Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapatunay sa Kanon ng Bibliya Noong Unang Panahon

Pagpapatunay sa Kanon ng Bibliya Noong Unang Panahon

Pagpapatunay sa Kanon ng Bibliya Noong Unang Panahon

“WARING ang bawat linya ay espesipikong isinulat upang kunin ang pansin ng mga interesado sa sinaunang kasaysayan ng mga Kristiyano.” Ganiyan inilarawan ang isang sinaunang dokumento. Alam mo ba kung anong dokumento iyon?

Maaaring nabalitaan mo na o posibleng hindi pa ang tungkol sa dokumentong ito​—ang Muratorian Fragment. Anuman ang kalagayan, baka itanong mo, ‘Ano ba ang kakaiba sa Muratorian Fragment?’ Ito ang pinakamatandang umiiral na kanon, o opisyal na listahan ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Maaaring naiisip mo na hindi na mahalagang malaman kung anu-anong aklat ang bahagi ng Bibliya. Subalit magugulat ka kayang malaman na minsan ay pinagdudahan ng ilan kung anu-anong aklat ang dapat isama rito? Makikita sa Muratorian Fragment, o kanon, ang listahan ng mga akda na itinuturing na kinasihan. Gaya ng nauunawaan mo, napakahalaga ng eksaktong nilalaman ng Bibliya. Kaya ano ba ang isinisiwalat ng dokumento may kinalaman sa mga aklat na bumubuo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ngayon? Buweno, isaalang-alang muna natin ang ilang impormasyon hinggil sa dokumentong ito.

Ang Pagkatuklas Dito

Ang Muratorian Fragment ay bahagi ng isang manuskritong codex na binubuo ng 76 na pergaminong pilyego, na bawat isa ay may sukat na 27 por 17 sentimetro. Isang kilaláng Italyanong istoryador, si Ludovico Antonio Muratori (1672-1750), ang nakatuklas nito sa Ambrosian Library, sa Milan, Italya. Inilathala ni Muratori ang kaniyang natuklasan noong 1740, kaya pinanganlan ito na Muratorian Fragment. Waring ang codex ay ginawa noong ikawalong siglo sa sinaunang monasteryo ng Bobbio, malapit sa Piacenza, sa hilagang Italya. Inilipat ito sa Ambrosian Library noong pasimula ng ika-17 siglo.

Ang Muratorian Fragment ay binubuo ng 85 linya ng teksto na nakasulat sa pilyego 10 at 11 ng codex. Ang teksto ay isinulat sa wikang Latin, na maliwanag na kinopya ng isang eskriba na hindi gaanong maingat. Pero nakita ang ilang pagkakamali sa kaniyang ginawa nang ihambing ito sa katulad na tekstong nasa apat na manuskritong isinulat noong ika-11 at ika-12 siglo.

Kailan Ito Isinulat?

Subalit baka isipin mo kung kailan orihinal na isinulat ang impormasyong makikita sa Muratorian Fragment. Waring ang orihinal ay isinulat sa wikang Griego maraming siglo bago pa isulat ang teksto na nasa Fragment, na isang salin ng Latin mula sa Griego. Narito ang isang pahiwatig na tutulong sa pagpepetsa sa orihinal na teksto. Binanggit ng Fragment ang Shepherd, isang aklat na hindi salig sa Bibliya, at sinabi na isang lalaking nagngangalang Hermas ang sumulat nito “kamakailan lamang, sa ating panahon, sa lunsod ng Roma.” Sinasabi ng mga iskolar na natapos ang pagsulat sa Shepherd ni Hermas sa pagitan ng 140 at 155 C.E. Kaya mauunawaan mo kung bakit ang orihinal na pinagbasihan sa wikang Griego ng Latin na Muratorian Fragment ay isinulat sa pagitan ng 170 at 200 C.E.

Ang tuwiran at di-tuwirang mga pagtukoy sa Roma ay nagpapahiwatig na malamang na isinulat ito sa lunsod na iyon. Pero pinagtatalunan kung sino ang awtor nito. Ipinapalagay na sina Clemente ng Alejandria, Melito ng Sardis, at Polycrates ng Efeso ang mga awtor. Subalit itinuturo ng karamihan sa mga iskolar si Hippolytus, isang awtor na maraming isinulat na akda sa wikang Griego at nanirahan sa Roma noong panahong malamang na isinulat ang Muratorian Fragment. Bagaman maaaring hindi ka gaanong interesado rito, marahil ay mas gusto mong malaman ang hinggil sa nilalaman ng Fragment na siyang dahilan kung bakit napakahalaga nito.

Ang Nilalaman Nito

Ang teksto ay hindi lamang isang listahan ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. May mga komento rin ito hinggil sa mga aklat at sa kani-kanilang mga manunulat. Kung babasahin mo ang teksto, mapapansin mong nawawala ang unang mga linya ng manuskrito, at waring bigla itong nagtatapos. Nagsisimula ito sa pagbanggit sa Ebanghelyo ni Lucas, at binabanggit ng dokumento na ang manunulat ng aklat na ito ng Bibliya ay isang manggagamot. (Colosas 4:14) Sinasabi nito na ang isinulat ni Lucas ay ang ikatlong Ebanghelyo, kaya makikita mo na malamang na ang nawawalang unang bahagi ay tumutukoy sa mga Ebanghelyo nina Mateo at Marcos. Kung iyan ang konklusyon mo, mapatutunayan ito ng Muratorian Fragment, na nagsasabing ang ikaapat na Ebanghelyo ay yaong kay Juan.

Pinagtitibay ng Fragment na ang aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol ay isinulat ni Lucas para sa “kagalang-galang na Teofilo.” (Lucas 1:3; Gawa 1:1) Pagkatapos ay itinala ng Fragment ang mga liham ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto (dalawa), sa mga taga-Efeso, sa mga taga-Filipos, sa mga taga-Colosas, sa mga taga-Galacia, sa mga taga-Tesalonica (dalawa), sa mga taga-Roma, kay Filemon, kay Tito, at kay Timoteo (dalawa). Ang liham ni Judas at ang dalawang liham ni Juan ay binanggit din bilang kinasihang mga aklat. Ang unang liham ni apostol Juan ay binanggit na, kasama ng kaniyang Ebanghelyo. Ang huli sa listahan ng mga aklat na itinuturing na kinasihan ay ang Apocalipsis, o Pagsisiwalat.

Kapansin-pansin na binabanggit ng Fragment ang Apocalipsis ni Pedro pero sinasabi nito na naniniwala ang ilan na hindi ito dapat basahin ng mga Kristiyano. Nagbabala ang manunulat na kumakalat na ang huwad na mga akda noong panahon niya. Ipinaliliwanag ng Muratorian Fragment na hindi dapat tanggapin ang mga ito, “yamang hindi naaangkop na ihalo sa pulót ang bagay na mapait.” Binabanggit din ng dokumento ang iba pang mga teksto na hindi dapat ilakip sa banal na mga akda. Ito ay dahil sa isinulat ang mga akda matapos ang panahon ng mga apostol, kagaya ng Shepherd ni Hermas, o dahil sa isinulat ang mga ito upang suportahan ang mga erehiya.

Maaaring napansin mo sa mga nabanggit na ang liham sa mga Hebreo, dalawang liham ni Pedro, at ang liham ni Santiago ay hindi makikita sa talaang ito ng mapananaligang mga aklat ng Bibliya. Gayunman, pagkatapos tukuyin ang kinopyang manuskrito ng eskriba, sinabi ni Dr. Geoffrey Mark Hahneman na “makatuwirang ipalagay na posibleng taglay ng Fragment ang ibang mga reperensiyang nawawala na ngayon, at ang Santiago at Mga Hebreo (at 1 Pedro) ay malamang na kabilang dito.”​—The Muratorian Fragment and the Development of the Canon.

Kaya pinagtitibay ng Muratorian Fragment na ang karamihan sa mga aklat na nasa Kristiyanong Griegong Kasulatan ngayon ay itinuturing nang kanonikal noong ikalawang siglo C.E. Siyempre, ang pagiging kanonikal ng mga aklat ng Bibliya​—iyon ay, ang pagiging nararapat nitong maging bahagi ng banal na aklatan​—ay hindi nakadepende kung binanggit nga ba ito sa isang partikular na sinaunang talaan. Ang talagang nagpapatunay na produkto ng banal na espiritu ang mga aklat ng Bibliya ay ang nilalaman ng mga ito. Pinagtitibay ng lahat ng aklat nito na ang Diyos na Jehova ang awtor ng mga aklat at ganap na magkakasuwato ang mga ito. Ang pagkakatugma at pagiging balanse ng 66 na kanonikal na aklat ng Bibliya ay nagpapatunay sa pagkakasuwato at pagiging kumpleto ng mga ito. Kaya makikinabang ka kung tatanggapin mo ang Bibliya batay sa kung ano nga talaga ito, ang kinasihang katotohanan ng Salita ni Jehova, na iningatan hanggang sa ating panahon.​—1 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 3:16, 17.

[Larawan sa pahina 13]

Ludovico Antonio Muratori

[Larawan sa pahina 14]

Ang Ambrosian Library

[Larawan sa pahina 15]

Ang Muratorian Fragment

[Credit Line]

Diritti Biblioteca Ambrosiana. Vietata la riproduzione. Aut. No. F 157 / 05

[Picture Credit Lines sa pahina 13]

Fragments: Diritti Biblioteca Ambrosiana. Vietata la riproduzione. Aut. No. F 157 / 05; Muratori, based on line art: © 2005 Brown Brothers