito upang makapagpasimula ng mga pag-uusap tungkol sa Bibliya. Tinitiyak ng epektibong mga guro sa Bibliya na anuman ang paksang mapili nila, sila’y nananatiling positibo at nakapagpapatibay, anupat idiniriin ang praktikal na kahalagahan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya sa ngayon at ang napakagandang pag-asa sa hinaharap na iniaalok ng Diyos.​—Isaias 48:17, 18; 52:7.

14. Ilarawan ang mga paraan kung paano tayo makikibagay sa mga taong may iba’t ibang pangangailangan at mga kalagayan.

14 Nakatutulong din na pag-iba-ibahin ang ating presentasyon sa ministeryo, yamang napakalaki ng pagkakaiba ng kultura, edukasyon, at relihiyon ng mga tao. Ang ating presentasyon sa mga taong naniniwala sa Maylalang pero hindi sa Bibliya ay hindi katulad ng ginagamit natin sa pakikipag-usap sa mga naniniwalang walang Diyos. Para sa mga nag-iisip na ang lahat ng relihiyosong literatura ay kagamitan sa pagdodoktrina, ang presentasyong gagamitin natin ay iba sa ginagamit natin sa isang taong tumatanggap sa mga turo ng Bibliya. Kailangan din na madali tayong makibagay sa pakikitungo sa napakaraming iba’t ibang antas ng edukasyon ng mga taong nakakausap natin. Ang mahuhusay na guro ay gagamit ng mga pangangatuwiran at ilustrasyong angkop sa situwasyong nakakaharap nila.​—1 Juan 5:20.

Tulong sa mga Baguhang Ministro

15, 16. Bakit may pangangailangang sanayin ang mga baguhang ministro?

15 Pinag-isipan ni Pablo hindi lamang ang pagpapasulong sa kaniyang sariling mga pamamaraan sa pagtuturo. Nakita niya ang pangangailangang sanayin at ihanda ang mas nakababatang henerasyon, gaya nina Timoteo at Tito, upang maging epektibong mga ministro. (2 Timoteo 2:2; 3:10, 14; Tito 1:4) Sa katulad na paraan, may apurahan ding pangangailangan sa ngayon na maglaan at tumanggap ng pagsasanay.

16 Noong 1914, humigit-kumulang 5,000 ang mamamahayag ng Kaharian sa buong daigdig; sa ngayon, mga 5,000 baguhan ang nababautismuhan linggu-linggo! (Isaias 54:2, 3; Gawa 11:21) Kapag ang mga baguhan ay nagsimula nang makisama sa kongregasyong Kristiyano at gusto nang makibahagi sa ministeryo, kailangan nila ng pagsasanay at patnubay. (Galacia 6:6) Mahalaga na gamitin natin ang mga pamamaraan ng Panginoon, si Jesus, sa pagtuturo at pagsasanay sa mga alagad. *

17, 18. Paano natin matutulungan ang mga baguhan na magkaroon ng kumpiyansa sa ministeryo?

17 Si Jesus ay hindi basta humanap ng mga tao at nagsabi sa kaniyang mga apostol na kausapin na ang mga ito. Idiniin muna niya kung bakit kailangan ang gawaing pangangaral at pinasigla ang palagiang pananalangin may kinalaman dito. Pagkatapos ay nagbigay siya ng tatlong pangunahing paglalaan: isang kasama, isang atas na teritoryo, at isang mensahe. (Mateo 9:35-38; 10:5-7; Marcos 6:7; Lucas 9:2, 6) Magagawa rin natin ito. Ang tinutulungan man natin ay ang ating anak, ang isang bagong estudyante, o ang sinumang matagal-tagal nang hindi nakikibahagi sa gawaing pangangaral, angkop lamang na sikaping maglaan ng pagsasanay sa ganitong paraan.

18 Kailangan ng mga baguhan ang malaking tulong upang magkaroon sila ng kumpiyansa sa paghaharap ng mensahe ng Kaharian. Matutulungan mo ba silang maghanda at magsanay ng isang simple at magandang presentasyon? Sa larangan, hayaan mong matuto sila sa iyong halimbawa habang ikaw muna ang nakikipag-usap sa ilang may-bahay. Maaari mong tularan ang parisang ibinigay ni Gideon, na nagsabi sa kaniyang mga kasamahang mandirigma: “Matuto kayo sa pagmamasid sa akin, at gayon ang gagawin ninyo.” (Hukom 7:17) Pagkatapos, bigyan ng pagkakataong makibahagi ang baguhan. Malugod na papurihan ang mga baguhan sa kanilang mga pagsisikap, at kapag angkop naman, magbigay ng maikling mungkahi para sa kanilang ikasusulong.

19. Ano ang iyong determinasyon habang sinisikap mong ‘lubusang ganapin ang iyong ministeryo’?

19 Upang ‘lubusan nating maganap ang ating ministeryo,’ determinado tayo na lalo pang ibagay ang ating mga presentasyon sa ating mga nakakausap, at nais nating sanayin ang mga baguhang ministro na gayundin ang gawin. Kapag isinasaalang-alang natin ang kahalagahan ng ating tunguhin​—ang ibahagi ang mismong kaalaman sa Diyos na umaakay sa kaligtasan​—kumbinsido tayo na sulit ang lahat ng pagsisikap natin upang maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas [natin] ang ilan.”​—2 Timoteo 4:5; 1 Corinto 9:22.

[Mga talababa]

^ par. 5 Para sa mga halimbawa ng gayong mga katangian sa ministeryo ni Pablo, isaalang-alang ang Gawa 13:9, 16-42; 17:2-4; 18:1-4; 19:11-20; 20:34; Roma 10:11-15; 2 Corinto 6:11-13.

^ par. 11 Sa katulad na paraan, sa pagpapaliwanag sa bagong ugnayan ng Diyos at ng kaniyang pinahiran-ng-espiritung “mga anak,” gumamit si Pablo ng legal na konseptong pamilyar sa kaniyang mga mambabasa sa Imperyo ng Roma. (Roma 8:14-17) “Ang pag-aampon ay kaugalian na sa Roma, at may malapit na kaugnayan sa ideya ng mga Romano tungkol sa pamilya,” ang sabi ng aklat na St. Paul at Rome.

^ par. 16 Sa kasalukuyan, mayroon nang programa ng Pagtulong ng mga Payunir sa Iba sa lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ginagamit ng programang ito ang karanasan at kasanayan ng buong-panahong mga ministro sa pagtulong sa mga mamamahayag na kulang pa sa karanasan.

Natatandaan Mo Ba?

• Sa anu-anong paraan natin matutularan si Pablo sa ating ministeryo?

• Anu-anong pagbabago sa ating pag-iisip ang malamang na kailanganin natin?

• Paano natin mapananatiling positibo ang ating mensahe?

• Ano ang kailangan ng mga baguhang ministro upang magkaroon ng kumpiyansa?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 29]

Si apostol Pablo ay mapagbigay-pansin, madaling makibagay, at mapamaraan sa pangangaral at pagtuturo

[Blurb sa pahina 31]

Nagbigay si Jesus ng tatlong pangunahing paglalaan: isang kasama, isang atas na teritoryo, at isang mensahe

[Mga larawan sa pahina 28]

Nagtagumpay si Pablo sa pag-abot sa iba’t ibang uri ng tagapakinig sa pamamagitan ng pagiging madaling makibagay

[Larawan sa pahina 30]

Isinasaalang-alang ng epektibong mga ministro ang kulturang kinalakhan ng kanilang mga tagapakinig

[Larawan sa pahina 31]

Tinutulungan ng progresibong mga ministro ang mga baguhan na maghanda para sa ministeryo