Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mangaral ng Pagpapalaya sa mga Bihag”

“Mangaral ng Pagpapalaya sa mga Bihag”

“Mangaral ng Pagpapalaya sa mga Bihag”

SA PASIMULA ng kaniyang ministeryo, ipinahayag ni Jesus na bahagi ng kaniyang atas ang “mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag.” (Lucas 4:18) Bilang pagsunod sa halimbawa ng kanilang Panginoon, ipinangangaral ng tunay na mga Kristiyano ang mabuting balita ng Kaharian sa “lahat ng uri ng mga tao,” anupat pinalalaya sila mula sa espirituwal na pagkabihag at tinutulungan silang pagandahin ang kanilang buhay.​—1 Timoteo 2:4.

Sa ngayon, kasali sa gawaing ito ang pangangaral sa literal na mga bihag​—mga taong nabilanggo dahil sa iba’t ibang krimen at nagpapahalaga sa espirituwal na paglaya. Masiyahan sa nakapagpapatibay-loob na ulat na ito tungkol sa gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa mga bilangguan sa Ukraine at sa iba pang bahagi ng Europa.

Mga Sugapa sa Droga na Naging mga Kristiyano

Sa 38 taon ng buhay ni Serhii, * 20 ang ginugol niya sa bilangguan. Sa bilangguan pa nga siya nakatapos ng pag-aaral. Sinabi niya: “Noong nakalipas na mga taon, nabilanggo ako dahil sa pagpatay, at hindi pa tapos ang sentensiya sa akin. Sa bilangguan, naging mabagsik ako, at kinatatakutan ako ng ibang mga bilanggo.” Dahil ba rito ay nadama niyang parang malaya siya? Hindi. Sa loob ng maraming taon, si Serhii ay naging alipin ng droga, alak, at tabako.

Nang maglaon, isang kapuwa bilanggo ang nakipag-usap sa kaniya tungkol sa katotohanan sa Bibliya. Para itong isang sinag ng liwanag sa karimlan. Sa loob lamang ng ilang buwan, naihinto niya ang kaniyang pagkasugapa, naging isang mangangaral ng mabuting balita, at nabautismuhan. Abala ngayon si Serhii sa bilangguan, anupat naglilingkod bilang buong-panahong ministro ni Jehova. Natulungan niya ang pitong kriminal na magbago ng kanilang landasin at maging kaniyang espirituwal na mga kapatid. Anim sa kanila ang nakalaya na, ngunit si Serhii ay nakabilanggo pa rin. Hindi niya ito ipinagdaramdam dahil maligaya siya na natutulungan niya ang iba na makalaya sa espirituwal na pagkabihag.​—Gawa 20:35.

Isa sa mga naging estudyante ni Serhii sa bilangguan ay si Victor, dating nagbebenta ng droga at isa ring sugapa. Nang makalaya siya sa bilangguan, patuloy na sumulong sa espirituwal si Victor at nang dakong huli ay nagtapos sa Ministerial Training School sa Ukraine. Naglilingkod na siya ngayon bilang ministrong special pioneer sa Moldova. Sabi ni Victor: “Nagsimula akong manigarilyo noong ako ay 8 taóng gulang, nag-abuso ng alak sa edad na 12, at gumamit ng droga noong ako ay 14. Gusto kong baguhin ang aking buhay, ngunit bigo ang lahat ng pagsisikap ko. Pagkatapos noong 1995, nang kaming mag-asawa ay nagbabalak nang humiwalay sa masasamang kasama, siya ay pinagsasaksak hanggang sa mamatay ng isang baliw na mamamatay-tao. Naging miserable ang buhay ko. ‘Nasaan na ngayon ang aking asawa? Ano ang nangyayari kapag namatay ang isang tao?’ Lagi akong nagtatanong ngunit wala akong masumpungang sagot. Nagpakalulong ako sa droga upang maibsan ang aking pangungulila. Naaresto ako dahil sa pagbebenta ng droga at nasentensiyahan ng limang-taóng pagkabilanggo. Doon, tinulungan ako ni Serhii na masumpungan ang mga kasagutan. Maraming beses ko nang sinubukang huminto sa paggamit ng droga, ngunit ngayon lamang ako nagtagumpay sa tulong ng Bibliya. Talagang lubhang makapangyarihan ang Salita ng Diyos!”​—Hebreo 4:12.

Nagbago ang Pusakal na mga Kriminal

Si Vasyl ay hindi kailanman gumamit ng droga, ngunit nabilanggo rin siya. “Wiling-wili ako sa kickboxing (isang uri ng boksing na may kasamang pagsipa),” ang paliwanag niya. “Sinanay ko ang aking sarili na manggulpi ng tao nang hindi nag-iiwan ng anumang pasa.” Ginamit ni Vasyl ang karahasan upang pagnakawan ang mga tao. “Tatlong beses akong nabilanggo, na naging dahilan upang diborsiyuhin ako ng aking asawa. Sa huling sentensiya sa akin na limang-taóng pagkabilanggo, nakabasa ako ng literatura ng mga Saksi ni Jehova. Naudyukan ako nito na basahin ang Bibliya, ngunit nasasangkot pa rin ako sa talagang gusto ko​—ang kickboxing.

“Subalit makalipas ang anim na buwang pagbabasa ng Bibliya, may nagbago sa akin. Hindi na ako nasisiyahan sa pagwawagi sa labanan gaya ng dati. Kaya sinimulan kong suriin ang aking buhay sa liwanag ng sinasabi ng Isaias 2:4 at napagtanto ko na malibang baguhin ko ang aking pag-iisip, habambuhay akong mamamalagi sa bilangguan. Kaya itinapon ko ang lahat ng gamit ko sa pakikipaglaban at sinimulan kong baguhin ang aking personalidad. Hindi ito madali, ngunit ang pagbubulay-bulay at pananalangin ay unti-unting tumulong sa akin na ihinto ang aking masamang kinaugalian. Kung minsan, lumuluha akong nagsusumamo kay Jehova na bigyan ako ng lakas upang matigil na ang pagkasugapa ko. Sa wakas, nagtagumpay ako.

“Nang makalaya ako sa bilangguan, nabuong muli ang aking pamilya. Nagtatrabaho ako ngayon sa isang minahan ng karbon. Nagbibigay ito sa akin ng sapat na panahon upang makibahagi sa gawaing pangangaral kasama ng aking asawa at magampanan ang aking mga pananagutan sa kongregasyon.”

Pinagnakawan naman ni Mykola at ng kaniyang mga kaibigan ang maraming bangko sa Ukraine. Dahil dito ay nabilanggo siya ng sampung taon. Bago siya mabilanggo, minsan lamang siya nakapasok ng simbahan​—para pagnakawan sana ang simbahang iyon. Nabigo ang kaniyang balak, ngunit dahil sa pagdalaw na iyon, naisip ni Mykola na ang Bibliya ay punô ng nakaiinip na mga kuwento tungkol sa mga paring Ortodokso, mga kandila, at mga relihiyosong kapistahan. Sinabi niya: “Ewan ko nga ba kung bakit, pero sinimulan kong basahin ang Bibliya. Takang-taka ako nang matuklasan kong ibang-iba pala ito sa inakala ko!” Humiling siya ng isang pag-aaral sa Bibliya at nabautismuhan noong 1999. Kung titingnan siya ngayon, mahirap paniwalaan na ang mapagpakumbabang ministeryal na lingkod na ito ay dating pusakal na armadong magnanakaw sa bangko!

Si Vladimir ay pinatawan ng parusang kamatayan. Habang hinihintay ang araw ng pagbitay sa kaniya, nanalangin siya sa Diyos at nangakong maglilingkod sa Kaniya kung hindi siya mabibitay. Samantala, nagbago ang batas, at ang parusang kamatayan sa kaniya ay ibinaba sa habambuhay na pagkabilanggo. Upang tuparin ang kaniyang pangako, sinimulang hanapin ni Vladimir ang tunay na relihiyon. Nag-aral siya sa pamamagitan ng liham at tumanggap ng diploma mula sa isang simbahang Sabadista, ngunit hindi siya nasiyahan.

Gayunman, matapos basahin ang mga magasing Bantayan at Gumising! sa aklatan ng bilangguan, sumulat si Vladimir sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Ukraine at humiling na dalawin siya. Nang dalawin siya ng mga kapatid na tagaroon, Saksi na ang turing niya sa kaniyang sarili at nangangaral na siya sa bilangguan. Tinulungan siyang maging kuwalipikadong mamamahayag ng Kaharian. Nang isulat ang artikulong ito, si Vladimir at ang pitong iba pa na nasa bilangguang iyon ay naghihintay nang mabautismuhan. Ngunit may problema sila. Yamang ang mga presong may habambuhay na sentensiya ay pinagsasama-sama sa mga selda ayon sa kanilang relihiyosong paniniwala, si Vladimir at ang mga kasama niya sa selda ay iisa ng pananampalataya. Kaya kanino sila mangangaral? Ibinahagi nila ang mabuting balita sa mga guwardiya ng bilangguan at sa pamamagitan ng pagliham.

Si Nazar na taga-Ukraine ay lumipat sa Czech Republic, kung saan sumama siya sa isang gang ng mga magnanakaw. Humantong ito sa tatlo at kalahating taóng pagkakabilanggo. Samantalang nakabilanggo, tumugon siya sa mga pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova mula sa lunsod ng Karlovy Vary, natuto ng katotohanan, at nagbagong-buhay. Nang makita ito, isa sa mga guwardiya ang nagsabi sa mga kasama ni Nazar sa selda: “Kung kayong lahat ay magiging gaya ng taga-Ukraine na iyan, sa wakas ay makapagpapalit na ako ng trabaho.” Sinabi naman ng isa pa: “Talagang eksperto ang mga Saksi ni Jehova na ito. Papasok ang isang kriminal sa bilangguan; pero lalabas siya na isang disenteng tao.” Ngayon ay nakalaya na si Nazar. Natuto siya ng pagkakarpintero at nakapag-asawa, at silang mag-asawa ay nasa buong-panahong ministeryo. Kaylaki ng pasasalamat niya sa pagdalaw ng mga Saksi sa bilangguan!

Opisyal na Pagkilala

Hindi lamang mga bilanggo ang nagpapasalamat sa serbisyong inilalaan ng mga Saksi ni Jehova. Ganito ang sabi ni Miroslaw Kowalski, tagapagsalita para sa isa sa mga bilangguan sa Poland: “Labis naming pinahahalagahan ang kanilang mga pagdalaw. May malungkot na nakaraan ang ilang bilanggo. Marahil hindi sila kailanman tinrato bilang mga tao. . . . Napakahalaga ng tulong [ng mga Saksi] dahil kulang kami ng tauhan at mga tagapagturo.”

Ang warden ng isa pang bilangguan sa Poland ay sumulat sa tanggapang pansangay at humiling sa mga Saksi na pag-ibayuhin pa ang kanilang gawain sa kaniyang bilangguan. Bakit? Nagpaliwanag siya: “Ang mas madalas na pagdalaw ng mga kinatawan ng Watchtower ay maaaring makatulong sa mga bilanggo na malinang ang kanais-nais na mga katangian sa pakikitungo sa tao, anupat masusupil ang awayan sa gitna nila.”

Ganito ang iniulat ng isang pahayagan sa Ukraine tungkol sa isang nanlulumong bilanggo na nagtangkang magpatiwakal ngunit nang maglaon ay natulungan ng mga Saksi ni Jehova. “Sa kasalukuyan, nakokontrol na ng lalaking ito ang kaniyang damdamin,” ang sabi ng ulat. “Sumusunod na siya sa mga rutin sa bilangguan at isa siyang halimbawa sa iba pang mga bilanggo.”

Mga Pakinabang Paglabas ng Bilangguan

Ang mga pakinabang na dulot ng gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang sa loob ng bilangguan. Nakikinabang pa rin ang mga bilanggo pagkalaya nila. Dalawang Kristiyano, sina Brigitte at Renate, ang ilang taon nang tumutulong sa mga tao sa ganitong paraan. Ganito ang ulat ng isang pahayagan sa Alemanya na Main-Echo Aschaffenburg tungkol sa kanila: “Sinusubaybayan nila ang mga bilanggo sa loob ng tatlo hanggang limang buwan pagkalaya nila, anupat hinihimok silang magkaroon ng layunin sa buhay. . . . Sila ay opisyal nang kinilala bilang boluntaryong mga tagasubaybay ng mga bilanggong pansamantalang pinalaya. . . . Kapaki-pakinabang at positibo rin ang kanilang pakikitungo sa mga tauhan ng bilangguan.” Maraming dating bilanggo ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova dahil sa ganitong uri ng pagtulong.

Maging ang mga opisyal ng bilangguan ay nakikinabang sa gawain ng mga Saksi ni Jehova na pagtuturo ng Bibliya. Halimbawa, si Roman ay major ng militar at sikologo sa isang bilangguan sa Ukraine. Nang dumalaw ang mga Saksi sa kanilang tahanan, sumang-ayon siyang mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos ay napag-alaman niyang hindi pinahihintulutang mangaral ang mga Saksi sa bilangguang pinagtatrabahuhan niya. Kaya hiniling niya sa warden na payagan siyang gumamit ng Bibliya sa pakikipag-usap niya sa mga bilanggo sa panahon ng kaniyang trabaho. Pinagbigyan ang kaniyang kahilingan at mga sampung bilanggo ang nagpakita ng interes. Regular na ibinahagi ni Roman sa mga bilanggong ito ang kaniyang lumalagong kaalaman sa Bibliya, at nagbunga ng napakagandang mga resulta ang kaniyang mga pagsisikap. Nang palayain sila, ang ilan ay patuloy na sumulong at naging bautisadong mga Kristiyano. Dahil nakita ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos, lalong naging seryoso si Roman sa kaniyang pag-aaral. Umalis siya sa militar at nagpatuloy sa kaniyang gawaing pagtuturo ng Bibliya. Ngayon, nakikibahagi siya sa gawaing pangangaral kasama ng isang dating bilanggo.

“Dito, nabubuhay kami dahil sa Bibliya, sa mga publikasyon sa Bibliya, at sa pag-aaral ng Bibliya,” ang sulat ng isang bilanggo. Angkop na inilalarawan ng mga salitang ito ang pangangailangan sa mga literatura sa Bibliya sa ilang bilangguan. Isang kongregasyon sa Ukraine ang nag-ulat tungkol sa gawaing pagtuturo ng Bibliya sa isang bilangguan sa kanilang lugar: “Nagpapasalamat ang administrasyon sa mga literaturang ibinibigay namin. Sinusuplayan namin sila ng 60 kopya ng bawat isyu ng Ang Bantayan at Gumising!” Isa pang kongregasyon ang sumulat: “Inaasikaso namin ang isang bilangguan na may 20 maliliit na aklatan. Inilagay namin sa bawat aklatan ang mga pangunahing publikasyon namin. Umabot ito sa 20 kahong literatura.” Sa isang bilangguan, ang mga guwardiya ay nag-iingat ng isang salansan ng aming mga magasin sa aklatan upang makinabang ang mga bilanggo sa bawat isyu.

Noong 2002, itinatag ng tanggapang pansangay sa Ukraine ang Prison Desk. Hanggang sa kasalukuyan, nasa 120 bilangguan na ang nakontak ng departamentong ito at nakapag-atas na ito ng mga kongregasyong mag-aasikaso sa mga iyon. Buwan-buwan, mga 50 liham mula sa mga bilanggo ang natatanggap, karamihan sa mga ito ay humihiling ng literatura o ng pag-aaral sa Bibliya. Ang sangay ay nagpapadala sa kanila ng mga aklat, magasin, at mga brosyur hanggang sa matagpuan sila ng lokal na mga kapatid.

“Ingatan ninyo sa isipan yaong mga nasa gapos ng bilangguan,” ang sulat ni apostol Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano. (Hebreo 13:3) Tinutukoy niya yaong mga nabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Sa ngayon, isinasaisip ng mga Saksi ni Jehova ang mga nakabilanggo, dinadalaw ang mga bilangguan, at ‘ipinangangaral ang pagpapalaya sa mga bihag.’​—Lucas 4:18.

[Talababa]

^ par. 5 Binago ang ilang pangalan.

[Larawan sa pahina 9]

Pader ng bilangguan, L’viv, Ukraine

[Larawan sa pahina 10]

Mykola

[Larawan sa pahina 10]

Si Vasyl kasama ang kaniyang asawang si Iryna

[Larawan sa pahina 10]

Victor