Kapaskuhan—Mangyayari Kaya ang Lahat ng Inaasahan Mo?
Kapaskuhan—Mangyayari Kaya ang Lahat ng Inaasahan Mo?
“Ipinag-utos ni Peter [the Great] na magdaos ng pantanging misa para sa Bagong Taon sa lahat ng simbahan tuwing Enero 1. Itinagubilin pa niya na magsabit ng pinalamutiang mga sanga ng evergreen sa mga hamba ng pinto sa loob ng bahay, at iniutos niya na lahat ng mamamayan ng Moscow ay dapat ‘magbatian nang malakas bilang pagpapakita ng kanilang kaligayahan’ sa Bagong Taon.”—Peter the Great—His Life and World.
ANO ang inaasahan mo tuwing sumasapit ang tinatawag ng marami na kapaskuhan? Sinasabi ng mga tao sa buong daigdig na ang panahong ito ay nakasentro sa Pasko, ang tradisyonal na araw ng kapanganakan ni Kristo, subalit kasama rin dito ang pagdiriwang ng Bagong Taon. Kaya mahaba-haba ang bakasyon sa panahong ito. Malamang na nakabakasyon ang mga magulang at mga bata sa panahong ito, kaya waring angkop na pagkakataon ito para magkasama-sama ang mga pamilya. Gayunman, tinutukoy ng ilan ang panahong ito na “panahon ng Pasko,” yamang nais nilang parangalan si Kristo sa panahong ito ng kapaskuhan. Marahil, para sa iyo, ito rin ang pinakamahalagang diwa ng panahong ito.
Ito man ay nilayon upang parangalan si Kristo at magkasama-sama ang pamilya, o alinman dito, ang panahong ito ay inaasam-asam ng milyun-milyong asawang lalaki, asawang babae, at mga bata sa buong daigdig. Kumusta kaya sa taóng ito? Magiging espesyal na panahon kaya ito para sa pamilya, at espesyal kaya ito para sa Diyos? Kung may pampamilyang pagtitipon, mangyayari kaya ang lahat ng inaasahan mo, o madidismaya ka?
Napapansin ng marami, na umaasam sa espirituwal na diwa ng okasyon, na kadalasan nang ipinagdiriwang ang Pasko at Bagong Taon nang hindi na napahahalagahan si Kristo. Sa halip, ang kapaskuhan ay nagiging panahon na lamang para tumanggap ng mga regalo, para magkaroon ng parti na maaaring nagsasangkot ng paggawi na hindi nagpaparangal kay Kristo, o pangunahin na para magkasama-sama ang pamilya. Kadalasan, ang gayong pagtitipon ay sinisira ng isa o higit pang miyembro ng pamilya na nagpapakasasa sa pagkain at alkohol, na pinagmumulan ng mga pagtatalong karaniwan nang nauuwi sa karahasan sa sambahayan. Marahil ay napansin mo na iyan, o maaaring naranasan mo pa nga ito.
Kung gayon, waring kaunti lamang ang nagbago mula nang panahon ng tsar ng Russia na si Peter the Great, na binanggit sa pasimula. Dahil nababahala sa kalakaran ngayon, marami ang nangangarap na sana, ang kapaskuhan ay maging panahon ng taimtim na pagbubulay-bulay sa espirituwal at kaayaayang pagsasamahan ng pamilya. Nangangampanya pa nga ang ilan para sa pagbabago, na ginagamit ang mga islogan tulad ng, Si Jesus ang dahilan ng kapaskuhan. Subalit posible kaya ang pagbabago? At talaga kayang mapararangalan nito si Kristo? May mga dahilan ba para malasin ang kapaskuhan sa naiibang paraan?
Upang malaman ang kasiya-siyang mga sagot, tingnan natin ang situwasyon ayon sa pananaw ng mga tao sa isang bansa na dapat sana’y may pantanging dahilan para pahalagahan ang panahong ito ng kapaskuhan.