Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang Sinusunod Mo—Ang Diyos o ang Tao?

Sino ang Sinusunod Mo—Ang Diyos o ang Tao?

Sino ang Sinusunod Mo​—Ang Diyos o ang Tao?

“Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—GAWA 5:29.

1. (a) Ano ang pinakatemang teksto para sa araling ito? (b) Bakit inaresto ang mga apostol?

MALAMANG na galít na galít ang mga hukom ng kataas-taasang hukuman ng mga Judio. Nawawala ang mga bilanggo. Sila ay mga apostol ni Jesu-Kristo, isang lalaking hinatulan ng kamatayan ng mataas na hukuman ilang linggo na ang nakalilipas. Handa na ngayon ang hukuman upang balingan ang kaniyang pinakamalapít na mga tagasunod. Ngunit nang kukunin na sila ng mga guwardiya para ibalik sa hukuman, natuklasan nilang walang laman ang mga selda, bagaman nakakandado ang mga pinto. Di-nagtagal, nalaman ng mga guwardiya na ang mga apostol ay nasa templo sa Jerusalem, walang-takot na nagtuturo sa mga tao tungkol kay Jesu-Kristo​—ang mismong gawain kung bakit sila inaresto! Kaagad nagtungo sa templo ang mga guwardiya, muling inaresto ang mga apostol, at dinala sa hukuman.​—Gawa 5:17-27.

2. Ano ang iniutos ng anghel sa mga apostol?

2 Pinalaya ng isang anghel ang mga apostol mula sa bilangguan. Ito ba’y upang iligtas sila sa higit pang pag-uusig? Hindi. Ito’y upang marinig ng mga tumatahan sa Jerusalem ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo. Itinagubilin ng anghel sa mga apostol na “patuloy [nilang] salitain sa mga tao ang lahat ng mga pananalita tungkol sa buhay na ito.” (Gawa 5:19, 20) Kaya nang abutan sila ng mga guwardiya sa templo, ang mga apostol ay nasumpungan nilang masunuring tumutupad sa utos na iyon.

3, 4. (a) Paano tumugon sina Pedro at Juan nang utusan silang tumigil sa pangangaral? (b) Paano tumugon ang iba pang mga apostol?

3 Humarap na noon sa hukuman ang dalawa sa determinadong mga mángangarál na iyon, sina apostol Pedro at Juan, yamang ang punong hukom, si Jose Caifas, ay may-kabagsikang nagpaalaala sa kanila. Sinabi niya: “Mahigpit namin kayong pinag-utusan na huwag nang magturo salig sa [pangalan ni Jesus], at gayunman, narito! pinunô ninyo ng inyong turo ang Jerusalem.” (Gawa 5:28) Hindi dapat nagtaka si Caifas na muling makita sa hukuman sina Pedro at Juan. Nang una silang utusang tumigil sa pangangaral, sumagot ang dalawang apostol: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol. Ngunit kung para sa amin, hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” Gaya ng sinaunang propetang si Jeremias, hindi magagawang tumigil nina Pedro at Juan sa pagganap ng kanilang atas na mangaral.​—Gawa 4:18-20; Jeremias 20:9.

4 Ngayon, hindi lamang sina Pedro at Juan kundi ang lahat ng apostol​—pati na ang bagong-hirang na si Matias​—ay may pagkakataong manindigan nang hayagan sa hukuman. (Gawa 1:21-26) Nang utusan silang tumigil sa pangangaral, buong-tapang din silang sumagot: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29.

Diyos Bilang Tagapamahala Laban sa Tao Bilang Tagapamahala

5, 6. Bakit hindi sinunod ng mga apostol ang utos ng hukuman?

5 Ang mga apostol ay mga lalaking masunurin sa batas at karaniwan nang hindi sumusuway sa utos ng hukuman. Gayunman, walang tao, gaanuman kalakas ang kaniyang kapangyarihan, ang may karapatang mag-utos sa iba na suwayin ang isang utos ng Diyos. Si Jehova “ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Hindi lamang siya ang “Hukom ng buong lupa” kundi siya rin ang Kataas-taasang Tagapagbigay-kautusan, at ang Haring walang hanggan. Anumang utos ng hukuman na nilayong magpawalang-bisa sa isang utos ng Diyos ay walang-saysay sa paningin ng Diyos.​—Genesis 18:25; Isaias 33:22.

6 Ang katotohanang ito ay kinilala ng ilang pinakamahuhusay na eksperto sa batas. Halimbawa, ang tanyag na hukom na Ingles noong ika-18 siglo na si William Blackstone ay sumulat na walang batas ng tao ang dapat pahintulutang sumalungat sa “batas ng pagsisiwalat” na nasa Bibliya. Samakatuwid, sumobra na ang Sanedrin nang utusan nito ang mga apostol na tumigil sa pangangaral. Hindi talaga maaaring sundin ng mga apostol ang utos na iyon.

7. Bakit ikinagalit ng mga punong saserdote ang gawaing pangangaral?

7 Ikinagalit ng mga punong saserdote ang determinasyon ng mga apostol na patuloy na mangaral. Ang ilang saserdote, pati si Caifas mismo, ay mga Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. (Gawa 4:1, 2; 5:17) Subalit patuloy na iginigiit ng mga apostol na si Jesus ay binuhay-muli mula sa mga patay. Karagdagan pa, ginawa ng ilan sa mga punong saserdote ang lahat upang makamit ang pabor ng mga Romanong awtoridad. Sa paglilitis kay Jesus, nang bigyan ng pagkakataon ang mga punong saserdote na tanggapin si Jesus bilang kanilang hari, ganito pa nga ang isinigaw nila: “Wala kaming hari kundi si Cesar.” (Juan 19:15) * Hindi lamang pinaninindigan ng mga apostol na binuhay-muli si Jesus kundi itinuturo rin nila na maliban sa pangalan ni Jesus, “walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.” (Gawa 2:36; 4:12) Kung kikilalanin ng mga tao bilang kanilang Lider ang binuhay-muling si Jesus, nangangamba ang mga saserdote na baka dumating ang mga Romano at maiwala ng mga lider na Judio ‘kapuwa ang kanilang dako at ang kanilang bansa.’​—Juan 11:48.

8. Ano ang may-katalinuhang ipinayo ni Gamaliel sa Sanedrin?

8 Waring madilim ang kinabukasan ng mga apostol ni Jesu-Kristo. Determinado ang mga hukom ng Sanedrin na ipapatay sila. (Gawa 5:33) Gayunman, biglang nagbago ang mga pangyayari. Si Gamaliel, isang eksperto sa Kautusan, ay tumindig at nagbabala sa kaniyang mga kasamahan na huwag magpadalus-dalos sa paggawa ng hakbang. May-katalinuhan niyang sinabi: “Kung ang pakanang ito o ang gawaing ito ay mula sa mga tao, ito ay maibabagsak; ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak.” Pagkatapos, may mahalaga pang sinabi si Gamaliel: “Sa halip, baka masumpungan pa kayong lumalaban mismo sa Diyos.”​—Gawa 5:34, 38, 39.

9. Ano ang nagpapatunay na mula sa Diyos ang gawain ng mga apostol?

9 Nakapagtataka naman, tinanggap ng hukuman ang payo ni Gamaliel. “Tinawag [ng Sanedrin] ang mga apostol, pinagpapalo sila, at inutusan silang tumigil na sa pagsasalita salig sa pangalan ni Jesus, at pinawalan sila.” Gayunman, sa halip na matakot, determinado ang mga apostol na sundin ang utos sa kanila ng anghel na mangaral. Kaya pagkalaya nila, “bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy [ang mga apostol] nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:40, 42) Pinagpala ni Jehova ang kanilang pagsisikap. Hanggang sa anong antas? “Ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem.” Sa katunayan, “isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya.” (Gawa 6:7) Tiyak na isang malaking kabiguan ito sa mga punong saserdote! Dumarami ang ebidensiya: Talaga ngang mula sa Diyos ang gawain ng mga apostol!

Hindi Magtatagumpay ang mga Lumalaban sa Diyos

10. Sa pangmalas ng tao, bakit maaaring nadama ni Caifas na hindi siya maaalis sa kaniyang posisyon, ngunit bakit mali ang kaniyang pagtitiwala?

10 Noong unang siglo, ang mataas na saserdote ng mga Judio ay hinihirang ng mga Romanong awtoridad. Ang mayamang si Jose Caifas ay inilagay sa kaniyang puwesto ni Valerius Gratus, at nanatili siya sa posisyong iyon nang mas matagal kaysa sa maraming nauna sa kaniya. Malamang na inisip ni Caifas na nakamit niya ito dahil sa kaniyang kasanayan bilang diplomatiko at dahil sa matalik na kaibigan niya si Pilato at hindi dahil sa tulong ng Diyos. Alinman dito, napatunayang mali ang kaniyang pagtitiwala sa tao. Tatlong taon lamang matapos humarap ang mga apostol sa Sanedrin, naiwala ni Caifas ang pabor ng mga Romanong awtoridad at inalis siya bilang mataas na saserdote.

11. Ano ang kinahinatnan ni Poncio Pilato at ng Judiong sistema ng mga bagay, at ano ang masasabi mo hinggil dito?

11 Ang utos na alisin sa tungkulin si Caifas ay nanggaling sa sumunod na nakatataas kay Pilato, si Lucius Vitellius, gobernador ng Sirya, at hindi ito nahadlangan ng matalik na kaibigan ni Caifas na si Pilato. Sa katunayan, isang taon lamang matapos maalis sa tungkulin si Caifas, si Pilato mismo ay inalis sa tungkulin at pinabalik sa Roma upang sagutin ang mabibigat na paratang sa kaniya. Kung tungkol naman sa mga lider na Judio na nagtiwala kay Cesar, kinuha nga ng mga Romano ‘kapuwa ang kanilang dako at ang kanilang bansa.’ Nangyari ito noong taóng 70 C.E., nang lubusang wasakin ng mga hukbong Romano ang lunsod ng Jerusalem, pati na ang templo at ang bulwagan ng Sanedrin. Totoong-totoo nga ang mga sinabi ng salmista hinggil dito: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas”!​—Juan 11:48; Awit 146:3.

12. Paano pinatutunayan ng nangyari kay Jesus na ang pagsunod sa Diyos ay landasin ng karunungan?

12 Kabaligtaran naman, hinirang ng Diyos ang binuhay-muling si Jesu-Kristo bilang Mataas na Saserdote ng dakilang espirituwal na templo. Walang taong makapagpapawalang-bisa sa paghirang na iyan. Sa katunayan, si Jesus “ay nagtataglay ng kaniyang pagkasaserdote nang walang mga kahalili.” (Hebreo 2:9; 7:17, 24; 9:11) Hinirang din ng Diyos si Jesus bilang Hukom ng mga buháy at ng mga patay. (1 Pedro 4:5) Taglay ang tungkuling iyan, si Jesus ang magpapasiya kung bubuhayin pang muli sina Jose Caifas at Poncio Pilato.​—Mateo 23:33; Gawa 24:15.

Walang-Takot na mga Mángangarál ng Kaharian sa Makabagong Panahon

13. Sa makabagong panahon, anong gawain ang napatunayang mula sa tao, at anong gawain ang napatunayang mula sa Diyos? Bakit gayon ang sagot mo?

13 Sa ating panahon, katulad noong unang siglo, marami pa rin ang ‘mga lumalaban sa Diyos.’ (Gawa 5:39) Halimbawa, nang tumanggi ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya na kilalanin si Adolf Hitler bilang kanilang Lider, sumumpa si Hitler na lilipulin niya sila. (Mateo 23:10) Kayang-kaya itong gawin ng kaniyang mabisang sistema sa pagpatay. Nagtagumpay ang mga Nazi na arestuhin ang libu-libong Saksi at dalhin ang mga ito sa mga kampong piitan. Pinatay pa nga nila ang ilang Saksi. Ngunit nabigo ang mga Nazi na sirain ang determinasyon ng mga Saksi na ang Diyos lamang ang sambahin, at nabigo silang lipulin ang mga lingkod ng Diyos bilang isang grupo. Ang gawain ng mga Kristiyanong ito ay mula sa Diyos, hindi sa tao, at hindi maibabagsak ang gawain ng Diyos. Makalipas ang 60 taon, ang mga tapat na nakaligtas sa mga kampong piitan ni Hitler ay naglilingkod pa rin kay Jehova ‘nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong pag-iisip,’ samantalang si Hitler at ang kaniyang partidong Nazi ay naaalaala na lamang dahil sa kanilang kalupitan.​—Mateo 22:37.

14. (a) Anong mga pagsisikap ang ginawa ng mga sumasalansang upang siraang-puri ang mga lingkod ng Diyos, at anu-ano ang naging resulta? (b) Magdudulot kaya ng anumang namamalaging pinsala sa bayan ng Diyos ang gayong mga pagsisikap? (Hebreo 13:5, 6)

14 Sa sumunod na mga taon pagkatapos ng lahat ng ginawa ng mga Nazi, ang iba ay lumahok sa walang-kapana-panalong pakikibaka laban kay Jehova at sa kaniyang bayan. Sa ilang bansa sa Europa, sinikap ng tusong mga elemento ng relihiyon at pulitika na bansagan ang mga Saksi ni Jehova na isang ‘mapanganib na sekta,’ ang mismong paratang sa unang-siglong mga Kristiyano. (Gawa 28:22) Ang totoo, kinikilala ng European Court of Human Rights ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon, hindi isang sekta. Tiyak na alam ito ng mga sumasalansang. Gayunman, patuloy pa rin nilang siniraang-puri ang mga Saksi. Bilang tuwirang resulta ng ganitong negatibong propaganda, ang ilan sa mga Kristiyanong ito ay sinesante sa kanilang trabaho. Niligalig sa paaralan ang mga anak ng mga Saksi. Ang mga kontrata para sa mga gusaling matagal nang ginagamit ng mga Saksi bilang mga dakong pulungan ay kinansela ng natatakot na mga may-ari nito. Sa ilang kaso, ipinagkait pa nga ng mga ahensiya ng pamahalaan ang pagkamamamayan sa mga indibiduwal dahil lamang sa sila ay mga Saksi ni Jehova! Magkagayunman, hindi nasiraan ng loob ang mga Saksi.

15, 16. Paano tumugon ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya sa pagsalansang sa kanilang gawaing Kristiyano, at bakit patuloy silang nangangaral?

15 Halimbawa, sa Pransiya, ang mga tao ay karaniwan nang makatuwiran at walang-kinikilingan. Gayunman, isinulong ng ilang sumasalansang ang mga batas na nilayong humadlang sa gawaing pang-Kaharian. Paano tumugon ang mga Saksi ni Jehova roon? Pinag-ibayo pa nila higit kailanman ang kanilang gawain sa larangan at nagkaroon ito ng napakagandang mga resulta. (Santiago 4:7) Aba, sa loob lamang ng anim na buwan, ang bilang ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay nakagugulat na tumaas nang 33 porsiyento sa bansang iyon! Tiyak na galít na galít ang Diyablo na makitang tumutugon sa mabuting balita ang tapat-pusong mga tao sa Pransiya. (Apocalipsis 12:17) Nagtitiwala ang ating mga kapuwa Kristiyano sa Pransiya na magkakatotoo sa kanilang kalagayan ang mga sinabi ni propeta Isaias: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo.”​—Isaias 54:17.

16 Hindi natutuwa ang mga Saksi ni Jehova kapag sila ay pinag-uusig. Gayunman, bilang pagsunod sa utos ng Diyos sa lahat ng Kristiyano, hindi sila maaaring tumigil at hindi sila titigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na kanilang narinig. Sinisikap nilang maging mabubuting mamamayan. Gayunman, kapag may pagkakasalungatan ang kautusan ng Diyos at ang batas ng tao, dapat nilang sundin ang Diyos bilang tagapamahala.

Huwag Silang Katakutan

17. (a) Bakit hindi dapat katakutan ang ating mga kaaway? (b) Ano ang dapat na maging saloobin natin sa mga mang-uusig?

17 Napakamapanganib ng kalagayan ng ating mga kaaway. Lumalaban sila sa Diyos. Kaya kasuwato ng utos ni Jesus, sa halip na katakutan sila, ipanalangin natin ang mga umuusig sa atin. (Mateo 5:44) Nananalangin tayo na kung mayroon mang sumasalansang sa Diyos dahil sa kawalang-alam, gaya ni Saul ng Tarso, may-kabaitan sanang imulat ni Jehova ang kanilang mga mata sa katotohanan. (2 Corinto 4:4) Naging Kristiyano si Saul at tinawag na apostol Pablo at pinahirapan siya nang husto ng mga awtoridad noong panahon niya. Gayunman, patuloy niyang pinaalalahanan ang kaniyang mga kapananampalataya na “magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala, na maging handa para sa bawat mabuting gawa, na huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman [kahit pa nga sa pangunahing umuusig sa kanila], huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.” (Tito 3:1, 2) Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya at sa iba pang mga lugar na ikapit ang payong ito.

18. (a) Sa anu-anong paraan maaaring iligtas ni Jehova ang kaniyang bayan? (b) Ano ang pangwakas na kahihinatnan nito?

18 Sinabi ng Diyos sa propetang si Jeremias: “Ako ay sumasaiyo upang iligtas ka.” (Jeremias 1:8) Paano tayo ililigtas ni Jehova mula sa pag-uusig sa ngayon? Maaari siyang magbangon ng isang makatarungang hukom na gaya ni Gamaliel. O maaaring tiyakin niya na ang isang tiwali o salansang na opisyal ay di-inaasahang halinhan ng mas makatuwirang opisyal. Subalit kung minsan, baka pahintulutan ni Jehova na dumanas ng pag-uusig ang kaniyang bayan. (2 Timoteo 3:12) Kung ipahintulot ng Diyos na pag-usigin tayo, lagi niya tayong bibigyan ng lakas upang mabata ang pag-uusig. (1 Corinto 10:13) At anuman ang ipahintulot ng Diyos, makatitiyak tayo sa pangwakas na kahihinatnan nito: Ang mga lumalaban sa bayan ng Diyos ay lumalaban sa Diyos, at ang mga lumalaban sa Diyos ay hindi magtatagumpay.

19. Ano ang taunang teksto para sa 2006, at bakit ito angkop?

19 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na daranas sila ng kapighatian. (Juan 16:33) Kung gayon, lalong higit na napapanahon ang mga salitang nakaulat sa Gawa 5:29: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Dahil dito, pinili ang nakapagpapakilos na mga salitang ito bilang taunang teksto ng mga Saksi ni Jehova para sa taóng 2006. Maging kapasiyahan sana natin sa taóng darating at hanggang sa walang hanggan na sundin ang Diyos bilang Tagapamahala anuman ang maging kapalit nito!

[Talababa]

^ par. 7 Ang “Cesar” na hayagang sinuportahan ng mga punong saserdote noong panahong iyon ay ang kinasusuklamang emperador ng Roma na si Tiberio, isang mapagpaimbabaw at mamamaslang. Kilala rin si Tiberio sa kaniyang kasuklam-suklam na seksuwal na mga gawain.​—Daniel 11:15, 21.

Masasagot Mo Ba?

• Sa pagharap ng mga apostol sa pag-uusig, anong nakapagpapatibay-loob na halimbawa ang iniwan nila sa atin?

• Bakit natin dapat laging sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na ang mga tao?

• Kanino talaga lumalaban ang mga sumasalansang sa atin?

• Ano ang maaasahan nating kahihinatnan ng mga nagbabata ng pag-uusig?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 23]

Ang taunang teksto para sa 2006 ay: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”​—Gawa 5:29

[Larawan sa pahina 19]

“Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao”

[Larawan sa pahina 21]

Nagtiwala si Caifas sa mga tao sa halip na sa Diyos