Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sinasabi sa Awit 102:26 na “maglalaho” ang lupa at ang langit. Ang pananalita bang iyan ay nangangahulugan na mawawasak ang planetang Lupa?

Sa isang panalangin kay Jehova, sinabi ng salmista: “Noong sinaunang panahon ay inilatag mo ang mga pundasyon ng lupa, at ang langit ay gawa ng iyong mga kamay. Sila ay maglalaho, ngunit ikaw ay mananatiling nakatayo; at tulad ng isang kasuutan ay maluluma silang lahat. Tulad ng pananamit ay papalitan mo sila, at matatapos ang kanilang kapanahunan.” (Awit 102:25, 26) Ipinakikita ng konteksto na tumutukoy ang mga talatang ito, hindi sa pagkawasak ng lupa, kundi sa pagkawalang-hanggan ng Diyos. Ipinakikita rin ng konteksto kung bakit ang mahalagang katotohanang iyan ay nakaaaliw sa mga lingkod ng Diyos.

Nagsimula ang salmista, na marahil ay isang tapon sa Babilonya, sa paglalarawan sa kaniyang mga kapighatian. Ipinaghihinagpis niya na ang kaniyang buhay ay panandalian lamang na “parang usok.” Ang kaniyang katawan ay pinahihirapan ng matinding kabalisahan, anupat ang kaniyang mga buto ay “nag-init na parang apuyan.” Siya ay lupaypay, “natuyong tulad lamang ng pananim,” at nalulungkot siya, “tulad ng ibong nag-iisa sa ibabaw ng bubong.” Nawalan siya ng ganang kumain dahil sa mga pagsubok na nararanasan niya, at punô ng pagdadalamhati ang kaniyang mga araw. (Awit 102:3-11) Magkagayunman, hindi lubusang nawalan ng pag-asa ang salmista. Bakit hindi? Dahil sa ipinangako ni Jehova na gagawin sa Sion, o Jerusalem.

Bagaman ang Sion ay winasak, nangako si Jehova na isasauli ito. (Isaias 66:8) Kaya naman, may-pagtitiwalang sinabi ng salmista kay Jehova: “Maaawa ka sa Sion, sapagkat kapanahunan nga ng pagiging mapagbiyaya sa kaniya, sapagkat ang takdang panahon ay dumating na. Sapagkat tiyak na itatayo ni Jehova ang Sion.” (Awit 102:13, 16) Pagkatapos ay muling binanggit ng salmista ang tungkol sa kaniyang personal na pagdurusa. Sa diwa, ikinakatuwiran niya na kung kaya ng kapangyarihan ng Diyos na ibalik ang dating kalagayan ng tiwangwang na Jerusalem, kaya rin siyang iligtas ni Jehova mula sa kaniyang miserableng kalagayan. (Awit 102:17, 20, 23) At may isa pang dahilan ang salmista para lubusang magtiwala kay Jehova. Ano iyon? Ang katotohanan na ang Diyos ay walang hanggan.

Ibang-iba ang walang-hanggang pag-iral ni Jehova sa napakaikling buhay ng salmista. “Ang iyong mga taon ay sa lahat ng mga salinlahi,” ang sabi niya kay Jehova. (Awit 102:24) Pagkatapos ay sinabi ng salmista: “Noong sinaunang panahon ay inilatag mo ang mga pundasyon ng lupa, at ang langit ay gawa ng iyong mga kamay.”​—Awit 102:25.

Gayunman, maging ang napakatagal na pag-iral ng lupa at ng langit ay hindi maihahambing sa walang-hanggang pag-iral ni Jehova. Idinagdag pa ng salmista: “Sila [ang lupa at ang langit] ay maglalaho, ngunit ikaw ay mananatiling nakatayo.” (Awit 102:26) Ang literal na lupa at langit ay maaaring maglaho. Totoo, may sinabi si Jehova na mananatili magpakailanman ang mga ito. (Awit 119:90; Eclesiastes 1:4) Ngunit maaaring wasakin ng Diyos ang mga ito kung iyan ang kaniyang layunin. Sa kabaligtaran naman, ang Diyos ay hindi mamamatay. ‘Nananatili lamang magpakailanman’ ang pisikal na mga nilalang dahil pinananatili ng Diyos ang pag-iral ng mga ito. (Awit 148:6) Kung hindi aalagaan ni Jehova ang pisikal na mga nilalang, “tulad ng isang kasuutan ay maluluma silang lahat.” (Awit 102:26) Kung paanong napaglulumaan ng mga tao ang kanilang damit, maaaring lumipas ang mga nilalang ni Jehova​—kung gugustuhin niya ito. Ngunit nalalaman natin mula sa ibang mga teksto na hindi gayon ang kaniyang layunin. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na nilayon ni Jehova na manatili magpakailanman ang literal na lupa at langit.​—Awit 104:5.

Nakaaaliw malaman na laging nariyan si Jehova upang tuparin ang lahat ng kaniyang pangako. Anumang pagsubok ang maranasan natin, kapag tumawag tayo sa kaniya, makapagtitiwala tayo na “babaling nga siya sa panalangin ng mga sinamsaman ng lahat ng bagay, at hindi hahamakin ang kanilang panalangin.” (Awit 102:17) Oo, ang pangako ni Jehova na aalalay siya, na nakaulat sa Awit 102, ay mas matibay pa sa lupang kinatatayuan natin.