Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawing Kasiya-siya ang Pagbubulay-bulay

Gawing Kasiya-siya ang Pagbubulay-bulay

Gawing Kasiya-siya ang Pagbubulay-bulay

NANGANGAMBA na ang ilan sa ideya pa lamang ng pagbubulay-bulay. Para sa kanila, mahirap magbulay-bulay dahil nangangailangan ito ng matamang pagtutuon ng pansin. Baka makonsiyensiya rin ang gayong mga indibiduwal dahil hindi sila nakapagbubulay-bulay, lalo na kapag nababasa nila na mahalaga ito. (Filipos 4:8) Gayunman, ang tahimik na pagmumuni-muni sa mga katotohanang natututuhan natin tungkol kay Jehova, sa kaniyang magagandang katangian, sa kaniyang kagila-gilalas na mga ginawa, sa kaniyang mga kahilingan, at sa kaniyang maluwalhating layunin ay maaari at dapat na maging lubhang kasiya-siyang paraan ng paggamit ng panahon. Bakit?

Ang Diyos na Jehova ang Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso at abala siya sa pagsasakatuparan ng kaniyang dakilang layunin. (Juan 5:17) Gayunpaman, pinagtutuunan niya ng pansin ang mga iniisip ng bawat mananamba niya. Alam ito ng salmistang si David at sumulat siya sa ilalim ng pagkasi ng Diyos: “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako. Nalalaman mo rin ang aking pag-upo at ang aking pagtayo. Isinaalang-alang mo ang aking kaisipan mula sa malayo.”​—Awit 139:1, 2.

Sa simula, maaaring negatibo ang maging pangmalas ng isang indibiduwal sa mga salitang iyan ng salmista. Baka ikatuwiran niya, ‘Kahit pala “malayo” ang Diyos, napapansin niya ang bawat masamang kaisipan na pumapasok sa isip ko.’ Siyempre pa, makabubuting alam natin iyan. Matutulungan tayo nito na labanan ang maling mga kaisipan at, kung mayroon nga tayong gayong mga kaisipan, ipagtapat ito sa Diyos, anupat nagtitiwalang patatawarin niya tayo salig sa ating pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. (1 Juan 1:8, 9; 2:1, 2) Ngunit kasabay nito, dapat nating tandaan na sinisiyasat ni Jehova ang kaniyang mga mananamba sa positibong paraan. Nagbibigay-pansin siya kapag may-pagpapahalaga nating pinag-iisipan ang tungkol sa kaniya.

Baka itanong mo, “Talaga bang nagbibigay-pansin si Jehova sa lahat ng mabubuting iniisip ng kaniyang milyun-milyong mananamba?” Tiyak na oo. Itinampok ni Jesus na interesado si Jehova sa atin nang sabihin niya na binibigyang-pansin ni Jehova kahit ang maliliit na maya, at pagkatapos ay idinagdag niya: “Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” (Lucas 12:6, 7) Ang mga maya ay hindi nakapag-iisip tungkol kay Jehova. Kaya kung pinangangalagaan niya ang mga ito, lalo pa ngang higit na pangangalagaan niya tayo at masisiyahan siya sa makadiyos na mga kaisipan ng bawat isa sa atin! Oo, tulad ni David, may-pagtitiwala tayong makapananalangin: “Ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging kalugud-lugod nawa sa harap mo, O Jehova na aking Bato at aking Manunubos.”​—Awit 19:14.

Ang isa pang patotoo na talagang pinagtutuunan ng pansin ni Jehova ang pagbubulay-bulay ng kaniyang matapat na mga mananamba ay masusumpungan sa kinasihang mga salita ng propetang si Malakias. Tungkol sa ating panahon, inihula niya: “Nang panahong iyon ay nagsalita sa isa’t isa yaong mga natatakot kay Jehova, bawat isa ay sa kaniyang kasamahan, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Kapag iniisip natin na ‘nagbibigay-pansin’ si Jehova sa tuwing pinag-iisipan natin ang tungkol sa kaniya, talagang magiging kasiya-siya ang makadiyos na pagbubulay-bulay. Kung gayon, ipahayag din sana natin ang mga salita ng salmista na sumulat: “Bubulay-bulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at ang iyong mga gawain ay pagtutuunan ko ng pansin.”​—Awit 77:12.