Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Paglalaan ng Diyos ng Pagbabayad-Sala

Ang Paglalaan ng Diyos ng Pagbabayad-Sala

Ang Paglalaan ng Diyos ng Pagbabayad-Sala

ANG salitang Ingles na atonement (pagbabayad-sala) ay galing sa pananalitang at one (kaisa) at, gaya ng pagkakapit sa Bibliya, ito ay nangangahulugang pantakip sa mga kasalanan. Sa Hebreong Kasulatan, ang mga pananalitang tumutukoy sa pagbabayad-sala ay maraming ulit na lumilitaw, lalo na sa mga aklat ng Levitico at Mga Bilang. Ang salitang Hebreo sa pagbabayad-sala ay ka·pharʹ, at malamang na ang orihinal na kahulugan nito ay “takpan,” bagaman sinasabi na nangangahulugan din itong “punasan.”

Kailangan ng Tao ang Pagbabayad-Sala

Kailangan ng tao ang pantakip sa kasalanan, o pagbabayad-sala, dahil sa minanang kasalanan, na tao mismo ang may kagagawan at hindi ang Diyos. (1 Hari 8:46; Awit 51:5; Eclesiastes 7:20; Roma 3:23; Deuteronomio 32:4, 5) Ipinamana ni Adan, na nawalan ng sakdal at walang-hanggang buhay, ang kasalanan at kamatayan sa kaniyang mga supling, at dahil dito ay nahatulan ng kamatayan ang kaniyang mga inapo. (Roma 5:12) Kung gayon upang muling matamasa ng sangkatauhan ang buhay na walang hanggan, kakailanganin ang eksaktong pambayad-sala sa naiwala ni Adan kasuwato ng simulain ng batas na bandang huli ay inilakip ni Jehova sa Kautusang Mosaiko, samakatuwid nga, kung ano ang inutang iyon din ang kabayaran.​—Deuteronomio 19:21.

Gaya ng pagkagamit sa Bibliya, ang “pagbabayad-sala” ay pangunahin nang nangangahulugang “pantakip” o “pamalit,” at na ang kapalit, o “pantakip,” sa bagay na nawala ay dapat na kapareho nito. Samakatuwid, anumang bagay na ipinapalit sa naiwala o binawi ay dapat na “kaisa” ng bagay na iyon, anupat lubusan itong tinatakpan bilang eksaktong katumbas nito. Walang labis, walang kulang. Hindi kayang ilaan ng di-sakdal na mga tao ang gayong pantakip o pambayad-sala upang maisauli ang sakdal na buhay-tao sa kaninuman o sa buong sangkatauhan. (Awit 49:7, 8) Upang eksaktong mabayaran ang naiwala ni Adan, kailangan ang handog ukol sa kasalanan na katumbas ng halaga ng isang sakdal na buhay-tao.

Pinasimulan ng Diyos na Jehova sa mga Israelita ang kaayusan ng pagbabayad-sala na lumalarawan sa mas dakilang paglalaan ng pagbabayad-sala. Si Jehova, at hindi ang tao, ang dapat pasalamatan sa pagsasaayos at pagsisiwalat ng paraan ng pagbabayad-sala upang matakpan ang minanang kasalanan at malunasan ang ibinungang hatol na kamatayan.

Mga Hain Para sa Pagbabayad-Sala

Gaya ng utos ng Diyos, ang mga Israelita ay dapat maghain ng mga handog ukol sa kasalanan upang magbayad-sala. (Exodo 29:36; Levitico 4:20) May pantanging kahulugan ang taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, kung kailan naghahandog ng mga haing hayop ang mataas na saserdote ng Israel at nagbabayad-sala para sa kaniyang sarili, sa iba pang mga Levita, at sa di-makasaserdoteng mga tribo ng Israel. (Levitico 16) Kailangang walang dungis ang mga haing hayop, anupat nagpapahiwatig na kailangang sakdal ang kinakatawanan ng mga ito. Gayundin, napakalaki ng halagang ibinibigay sa pagbabayad-sala dahil buhay ng biktima ang nasasangkot, anupat dugo nito ang ibinububo bilang pambayad-sala. (Levitico 17:11) Ang mga paghahandog ng mga Israelita ukol sa kasalanan at ang iba’t ibang aspekto ng taunang Araw ng Pagbabayad-Sala ay walang-alinlangang nagkintal sa kanilang isip ng kaselangan ng kanilang makasalanang kalagayan at na kailangang-kailangan nila ang ganap na pagbabayad-sala. Gayunman, hindi lubusang mababayaran ng mga haing hayop ang kasalanan ng tao sapagkat mas mababa ang mga hayop kaysa sa mga tao, na siyang binigyan ng kapamahalaan sa mga hayop.​—Genesis 1:28; Awit 8:4-8; Hebreo 10:1-4.

Katuparan kay Kristo Jesus

Malinaw na kay Jesu-Kristo iniuugnay ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang lubusang pagbabayad-sala sa mga kasalanan ng tao. Sa kaniya kumakatawan ang mga pitak at anino ng Kautusang Mosaiko, yamang siya mismo ang inilalarawan ng iba’t ibang haing hayop. Bilang isang taong sakdal at walang kasalanan, si Jesus ang handog ukol sa kasalanan para sa lahat ng inapo ni Adan na sa dakong huli ay tutubusin mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (2 Corinto 5:21) Si Kristo ay “naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang hanggan,” at walang-alinlangang siya “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Hebreo 10:12; Juan 1:29, 36; 1 Corinto 5:7; Apocalipsis 5:12; 13:8; ihambing ang Isaias 53:7.) Ang kapatawaran ay nakasalalay sa pagbubuhos ng dugo, at nakatitiyak ang mga Kristiyanong lumalakad sa liwanag na “nililinis tayo ng dugo ni Jesus na . . . Anak [ng Diyos] mula sa lahat ng kasalanan.”​—1 Juan 1:7; Hebreo 9:13, 14, 22; Apocalipsis 1:5.

Ang handog ukol sa kasalanan ay kumakatawan sa inihaing sakdal na buhay-tao ni Jesus. Ito ang napakahalagang bagay na bumili sa sangkatauhan, anupat tinubos sila mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (Tito 2:13, 14; Hebreo 2:9) Ipinahayag mismo ni Kristo: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos [Griego, lyʹtron] na kapalit ng marami.” (Marcos 10:45) Eksaktong nabayaran ng kaniyang hain ang naiwala ng makasalanang si Adan, yamang sakdal si Jesus at sa gayon ay katumbas ni Adan bago magkasala ang unang tao.​—1 Timoteo 2:5, 6; Efeso 1:7.

Naging Posible ang Pakikipagkasundo

Dahil sa kasalanan ng tao, napahiwalay ang tao sa Diyos sapagkat hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang kasalanan. Maaayos lamang ang paghihiwalay ng tao at ng kaniyang Maylalang kung matutugunan ang hinihiling na tunay na “pantakip,” o pagbabayad-sala, sa kasalanang ito. (Isaias 59:2; Habakuk 1:13; Efeso 2:3) Subalit dahil sa Diyos na Jehova, naging posible ang pakikipagkasundo sa makasalanang sangkatauhan sa pamamagitan ng sakdal na taong si Jesu-Kristo. Sa gayon ay sumulat si apostol Pablo: “Nagbubunyi rin tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay tinanggap natin ngayon ang pakikipagkasundo.” (Roma 5:11) Upang matamo ang lingap ni Jehova, kailangang tanggapin muna ang paglalaan ng Diyos na pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Tanging sa pamamagitan lamang nito maaaring matamo ang kalagayang katulad ng kay Adan bago siya magkasala. Nakita ang pag-ibig ng Diyos nang gawin niyang posible ang ganitong pakikipagkasundo.​—Roma 5:6-10.

Natugunan ang Hinihiling ng Katarungan Dahil sa Pampalubag-Loob

Gayunman, kailangan pa ring matugunan ang hinihiling ng katarungan. Bagaman ang tao ay nilalang na sakdal, naiwala niya ang kalagayang ito dahil sa kasalanan kung kaya hinatulan ng Diyos si Adan at ang kaniyang mga supling. Bilang pagtugon sa hinihiling ng katarungan at pagsunod sa mga simulain ng katuwiran, kinailangang sentensiyahan ng Diyos ang masuwaying si Adan. Subalit udyok ng pag-ibig, nagsaayos ang Diyos ng kahaliling probisyon kung saan ang nagsisising mga supling ng makasalanang si Adan ay maaaring patawarin at makipagpayapaan sa Diyos, at kasabay nito ay matutugunan pa rin ang hinihiling ng katarungan. (Colosas 1:19-23) Sa gayon, ‘isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.’ (1 Juan 4:10; Hebreo 2:17) Ang pampalubag-loob ay nagdudulot ng pagtanggap ng lingap mula sa pinagkasalahan. Inaalis ng pampalubag-loob na hain ni Jesus ang dahilan para hatulan pa ng Diyos ang tao at dahil dito, maaari na itong tumanggap ng lingap at awa ng Diyos. Inaalis din ng pampalubag-loob na ito sa espirituwal na Israel at sa lahat ng iba pang gustong makinabang dito ang kasalanan at ang ibinunga nitong hatol na kamatayan.​—1 Juan 2:1, 2; Roma 6:23.

Ang ideya ng paghalili ay itinatampok sa ilang teksto sa Bibliya na may kinalaman sa pagbabayad-sala. Halimbawa, sinabi ni Pablo na “si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan,” at na “sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit natin [mga Judio], sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos.’ ” (1 Corinto 15:3; Galacia 3:13; Deuteronomio 21:23) Nagkomento si Pedro: “Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang tayo ay matapos na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran. At ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay napagaling kayo.’ ” (1 Pedro 2:24; Isaias 53:5) Isinulat din ni Pedro: “Si Kristo . . . ay namatay nang minsanan may kinalaman sa mga kasalanan, isang taong matuwid ukol sa mga di-matuwid, upang maakay niya kayo sa Diyos.”​—1 Pedro 3:18.

Kailangan ng Pananampalataya Upang Makinabang sa Maibiging Paglalaang Ito

Ipinakita ng Diyos at ni Kristo ang pag-ibig sa pamamagitan ng paglalaan ng lubusang pagbabayad-sala sa minanang kasalanan ng tao. (Juan 3:16; Roma 8:32; 1 Juan 3:16) Gayunman, upang makinabang dito, ang isang tao ay dapat na talagang nagsisisi at sumasampalataya. Hindi nalulugod si Jehova sa mga hain ng Juda kapag mali ang kanilang saloobin. (Isaias 1:10-17) Isinugo ng Diyos si Kristo “bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo.” (Roma 3:21-26) Yaong mga sumasampalataya at kumikilala sa paglalaan ng Diyos ng pagbabayad-sala sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay maaaring maligtas; yaon namang mga hindi kumikilala rito ay hindi maliligtas. (Gawa 4:12) At sa sinuman na ‘sadyang namimihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom.’​—Hebreo 10:26-31.