Pagtulong sa mga Tsino sa Mexico
Pagtulong sa mga Tsino sa Mexico
“SAMPUNG lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio, na sinasabi: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’ ” (Zacarias 8:23) Sa ngayon, natutupad na sa buong daigdig ang magandang hulang ito. Ang mga tao “mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ay tumatangan sa espirituwal na mga Israelita upang sumamba sa Diyos na Jehova. Interesadung-interesado ang mga Saksi ni Jehova sa katuparan ng hulang ito. Marami sa kanila ang nag-aaral ng ibang wika upang makibahagi sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral.
Kabilang sa mga ito ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Tinatayang 30,000 katao na nagsasalita ng wikang Tsino ang nakatira sa Mexico. Labinlima sa kanila ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo na idinaos sa Mexico City noong 2003. Kaya nakita ng mga Saksi sa Mexico ang potensiyal na darami ang mga Tsino na interesado sa espirituwal na mga bagay. Upang mas marami ang makapangaral sa mga nagsasalita ng wikang Tsino, nagsaayos ng tatlong-buwang kurso upang turuan ang mga Saksi sa Mexico ng simpleng mga presentasyon sa Mandarin Chinese. Lahat-lahat, 25 Saksi ang nag-aral sa kursong ito. Sa pagtatapos nito, dumalo sa gradwasyon ang isang opisyal mula sa komunidad ng mga nagsasalita ng Mandarin sa Mexico City, anupat ipinakikita nito na may malaking epekto ang klase sa mga nagsasalita ng wikang Tsino. Isang lokal na institusyon ng mga Tsino ang nag-alok ng iskolarsip sa tatlo sa mga estudyante upang mag-aral sa ibang bansa para mapahusay pa ang pagsasalita nila ng wikang Tsino.
Kasama sa kurso sa pag-aaral ng wika ang aktuwal na pagsasanay. Matapos pag-aralan ang ilang simpleng pananalita, ang mga estudyante ay agad nang nangaral sa wikang Tsino sa lugar ng negosyo sa Mexico City. Ang masisigasig na estudyante ay nakapagpasimula ng 21 pag-aaral sa Bibliya. Napakalaking tulong ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? sa wikang Tsino na nakasulat sa alpabetong Romano na tinatawag na Pinyin.
Paano nagdaos ng pag-aaral sa Bibliya ang mga Saksi na kasisimula pa lamang mag-aral ng wikang Tsino? Sa simula, maaaring sabihin lamang nila, “Qing Du [Pakibasa]” at ituturo ang parapo at pagkatapos ay ang tanong. Pagkatapos magbasa at sumagot ang kanilang kausap sa wikang Tsino, sasabihin nila, “Shei shei [Salamat]” at, “Hen Hao [Napakahusay].”
Isang babaing nag-aangking Kristiyano ang napasimulan ng gayong pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos ng ikatlong pag-aaral, gustong malaman ng Saksi kung talaga nga bang naiintindihan ng babae ang impormasyon. Kaya isinama ng Saksi ang isang brother na ang katutubong wika ay Tsino.
Nang tanungin ng brother ang babae kung mayroon siyang mga katanungan, itinanong ng babae: “Kailangan bang marunong akong lumangoy para mabautismuhan?”Di-nagtagal, naitatag ang isang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na ang katamtamang bilang ng dumadalo ay 9 katao na nagsasalita ng wikang Tsino at 23 Saksing Mexicano. Kabilang sa mga iyon ang isang doktor na Tsino, na nakatanggap ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa wikang Kastila mula sa isa sa kaniyang mga pasyente. Yamang hindi niya naiintindihan ang Kastila, pinakisuyuan niya ang iba na isalin ang ilang bahagi nito para sa kaniya. Dahil nalaman niyang Bibliya ang tinatalakay ng mga magasin, tinanong niya ang pasyente kung posible bang makakuha siya ng mga magasin sa wikang Tsino. Nakakuha nga siya, at sa tulong ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico, isinaayos na madalaw siya ng isang Saksing nagsasalita ng wikang Tsino. Nang nasa Tsina siya, wiling-wili ang doktor na basahin ang Bibliya ng kaniyang nanay. Nang magpasiya siyang pumunta sa Mexico, ibinilin ng kaniyang nanay na patuloy niyang basahin ang Bibliya. Kaya lagi siyang nananalangin na sana ay may tumulong sa kaniya para matuto pa siya nang higit tungkol sa Diyos ng Bibliya. Sinabi niya: “Dininig ng Diyos ang panalangin ko!”
Dumadalo rin sa pag-aaral sa aklat ang isang pamilyang Tsino na nangungupahan sa isang Mexicana na nakikipag-aral naman ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Kahit na kakaunti lamang ang naiintindihang Kastila ng pamilyang Tsino, sumasali pa rin sila sa mga talakayan sa Bibliya. Nang maglaon, tinanong ng pamilya ang Saksing nangangasiwa sa pag-aaral kung mayroon siyang anumang publikasyon sa wikang Tsino. Di-nagtagal, idinaraos na sa kanila ang pag-aaral ng Bibliya sa wikang Tsino. Ilang panahon lamang, sinabi ng pamilya na gusto na nilang mangaral sa kanilang mga kababayan at ialay ang kanilang buhay kay Jehova.
Totoong mahirap matutuhan ang wikang Tsino. Gayunman, gaya ng ipinakikita ng nabanggit na mga karanasan, sa tulong ni Jehova, natututo ng kalooban ng Diyos ang mga taong iba’t iba ang wika, kabilang na ang mga Tsino, sa Mexico at sa iba pang bahagi ng daigdig.
[Larawan sa pahina 17]
Isang klase sa pag-aaral ng wikang Tsino sa Mexico City
[Larawan sa pahina 18]
Mexicanang Saksi na nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa wikang Tsino
[Larawan sa pahina 18]
Ministeryo sa bahay-bahay gamit ang wikang Tsino, Mexico City