Dinadakila si Jehova ng mga Nilalang na Hayop
Dinadakila si Jehova ng mga Nilalang na Hayop
KITANG-KITA ang karingalan ni Jehova sa kaharian ng mga hayop. Inaalagaang mabuti ng Diyos ang mga hayop, kung paanong inaalagaan niya ang mga tao. (Awit 145:16) Isang malaking pagkakamali nga ang hanapan ng kapintasan ang Maylalang ng hayop at ng tao! Bagaman matuwid ang lalaking si Job, ipinahayag niya na “matuwid ang kaniyang sariling kaluluwa sa halip na ang Diyos.” Kaya dapat matuto ng aral si Job!—Job 32:2; 33:8-12; 34:5.
Ipinakita kay Job sa pamamagitan ng ilang nilalang na hayop na walang karapatan ang mga tao na kuwestiyunin ang mga ginagawa ng Diyos. Tiyak na lilinaw iyan kapag isinaalang-alang natin ang mga sinabi ni Jehova sa kaniyang lingkod na si Job!
Hindi Nila Kailangan ang Tulong ng Tao
Hindi masagot ni Job ang mga tanong ng Diyos tungkol sa buhay-hayop. (Job 38:39-41) Maliwanag, pinaglalaanan ni Jehova ang mga leon at uwak nang walang tulong ng tao. Bagaman lumilipad ang mga uwak upang maghanap ng pagkain, ang Diyos talaga ang nagbibigay sa kanila ng pagkain.—Lucas 12:24.
Nalito si Job nang tanungin siya ng Diyos tungkol sa maiilap na hayop. (Job 39:1-8) Hindi maipagsasanggalang ng sinumang tao ang mga kambing-bundok at mga babaing usa. Aba, ang lumapit man lamang sa mga kambing-bundok ay mahirap na! (Awit 104:18) Dahil sa bigay-Diyos na likas na ugali, ang babaing usa ay nagpupunta sa isang liblib na dako sa kagubatan kapag malapit na siyang manganak. Inaalagaan niyang mabuti ang kaniyang mga anak, ngunit kapag ‘naging mabulas’ na ang mga ito, ‘yumayaon ang mga ito at hindi na bumabalik.’ Pagkatapos, nagkakaniya-kaniya na sila.
Malayang gumagala-gala ang sebra, at ang disyertong kapatagan ay tahanan ng mailap na asno. Hindi magamit ni Job ang mailap na asno para magpasan ng mga dalahin. Hinahanap nito “ang bawat uri ng luntiang halaman,” at ginagalugad ang mga burol para humanap ng pastulan. Hindi ipagpapalit ng hayop na ito ang kaniyang kalayaan para lamang sa mas madaling makuhang pagkain sa mga bayan. “Ang mga ingay ng manghuhuli ay hindi nito naririnig,” sapagkat sumisibad kaagad ang mailap na asno kapag nakapasok ang isang tao sa teritoryo nito.
Sumunod, binanggit naman ng Diyos ang torong gubat. (Job 39:9-12) Hinggil dito, sumulat ang arkeologong Ingles na si Austen Layard: “Ang torong gubat, salig sa madalas na pagkakalarawan nito sa mga bahorelyebe, ay waring itinuturing na nakatatakot na hayop gaya ng leon, anupat lubhang hinahangaan ang makahuhuli rito. Malimit makita na nakikipaglaban dito ang hari, at tinutugis ito ng mga mandirigmang tumatakbo o nakasakay sa kabayo.” (Nineveh and Its Remains, 1849, Tomo 2, pahina 326) Gayunman, walang matalinong tao ang magtatangkang singkawan ang di-masupil na torong gubat.—Awit 22:21.
Dinadakila si Jehova ng May-pakpak na mga Nilalang
Pagkatapos, tinanong naman ng Diyos si Job tungkol sa may-pakpak na mga nilalang. (Job 39:13-18) Mataas ang lipad ng siguana dahil sa malakas na mga pakpak nito. (Jeremias 8:7) Bagaman naipapagaspas ng avestruz ang mga pakpak nito, hindi ito makalipad. Di-gaya ng siguana, hindi inilalagay ng avestruz ang kaniyang mga itlog sa pugad na nasa puno. (Awit 104:17) Humuhukay siya sa buhanginan at doon siya nangingitlog. Ngunit hindi iniiwan ng ibong ito ang kaniyang mga itlog. Ang mga itlog ay tinatakpan ng buhangin, pinananatiling nasa tamang temperatura, at inaalagaan kapuwa ng lalaki at ng babaing avestruz.
Waring ‘nakalimot ng karunungan’ ang avestruz kapag nakadama ito ng panganib mula sa isang maninila yamang tumatakbo ang ibong ito palayo. Gayunman, sinasabi ng An Encyclopedia of Bible Animals: “Ito ay isang estratehiya para ilihis ang mga maninila: gagawing kapansin-pansin ng [mga avestruz] ang kanilang sarili at ipapagaspas ang kanilang mga pakpak upang makuha ang atensiyon ng alinmang hayop o tao na nagbabanta, at sa gayon ay mailayo ang mga ito sa mga itlog.”
Bakit masasabi na “pinagtatawanan [ng avestruz] ang kabayo at ang nakasakay rito”? Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Hindi nakalilipad ang avestruz, ngunit kilala ito na mabilis tumakbo. Ang mahahabang paa nito ay nakahahakbang nang 15 talampakan (4.6 metro) sa bilis na hanggang 40 milya (64 na kilometro) bawat oras.”
Binigyan ng Diyos ang Kabayo ng Kalakasan
Sumunod, tinanong ng Diyos si Job tungkol sa kabayo. (Job 39:19-25) Noon, ang mga mandirigma ay nakikipaglaban sakay ng kabayo, at hinihila ng mga kabayo ang mga karo sakay ang nagrerenda rito at marahil dalawa pang kawal. Palibhasa’y sabik sa labanan, ang isang kabayong pandigma ay humahalinghing at dumadamba sa lupa. Hindi ito natatakot at hindi nito inuurungan ang tabak. Sa tunog ng tambuli, tumutugon ang kabayong pandigma na para bang nagsasabi, “Aha!” Rumaragasa ito, anupat ‘nilalamon ang lupa.’ Gayunman, sinusunod ng kabayong pandigma ang nakasakay sa kaniya.
Sa katulad na paglalarawan, ganito ang isinulat ng arkeologong si Layard: “Bagaman maamong gaya ng kordero, at nangangailangan lamang ng renda bilang pang-akay, kapag narinig ng babaing kabayo ng Arabia ang hiyaw ng digmaan ng tribo, at nakita ang sibat ng nakasakay sa kaniya, kikislap ang kaniyang mga mata na para bang nag-aapoy ang mga ito, lálakí ang mga butas ng kaniyang ilong na pulang-pula, kukurba ang kaniyang leeg para humanda sa pakikipagbaka, at ang kaniyang buntot at kilíng ay waring tumatayo at wumawagayway sa hangin.”—Discoveries Among the Ruins of Nineveh and Babylon, 1853, pahina 330.
Isaalang-alang ang Halkon at ang Agila
Ibinaling ni Jehova ang kaniyang pansin sa iba pang mga ibon. (Job 39:26-30) Ang mga halkon ay ‘pumapaimbulog at nag-uunat ng kanilang mga pakpak sa hangin.’ Tinutukoy ang peregrine falcon (isang uri ng halkon) bilang ang pinakamabilis-lumipad na ibon, sinasabi ng The Guinness Book of Records na “naaabot [nito] ang pinakamabilis na lipad kapag sumasalimbay ito mula sa napakataas na lugar upang ipakita ang teritoryo nito, o kapag naninila ito sa himpapawid.” Ang pagbulusok ng ibong ito sa anggulong 45 digri ay umaabot sa bilis na 349 na kilometro bawat oras!
Nakalilipad ang mga agila sa bilis na mahigit 130 kilometro bawat oras. Inihambing ni Job ang mabilis na paglipas ng buhay sa tulin ng isang agilang naghahanap ng masisila. (Job 9:25, 26) Binibigyan tayo ng Diyos ng lakas upang magpatuloy, na para bang nakasakay tayo sa tila walang-kapagurang mga pakpak ng pumapaimbulog na agila. (Isaias 40:31) Kapag lumilipad, sinasamantala ng agila ang tumataas na mga daloy ng mainit na hangin na tinatawag na mga thermal. Umiikut-ikot ang ibon sa loob ng thermal, na tumatangay naman sa kaniya nang pataas nang pataas. Kapag naabot na ng agila ang isang espesipikong taas, sasalimbay na naman ito sa iba pang thermal at makapananatiling nasa himpapawid sa loob ng maraming oras nang hindi gaanong umuubos ng lakas.
Ang agila ay ‘gumagawa ng kaniyang pugad sa kaitaasan’ sa mga dakong mahirap marating, anupat inilalayo sa panganib ang mga inakáy nito. Nilalang ni Jehova ang agila na may ganitong likas na ugali. At taglay ang bigay-Diyos na paningin nito, “doon sa malayo ay tumitingin ang mga mata [ng agila].” Dahil sa kakayahan nitong mabilis na ipokus ang kaniyang mga mata, hindi nawawala sa paningin ng agila ang kaniyang sisilain o ang isang bangkay kapag bumubulusok ito mula sa isang napakataas na dako. Maaaring kainin ng agila ang patay na mga hayop, anupat “kung saan naroon ang napatay ay naroon iyon.” Sinisila ng ibong ito ang maliliit na hayop at dinadala ang mga ito sa kaniyang mga inakáy.
Dinisiplina ni Jehova si Job
Bago ipagpatuloy ang kaniyang pagtatanong tungkol sa mga hayop, dinisiplina muna ng Diyos si Job. Paano tumugon si Job? Nagpakumbaba siya at tumanggap ng karagdagang payo nang maluwag sa kalooban.—Job 40:1-14.
Hanggang sa puntong ito ng kinasihang ulat tungkol sa mga karanasan ni Job, matututuhan natin ang isang napakahalagang aral. Ito iyon: Walang karapatan ang sinumang tao na hanapan ng kapintasan ang Makapangyarihan-sa-lahat. Dapat
tayong magsalita at kumilos sa paraang nakalulugod sa ating makalangit na Ama. Karagdagan pa, ang dapat na pangunahin nating ikabahala ay ang pagpapabanal sa sagradong pangalan ni Jehova at ang pagbabangong-puri sa kaniyang soberanya.Lumuluwalhati sa Diyos ang Behemot
Muling ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga nilalang na hayop at tinanong si Job tungkol sa Behemot, na karaniwan nang iniuugnay sa hipopotamus. (Job 40:15-24) Ang hipopotamus na nasa hustong gulang ay maaaring may habang mula apat hanggang limang metro at maaaring tumimbang nang hanggang 3,600 kilo. Ang “lakas [ng Behemot] ay nasa kaniyang mga balakang”—ang mga kalamnan sa likurang bahagi ng kaniyang katawan. Kapaki-pakinabang talaga ang makapal na balat ng tiyan nito yamang waring kinakaladkad ng Behemot ang katawan nito sa mga batong nasa pinakasahig ng ilog, palibhasa’y napakaigsi ng mga paa nito. Tiyak na walang magagawa ang tao laban sa Behemot, na may dambuhalang katawan, napakalaking bunganga, at malalakas na panga.
Umaahon sa ilog ang Behemot para manginain sa “luntiang damo.” Aba, waring kakailanganin ang luntiang pananim ng isang buong bundok para mapakain ito! Mga 90 hanggang 180 kilo ng pananim ang kinakain nito araw-araw. Kapag nabusog, humihiga ang Behemot sa ilalim ng mga punong lotus o sa lilim ng mga alamo. Kapag umapaw ang ilog na tinitirhan ng hipopotamus, kaya niyang panatilihing nakaangat ang kaniyang ulo sa tubig at lumangoy nang pasalungat sa malakas na agos. Dahil sa dambuhalang bunganga at nakatatakot na mga pangil nito, hindi mangangahas si Job na tusukin ng kalawit ang ilong nito.
Pumupuri sa Diyos ang Leviatan
Narinig naman ngayon ni Job ang tungkol sa Leviatan. (Job 41:1-34) Ipinahihiwatig ng salitang Hebreong ito ang “isang hayop na kulu-kulubot ang balat”—lumilitaw na tumutukoy sa buwaya. Maibibigay ba ni Job ang Leviatan bilang laruan ng mga bata? Hinding-hindi! Ang pakikipagsagupa sa nilalang na ito ay paulit-ulit na napatunayang mapanganib. Sa katunayan, kung pipigilan ng isang tao ang Leviatan sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, magiging napakatindi ng tunggalian anupat hindi na niya ito kailanman gagawin!
Kapag iniangat ng Leviatan ang ulo nito sa tubig sa pagsikat ng araw, ang mga mata nito ay kumikislap “tulad ng mga silahis ng bukang-liwayway.” Lubhang masinsin ang mga kaliskis ng Leviatan, at bahagi ng balat nito ang mabutong mga suson na mahirap tagusan ng mga bala, lalo na ng mga tabak at sibat. Ang matatalas na kaliskis sa tiyan ng buwaya ay nag-iiwan ng marka ng “kasangkapang panggiik” sa maputik na mga pampang. Kapag nasa tubig ito at nagagalit, lumilikha ito ng bula na gaya ng mabulang ungguento. At dahil sa laki, baluti, at mga sandata nito—nakatatakot na bunganga at malakas na buntot—walang kinatatakutan ang Leviatan.
Binawi ni Job ang Kaniyang Sinabi
Inamin ni Job na ‘nagsalita siya ngunit hindi niya nauunawaan ang mga bagay na lubhang kamangha-mangha para sa kaniya.’ (Job 42:1-3) Tinanggap niya ang pagtutuwid ng Diyos, binawi niya ang kaniyang sinabi, at nagsisi. Sinaway ang kaniyang mga kasamahan, ngunit siya ay lubhang pinagpala.—Job 42:4-17.
Isa ngang katalinuhan na laging isaisip ang karanasan ni Job! Tiyak na hindi natin masasagot ang lahat ng itinanong sa kaniya ng Diyos. Gayunman, maipakikita natin at dapat nating ipakita ang pagpapahalaga sa marami at kagila-gilalas na mga nilalang ni Jehova na dumadakila sa kaniya.
[Larawan sa pahina 13]
Kambing-bundok
[Larawan sa pahina 13]
Uwak
[Larawan sa pahina 13]
Babaing leon
[Larawan sa pahina 14]
Sebra
[Larawan sa pahina 14]
Lumalayo ang avestruz sa kaniyang mga itlog, ngunit hindi niya iniiwan ang mga ito
[Larawan sa pahina 14]
Mga itlog ng avestruz
[Larawan sa pahina 15]
“Peregrine falcon”
[Credit Line]
Halkon: © Joe McDonald/Visuals Unlimited
[Larawan sa pahina 15]
Babaing kabayo ng Arabia
[Larawan sa pahina 15]
“Golden eagle”
[Larawan sa pahina 16]
Karaniwan nang iniuugnay sa hipopotamus ang Behemot
[Larawan sa pahina 16]
Ipinapalagay na ang Leviatan ay ang malakas na buwaya