Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Nakinabang ka ba sa pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Bakit maihahalintulad ang unang kasalanan—pagsuway ni Adan—sa isang namamanang sakit?
Para itong sakit dahil naipasa ni Adan ang kasalanan sa kaniyang mga supling. Kaya namana natin ang depektong dulot ng kasalanan, kung paanong ang isang sakit ay namamana ng ilang anak sa kanilang mga magulang.—8/15, pahina 5.
• Anu-ano ang pangunahing dahilan ng paglaganap ng karahasan sa ngayon?
Sinisikap ni Satanas na ihiwalay ang mga tao kay Jehova sa pamamagitan ng paghahasik ng espiritu ng karahasan sa puso, na ginagamit ang mga pelikula, musika, at mga laro sa computer na nag-uudyok sa mga manlalaro na gayahin ang kalupitan at pamamaslang. Ang karahasan sa media ay naging dahilan ng maraming gawang karahasan.—9/1, pahina 29.
• Sino si Poncio Pilato?
Isa siyang Romano na kabilang sa nakabababang maharlika at malamang na dating kaanib ng hukbong militar. Noong 26 C.E., si Pilato ay inatasan ng Romanong emperador na si Tiberio bilang gobernador ng probinsiya ng Judea. Nang litisin si Jesus, si Pilato ang duminig sa mga paratang ng mga lider na Judio. Upang palugdan ang mga tao, pinahintulutan niya ang pagpatay kay Jesus.—9/15, pahina 10-12.
• Ano ang “tanda” na binabanggit sa Mateo 24:3?
Ang tandang ito ay binubuo ng maraming bahagi na kumakatawan sa kalipunan ng pagkakakilanlang tanda, o hudyat. Kasama sa tanda ang digmaan, taggutom, salot, at lindol, at tutulong ito sa mga tagasunod ni Jesus na makilala ang kaniyang “pagkanaririto” gayundin ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.”—10/1, pahina 4-5.
• Ano ang Diaspora, at anu-anong lugar ang kabilang dito?
Ang termino ay tumutukoy sa mga Judiong naninirahan sa labas ng Palestina. Noong unang siglo, ang pinakamalalaking sentro ng mga Judio ay nasa Sirya, Asia Minor, Babilonia, at Ehipto, at ang mas maliliit na pamayanan naman ay nasa Europa na bahagi ng Imperyo ng Roma.—10/15, pahina 12.
• Makapag-iingat kaya ng mabuting budhi ang isang Kristiyano kung siya’y magtatrabaho nang nakaarmas?
Ang pagtanggap ng sekular na trabaho na humihiling ng pagdadala ng baril o iba pang sandata ay isang personal na desisyon. Ngunit ang pagtatrabaho nang nakaarmas ay naghahantad sa isa sa posibilidad na magkasala sa dugo sakaling gamitin niya ang kaniyang sandata at sa panganib na masaktan o mamatay dahil sa pagsalakay o pagganti. Ang isang Kristiyano na nagdadala ng gayong sandata ay hindi kuwalipikado para sa pantanging mga pribilehiyo sa kongregasyon. (1 Timoteo 3:3, 10)—11/1, pahina 31.
• Yamang ang salitang “Armagedon” ay halaw sa pananalitang “Bundok ng Megido,” magaganap kaya ang digmaan ng Armagedon sa isang bundok sa Gitnang Silangan?
Hindi. Wala namang Bundok ng Megido, mayroon lamang gulod, na mas mataas sa katabing kapatagang libis sa Israel. Hindi magkakasya sa lugar na iyon ang lahat ng “mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” Magaganap sa buong lupa ang dakilang digmaan ng Diyos, at ito ang tatapos sa lahat ng digmaan. (Apocalipsis 16:14, 16; 19:19; Awit 46:8, 9)—12/1, pahina 4-7.