Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinasaya Nila ang Puso ng Kanilang mga Magulang

Pinasaya Nila ang Puso ng Kanilang mga Magulang

Pinasaya Nila ang Puso ng Kanilang mga Magulang

“ANAK ko, kung ang iyong puso ay nagpapakarunong, ang aking puso ay magsasaya, ang akin nga.” (Kawikaan 23:15) Talagang nagsasaya ang mga magulang na Kristiyano kapag nagtatamo ng makadiyos na karunungan ang kanilang mga anak. Noong Sabado, Setyembre 10, 2005, isang internasyonal na grupo ng 6,859 katao ang dumalo sa gradwasyon ng ika-119 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Tuwang-tuwa ang lahat, lalo na ang mga magulang ng 56 na nagsipagtapos.

Si David Walker, isang matagal nang miyembro ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos, ang nagbukas ng programa sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin. Pagkatapos, sinimulan ng tsirman, si David Splane ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang programa ng gradwasyon sa pagsasabi sa mga tatay at nanay ng mga nagsipagtapos: “Karapat-dapat kayo sa aming taos-pusong komendasyon. Ang mga katangiang nilinang ninyo sa inyong mga anak ang nagpakilos sa kanila na maglingkod bilang misyonero.” Marahil ay nababahala ang mga magulang na iyon dahil malapit nang magtungo sa malalayong atas ang kanilang mga anak. Gayunman, pinatibay-loob sila ni Brother Splane: “Huwag ninyong alalahanin ang inyong mga anak. Kaya silang alagaan ni Jehova nang higit sa magagawa ninyo.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Isipin ninyo ang mabuting magagawa ng inyong mga anak. Ang mga taong nagdurusa ay magtatamo ng tunay na kaaliwan sa kauna-unahang pagkakataon sa kanilang buhay.”

Kung Paano Patuloy na Magdudulot ng Kagalakan sa Iba

Ipinakilala ng tsirman ang apat na tagapagsalita. Una, nagpahayag si Ralph Walls ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos hinggil sa paksang “Talasan ang Inyong mga Mata.” Idiniin niya na lalong masama ang espirituwal na pagkabulag kaysa sa literal na pagkabulag. Naiwala ng unang-siglong kongregasyon sa Laodicea ang kanilang espirituwal na paningin. Ang bulag na mga Kristiyano sa kongregasyong iyon ay tinulungan, ngunit lagi nang di-hamak na mabuti na hadlangan ang gayong pagkabulag sa pamamagitan ng pananatiling matalas ng ating espirituwal na mga mata. (Apocalipsis 3:14-18) Sinabi ng tagapagsalita: “Panatilihing matalas ang inyong mga mata, at malasin ang responsableng mga lalaki ayon sa pangmalas ni Jehova.” Ang mga nagsipagtapos ay hindi dapat masyadong mabalisa kung may mga problema sa kongregasyon. Alam ng Panginoong Jesu-Kristo ang lahat ng bagay na iyon. Titiyakin niyang maaayos ang mga bagay-bagay sa takdang panahon.

Sumunod, sinagot ni Samuel Herd ng Lupong Tagapamahala ang tanong na “Handa Na ba Kayo?” Kung paanong dala-dala ng isang manlalakbay ang mga damit na kailangan niya, dapat na lagi ring damtan ng mga nagsipagtapos ang kanilang sarili ng mga katangian ng bagong personalidad. Dapat din silang maging mahabagin na gaya ni Jesus. Nang sabihin sa kaniya ng ketongin: “Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako,” sinabi ni Jesus: “Ibig ko. Luminis ka.” (Marcos 1:40-42) Pagkatapos ay sinabi ng tagapagsalita: “Kung talagang gusto ninyong tulungan ang mga tao, gagawa kayo ng paraan.” Sinasabi ng Filipos 2:3 sa mga Kristiyano na ituring nila na “ang iba ay nakatataas.” Sinabi ni Brother Herd: “Mas mahalaga ang kababaan ng puso kaysa sa kaalaman. Makikinabang lamang sa inyong kaalaman ang mga nakakausap ninyo sa inyong ministeryo at ang mga kapatid ninyo sa kongregasyon kung kayo ay mapagpakumbaba.” Nagwakas siya sa pagsasabi na kung patuloy na daramtan ng mga nagsipagtapos ang kanilang sarili ng Kristiyanong pag-ibig, handa na silang maglakbay patungo sa kani-kanilang atas, at tiyak na magtatagumpay sila.​—Colosas 3:14.

Napukaw ni Mark Noumair, isa sa mga instruktor sa Gilead, ang pananabik ng mga tagapakinig sa pamagat ng kaniyang pahayag, “Pananatilihin ba Ninyo Ito?” Ang “ito” ay tumutukoy sa pasasalamat natin sa kabutihan ni Jehova. Sinasabi ng Awit 103:2: “Pagpalain mo si Jehova, O kaluluwa ko, at huwag mong limutin ang lahat ng kaniyang ginagawa.” Hindi naging mapagpasalamat ang mga Israelita sa manna na tumulong sa kanila na manatiling buháy, anupat tinawag pa nila itong “kasuklam-suklam na tinapay.” (Bilang 21:5) Sa paglipas ng panahon, hindi nagbago ang kahalagahan ng manna, ngunit nawala ang pagpapahalaga nila rito. Sinabi ng instruktor: “Kung kalilimutan ninyo ang lahat ng ginagawa ni Jehova at hahayaan ninyong maging pangkaraniwan na lamang ang inyong paglilingkod sa banyagang lupain, makaaapekto ito sa pangmalas ninyo sa gawaing ibinigay sa inyo ni Jehova.” Sinasabi sa Awit 103:4 na si Jehova ay “nagpuputong sa iyo ng maibiging-kabaitan.” Mararanasan ng mga nagsipagtapos ang maibiging-kabaitan ng Diyos sa kanilang bagong kongregasyon.

Isa pang instruktor sa Gilead, si Lawrence Bowen, ang nagpahayag hinggil sa paksang “Aabot Kaya sa Inyo?” Sinabi niya na ang mga kabilang sa ika-119 na klase ng Gilead ay nagsanay nang husto upang maging matagumpay na mga misyonero. Ngunit ngayon, kailangan silang mangunyapit kay Jehova at manatili sa gawaing iniatas niya sa kanila. Sa Apocalipsis 14:1-4, inilalarawan ang 144,000 bilang “ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon.” Ang lahat sa grupong iyon ay matapat na nangunyapit kay Jehova at sa kaniyang Anak anuman ang mga pagsubok sa kanila, at naabot nila ang kanilang tunguhin. “Anuman ang mangyari, matapat din tayong mangungunyapit kay Jehova at mananatili sa gawaing iniatas niya sa atin,” ang sabi ng tagapagsalita. Sa paggawa nito, masusumpungan ng mga nagsipagtapos na “aabot” sa kanila ang mga pagpapala ni Jehova.​—Deuteronomio 28:2.

Namumunga sa Kanilang Paglilingkod

Sa bawat dulo ng sanlinggo noong panahon ng kanilang pag-aaral, nakibahagi ang mga estudyante sa ministeryo sa larangan. Habang kinakausap sila ni Wallace Liverance, ang tagapagrehistro sa paaralan, noong panahon ng programa, maliwanag na naging matagumpay sila. Naipangaral nila ang mabuting balita sa di-kukulangin sa sampung wika at nakapagpasimula ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Isang mag-asawa sa klase ang nakapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa isang Tsino. Pagkatapos madalaw nang dalawang beses, tinanong nila siya kung ano ang nadarama niya ngayong nakikilala na niya si Jehova. Binuksan niya ang kaniyang Bibliya at ipinabasa sa kanila ang Juan 17:3. Nadarama niyang siya ay nasa landas ng buhay.

Pagkatapos ay kinapanayam ni Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ang tatlong kapatid na lalaki na naglilingkod sa Komite ng Sangay sa Côte d’Ivoire, Dominican Republic, at Ecuador. Tiniyak ng mga kapatid na lalaking ito sa mga nagsipagtapos na inaasam-asam ng mga Komite ng Sangay ang kanilang pagdating at tutulungan sila na matutong bumagay sa kani-kanilang atas.

Sumunod, kinapanayam naman ni Leonard Pearson ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos ang tatlong miyembro ng Komite ng Sangay, mula sa Democratic Republic of the Congo, Papua New Guinea, at Uganda. Pinasigla ng mga kapatid na lalaking ito ang mga nagsipagtapos na lubusang makibahagi sa ministeryo sa larangan. Isang mag-asawang misyonero na gumugol ng mahigit 21 taon sa Congo ang nakatulong sa 60 katao na mag-alay at magpabautismo. Ang mag-asawang iyon ay nagdaraos ngayon ng 30 pag-aaral sa Bibliya, at 22 sa kanilang mga estudyante ang dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon. Sa gayon kalaking espirituwal na pag-aani, ngayon na ang magandang panahon upang maglingkod bilang misyonero.

Nagpapatotoo Taglay ang Espiritu ng Pagkaapurahan

Si Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng huling pahayag. Ang kaniyang paksa ay “Pagsasalita Tungkol sa Diyos at Pagpapatotoo Tungkol kay Jesus sa Araw ng Panginoon.” Ang mga salitang-ugat na “saksi” o “patotoo” ay lumilitaw nang 19 na ulit sa aklat ng Apocalipsis. Kung gayon, niliwanag ni Jehova kung ano ang nais niyang ipagawa sa kaniyang bayan. Kailan natin gagawin ang gayong pagpapatotoo? Sa “araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:9, 10) Ang araw na iyan ay nagsimula noong 1914, nagpapatuloy sa ating panahon, at aabot hanggang sa hinaharap. Ayon sa Apocalipsis 14:6, 7, ang pagsasalita tungkol sa Diyos ay sinusuportahan ng mga anghel. Ipinakikita ng Apocalipsis 22:17 na ipinagkatiwala sa nalabi ng mga pinahirang Kristiyano ang pangangasiwa sa gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus. Ngunit kailangang samantalahin nating lahat ang pribilehiyong iyan ngayon. Sa talata 20, iniulat na sinabi ni Jesus: “Ako ay dumarating nang madali.” Hinimok ni Brother Lösch ang lahat ng dumalo: “Sabihin ninyo sa mga tao, ‘Halikayo, kumuha kayo ng tubig ng buhay nang walang bayad.’ Si Jesus ay dumarating nang madali. Handa na ba tayo?”

Ang programa ay tinapos ni Fred Rusk, na naglingkod nang 11 taon bilang instruktor sa Paaralang Gilead, sa pamamagitan ng panalangin ng pasasalamat kay Jehova na nakaantig sa puso ng lahat ng dumalo. Ito ay angkop na pangwakas sa isang araw ng masidhing pagsasaya.

[Kahon sa pahina 13]

ESTADISTIKA NG KLASE

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 10

Bilang ng mga bansang magiging atas: 25

Bilang ng mga estudyante: 56

Katamtamang edad: 32.5

Katamtamang taon sa katotohanan: 16.4

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12.1

[Larawan sa pahina 15]

Ang Ika-119 na Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Helgesen, S.; Daugaard, H.; Pierluissi, A.; Joseph, I.; Racanelli, C. (2) Byrge, T.; Butler, D.; Freedlun, J.; Nuñez, K.; Pavageau, C.; Doumen, T. (3) Camacho, O.; Lindqvist, L.; Broomer, A.; Wessels, E.; Burton, J.; Woodhouse, O.; Doumen, A. (4) Tirion, A.; Connally, L.; Fournier, C.; Gil, A.; Johnsson, K.; Hamilton, L. (5) Byrd, D.; Scribner, I.; Camacho, B.; Laschinski, H.; Hallahan, M.; Libuda, O. (6) Joseph, A.; Lindqvist, M.; Helgesen, C.; Nuñez, D.; Scribner, S.; Fournier, J. (7) Pierluissi, F.; Pavageau, T.; Broomer, C.; Racanelli, P.; Butler, T.; Woodhouse, M.; Libuda, J. (8) Laschinski, M.; Freedlun, S.; Burton, I.; Tirion, M.; Byrd, M.; Byrge, J. (9) Wessels, T.; Hallahan, D.; Connally, S.; Gil, D.; Daugaard, P.; Hamilton, S.; Johnsson, T.