Kung Paano Madaraig ng Mabuti ang Masama
Kung Paano Madaraig ng Mabuti ang Masama
Si Haring David ay isang mabuting tao. Siya ay masidhing umiibig sa Diyos, naghahangad ng katarungan, at mapagmahal sa mga maralita. Gayunman, ang mismong mabuting haring ito ay nagkasala ng pangangalunya sa asawa ng isa sa mga pinagkakatiwalaan niyang tauhan. At nang matuklasan ni David na ang babaing ito, si Bat-sheba, ay nagdadalang-tao dahil sa kaniya, isinaayos niya nang dakong huli na mapatay ang asawa nito. Pagkatapos ay pinakasalan niya si Bat-sheba sa pagtatangkang itago ang mga ginawa niyang krimen.—2 Samuel 11:1-27.
MALIWANAG na ang mga tao ay may kakayahang gumawa ng maraming mabubuting bagay. Kung gayon, bakit sila ang may kagagawan sa napakaraming kasamaan? Tinutukoy ng Bibliya ang iba’t ibang pangunahing dahilan. Isinisiwalat din nito kung paano permanenteng aalisin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang kasamaan.
Hilig sa Kasamaan
Binanggit mismo ni Haring David ang isang sanhi ng masasamang gawa. Matapos mabunyag ang mga ginawa niyang krimen, tinanggap niya ang lahat ng pananagutan sa kaniyang mga ginawa. Pagkatapos ay buong-pagsisisi niyang isinulat: “Narito! Sa kamalian ay iniluwal ako na may mga kirot ng panganganak, at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Awit 51:5) Hindi kailanman nilayon ng Diyos na ang mga ina ay maglihi ng mga anak na magkakasala. Gayunman, nang piliin ni Eva at pagkatapos ay ni Adan na maghimagsik sa Diyos, naiwala nila ang kakayahang magluwal ng mga anak na walang kasalanan. (Roma 5:12) Habang dumarami ang di-sakdal na lahi ng tao, naging maliwanag na “ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.”—Genesis 8:21.
Kung hindi susupilin, ang hilig na ito sa kasamaan ay magbubunga ng “pakikiapid, . . . mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, Galacia 5:19-21) Sa kaso ni Haring David, nagpadaig siya sa kahinaan ng laman at nakiapid, na nagbunga ng hidwaan. (2 Samuel 12:1-12) Puwede sana niyang labanan ang kaniyang imoral na hilig. Ngunit dahil hindi niya iwinaksi sa kaniyang isipan ang pagnanasa kay Bat-sheba, nagawa ni David ang parisang inilarawan nang dakong huli ng alagad na si Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.”—Santiago 1:14, 15.
mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan,” at iba pang nakapipinsalang paggawi na inilalarawan ng Bibliya na “mga gawa ng laman.” (Ang lansakang pagpatay, panghahalay, at pandarambong na binanggit sa naunang artikulo ay grabeng mga halimbawa ng nangyayari kapag hinayaan ng tao na diktahan ng maling mga pagnanasa ang kanilang mga pagkilos.
Pinalulubha ng Kawalang-Alam ang Kasamaan
Itinatampok ng karanasan ni apostol Pablo ang ikalawang dahilan kung bakit gumagawa ng masama ang mga tao. Nang mamatay si Pablo, kilala siya na malumanay at mapagmahal. Walang pag-iimbot siyang nagpagal para sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano. (1 Tesalonica 2:7-9) Subalit sa maagang bahagi ng kaniyang buhay, nang kilala pa siya sa pangalang Saul, siya ay “sumisilakbo . . . ng pagbabanta at pagpaslang” laban sa mismong grupong ito. (Gawa 9:1, 2) Bakit sumang-ayon at nakibahagi si Pablo sa masasamang gawa laban sa sinaunang mga Kristiyano? “Sapagkat ako ay walang-alam,” ang sabi niya. (1 Timoteo 1:13) Oo, si Pablo noon ay may “sigasig . . . sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.”—Roma 10:2.
Gaya ni Pablo, maraming taimtim na mga tao ang gumagawa ng masama dahil sa kawalan ng tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos. Halimbawa, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang oras ay dumarating na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang nag-ukol siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos.” (Juan 16:2) Nararanasan ng makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova ang katotohanan ng sinabi ni Jesus. Sa maraming lupain, pinag-usig sila at pinapatay pa nga ng mga taong nag-aangking naglilingkod sa Diyos. Maliwanag, ang gayong maling sigasig ay hindi nakalulugod sa tunay na Diyos.—1 Tesalonica 1:6.
Ang Pinagmulan ng Kasamaan
Tinukoy ni Jesus ang pangunahing dahilan ng pag-iral ng kasamaan. Noong kinakausap ang relihiyosong mga lider na determinadong patayin siya, sinabi niya: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at ninanais ninyong gawin ang mga pagnanasa ng inyong ama. Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula.” (Juan 8:44) Si Satanas ang humikayat kina Adan at Eva na maghimagsik sa Diyos dahil sa kaniyang kaimbutan. Ang paghihimagsik na iyon ang nagdulot ng kasalanan—at kamatayan—sa buong sangkatauhan.
Lalong nahayag ang hilig ni Satanas na pumatay sa paraan ng kaniyang pakikitungo kay Job. Nang pahintulutan siya ni Jehova na subukin ang integridad ni Job, hindi nakontento si Satanas na alisan lamang ng mga pag-aari si Job. Pinangyari rin niya na mamatay ang sampung anak ni Job. (Job 1:9-19) Nitong nakalipas na mga dekada, mas dumami ang kasamaang nararanasan ng sangkatauhan dahil sa di-kasakdalan at kawalang-alam ng tao at bunga na rin ng higit pang pakikialam ni Satanas sa mga gawain ng tao. Isinisiwalat ng Bibliya na ang Diyablo ay “inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.” May-katumpakang sinabi ng mismong hulang iyan na dahil narito si Satanas sa lupa at hindi na pinahintulutang makabalik pa sa langit, magkakaroon ng wala pang katulad na ‘kaabahan sa lupa.’ Bagaman hindi mapipilit ni Satanas ang mga tao na gumawa ng masama, siya ay eksperto sa ‘pagliligaw sa buong tinatahanang lupa.’—Apocalipsis 12:9, 12.
Pag-aalis sa Hilig sa Kasamaan
Upang permanenteng maalis ang kasamaan sa lipunan ng tao, kailangang mapawi ang likas na hilig ng tao sa kasamaan, magkaroon siya ng tumpak na kaalaman, at maalis ang impluwensiya ni Satanas. Una, paano maaalis sa puso ang likas na hilig ng tao na magkasala?
Walang siruhano o medisinang gawa ng tao ang makapag-aalis nito. Gayunman, ang Diyos na Jehova ay naglaan ng lunas sa minanang kasalanan at di-kasakdalan para sa lahat ng nagnanais tumanggap nito. Sumulat si apostol Juan: “Nililinis tayo ng dugo ni Jesus . . . mula sa lahat ng kasalanan.” (1 Juan 1:7) Nang kusang-loob na ihandog ng sakdal na taong si Jesus ang kaniyang buhay, siya ang “nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang tayo ay matapos na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran.” (1 Pedro 2:24) Dahil sa kamatayan ni Jesus bilang hain, maaalis ang mga epekto ng masamang gawa ni Adan. Sinasabi ni Pablo na si Kristo Jesus ay naging “katumbas na pantubos para sa lahat.” (1 Timoteo 2:6) Oo, ang kamatayan ni Kristo ang nagbukas ng daan upang muling makamit ng lahat ng tao ang kasakdalan na naiwala ni Adan.
Subalit baka itanong mo, ‘Kung makakamit muli ng sangkatauhan ang kasakdalan dahil sa kamatayan ni Jesus mga 2,000 taon na ang nakalilipas, bakit mayroon pa ring kasamaan at kamatayan?’ Ang kabatiran sa sagot sa tanong na iyan ay makatutulong upang mapawi ang ikalawang sanhi ng kasamaan—ang kawalang-alam ng tao sa mga layunin ng Diyos.
Nananagana ang Kabutihan Dahil sa Tumpak na Kaalaman
Ang pagkakaroon ng tumpak na kaalaman sa ginagawa ngayon ni Jehova at ni Jesus upang pawiin ang kasamaan ay maaaring pumigil sa isang taimtim na tao na sang-ayunan ang masasamang gawa dahil sa kawalang-alam, o masahol pa, maging ‘kalaban mismo ng Diyos.’ (Gawa 5:38, 39) Handang palampasin ng Diyos na Jehova ang nakaraang mga pagkakamali dahil sa kawalang-alam. Nang magsalita si apostol Pablo sa Atenas, sinabi niya: “Pinalagpas ng Diyos ang mga panahon ng gayong kawalang-alam, gayunma’y sinasabi niya ngayon sa sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi. Sapagkat nagtakda siya ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki na kaniyang inatasan, at naglaan siya ng garantiya sa lahat ng mga tao anupat binuhay niya siyang muli mula sa mga patay.”—Gawa 17:30, 31.
Batay sa personal na karanasan, alam ni Pablo na si Jesus ay ibinangon mula sa mga patay, yamang ang binuhay-muling si Jesus mismo ang nakipag-usap kay Pablo at nagpahinto sa kaniya sa pag-usig sa sinaunang mga Kristiyano. (Gawa 9:3-7) Nang matanggap ni Pablo ang tumpak na kaalaman sa mga layunin ng Diyos, agad siyang nagbago at naging tunay na mabuting tao bilang pagtulad kay Kristo. (1 Corinto 11:1; Colosas 3:9, 10) Karagdagan pa, may-kasigasigang ipinangaral ni Pablo ang “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Sa loob ng halos 2,000 taon mula nang mamatay at buhaying muli si Jesus, napili na ni Kristo sa gitna ng sangkatauhan ang mga tao na, gaya ni Pablo, mamamahalang kasama niya sa kaniyang Kaharian.—Apocalipsis 5:9, 10.
Sa nakalipas na siglo at hanggang sa kasalukuyan, may-kasigasigang tinutupad ng mga Saksi ni Jehova ang atas na ibinigay ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ang mga tumutugon sa mensaheng ito ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa sa ilalim ng makalangit na pamahalaan ni Kristo. Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang pagtulong sa iba na matamo ang kaalamang ito ang pinakamabuting magagawa ng isang tao sa kaniyang kapuwa.
Ang mga tumatanggap sa mabuting balitang ito ng Kaharian ay nagpapamalas ng mga katangiang tulad ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili,” sa kabila ng lahat ng kasamaang nakapalibot sa kanila. (Galacia 5:22, 23) Bilang pagtulad kay Jesus, sila ay ‘hindi gumaganti kaninuman ng masama para sa masama.’ (Roma 12:17) Bilang mga indibiduwal, sinisikap nilang “patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”—Roma 12:21; Mateo 5:44.
Ang Pangwakas na Pagdaig sa Kasamaan
Sa ganang sarili, hindi kailanman madaraig ng mga tao ang pangunahing tagapagtaguyod ng kasamaan, si Satanas na Diyablo. Gayunman, malapit nang gamitin ni Jehova si Jesus upang durugin ang ulo ni Satanas. (Genesis 3:15; Roma 16:20) Uutusan din ni Jehova si Kristo Jesus na ‘durugin at wakasan’ ang lahat ng pulitikal na sistema, na marami sa mga ito ay sanhi ng napakaraming kasamaan sa buong kasaysayan. (Daniel 2:44; Eclesiastes 8:9) Sa dumarating na araw ng paghatol na ito, ang lahat ng “hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus . . . ay daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa.”—2 Tesalonica 1:8, 9; Zefanias 1:14-18.
Kapag inalis na si Satanas at ang mga sumusuporta sa kaniya, tutulungan ni Jesus, mula sa langit, ang mga nakaligtas upang isauli ang lupa sa orihinal na kalagayan nito. Bubuhayin ding muli ni Kristo ang lahat ng karapat-dapat mabuhay sa isinauling lupa. (Lucas 23:32, 39-43; Juan 5:26-29) Sa paggawa nito, ipawawalang-saysay niya ang ilan sa mga epekto ng kasamaang dinaranas ng sangkatauhan.
Hindi pipilitin ni Jehova ang mga tao na sumunod sa mabuting balita tungkol kay Jesus. Gayunman, binibigyan niya ang mga tao ng pagkakataong kumuha ng kaalaman na umaakay sa buhay. Mahalaga na samantalahin mo ngayon ang pagkakataong ito! (Zefanias 2:2, 3) Kung gagawin mo ito, matututuhan mo kung paano haharapin ang anumang kasamaan na nagpapahirap ngayon sa iyong buhay. Makikita mo rin kung paano pangungunahan ni Jesus ang pangwakas na pagdaig sa kasamaan.—Apocalipsis 19:11-16; 20:1-3, 10; 21:3, 4.
[Larawan sa pahina 5]
Sumang-ayon si Saul sa masasamang gawa dahil wala siyang tumpak na kaalaman
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagtulong sa iba na magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos ang pinakamabuting magagawa ng isang tao sa kaniyang kapuwa