Pera at Malinis na Pamumuhay—Isang Aral Mula sa Kasaysayan
Pera at Malinis na Pamumuhay—Isang Aral Mula sa Kasaysayan
NOONG Abril 7, 1630, mga apat na raan katao sakay ng apat na barko ang naglayag mula Inglatera patungo sa Bagong Daigdig. Marami sa kanila ang may mataas na pinag-aralan. Ang iba ay matatagumpay na negosyante. Ang ilan ay miyembro pa nga ng parlamento. Pabagsak ang ekonomiya ng Inglatera noon, na lalo pang pinalala ng nagaganap na Tatlumpung Taóng Digmaan sa Europa (1618-48). Kaya nagbakasakali sila, anupat iniwan ang kanilang mga tahanan, negosyo, at mga kamag-anak upang maghanap ng mas magandang buhay.
Gayunman, ang umaasang grupo na iyon ay hindi lamang isang pangkat ng oportunistang mga mangangalakal. Sila ay masisigasig na Puritan, na tumakas mula sa relihiyosong pag-uusig. * Ang talagang tunguhin nila ay makapagtatag ng makadiyos na komunidad kung saan sila at ang kanilang mga inapo ay maaaring yumaman nang walang nilalabag na mga pamantayan sa Bibliya. Di-nagtagal nang makadaong na sila sa Salem, Massachusetts, inangkin nila ang isang maliit na lote malapit sa baybayin. Tinawag nila itong Boston.
Nahirapan Silang Pagsabayin ang Pera at Malinis na Pamumuhay
Ginawa ng kanilang lider at gobernador na si John Winthrop ang kaniyang buong makakaya upang yumaman at kasabay nito ay itaguyod ang kapakanan ng bagong kolonya. Gusto niyang magkaroon ng pera at malinis na pamumuhay ang bayan. Pero nahirapan siyang gawin ito. Palibhasa’y alam niyang magkakaroon ng mga problema sa hinaharap, masinsinan niyang tinalakay sa kaniyang mga kasamahan ang papel ng kayamanan sa makadiyos na lipunan.
Gaya ng iba pang mga lider ng mga Puritan, naniwala si Winthrop na ang pagtataguyod ng kayamanan ay hindi naman talaga mali. Ikinatuwiran niya na ang pangunahing layunin ng pagtataguyod ng kayamanan ay upang makatulong sa iba. Kaya kapag mas mayaman daw ang isa, mas marami siyang magagawang kabutihan. “Ang kayamanan ay isa sa mga paksang ayaw na ayaw pag-usapan ng mga Puritan,” ang sabi ng istoryador na si Patricia O’Toole. “Ito ay nagpapahiwatig ng pagpapala ng Diyos ngunit kasabay nito, madali itong nakatutukso sa isa na magkasala ng pagmamalaki . . . at magkasala sa laman.”
Upang maiwasan ang mga kasalanang
naidudulot ng kayamanan at karangyaan, itinaguyod ni Winthrop ang pagiging katamtaman at pagpipigil sa sarili. Gayunman, di-nagtagal, ang kaniyang mga pagsisikap na itaguyod ang pagiging makadiyos at ang pag-ibig sa isa’t isa ay naging salungat sa paghahangad ng kaniyang mga kapuwa mamamayan na kumita. Sinimulang kuwestiyunin ng mga di-sang-ayon ang mga pamamaraan ni Winthrop at itinuring nila siyang mapaniil at isang pakialamero. Sinimulang sulsulan ng ilan ang mga tao na dapat magkaroon ng inihalal na mga kinatawan na makikibahagi sa paggawa ng mga pasiya. Ang iba naman ay nagpasiyang lumipat na lamang sa katabing Connecticut upang itaguyod ang kanilang sariling interes.“Ang oportunidad, kasaganaan, at demokrasya,” ang sabi ni O’Toole, “ay pawang malalakas na puwersa sa buhay ng mga Puritan sa Massachusetts, at ang lahat ng ito’y nagpasidhi sa ambisyon ng mga indibiduwal anupat isinaisantabi ang pananaw ni Winthrop.” Noong 1649, namatay si Winthrop nang halos walang kapera-pera sa edad na 61. Bagaman nanatili ang di-matatag na kolonyang iyon sa kabila ng maraming kahirapan, hindi kailanman nakita ni Winthrop ang katuparan ng kaniyang pangarap.
Patuloy ang Paghahanap
Hindi lamang si John Winthrop ang nangarap na magkaroon ng mas magandang daigdig. Taun-taon, daan-daang libo mula sa Aprika, Timog-Silangang Asia, Silangang Europa, at Latin Amerika ang nandarayuhan upang magkaroon ng mas magandang buhay. Ang ilan sa kanila ay naimpluwensiyahan ng daan-daang bagong aklat, seminar, at mga Web site na ginagawa taun-taon at nangangakong ibabahagi ng mga ito ang sekreto ng pagyaman. Maliwanag na marami pa rin ang nagsisikap na magkamal ng pera, habang umaasang hindi nila mababale-wala ang mga pamantayang moral.
Subalit ang totoo, nakasisiphayo ang mga resulta. Kadalasan nang sa dakong huli, naisasakripisyo ng mga taong naghahangad yumaman ang kanilang mga simulain at kung minsan ay pati na ang kanilang pananampalataya sa Diyos para lamang sa kayamanan. Kaya naman, maaaring maitanong mo: “Posible bang pagsabayin ang pagiging isang tunay na Kristiyano at ang pagiging mayaman? Magkakaroon kaya ng isang lipunang may takot sa Diyos, na sagana kapuwa sa materyal at espirituwal na paraan?” Sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na ito, gaya ng ipinakikita ng susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 3 Mga Puritan ang itinawag sa mga Protestante na kabilang sa Church of England noong ika-16 na siglo na nagnanais na alisin ang lahat ng bakas ng impluwensiya ng Romano Katoliko mula sa kanilang relihiyon.
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
Mga barko: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck; Winthrop: Brown Brothers