Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano Katibay ang Iyong Tiwala sa Diyos?

Gaano Katibay ang Iyong Tiwala sa Diyos?

Gaano Katibay ang Iyong Tiwala sa Diyos?

“Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian.”​—MATEO 6:33.

1, 2. Ano ang ginawa ng isang lalaki may kaugnayan sa kaniyang trabaho, at bakit?

GUSTO ng isang lalaki na higit pang makatulong sa kanilang kongregasyon. Ang problema, hindi siya nakadadalo nang regular sa mga pulong dahil sa kaniyang sekular na trabaho. Paano niya nilutas ang kaniyang problema? Pinasimple niya ang kaniyang buhay, nagbitiw siya sa trabaho, at sa kalaunan ay nakahanap ng trabaho na hindi nakahahadlang sa kaniyang mga gawaing Kristiyano. Sa ngayon, mas maliit ang kinikita niya kaysa dati, subalit nasusustentuhan pa rin niya ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya at higit siyang nakatutulong sa kongregasyon.

2 Nauunawaan mo ba kung bakit gayon ang ginawa ng lalaking iyon? Kung ikaw ang nasa kalagayan niya, ganoon din kaya ang gagawin mo? Kapuri-puri naman, gayon ang ginawa ng maraming Kristiyano, at pinatutunayan nito ang kanilang pagtitiwala sa pangako ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Kay Jehova sila nagtitiwala para sa katiwasayan sa halip na sa sekular na daigdig.​—Kawikaan 3:23, 26.

3. Bakit posibleng itanong ng ilan kung praktikal nga ba sa ngayon na unahin ang Kaharian ng Diyos?

3 Dahil napakahirap ng buhay sa ngayon, maaaring itanong ng ilan kung matalino nga ba ang naging desisyon ng lalaking iyon. Sa ngayon, isang bahagi ng sangkatauhan ang nabubuhay sa matinding karalitaan samantalang tinatamasa ng iba ang pinakamataas na antas ng pamumuhay sa kasaysayan. Sinasamantala ng karamihan na nasa mahihirap na lupain ang anumang oportunidad upang guminhawa nang kaunti sa buhay. Sa kabilang dako naman, nararanasan ng marami na nasa mayayamang lupain ang panggigipit na panatilihin ang kanilang antas ng pamumuhay sa kabila ng bumabagsak na ekonomiya, nagbabagong mga kahilingan para makahanap ng trabaho, at pagiging lalong mapaghanap ng mga amo. Dahil sa panggigipit sa paghanap ng ikabubuhay, posibleng itanong ng ilan, ‘Praktikal pa ba na hanapin muna ang Kaharian?’ Upang masagot ang tanong na iyan, isaalang-alang natin kung sino ang kausap ni Jesus noon.

“Huwag Na Kayong Mabalisa”

4, 5. Paano inilarawan ni Jesus na makatuwiran para sa bayan ng Diyos na huwag labis na mabalisa sa pang-araw-araw na pamumuhay?

4 Si Jesus ay nasa Galilea at kausap niya ang malaking pulutong ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar. (Mateo 4:25) Iilan lamang sa mga taong iyon, kung mayroon man, ang mayayaman. Malamang, ang karamihan sa kanila ay mahihirap. Gayunman, hinimok sila ni Jesus na unahin, hindi ang pagtatamo ng materyal na kayamanan, kundi ang pag-iimbak ng isang bagay na di-hamak na mahalaga​—ang espirituwal na kayamanan. (Mateo 6:19-21, 24) Sinabi niya: “Huwag na kayong mabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit na mahalaga ang kaluluwa kaysa sa pagkain at ang katawan kaysa sa pananamit?”​—Mateo 6:25.

5 Para sa maraming nakikinig noon, parang hindi praktikal ang sinabi ni Jesus. Alam nila na kung hindi sila magtatrabaho nang puspusan, maghihirap ang kanilang pamilya. Gayunman, ipinaalaala ni Jesus sa kanila ang tungkol sa mga ibon. Ang mga ibon ay araw-araw na naghahanap ng makakain at madadapuan, pero pinangangalagaan pa rin sila ni Jehova. Binanggit din ni Jesus kung paano pinangangalagaan ni Jehova ang mga ligáw na bulaklak, na ang kagandahan nito ay higit pa kaysa sa natamo ni Solomon sa kaniyang buong kaluwalhatian. Kung pinangangalagaan ni Jehova ang mga ibon at mga bulaklak, gaano pa kaya tayo? (Mateo 6:26-30) Gaya ng sinabi ni Jesus, ang ating buhay (kaluluwa) at katawan ay higit na mahalaga kaysa sa binibili nating pagkain para tustusan ang ating buhay at sa binibili nating damit para damtan ang ating katawan. Kung uubusin natin ang ating lakas para lamang paglaanan ng pagkain at damit ang ating sarili, at wala nang sapat na panahon para sa paglilingkod kay Jehova, nakakaligtaan natin ang talagang layunin ng buhay.​—Eclesiastes 12:13.

Isang Timbang na Pangmalas

6. (a) Anu-ano ang mga pananagutan ng mga Kristiyano? (b) Kanino lubos na nagtitiwala ang mga Kristiyano?

6 Sabihin pa, hindi hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na huwag nang magtrabaho at hintayin na lamang ang Diyos na maglaan sa kanilang pamilya. Maging ang mga ibon ay kailangang maghanap ng makakain nila at ng kanilang mga inakáy. Kaya kailangang magtrabaho ang mga Kristiyano kung nais nilang kumain. Dapat nilang asikasuhin ang kanilang mga pananagutan sa pamilya. Ang mga tagapaglingkod at mga alipin na Kristiyano ay kailangang magtrabaho nang masikap para sa kanilang mga panginoon. (2 Tesalonica 3:10-​12; 1 Timoteo 5:8; 1 Pedro 2:18) Si apostol Pablo ay madalas magtrabaho bilang tagagawa ng tolda upang tustusan ang kaniyang sarili. (Gawa 18:1-4; 1 Tesalonica 2:9) Gayunpaman, hindi umasa ang mga Kristiyanong iyon sa sekular na trabaho para magkaroon ng tiwasay na buhay. Nagtiwala sila kay Jehova. Bilang resulta, tinamasa nila ang panloob na kapayapaan na hindi nararanasan ng iba. Sinabi ng salmista: “Yaong mga nagtitiwala kay Jehova ay tulad ng Bundok Sion, na hindi makikilos, kundi tumatahan hanggang sa panahong walang takda.”​—Awit 125:1.

7. Ano ang posibleng pangmalas ng taong hindi matibay ang tiwala kay Jehova?

7 Posibleng iba ang pangmalas ng taong hindi matibay ang tiwala kay Jehova. Itinuturing ng karamihan ng tao na ang materyal na kayamanan ang pangunahing susi sa pagkakaroon ng tiwasay na buhay. Kaya naman, pinasisigla ng mga magulang ang kanilang mga anak na gamitin ang malaking panahon ng kanilang kabataan sa pagkuha ng mataas na edukasyon, sa pag-asang ito ang tutulong sa kanila para makakuha ng trabaho na malaki ang suweldo. Nakalulungkot, malaki ang naging kapalit ng paglalaan ng ilang pamilyang Kristiyano ng gayon kalaking panahon para sa mataas na edukasyon, sapagkat ang kanilang mga anak ay hindi na nakapagtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay at itinaguyod na lamang nila ang materyalistikong mga tunguhin.

8. Anong pagkatimbang ang pinananatili ng mga Kristiyano?

8 Kaya naman batid ng matalinong mga Kristiyano na ang payo ni Jesus noong unang siglo ay kapit pa rin sa ngayon, at sinisikap nilang manatiling timbang. Kahit na kailangan nilang gumugol ng maraming oras sa sekular na trabaho upang maasikaso ang maka-Kasulatang mga pananagutan, hindi nila kailanman isinasaisantabi ang mas mahalagang espirituwal na mga bagay dahil lamang sa hanapbuhay.​—Eclesiastes 7:12.

“Huwag Kayong Mabalisa”

9. Anong katiyakan ang ibinibigay ni Jesus sa mga lubos na nagtitiwala kay Jehova?

9 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 6:31, 32) Talaga ngang nakapagpapatibay ang mga salitang ito! Kung lubos tayong magtitiwala kay Jehova, palagi niya tayong aalalayan. Gayunman, pinapag-iisip tayo ng mga salita ni Jesus. Pinaaalalahanan tayo nito na kung “masikap” nating hinahanap ang materyal na mga bagay, ang kaisipan natin ay walang pinagkaiba sa kaisipan ng “mga bansa,” mga taong hindi tunay na Kristiyano.

10. Nang humingi ng payo kay Jesus ang isang binata, paano naisiwalat ni Jesus kung ano ang higit na minahal ng binata?

10 Sa isang pagkakataon, isang napakayamang binata ang nagtanong kay Jesus kung ano ang dapat niyang gawin upang magtamo ng buhay na walang hanggan. Ipinaalaala sa kaniya ni Jesus ang mga kahilingan ng Kautusan, na may bisa pa rin noong panahong iyon. Tiniyak ng binata kay Jesus: “Tinutupad ko ang lahat ng mga ito; ano pa ang kulang sa akin?” Baka isipin ng marami na hindi praktikal ang sagot ni Jesus. Sinabi niya: “Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka at ipagbili mo ang iyong mga pag-aari at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita.” (Mateo 19:16-21) Malungkot na umalis ang binata, hindi niya kayang mawala ang kaniyang kayamanan. Gaano man niya kamahal si Jehova, mas minahal niya ang kaniyang mga pag-aari.

11, 12. (a) Anong pumupukaw-kaisipang pananalita ang sinabi ni Jesus may kaugnayan sa kayamanan? (b) Paano makahahadlang sa paglilingkod kay Jehova ang mga pag-aari?

11 Ang pangyayaring iyon ay umakay kay Jesus para sabihin ang nakabibiglang pananalita: “Magiging mahirap na bagay para sa isang taong mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit. . . . Mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 19:23, 24) Ibig bang sabihin ni Jesus na hindi magmamana ng Kaharian ang isang taong mayaman? Hindi naman, sapagkat idinagdag niya: “Sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.” (Mateo 19:25, 26) Sa katunayan, may ilang mayayaman noon na naging mga pinahirang Kristiyano dahil sa tulong ni Jehova. (1 Timoteo 6:17) Gayunpaman, may makatuwirang dahilan si Jesus para sabihin ang nakabibiglang pananalitang iyon. Nagbibigay siya ng babala.

12 Kung masyadong pinahahalagahan ng isang tao ang kaniyang mga pag-aari gaya ng ginawa ng mayamang binatang iyon, makahahadlang ito sa kaniyang buong-pusong paglilingkod kay Jehova. Maaaring maging totoo ito kapuwa sa isa na mayaman na at sa isa na “determinadong maging mayaman.” (1 Timoteo 6:9, 10) Ang labis na pagtitiwala sa materyal na mga bagay ay aakay sa isa na maging di-gaanong ‘palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan.’ (Mateo 5:3) Bilang resulta, baka hindi na siya umasa sa tulong ni Jehova. (Deuteronomio 6:10-​12) Maaaring asahan niya na pagpapakitaan siya ng pantanging atensiyon sa kongregasyon. (Santiago 2:1-4) At posibleng gugulin niya ang malaking bahagi ng kaniyang panahon sa pagpapakasasa sa kaniyang kayamanan sa halip na sa paglilingkod kay Jehova.

Linangin ang Tamang Pangmalas

13. Ano ang maling pangmalas ng mga taga-Laodicea?

13 Ang unang-siglong kongregasyon sa Laodicea ay may maling pangmalas sa mga pag-aari. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sinasabi mo: ‘Ako ay mayaman at nakapagtamo ng mga kayamanan at hindi na nangangailangan ng anuman,’ ngunit hindi mo alam na ikaw ay miserable at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.” Hindi dahil sa kanilang kayamanan kung kaya nasadlak sa kahabag-habag na espirituwal na kalagayan ang mga taga-Laodicea. Bunga ito ng pagtitiwala nila sa kayamanan sa halip na kay Jehova. Kaya naman naging malahininga sila sa espirituwal, at malapit nang ‘isuka mula sa’ bibig ni Jesus.​—Apocalipsis 3:14-17.

14. Bakit karapat-dapat sa papuri ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo?

14 Sa kabilang dako, pinapurihan ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo sa naging saloobin nila nang pag-usigin sila noon. Sinabi niya: “Kayo ay kapuwa nagpahayag ng pakikiramay doon sa mga nasa bilangguan at may kagalakang tinanggap ang pandarambong sa inyong mga ari-arian, sa pagkaalam na kayo nga ay mayroong mas mabuti at namamalaging pag-aari.” (Hebreo 10:34) Hindi nasiraan ng loob ang mga Kristiyanong iyon sa pagkawala ng kanilang mga pag-aari. Napanatili nila ang kanilang kagalakan dahil nanghawakan sila sa kanilang pinakamahalagang pag-aari, ang kanilang “mas mabuti at namamalaging pag-aari.” Tulad ng mangangalakal sa talinghaga ni Jesus na nagsakripisyo ng lahat ng bagay na taglay niya para sa isang mahalagang perlas, sila ay determinadong manatiling nangungunyapit sa pag-asa ng Kaharian, anuman ang maging kapalit. (Mateo 13:45, 46) Isa ngang kapuri-puring saloobin!

15. Paano inuna ng isang babaing Kristiyano sa Liberia ang mga kapakanan ng Kaharian?

15 Marami sa ngayon ang nakapaglinang ng gayunding kapuri-puring saloobin. Halimbawa, sa Liberia, isang kabataang babaing Kristiyano ang inalok na mag-aral sa isang unibersidad. Sa bansang iyon, ang gayong alok ay itinuturing na isang paraan para magkaroon ng matatag na kinabukasan. Subalit siya ay isang payunir, isang buong-panahong ebanghelisador, at nakatanggap ng paanyaya na pansamantalang maglingkod bilang special pioneer. Pinili niyang hanapin muna ang Kaharian at manatili sa buong-panahong paglilingkod. Pumunta siya sa kaniyang atas at nakapagpasimula ng 21 pag-aaral sa Bibliya sa loob ng tatlong buwan. Ang kabataang sister na ito at ang libu-libo pang tulad niya ay sumunod sa payo na hanapin muna ang Kaharian, kahit na mangahulugan pa ito ng pagkawala ng oportunidad na yumaman. Paano kaya nila napananatili ang gayong saloobin sa materyalistikong daigdig na ito? Nilinang nila ang maraming maiinam na katangian. Talakayin natin ang ilan sa mga ito.

16, 17. (a) Bakit mahalaga ang kahinhinan upang makapagtiwala tayo kay Jehova? (b) Bakit natin dapat linangin ang pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos?

16 Kahinhinan: Sinasabi sa Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas. Huwag kang magpakarunong sa iyong sariling paningin.” (Kawikaan 3:5-7) Kung minsan, ang isang landasin ay waring praktikal batay sa sekular na pangmalas. (Jeremias 17:9) Gayunpaman, ang isang taimtim na Kristiyano ay umaasa kay Jehova para sa patnubay. (Awit 48:14) ‘Sa lahat ng kaniyang mga lakad’​—may kaugnayan man sa kongregasyon, edukasyon o sekular na trabaho, paglilibang, o anupamang bagay​—may-kahinhinan niyang inaalam ang payo ni Jehova.​—Awit 73:24.

17 Pagtitiwala sa mga pangako ni Jehova: Sinabi ni Pablo: “Siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kung nag-aalinlangan tayo na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako, waring makatuwiran nga na ‘gamitin ang sanlibutang ito nang lubusan.’ (1 Corinto 7:31) Sa kabilang dako, kung matibay ang ating pananampalataya, magiging determinado tayong hanapin muna ang Kaharian. Paano naman natin malilinang ang matibay na pananampalataya? Sa pamamagitan ng pagiging malapít kay Jehova sa palagian at marubdob na pananalangin at sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral. (Awit 1:1-3; Filipos 4:6, 7; Santiago 4:8) Tulad ni Haring David, makapananalangin tayo nang ganito: “Sa iyo ako naglalagak ng aking tiwala, O Jehova. Sinabi ko: ‘Ikaw ang aking Diyos.’ Kay sagana ng iyong kabutihan!”​—Awit 31:14, 19.

18, 19. (a) Paano pinatitibay ng kasipagan ang ating tiwala kay Jehova? (b) Bakit dapat maging handang magsakripisyo ang isang Kristiyano?

18 Kasipagan sa paglilingkod kay Jehova: Nang sumulat si Pablo, iniugnay niya sa kasipagan ang pagtitiwala sa mga pangako ni Jehova: “Nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding kasipagan upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas.” (Hebreo 6:11) Kung abala tayo sa paglilingkod kay Jehova, aalalayan niya tayo. Sa bawat pagkakataong madarama natin ang pag-alalay na iyan, lalong titibay ang ating tiwala sa kaniya at lalo tayong magiging “matatag” at “di-natitinag.” (1 Corinto 15:58) Lalakas ang ating pananampalataya, at titibay ang ating pag-asa.​—Efeso 3:16-19.

19 Pagiging handang magsakripisyo: Isinakripisyo ni Pablo ang napakagandang karera upang sumunod kay Jesus. Walang-alinlangang tama ang naging desisyon niya, bagaman kung minsan ay talagang hirap siya sa materyal. (1 Corinto 4:11-13) Hindi nangangako si Jehova ng maluhong buhay, at kung minsan ay nagtitiis ng kahirapan ang kaniyang mga lingkod. Maipakikita natin kung gaano tayo kadeterminadong paglingkuran si Jehova sa pamamagitan ng ating pagnanais na gawing simple ang ating pamumuhay at pagiging handang magsakripisyo.​—1 Timoteo 6:6-8.

20. Bakit mahalaga ang pagtitiis para sa isa na inuuna ang mga kapakanan ng Kaharian?

20 Pagtitiis: Hinimok ng alagad na si Santiago ang mga kapuwa Kristiyano: “Kaya nga, maging matiisin kayo, mga kapatid, hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon.” (Santiago 5:7) Sa napakaabalang daigdig na ito, napakahirap maging matiisin. Gusto nating mangyari agad ang mga bagay-bagay. Subalit hinihimok tayo ni Pablo na tularan yaong mga “sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” (Hebreo 6:12) Maging handang maghintay kay Jehova. Buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa​—​tiyak na sulit na hintayin ito!

21. (a) Ano ang ipinakikita natin kapag inuuna natin ang mga kapakanan ng Kaharian? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

21 Oo, praktikal ang payo ni Jesus na hanapin muna ang Kaharian. Kapag ginawa natin ito, ipinakikita natin na talagang nagtitiwala tayo kay Jehova at pinipili natin ang tanging pinakamahusay na paraan ng pamumuhay para sa isang Kristiyano. Subalit pinayuhan din tayo ni Jesus na patuloy na “hanapin muna ang . . . katuwiran [ng Diyos].” Sa susunod na artikulo, aalamin natin kung bakit kailangang-kailangan sa ngayon ang gayong paghimok.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• May kaugnayan sa materyal na mga bagay, paano tayo hinihimok ni Jesus na maging timbang?

• Ano ang matututuhan natin mula sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa kamelyo at butas ng karayom?

• Anu-anong katangiang Kristiyano ang makatutulong sa atin na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 21]

Marami sa mga nakarinig ng mga salita ni Jesus ay mahihirap

[Larawan sa pahina 23]

Minahal ng mayamang binata ang kaniyang mga pag-aari nang higit kaysa sa Diyos

[Larawan sa pahina 23]

Isinakripisyo ng mangangalakal sa talinghaga ni Jesus ang lahat ng bagay na taglay niya para sa isang mahalagang perlas

[Larawan sa pahina 24]

Kung abala tayo sa paglilingkod kay Jehova, aalalayan niya tayo