Ang Bibliya sa Wikang Italyano—Isang Maligalig na Kasaysayan
Ang Bibliya sa Wikang Italyano—Isang Maligalig na Kasaysayan
“ANG Bibliya ay kabilang sa mga aklat na may pinakamalawak na sirkulasyon sa ating bansa [Italya], ngunit marahil ay kabilang din ito sa mga hindi gaanong binabasa. Ang mga Katoliko ay hindi pa rin gaanong pinasisigla na maging pamilyar sa Bibliya at hindi rin gaanong tinutulungan na basahin ito bilang ang Salita ng Diyos. May mga gustong makaunawa sa Bibliya, ngunit kadalasan ay walang nagtuturo ng Bibliya sa kanila.”
Ang pahayag na ito noong 1995 ng isang lupon ng Italian Bishops’ Conference ay nagbabangon ng maraming tanong. Gaano ba kalaganap ang pagbabasa ng Bibliya sa Italya noong nakalipas na mga siglo? Bakit hindi dumami ang sirkulasyon nito gaya sa ibang bansa? Bakit kabilang pa rin ito sa hindi gaanong binabasang aklat sa Italya? Ang pagsusuri sa kasaysayan ng mga bersiyon ng Bibliya sa wikang Italyano ay nagbibigay ng ilang kasagutan.
Maraming siglo ang lumipas bago nabuo mula sa Latin ang mga wikang Romanse—Italyano, Kastila, Portuges, Pranses, at iba pa. Sa iba’t ibang bansa sa Europa na dating gumagamit ng wikang Latin, unti-unting kinilala ang lokal na wika, ang wika ng karaniwang mga tao, at ginamit pa nga ito sa mga akdang pampanitikan. Ang pagsulong ng lokal na wika ay nagkaroon ng tuwirang epekto sa salin ng Bibliya. Paano? Sa isang panahon sa kasaysayan, napakalaki ng naging kaibahan ng Latin, ang sagradong eklesyastikal na wika, sa mga lokal na wika, kasama na ang mga diyalekto at iba pang anyo nito, anupat ang Latin ay hindi na maunawaan ng mga hindi nakapag-aral.
Pagsapit ng taóng 1000, karamihan sa mga naninirahan sa peninsula ng Italya ay nahihirapan nang magbasa ng Latin na Vulgate, kahit na makakuha pa sila ng kopya nito. Sa loob ng maraming siglo, nakontrol ng eklesyastikal na herarkiya ang edukasyon, pati na yaong itinuturo sa iilang unibersidad noon. Mga pilíng tao lamang ang nakinabang mula rito. Kaya naman ang Bibliya nang dakong huli ay naging “isang di-kilalang aklat.” Gayunman, marami ang nagnais na mabasa ang Salita ng Diyos at maunawaan ito sa kanilang sariling wika.
Sa pangkalahatan, tinutulan ng klero ang pagsasalin ng Bibliya sa takot na darami ang tinatawag na mga erehiya. Ayon sa istoryador na si Massimo Firpo, “ang paggamit ng lokal na wika [ay mangangahulugan ng] pag-aalis sa hadlang [ang paggamit ng wikang Latin] na nagbibigay ng proteksiyon sa eksklusibong pamumuno ng klero sa relihiyosong mga bagay.” Samakatuwid, ang kombinasyon ng pangkultura, panrelihiyon, at panlipunang mga salik ang dahilan kung
bakit hanggang sa ngayon ay marami pa rin sa Italya ang walang kaalaman sa Bibliya.Unang mga Salin ng Ilang Bahagi ng Bibliya
Noong ika-13 siglo, ang mga aklat ng Bibliya ay unang isinalin sa wikang Italyano mula sa Latin. Ang gayong mga salin ng ilang bahagi ng Bibliya ay manu-manong kinopya at napakamahal. Dahil sa pagdami ng mga salin noong ika-14 na siglo, makukuha na ang halos buong Bibliya sa lokal na wika, bagaman ang mga aklat nito ay isinalin ng iba’t ibang tao sa iba’t ibang panahon at lugar. Ang karamihan sa mga saling ito, na ginawa ng di-kilalang mga tagapagsalin, ay binili ng mayayaman at mga edukado, ang tanging may-kakayahang bumili ng mga ito. Kahit noong bumaba nang husto ang gastos sa pag-iimprenta ng mga aklat dahil sa paggamit ng palimbagan, ayon sa istoryador na si Gigliola Fragnito, “iilan lamang ang nagkaroon” ng Bibliya.
Sa loob ng maraming siglo, ang kalakhang bahagi ng populasyon ay nanatiling hindi marunong bumasa at sumulat. Kahit nang panahong pagkaisahin ang Italya noong 1861, hindi pa rin marunong bumasa at sumulat ang 74.7 porsiyento ng populasyon. Samantala, nang magsaayos ang bagong pamahalaan ng Italya na gawing libre at isang kahilingan para sa lahat ang pampublikong edukasyon, sumulat si Pope Pius IX sa hari noong 1870 upang himukin siyang salungatin ang batas, na inilarawan ng papa bilang “salot” na nilayong “sirain nang lubusan ang mga paaralang Katoliko.”
Ang Unang Bibliya sa Wikang Italyano
Ang unang kumpletong Bibliya sa wikang Italyano ay inilimbag sa Venice noong 1471, mga 16 na taon matapos gamitin sa kauna-unahang pagkakataon sa Europa ang isahang tipong letra. Natapos ni Nicolò Malerbi, isang mongheng Camaldoli, ang kaniyang salin sa loob ng walong buwan. Umasa siya nang malaki sa dati nang mga salin, isinaayos ang mga ito batay sa Latin na Vulgate, at pinalitan ang ilang salita ng karaniwang mga salitang ginagamit sa kanilang lugar sa Venetia. Ang kaniyang salin ang kauna-unahang nakalimbag na edisyon ng Bibliya sa wikang Italyano na nagkaroon ng malawak na sirkulasyon.
Ang isa pang naglathala ng bersiyon ng Bibliya sa Venice ay si Antonio Brucioli. Siya ay isang humanist na may-pagkiling sa mga Protestante, ngunit hindi siya kailanman tumiwalag sa Simbahang Katoliko. Noong 1532, isinalin ni Brucioli ang Bibliya mula sa orihinal na Hebreo at Griego. Ito ang unang Bibliya na isinalin sa wikang Italyano mula sa orihinal na mga teksto. Bagaman hindi gayon kaganda ang pagkakasalin, kapansin-pansin na kuhang-kuha nito ang diwa ng orihinal na mga teksto, kahit na limitado lamang ang kaalaman sa sinaunang wika noong mga panahong iyon. Sa ilang bahagi at edisyon, ibinalik ni Brucioli ang pangalan ng Diyos gamit ang anyong “Ieova.” Sa loob ng halos isang siglo, napakapopular ng kaniyang Bibliya sa mga Italyanong Protestante at sa mga tutol sa relihiyon.
Ang ibang saling Italyano—na sa aktuwal ay rebisyon ng Bibliya ni Brucioli—ay inilathala, ang ilan dito ay inilathala ng mga Katoliko. Walang isa man ang nagkaroon ng gayon kalawak na sirkulasyon. Noong 1607, si Giovanni Diodati, isang pastor na Calvinista na ang mga magulang ay tumakas patungong Switzerland upang iwasan ang relihiyosong pag-uusig, ay naglathala sa Geneva ng isang saling Italyano mula sa orihinal na mga wika. Ang kaniyang bersiyon ng Bibliya ang ginamit ng mga Italyanong Protestante sa loob ng maraming siglo. Noong panahong ilathala ito, itinuring itong napakahusay na saling Italyano. Nakatulong ang Bibliya ni Diodati para maunawaan ng mga Italyano ang mga turo ng Bibliya. Ngunit hinadlangan ng pagsensura ng klero ang pamamahagi sa Bibliya ni Diodati at sa iba pang mga salin.
Ang Bibliya—“Isang Di-kilalang Aklat”
“Laging nagtatagumpay ang Simbahan sa pagsubaybay sa mga aklat, ngunit bago naimbento ang paglilimbag, hindi nito naisip na kailangang gumawa ng listahan ng ipinagbabawal na mga aklat dahil sinusunog naman ang mga akdang itinuturing na mapanganib,” ang sabi ng Enciclopedia Cattolica. Kahit noong magsimula
ang Repormasyong Protestante, buong-sikap na nilimitahan ng klero ng maraming bansa sa Europa ang sirkulasyon ng tinatawag na heretikong mga aklat. Nagkaroon ng malaking pagbabago pagkatapos ng Konsilyo ng Trent noong 1546, nang talakayin ang usapin tungkol sa mga salin sa lokal na wika. Lumitaw ang dalawang magkaibang opinyon. Sinabi ng mga pabor sa pagbabawal na ang Bibliya raw sa pangkaraniwang wika “ang siyang ugat at pinagmumulan ng lahat ng erehiya.” Sinabi naman niyaong mga laban sa pagbabawal na ang kanilang “mga kalaban,” ang mga Protestante, ay mangangatuwiran na ipinagbabawal ng simbahan ang Bibliya sa lokal na wika upang ikubli ang “pandaraya at panlilinlang.”Dahil sa di-pagkakasundo, walang nabuong tiyak na desisyon ang Konsilyo hinggil sa usapin kundi ang opisyal na sang-ayunan ang pagiging totoo ng Vulgate, na naging opisyal na teksto ng Simbahang Katoliko. Gayunman, sinabi ni Carlo Buzzetti, guro sa Pontifical University Salesianum sa Roma, na ang pagtawag sa Vulgate bilang “totoo” ay “pabor sa ideya na, sa katotohanan, ito ang magiging tanging lehitimong anyo ng Bibliya.” Pinatutunayan ito ng sumunod na mga pangyayari.
Noong 1559, inilathala ni Pope Paul IV ang unang indise ng ipinagbabawal na mga aklat, isang listahan ng mga akda na bawal basahin, ibenta, isalin, o taglayin ng mga Katoliko. Ang mga tomong ito ay itinuring na masama at mapanganib sa pananampalataya at sa katapatan sa moral. Ipinagbawal ng indise ang pagbasa sa mga salin ng Bibliya sa lokal na wika, pati na ang kay Brucioli. Itinitiwalag ang mga lumalabag dito. Ang indise naman noong 1596 ay mas mahigpit. Hindi na magbibigay ng awtorisasyon upang isalin o ilimbag ang mga Bibliya sa lokal na wika. Ang gayong mga Bibliya ay dapat sirain.
Dahil dito, naging madalas ang pagsusunog ng Bibliya sa mga plasa ng simbahan matapos ang ika-16 na siglo. Sa isip ng mga tao sa pangkalahatan, ang Kasulatan ay naging aklat ng mga erehe, at ganiyan pa rin ang kaisipan nila hanggang ngayon. Halos lahat ng Bibliya at mga komentaryo sa Bibliya sa pampubliko at pribadong mga aklatan ay sinira, at sa loob ng sumunod na 200 taon, walang Katoliko ang nagsalin ng Bibliya sa wikang Italyano. Ang tanging mga Bibliya na kumalat sa peninsula ng Italya—sa palihim na paraan, dahil sa takot na makumpiska—ay yaong isinalin ng mga iskolar na Protestante. Kaya naman sinabi ng istoryador na si Mario Cignoni: “Ang totoo, maraming siglo nang hindi nagbabasa ng Bibliya ang karaniwang mga tao. Ang Bibliya ay naging halos isang di-kilalang aklat, at milyun-milyong Italyano
ang hindi man lamang nakabasa ng kahit isang pahina nito sa buong buhay nila.”Binawasan ang Pagbabawal
Nang maglaon, binago ni Pope Benedict XIV, sa isang dekreto hinggil sa indise na may petsang Hunyo 13, 1757, ang dating tuntunin, anupat “pinahintulutan ang pagbabasa ng mga bersiyon sa lokal na wika na inaprubahan ng Santa Sede at inilathala sa ilalim ng pangangasiwa ng mga obispo.” Dahil dito, si Antonio Martini, na sa kalaunan ay naging arsobispo ng Florence, ay naghanda upang isalin ang Vulgate. Noong 1769, inilathala ang unang bahagi nito, at noong 1781, natapos ang paglalathala sa buong salin. Ayon sa isang reperensiyang Katoliko, ang salin ni Martini “ang unang tunay na karapat-dapat sa espesyal na papuri.” Bago ang paglalathalang iyon, ang mga Katoliko na hindi nakauunawa ng Latin ay walang mababasang Bibliya na inaprubahan ng simbahan. Sa sumunod na 150 taon, ang salin ni Martini ang tanging bersiyon na inaprubahang gamitin ng mga Katolikong Italyano.
Nagkaroon ng malaking pagbabago nang ganapin ang ekumenikal na konsilyo na Vatican II. Noong 1965, pinasigla sa kauna-unahang pagkakataon ng dokumentong Dei Verbum ang “angkop at wastong pagsasalin . . . sa iba’t ibang wika, lalo na mula sa orihinal na teksto ng sagradong mga aklat.” Bago nito, noong 1958, inilathala ng Pontificio istituto biblico (Pontifical Biblical Institute) ang “kauna-unahang kumpletong Katolikong salin mula sa orihinal na mga teksto.” Isinauli ng bersiyong ito sa ilang bahagi ang banal na pangalan gamit ang anyong “Jahve.”
Napakasama ng naging epekto ng pagsalansang sa pagsasalin ng mga Bibliya sa lokal na wika, at nananatili pa rin ang mga epekto nito. Gaya ng sinabi ni Gigliola Fragnito, “naikintal [nito] sa mga sumasampalataya ang pag-aalinlangan sa kanilang sariling kakayahang mag-isip at manalig sa kanilang budhi.” Bukod diyan, sapilitang ipinasunod ang relihiyosong mga tradisyon, na itinuturing ng maraming Katoliko na mas mahalaga pa kaysa sa Bibliya. Dahil sa lahat ng ito, napalayo ang mga tao sa Kasulatan, bagaman halos lahat ay marunong nang bumasa at sumulat.
Gayunman, ang gawaing pag-eebanghelyo ng mga Saksi ni Jehova ay pumukaw ng panibagong interes sa Bibliya sa wikang Italyano. Noong 1963, inilathala ng mga Saksi ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Italyano. Noong 1967, maaari nang makakuha ng buong Bibliya. Mahigit 4,000,000 kopya na ng bersiyong ito ang naipamahagi sa Italya lamang. Ang Bagong Sanlibutang Salin, na nagsauli sa banal na pangalang Jehova sa teksto nito, ay naiiba dahil sa mahigpit na pagsunod nito sa diwa ng orihinal na mga teksto.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabahay-bahay, nagbabasa at nagpapaliwanag ng maka-Kasulatang mensahe ng pag-asa sa lahat ng makikinig. (Gawa 20:20) Sa susunod na makausap mo ang mga Saksi ni Jehova, bakit hindi mo hilingin sa kanila na ipakita sa iyo kung ano ang sinasabi ng iyong sariling Bibliya hinggil sa kamangha-manghang pangako ng Diyos na malapit na niyang itatag ang “isang bagong lupa” kung saan “tatahan ang katuwiran”?—2 Pedro 3:13.
[Mapa sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Venice
ROMA
[Larawan sa pahina 15]
Ginamit ng salin ni Brucioli sa teksto nito ang banal na pangalang Ieova
[Larawan sa pahina 15]
Itinala ng indise ng ipinagbabawal na mga aklat ang mga salin ng Bibliya sa lokal na wika na itinuturing na mapanganib
[Picture Credit Line sa pahina 13]
Pantitulong pahina ng Bibliya: Biblioteca Nazionale Centrale di Roma
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Salin ni Brucioli: Biblioteca Nazionale Centrale di Roma; Indise: Su concessione del Ministero per i Beni e le Attività Culturali