Narinig ang Mabuting Balita sa mga Liblib na Bayan ng Bolivia
Narinig ang Mabuting Balita sa mga Liblib na Bayan ng Bolivia
MGA 20 kaming nagkatipon sa tabing-dagat, at sabik na inaasam ang maghapong paglalakbay para dalawin ang mga nayong matatagpuan sa bukana ng ilog. Nasa paanan kami ng Andes, kung saan umaagos ang ilog ng Beni sa malawak na kapatagan ng lunas ng Amazon. Napakagandang lugar nito.
Gayunman, hindi kami turista. Ang ilan sa amin ay tagaroon; ang ilan naman ay nagmula sa malalayong lunsod at nanirahan dito sa Rurrenabaque, isang maganda at maliit na bayan na maraming punong namumulaklak, mga bahay na pawid ang bubong, at mga kalsada na bihirang madaanan ng mga motorsiklong pampasahero. Bakit namin ginawa ang paglalakbay na ito?
Karaniwan na ang ganitong paglalakbay sa maraming lugar sa Bolivia. Ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova na nagmula sa mga lunsod at sa ibang bansa ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa maliliit na bayan.—Mateo 24:14.
Ang Bolivia ay nasa gitna ng Timog Amerika. Ang kabuuang sukat ng bansa ay dalawang beses ang laki kaysa sa Pransiya pero ang populasyon nito ay mga 10 porsiyento lamang ng populasyon ng Pransiya. Karamihan sa mga mamamayan ng Bolivia ay nakatira sa mga lunsod at sa mga bayan na may minahan na matatagpuan sa matataas na lugar o sa mga sentro ng agrikultura sa mga libis. Gayunman, sa tropikal na kapatagan, magkakalayo ang mga bayan dahil sa malalawak na kagubatan.
Noong dekada ng 1950 at 1960, pinangunahan ng malalakas-ang-loob na mga misyonero, gaya nina Betty Jackson, Elsie Meynberg, Pamela Moseley, at Charlotte Tomaschafsky, ang gawain sa maraming liblib
na bayan dito. Tinuruan nila ng katotohanan sa Bibliya ang taimtim na mga tao at tumulong sila sa pagtatatag ng maliliit na kongregasyon. Noong dekada ng 1980 at 1990, tumaas nang anim na ulit ang bilang ng mga Saksi ni Jehova, pangunahin na sa mga lunsod. Ngayon ay may mga kongregasyon na sa bawat komunidad. Ang mga ito ay nasa mauunlad na distrito, kung saan ang mga tao ay nagtatrabaho sa mga opisinang nasa matataas na gusali, nakatira sa eleganteng mga mansiyon, at namimili sa mga supermarket. Pero may mga kongregasyon din sa mga komunidad sa labas ng mga lunsod, kung saan ang mga tao ay nakatira sa mga kubo na yari sa adobe, namimili sa mga talipapa, at nagsusuot ng makukulay na katutubong mga damit. Subalit ano ang magagawa upang matulungan ang mas marami pang tao sa liblib na mga lugar na makilala si Jehova?Isinasakripisyo ang Kaalwanan ng Buhay sa Lunsod
Nitong nakalipas na dalawang dekada, napakaraming tao mula sa mga bayan na may minahan at mga lalawigan sa Bolivia ang lumipat sa mga lunsod. Pero hindi karaniwan para sa mga tagalunsod na lumipat sa mga nayon. Maraming nayon ang may iisang telepono lamang at iilang oras lamang may kuryente sa loob ng isang araw. Nagkikita-kita lamang ang mga Saksing naninirahan sa maliliit na bayang ito kapag idinaraos ang taunang mga kombensiyon, at ang paglalakbay sa mga kombensiyong ito ay maaaring magastos, mapanganib, at nakapapagod. Ang mga paaralan sa nayon ay naglalaan lamang ng saligang edukasyon. Kung gayon, ano ang nag-uudyok sa ilang Saksi ni Jehova na nasa mga lunsod na lumipat sa mga nayon?
“Nagkaroon ako ng pagkakataong itaguyod ang isang karera sa lunsod ng La Paz,” ang sabi ni Luis kamakailan. “Pero palaging sinasabi ng mga magulang ko na ang paggawa ng mga alagad ang pinakakaayaayang karera. Kaya kumuha ako ng isang maikling kurso sa konstruksiyon. Nang magbakasyon ako sa Rurrenabaque, napansin ko ang pananabik ng mga tagaroon na makinig sa mabuting balita. Nang makita kong iilan lamang ang mga kapatid doon, nadama kong kailangan kong lumipat upang tumulong. Sa ngayon, nagdaraos ako ng 12 pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Halimbawa, nagdaraos ako ng pag-aaral sa isang mag-asawa na may apat na anak. Malakas uminom at isang sugarol noon ang lalaki, pero inihinto niya ang lahat ng ito at ibinabahagi na niya sa kaniyang mga kaibigan ang kaniyang natututuhan tungkol kay Jehova. Palagi siyang naghahanda ng kaniyang aralin. Kapag kailangan niyang pumunta sa kagubatan sa loob ng tatlo o apat na araw para magtroso, nalulungkot siya dahil ayaw niyang malibanan ang Kristiyanong mga gawain. Kapag nakikita ko silang lahat sa Kristiyanong mga pagpupulong, nadarama kong sulit ang pagsasakripisyo kong pumunta rito.”
Si Juana ay nagsosolong magulang. “Dati akong nagtrabaho sa La Paz bilang kasama sa bahay,” ang
sabi niya. “Noong maliit pa ang anak ko, naglilingkod ako bilang buong-panahong ministro sa lunsod. Nang makapasyal ako sa Rurrenabaque, natanto ko kung gaano kalaki ang maisasakatuparan ko kapag lumipat ako sa lugar na ito. Kaya lumipat kaming mag-ina, at nakakuha naman ako ng trabaho bilang kasama sa bahay. Noong una, nahirapan kami dahil napakainit at napakaraming insekto. Pero pitong taon na kami rito. Nakapagdaraos ako ng maraming pag-aaral sa Bibliya bawat linggo, at maraming estudyante ang nagpapakita ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagpupulong.” Kabilang si Juana at ang kaniyang anak sa mga sumakay ng bangka patungo sa bukana ng ilog. Inaanyayahan ka naming sumama.Ang Paglalakbay Patungo sa Bukana ng Ilog
Waring galit na galit ang makina ng bangka nang bagtasin natin ang makitid na lagusan sa pagitan ng mga bundok. Nag-ingay ang langkay ng mga loro, na waring nagrereklamo sa ating pagdating. Umalimbukay ang maputik na tubig mula sa mga bundok habang may-kahusayang inugit ng bangkero ang bangka pasalunga sa agos. Pagsapit ng kalagitnaan ng umaga, dumaong na tayo sa isang maliit na nayon. Nakilala natin doon ang isang tagapangasiwa sa Kongregasyon ng Rurrenabaque, at itinuro niya sa atin kung saan mangangaral.
Magiliw tayong tinanggap ng mga taganayon, sa lilim ng puno o sa loob ng bahay na gawa sa kawayan at may bubong na gawa sa mga dahon ng palma. Di-nagtagal, nakausap natin ang isang mag-asawa na abalang nagpipisa ng tubó sa isang pisaang yari sa kahoy na ginawa roon. Tumutulo ang katas sa isang tansong mangkok. Pagkatapos ay pakukuluin nila ang katas hanggang sa maging kulay-kapeng pulot ito na maaaring ipagbili sa bayan. Inanyayahan nila tayo sa kanilang tahanan at marami silang itinanong hinggil sa Bibliya.
Nagpatuloy tayo sa paglalakbay sa bukana ng ilog, at nangaral sa bawat nayon. Marami ang natutuwang makinig sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa pag-aalis sa sakit at kamatayan. (Isaias 25:8; 33:24) Palibhasa’y kakaunti lamang ang mga doktor at gamot na makukuha, maraming pamilya rito ang namatayan ng anak. Mahirap at walang katiyakan ang buhay ng mga magsasaka at mangingisda na isang kahig, isang tuka lamang. Kaya marami ang nagiging interesado sa pangako ng Diyos na nakaulat sa Awit 72 hinggil sa isang pamahalaan na mag-aalis ng karalitaan. Gayunpaman, sa palagay mo kaya’y magsisikap na dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong ang interesadong mga taong naninirahan sa gayong liblib na mga lugar? Iyan ang ikinabahala nina Eric at Vicky, mga buong-panahong ministro sa Santa Rosa, isang lugar sa loob ng lunas ng Amazon na mga tatlong oras pa ang biyahe.
Dadalo Kaya ang mga Interesado?
Sina Eric at Vicky, na taga-California, E.U.A., ay dumating sa Bolivia 12 taon na ang nakalilipas. Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang nagmungkahi na lumipat sila sa Santa Rosa. “Dadalawa lamang ang telepono sa bayan at walang paraan upang makakonekta sa Internet,” ang sabi ni Vicky. “Maraming maiilap na hayop. Madalas kaming makakita ng mga buwaya, avestruz, at malalaking ahas kapag pumupunta kami sa malalayong lugar sakay ng aming mga motorsiklo. Subalit mas interesado kami sa mga tao kaysa sa mga hayop. Nagdaraos kami ng pag-aaral sa Bibliya sa mag-asawang Vaca, na may apat na maliliit pang mga anak. Nakatira sila mga 26 na kilometro ang layo mula sa bayan. Dating lasenggo ang ama, pero nagbago na siya. Linggu-linggo, isinasama niya ang kaniyang buong pamilya at ang kaniyang nakababatang kapatid na babae sa Kingdom Hall. Iniaangkas niya ang kaniyang asawa at isang anak sa kaniyang malaking bisikleta. Angkas naman ng siyam-na-taóng-gulang ang kaniyang maliit na kapatid na babae sa isa pang bisikleta, at ang walong-taóng-gulang ay may sariling bisikleta. Inaabot sila ng tatlong oras para makarating sa Kingdom Hall.” Talagang iniibig ng pamilyang ito si Jehova at sinisikap nila nang husto na makasama ang kongregasyon.
Sa loob lamang ng 18 buwan, 3 indibiduwal ang naging kuwalipikado para sa bautismo, at mga 25 na ang dumadalo sa bagong Kingdom Hall sa Santa Rosa. Bagaman marami ang nagnanais mag-aral ng Bibliya, maraming malalaking hadlang ang kailangan nilang daigin upang paglingkuran si Jehova.
Ang Hamon na Gawing Legal ang Pag-aasawa
Sina Marina at Osni, mga misyonerong naglilingkod sa isang liblib na bayan malapit sa hanggahan ng Bolivia at Brazil, ay nagpaliwanag na iniisip ng marami sa lugar na ito na hindi isang permanenteng ugnayan ang pag-aasawa. Iba-iba ang kanilang mga kinakasama. “Isa itong balakid sa pagsulong sa espirituwal,” ang sabi ni Osni. “Isang komplikado at magastos na proseso kapag nais ng mga tao na maging mga tunay na Kristiyano. Kinailangan munang ayusin ng ilan ang nauna nilang mga relasyon at saka sila legal na nagpakasal. Gayunpaman, yamang natutuhan ng ilan na isang kahilingan ng Kasulatan ang wastong pagpaparehistro ng kasal, nagtrabaho sila nang husto upang kumita ng perang pambayad para gawing legal ang kanilang pagsasama.”—Roma 13:1, 2; Hebreo 13:4.
Inilahad ni Marina ang karanasan ni Norberto. “Ilang babae na ang kinasama niya bago niya kinasama ang isang babae na gumagawa ng tinapay. Mas bata nang mga 35 taon ang babae kay Norberto at ito ay may anak na lalaki na inampon ni Norberto. Habang lumalaki ang bata, nais ni Norberto na maging isang mabuting halimbawa sa kaniya. Kaya nang dumalaw ang isang Saksi sa panaderya at mag-alok ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, tinanggap ito ni Norberto, bagaman siya ay hindi marunong magbasa at mahigit nang 70 taóng gulang. Nang matutuhan ni Norberto at ng kaniyang kinakasama ang mga kahilingan ni Jehova, nagpakasal sila at pagkatapos ay nagpabautismo. Ang bata ay naging isang responsableng kabataang Kristiyano—gaya ng nais mangyari ng kaniyang amain. Natutong bumasa si Norberto, at nagkakabahagi pa nga siya sa mga pagpupulong ng kongregasyon. Sa kabila ng kaniyang mahinang kalusugan dahil sa edad niya, isa siyang masigasig na ministro ng mabuting balita.”
Pinalalakas ng Espiritu ni Jehova
Sinabi ni Jesus sa kaniyang unang mga tagasunod: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko . . . sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Tunay na nakapagpapasiglang makita ang espiritu ng Diyos na nagpapakilos sa mga Kristiyanong lalaki’t babae na lumipat sa malalayong bahagi ng lupa! Halimbawa, noong 2004, mga 30 masisigasig na Kristiyano ang tumanggap ng pansamantalang mga atas sa liblib na mga teritoryo bilang mga ministrong special pioneer. Pinahahalagahan nila ang halimbawa ng mga 180 banyaga na nagpunta sa Bolivia upang maglingkod bilang mga payunir, tagapangasiwa ng sirkito, boluntaryo sa Bethel, o mga misyonero. Ang 17,000 mamamahayag ng Kaharian sa Bolivia ay nagdaraos ng mga 22,000 pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado.
Lubhang nagagalak ang lahat ng kapatid na ito dahil batid nila na ginagabayan sila ng espiritu ni Jehova. Halimbawa, tinanggap nina Robert at Kathy ang atas na maglingkod bilang mga misyonero sa Camiri. Ang Camiri ay isang liblib na bayan na napaliligiran ng maliliit at luntiang mga burol malapit sa isang ilog. “Waring tamang-tama ang dating namin,” ang sabi ni Robert. “Sa loob lamang ng dalawang taon, mga 40 katao na ang naging mamamahayag ng mabuting balita.”
Isang Lasenggong Sugarol ang Nakinig
Maraming taong-bayan ang humahanga sa mga pagbabagong ginawa ng mga nag-aaral ng Bibliya. Halimbawa, isang araw mga apat na taon na ang nakalilipas, isang lasenggo na nagngangalang Ariel ang nakahiga sa kama dahil sa hangover. Bagaman kilala siyang sugarol, iniisip pa rin niya ang kaniyang patung-patong na mga utang, magulong pag-aasawa, at napabayaang mga anak na babae. Napahinto siya sa kaniyang pag-iisip nang biglang kumatok sa kaniyang pinto ang isang Saksi ni Jehova na nagbabahay-bahay. Nakinig na mabuti si Ariel habang ipinaliliwanag ng Saksi ang Kasulatan. Di-nagtagal, nakahiga uli si Ariel sa kama subalit nagbabasa na siya hinggil sa maligayang buhay pampamilya, Paraiso, at paglilingkod sa Diyos. Nang maglaon, pumayag siyang mag-aral ng Bibliya.
Nang dumating ang mga misyonero sa Camiri, ang asawa ni Ariel, si Arminda, ay nakikipag-aral na rin ng Bibliya—pero hindi siya gaanong pursigido sa pag-aaral. “Gagawin ko ang lahat mapahinto lamang siya sa kaniyang pag-inom,” ang sabi niya. “Pero sa palagay ko, malabong mangyari iyan. Wala na siyang pag-asa.” Subalit higit na naging kawili-wili ang pag-aaral ng Bibliya kaysa sa inaasahan ni Arminda. Sa loob ng isang taon, nabautismuhan siya at nagpapatotoo na sa kaniyang pamilya. Di-nagtagal, inialay ng ilan sa kaniyang mga kamag-anak ang kanilang buhay kay Jehova.
Hinggil naman kay Ariel, nahirapan siyang ihinto ang pag-inom, paninigarilyo, at pagsusugal. Nagbago ang lahat nang anyayahan niya ang kaniyang mga kakilala na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Ipinasiya niya: “Hindi na ako makikisama sa mga hindi dadalo. Aalukan ko naman ng pag-aaral sa Bibliya ang mga dadalo.” Nakapagpasimula siya ng tatlong pag-aaral sa Bibliya dahil dito. Bago pa maging miyembro ng kongregasyon si Ariel, nakapagdaos na siya ng pag-aaral sa Bibliya sa isang kamag-anak na sumulong at nagpabautismong kasabay ni Ariel. Ganito ang sinabi ni Arminda: “Tila hindi na siya ang dating Ariel na kilala ko.”
Iniulat ni Robert: “Ayon sa huli naming bilang, 24 na miyembro ng pamilyang ito ang regular na dumadalo sa mga pagpupulong. Sampu ang bautisado na, at walo ang di-bautisadong mamamahayag. Ang ilan na nakapansin sa kanilang pagbabago ay nakikipag-aral na rin ng Bibliya at dumadalo sa mga pagpupulong ng kongregasyon. Tumaas ang bilang ng dumadalo mula 100 tungo sa 190. Kami ni Kathy ay nagdaraos ng mga 30 pag-aaral sa Bibliya, at silang lahat ay dumadalo sa mga pagpupulong. Maligaya kami rito.”
Ang nagaganap sa mga liblib na bayan ng Bolivia ay maliit na bahagi lamang ng isang pambuong-daigdig na pagtitipon na inihula sa Apocalipsis kabanata 7, na bumabanggit hinggil sa “araw ng Panginoon” kung kailan titipunin ang mga makaliligtas sa malaking kapighatian. (Apocalipsis 1:10; 7:9-14) Ngayon lamang sa kasaysayan ng tao nagkaisa sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos ang milyun-milyong tao mula sa lahat ng bansa. Tunay na kapana-panabik na patotoo na malapit na ang katuparan ng mga pangako ng Diyos!
[Larawan sa pahina 9]
Betty Jackson
[Larawan sa pahina 9]
Elsie Meynberg
[Larawan sa pahina 9]
Pamela Moseley
[Larawan sa pahina 9]
Charlotte Tomaschafsky, dulong kanan
[Larawan sa pahina 10]
Linggu-linggo, tatlong oras na namimisikleta ang pamilya Vaca patungo sa Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 10]
Sina Eric at Vicky ay nagboluntaryong maglingkod kung saan may pangangailangan para sa higit pang mamamahayag ng Kaharian
[Larawan sa pahina 11]
Matamang nakikinig sa mabuting balita ang mga taganayong malapit sa ilog ng Beni
[Larawan sa pahina 12]
Sina Robert at Kathy ay naglilingkod bilang mga misyonero sa Camiri