Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Katulad Ka ba ng Punong Lagani Auna?

Katulad Ka ba ng Punong Lagani Auna?

Katulad Ka ba ng Punong Lagani Auna?

SA ISANG nayon sa hangganan ng Port Moresby, sa Papua New Guinea, dalawang ministro ang papauwi na galing sa kanilang pangangaral. Habang naglalakad sila, nakakita sila ng isang magandang puno. “Ah, lagani auna!” ang sabi ng nakatatandang lalaki. Pagbaling sa nakababatang lalaki, idinagdag pa niya: “Ang pangalang iyan ay nangangahulugang ‘taunang puno.’ Di-gaya ng maraming iba pang puno sa tropiko, taun-taon ay nalalagas ang mga dahon nito anupat nagmumukhang patay na. Gayunman, kapag tag-ulan na, muli itong nananariwa, namumulaklak, at muling namumukadkad ang ganda nito.”

May matututuhan tayong aral mula sa lagani auna, o royal poinciana, gaya ng karaniwang tawag dito. Ayon sa ilang eksperto, itinuturing itong isa sa limang pinakamagagandang namumulaklak na puno sa daigdig. Bagaman nalalagas ang mga bulaklak at dahon ng punong ito sa panahon ng tag-init, nagtitipon naman ito ng suplay na tubig. Ang mga ugat nito ay matatag at maaaring kumapit sa mga bato sa kailaliman ng lupa. Kaya hindi ito basta-basta naibubuwal ng malakas na hangin. Sa madaling salita, nabubuhay ito sa pamamagitan ng pakikibagay sa pinakamahirap na mga kalagayan.

Tayo rin ay maaaring mapaharap sa kalagayang susubok sa kalidad ng ating pananampalataya. Ano ang tutulong sa atin na makapagbata? Katulad ng lagani auna, makakakuha at makapagtitipon tayo ng nagbibigay-buhay na tubig ng Salita ng Diyos. Dapat din tayong mangunyapit nang mahigpit sa ‘ating bato,’ si Jehova, gayundin sa kaniyang organisasyon. (2 Samuel 22:3) Ang lagani auna ay tunay ngang isang mainam na paalaala na maging sa mahirap na kalagayan, mapananatili natin ang ating espirituwal na katatagan at maiinam na katangian kung sasamantalahin natin ang tulong na inilalaan ni Jehova. Sa paggawa nito, ‘magmamana tayo ng kaniyang mga pangako,’ kasali na ang pangakong buhay na walang hanggan.​—Hebreo 6:12; Apocalipsis 21:4.