Kapaskuhan—Ano ang Pinagtutuunan Nito ng Pansin?
Kapaskuhan—Ano ang Pinagtutuunan Nito ng Pansin?
PARA sa milyun-milyon, ang kapaskuhan ay panahon para magkasama-sama ang pamilya at magkakaibigan, isang panahon para mapanauli ang buklod ng pagmamahalan. Itinuturing naman ito ng marami na panahon para bulay-bulayin ang kapanganakan ni Jesu-Kristo at ang kaniyang papel sa kaligtasan ng mga tao. Sa Russia, di tulad sa maraming lupain, hindi laging malayang magdiwang ng Pasko ang mga tao. Bagaman sa loob ng ilang siglo ay malayang nakapagdiriwang ng Pasko ang Simbahang Ruso Ortodokso, hindi na sila pinahintulutang gawin ito sa kalakhang bahagi ng ika-20 siglo. Ano ang dahilan ng pagbabago?
Di-nagtagal pagkatapos ng rebolusyon ng Komunistang Bolshevik noong 1917, itinaguyod ng pamahalaang Sobyet ang agresibo at ateistikong pamamahala sa buong bansa. Ipinagbawal ang pagdiriwang ng Kapaskuhan pati na ang kaugnay nitong mga relihiyosong gawain. Sinimulan ng Estado ang kampanya laban sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Hayagan pa ngang ipinagbawal ang paggamit ng karaniwang mga simbolo ng kapaskuhan—ang Christmas tree at Ded Moroz, o Grandfather Frost, ang katawagan sa Russia na katumbas ng Santa Claus.
Noong 1935, nagkaroon ng pagbabago na nagdulot ng napakalaking epekto sa paraan ng pagdiriwang ng mga Ruso ng kapaskuhan. Ibinalik ng Sobyet ang Grandfather Frost at ang paggamit ng puno para sa kapaskuhan, at muling ipinagdiwang ang Bagong Taon—subalit may malaking pagkakaiba. Sinasabing ang Grandfather Frost ay magdadala ng mga regalo, hindi na tuwing Pasko, kundi tuwing Araw ng Bagong Taon. Wala na ring Christmas tree. Tatawagin na itong New Year’s tree! Dahil dito, napakalaki ng ipinagbago ng pinagtutuunan ng pansin sa Unyong Sobyet. Sa diwa, hinalinhan ng pagdiriwang ng Bagong Taon ang pagdiriwang ng Pasko.
Ang panahon ng Pasko ay lubusan nang naging sekular na kapistahan, anupat opisyal nang inalis ang lahat ng relihiyosong kahulugan nito. Hindi relihiyosong mga palamuti ang isinasabit sa New Year’s tree kundi mga bagay na may kinalaman sa pagsulong ng Unyong Sobyet. Nagpaliwanag ang babasahin sa Russia na Vokrug Sveta (Sa Palibot ng Daigdig): “Posibleng matunton ang kasaysayan ng pagkatatag ng lipunang Komunista sa pamamagitan ng mga palamuti sa New Year’s tree na ginamit sa iba’t ibang taon noong panahon ng Sobyet. Kasama ng pangkaraniwang mga kuneho, palawit, at mga tinapay na bilog, gumawa rin ng mga palamuting hugis karit, martilyo, at traktora. Bandang huli, pinalitan ang mga ito ng mga pigurin ng mga minero at astronot ng Sobyet, ng pasilidad sa pagkuha ng langis, mga rocket, at ng mga sasakyang ginamit sa buwan.”
Kumusta naman ang mismong Araw ng Pasko? Hindi na talaga ito kinilala. Sa halip, itinuring na lamang ito ng pamahalaang Sobyet na isang ordinaryong araw. Ang mga nagnanais na ipagdiwang ang espirituwal na diwa ng Pasko ay makapagdaraos naman nito subalit kailangan silang mag-ingat dahil isasapanganib nito ang kanilang sarili sa di-pagsang-ayon ng Estado at sa mga kaparusahang dulot nito. Oo, nagbago ang pinagtutuunan ng pansin sa kapaskuhan sa Russia noong ika-20 siglo, mula sa relihiyosong pagdiriwang tungo sa sekular na selebrasyon.
Kamakailang Pagbabago
Noong 1991, bumagsak ang Unyong Sobyet at nagkaroon ng higit na kalayaan. Wala na ang ateistikong pamamahala
ng Estado. Sa pangkalahatan, ang iba’t ibang bagong tatag na independiyenteng estado ay naging sekular, anupat hiwalay na ang Simbahan at ang Estado. Nadama ng maraming relihiyoso na maaari na nila ngayong itaguyod ang kanilang relihiyosong mga paniniwala. Sinabi nila na ang isang paraan upang magawa ito ay ipagdiwang ang relihiyosong kapistahan ng Pasko. Gayunman, di-nagtagal ay lubhang nadismaya ang karamihan sa kanila. Bakit?Sa paglipas ng bawat taon, lalong ginawang negosyo ang Pasko. Oo, gaya ng mga bansa sa Kanluran, ang panahon ng Pasko ay isa sa pinakamagandang paraan para kumita ng pera ang mga pabrika, negosyante, at mangangalakal. Nakadispley ang maraming palamuti ng Pasko sa harap ng mga tindahan. Maririnig mula sa mga tindahan ang Kanluraning istilo ng musika at mga awiting pamasko na dati’y hindi naririnig sa Russia. Ang mga nagtitinda na may dala-dalang malalaking bag ng mga abubot na pamasko ay naglalako ng kanilang mga paninda sa mga pasahero ng tren at ng iba pang pampublikong transportasyon. Ganiyan ang makikita mo ngayon.
Maging ang mga taong wala namang nakikitang masama sa lantarang komersiyalismong ito ay posibleng nababahala sa isa pang hindi magandang nangyayari sa kapaskuhan—ang pag-abuso sa inuming de-alkohol kasama na ang masasamang epekto nito. Isang manggagamot sa emergency room ng isang ospital sa Moscow ang nagpaliwanag: “Sigurado ang mga doktor na ang pagdiriwang ng Bagong Taon ay mangangahulugan ng napakaraming pinsala mula sa bukol at pasâ hanggang sa mga sugat dahil sa saksak at tama ng bala, na karamihan ay dala ng karahasan sa sambahayan, pag-aaway dulot ng kalasingan, at aksidente sa sasakyan.” Isang siyentipiko na kabilang sa senior staff ng sangay ng Russian Academy of Sciences ang nagsabi: “Biglang tumaas ang bilang ng mga namamatay dahil sa inuming de-alkohol. Partikular na nitong taóng 2000. Tumaas din ang bilang ng mga pagpapatiwakal at pagpaslang.”
Nakalulungkot, ang gayong paggawi tuwing kapaskuhan sa Russia ay pinalala ng isa pang salik. Sa ilalim ng ulong balita na “Dalawang Beses Ipinagdiriwang ng mga Ruso ang Pasko,” ang pahayagang Izvestiya ay nag-ulat: “Halos 1 sa 10 Ruso ang dalawang beses na nagdiriwang ng Pasko. Gaya ng nasaksihan sa surbey ng sentro sa pagsubaybay ng ROMIR, 8 porsiyento sa mga tumugon ang nagsabi na ipinagdiriwang nila ang Pasko tuwing Disyembre 25, batay sa Pasko ng kalendaryong Katoliko, at tuwing Enero 7, batay naman sa [kalendaryong] Ortodokso . . . Para sa ilan, malinaw na mas pinahahalagahan nila ang pagkakataong magkasayahan kaysa sa relihiyosong diwa ng Pasko.” *
Ang Pinagtutuunan ba ng Pansin Ngayon ay Talagang Nagpaparangal kay Kristo?
Maliwanag, ang kapaskuhan ay maraming
kaakibat na di-makadiyos na paggawi. Bagaman nakababahala ito, marahil ay iniisip ng ilan na dapat pa rin silang magdiwang bilang paggalang sa Diyos at kay Kristo. Kapuri-puri naman ang pagnanais na paluguran ang Diyos. Ngunit talaga kayang nalulugod ang Diyos at si Kristo sa Kapaskuhan? Isaalang-alang natin ang pinagmulan nito.Bilang halimbawa, anuman ang pangmalas ng isa hinggil sa saloobin ng Sobyet sa Pasko, mahirap tutulan ang sumusunod na mga pangyayari sa kasaysayan na nakaulat sa Great Soviet Encyclopedia: “Ang Pasko . . . ay hango sa bago-ang-panahong-Kristiyanong pagsamba sa mga diyos na ‘namamatay at bumabangon mula sa mga patay,’ na partikular nang laganap sa mga magsasaka na taun-taong nagdiriwang ng ‘kapanganakan’ ng Diyos na Tagapagligtas, na nagpapanauli sa kalikasan, na karaniwan nang pumapatak sa winter solstice mula Disyembre 21-25.”
Marahil ay masusumpungan mong makahulugan ang may-katumpakang binabanggit ng ensayklopidiyang iyon: “Walang Pasko sa mga Kristiyano noong unang siglo. . . . Mula sa kalagitnaan ng ikaapat na siglo, naging bahagi na ng Kristiyanismo ang pagdiriwang ng winter solstice na hinango mula sa pagsamba kay Mithra anupat ginawa itong pagdiriwang ng Pasko. Ang unang nagdiwang ng Pasko ay ang relihiyosong komunidad sa Roma. Noong ikasampung siglo, lumaganap ang Pasko, pati na ang Kristiyanismo, sa Russia, kung saan inilakip ito sa pagdiriwang ng sinaunang mga Slav tuwing taglamig, na nagpaparangal sa mga espiritu ng mga ninuno.”
Marahil ay itatanong mo, ‘Sinasabi ba ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na Disyembre 25 ipinanganak si Jesus?’ Ang totoo, walang binabanggit ang Bibliya na petsa ng kapanganakan ni Jesus, at walang ulat na may binanggit si Jesus hinggil dito, at lalo nang hindi niya iniutos na ipagdiwang ito. Gayunman, tinutulungan tayo ng Bibliya na malaman kung anong panahon ng taon ipinanganak si Jesus.
Ayon sa Ebanghelyo ni Mateo, kabanata 26 at 27, pinatay si Jesus noong Nisan 14, sa bandang hapon ng Paskuwa ng mga Judio na nagsimula noong Marso 31, 33 C.E. Nalaman natin sa Ebanghelyo ni Lucas na mga 30 anyos si Jesus nang bautismuhan siya at pasimulan niya ang kaniyang ministeryo. (Lucas 3:21-23) Umabot ng tatlo at kalahating taon ang ministeryong iyon. Kung gayon, nasa 33 1/2 taóng gulang si Jesus nang siya’y mamatay. Mga Oktubre 1, 33 C.E. sana siya magiging 34 anyos. Iniulat ni Lucas na ang mga pastol ay “naninirahan sa labas at patuloy na nagbabantay sa gabi sa kanilang mga kawan” nang ipanganak si Jesus. (Lucas 2:8) Hindi maaaring nasa labas ang mga pastol kasama ang kanilang kawan sa napakalamig na buwan ng Disyembre at malamang na umuulan pa nga ng niyebe sa Betlehem sa panahong iyon. Subalit, maaaring naroroon sila kasama ng kanilang kawan nang bandang Oktubre 1, na ayon sa ebidensiya ay ang panahong ipinanganak si Jesus.
Samantala, kumusta naman ang pagdiriwang ng Bagong Taon? Gaya ng nakita na natin, punung-puno ito ng masasamang paggawi. Sa kabila ng mga pagsisikap na gawin itong sekular, ito man ay may kuwestiyunableng pinagmulan.
Tiyak, sa liwanag ng mga nangyayari sa kapaskuhan, nawalan ng saysay ang mga islogan tulad ng, Si Jesus ang dahilan ng kapaskuhan. Kung hindi mo nagugustuhan ang nangyayaring komersiyalismo at nakababahalang mga paggawi tuwing Kapaskuhan, gayundin ang di-kanais-nais na paganong pinagmulan nito, huwag kang masiraan ng loob. May angkop na paraan na maipakikita natin ang nararapat na pagpipitagan sa Diyos at pagpaparangal kay Kristo, at kasabay nito’y mapatitibay rin natin ang ugnayang pampamilya.
Mas Mainam na Paraan ng Pagpaparangal sa Diyos at kay Kristo
Sinasabi sa atin ng Bibliya na dumating si Jesu-Kristo upang “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Hinayaan niyang siya’y patayin, anupat kusang ibinigay ang kaniyang buhay para sa ating mga kasalanan. Marahil ay gusto ng ilan na parangalan si Kristo at iniisip nilang magagawa nila ito sa panahon ng Pasko. Subalit gaya ng nakita na natin, ang Pasko at Bagong Taon ay halos walang kaugnayan kay Kristo at nagmula sa paganong mga selebrasyon. Gayundin, gaano man kahali-halina para sa iba ang panahon ng Pasko, kitang-kita pa rin dito ang lantarang komersiyalismo. Karagdagan pa, hindi maikakaila na iniuugnay ang Pasko sa kahiya-hiyang paggawi na hindi nagpapalugod sa Diyos at kay Kristo.
Ano ang dapat gawin ng isa kung nais niyang palugdan ang Diyos? Sa halip na manghawakan sa tradisyon ng mga tao na maaaring magpadama ng pagiging relihiyoso subalit salungat naman sa Kasulatan, ang taimtim na tao ay maghahanap ng tamang paraan para parangalan ang Diyos at si Kristo. Ano ba ang tamang paraan na iyan, at ano ang dapat nating gawin?
Sinabi mismo sa atin ni Kristo: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, ang talagang taimtim na tao ay magsisikap na kumuha ng tumpak na kaalaman kung paano pararangalan ang Diyos at si Kristo. Pagkatapos ay ikakapit niya ang kaalamang ito hindi lamang sa isang partikular na yugto ng taon kundi sa araw-araw na pamumuhay. Nalulugod ang Diyos sa gayong taimtim na pagsisikap, na aakay sa buhay na walang-hanggan.
Nais mo bang ang iyong pamilya ay mapabilang sa mga tunay na nagpaparangal sa Diyos at kay Kristo kasuwato ng Kasulatan? Milyun-milyong pamilya na sa buong daigdig ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova na makakuha ng kaalamang ito mula sa Bibliya. Malugod ka naming inaanyayahang makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa kanila sa angkop na adres na nasa pahina 2 ng magasing ito.
[Talababa]
^ par. 11 Bago ang rebolusyon noong Oktubre 1917, ginagamit ng Russia ang sinaunang kalendaryong Julian, ngunit ang karamihan sa mga bansa ay gumagamit na ng kalendaryong Gregorian. Noong 1917, ang kalendaryong Julian ay nahuhuli nang 13 araw sa katumbas nitong kalendaryong Gregorian. Pagkatapos ng rebolusyon, ginamit na rin ng mga Sobyet ang kalendaryong Gregorian, anupat nakaalinsabay na ang Russia sa iba pang bahagi ng daigdig. Gayunman, pinanatili ng Simbahang Ortodokso ang kalendaryong Julian para sa mga pagdiriwang nito at tinawag itong “Sinaunang” kalendaryo. Mababalitaan mong ipinagdiriwang ang Pasko sa Russia tuwing Enero 7. Pero, alalahanin mo na ang Enero 7 sa kalendaryong Gregorian ay katumbas ng Disyembre 25 sa kalendaryong Julian. Kaya, marami sa mga Ruso ang nagsaayos ng kanilang kapaskuhan sa ganitong petsa: Disyembre 25, Pasko ng Kanluran; Enero 1, sekular na Bagong Taon; Enero 7, Pasko ng Ortodokso; Enero 14, Bagong Taon ng Sinaunang Kalendaryo.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Pinagmulan ng Pagdiriwang ng Bagong Taon
Lakas-loob na Nagsalita ang Ortodoksong Monghe na Georgiano
“Ang kapistahan ng Bagong Taon ay nagmula sa maraming paganong kapistahan ng sinaunang Roma. Ang Enero 1 ay kapistahang iniaalay sa paganong diyos na si Janus, at isinunod sa pangalan niya ang pangalan ng buwan. Ang imahen ni Janus ay may dalawang magkatalikod na mukha, na nangangahulugang nakikita niya kapuwa ang nakaraan at ang hinaharap. May kasabihan na magiging masaya at maginhawa ang buong taon ng isang tao kung sasalubungin niya ang Enero 1 nang may pagsasaya, tawanan, at saganang pagkain at inumin. Gayung-gayon ang pamahiin ng maraming kababayan namin sa pagdiriwang ng bagong taon . . . Sa ilang paganong kapistahan, ang mga tao ay tuwirang naghahain sa idolo. Ang ilan naman ay bantog sa imoral na pagpapakasasa sa sekso, pangangalunya, at pakikiapid. Sa ibang mga okasyon, halimbawa sa kapistahan para kay Janus, may mga pagpapakalabis sa pagkain at pag-inom, paglalasingan, at bawat uri ng karumihan na kaakibat nito. Kung naaalaala natin kung paano tayo nagdiwang noon ng Bagong Taon, hindi natin maikakaila kung gayon na tayong lahat ay nakibahagi sa paganong pagdiriwang na ito.”—Isang pahayagan sa Georgia.
[Larawan sa pahina 7]
Hindi maaaring nasa labas ang mga pastol kasama ang kanilang kawan sa napakalamig na buwan ng Disyembre