Napalilibutan ng Masama ang Mabuti
Napalilibutan ng Masama ang Mabuti
SA DAIGDIG sa ngayon, waring kakaunting tao ang handang magpagal alang-alang sa iba. Gayunman, hangad pa rin ng ilan na makatulong sa iba sa paanuman. Taun-taon, napakaraming tao ang nagbibigay ng bilyun-bilyong dolyar para sa itinuturing nilang mabubuting layunin. Halimbawa, noong 2002, umabot sa $13 bilyon (U.S.) ang pinakamataas na natanggap na donasyon sa pagkakawanggawa sa Britanya. Mula noong 1999, sampung bukas-palad na pilantropo ang nagbigay o nangakong magbigay ng mahigit $38 bilyon (U.S.) upang tulungan ang mga nagdarahop.
Ang ilan sa mga naitutulong ng mga boluntaryo sa pagkakawanggawa ay ang pagbabayad sa medikal na bayarin ng mga pamilyang may mabababang suweldo, pagtuturo sa mga anak ng mga nagsosolong magulang, pagbibigay ng pondo sa papaunlad na mga bansa para sa mga programa sa bakuna, pagkakaloob sa mga bata ng kanilang kauna-unahang aklat, pagbibigay sa mga magsasakang nasa mahihirap na bansa ng mga alagang hayop na pararamihin, at paghahatid ng mga panustos sa mga biktima ng likas na mga sakuna.
Ipinakikita ng mga nabanggit na may kakayahan ang tao na gumawa ng mabuti sa iba. Subalit nakalulungkot, may mga tao rin na gumagawa ng napakasasamang bagay.
Dumarami ang Kasamaan
Mula nang magwakas ang Digmaang Pandaigdig II, mga 50 na ang naitalang insidente ng paglipol sa partikular na grupo ng mga tao at lansakang pagpatay dahil sa pulitika. “Ang mga pangyayaring ito,” ang sabi ng babasahing American Political Science Review, “ay kumitil ng di-kukulangin sa 12 milyong buhay at hanggang 22 milyong sibilyan, mahigit pa sa bilang ng lahat ng biktima ng pambansa at internasyonal na mga digmaan mula noong 1945.”
Noong huling kalahatian ng ika-20 siglo, umabot sa 2.2 milyon katao ang pinatay sa Cambodia dahil sa pulitika. Sa Rwanda, mahigit 800,000 lalaki, babae, at mga bata ang namatay dahil sa etnikong pagkakapootan. Mahigit 200,000 naman ang pinatay sa Bosnia dahil sa relihiyon at pulitika.
Sa pagbanggit sa masasamang gawa na nangyari kamakailan, sinabi noong 2004 ng kalihim-panlahat ng United Nations: “Sa Iraq, walang-awang minasaker ang mga sibilyan, samantalang ang mga boluntaryong naghahatid ng panustos, peryodista at iba pang sibilyan ay binibihag at buong-kalupitang pinapatay. Kasabay nito, pinagmalupitan sa kadusta-dustang paraan ang mga bilanggong Iraqi. Sa Darfur,
itinaboy ang lahat ng mamamayan, at sinira ang kanilang mga tahanan, samantalang sinadya namang gamiting estratehiya ang panghahalay. Sa hilagang Uganda, nilulumpo ang mga bata at pinipilit silang makibahagi sa nakapanghihilakbot na kalupitan. Sa Beslan naman, binihag at brutal na minasaker ang mga bata.”Maging sa tinaguriang mauunlad na lupain, dumarami ang mga krimeng udyok ng poot. Halimbawa, iniulat ng Independent News noong 2004 na nasaksihan ng Britanya ang “labing-isang ulit na pagdami ng mga biktima ng pagsalakay o pag-abuso dahil sa lahi nitong nakalipas na dekada.”
Bakit ang mga taong may-kakayahang gumawa ng napakaraming mabubuting bagay ay nakagagawa ng gayon kasasamang bagay? Darating pa kaya ang panahon na mawawala na ang kasamaan? Gaya ng ipinakikita ng kasunod na artikulo, ang Bibliya ay naglalaan ng kasiya-siyang mga sagot sa nakalilitong mga tanong na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
PABALAT: Mark Edwards/Still Pictures/Peter Arnold, Inc.