Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang ibig sabihin ni apostol Pablo nang banggitin niya na ang mga babae ay dapat na “manatiling tahimik sa mga kongregasyon”?

Sumulat si Pablo sa Kristiyanong kongregasyon sa Corinto: “Gaya ng sa lahat ng kongregasyon ng mga banal, ang mga babae ay manatiling tahimik sa mga kongregasyon, sapagkat hindi ipinahihintulot na magsalita sila.” (1 Corinto 14:33, 34) Upang maintindihan natin ang talagang ibig sabihin nito, makatutulong kung isasaalang-alang natin ang konteksto ng payo ni Pablo.

Sa 1 Corinto kabanata 14, tinalakay ni Pablo ang mga bagay na may kaugnayan sa mga pagpupulong sa kongregasyong Kristiyano. Inilarawan niya kung anu-ano ang dapat talakayin sa gayong mga pulong at nagmungkahi siya kung paano dapat pangasiwaan ang mga ito. (1 Corinto 14:1-6, 26-​34) Karagdagan pa, idiniin niya ang layunin ng Kristiyanong mga pagpupulong​—“upang ang kongregasyon ay tumanggap ng pampatibay.”​—1 Corinto 14:4, 5, 12, 26.

Tatlong ulit na lumitaw sa 1 Corinto kabanata 14 ang tagubilin ni Pablo na ‘manatiling tahimik.’ Sa bawat pagkakataon, ibang grupo sa kongregasyon ang kausap ni Pablo, subalit sa lahat ng pagkakataon, iisa ang dahilan kung bakit niya sinabi ito​—upang “maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.”​—1 Corinto 14:40.

Una, sinabi ni Pablo: “Kung may nagsasalita ng isang wika, limitahan ito sa dalawa o tatlo sa pinakamarami, at halinhinan; at isa ang magsalin. Ngunit kung walang tagapagsalin, manatili siyang tahimik sa kongregasyon at magsalita sa kaniyang sarili at sa Diyos.” (1 Corinto 14:27, 28) Hindi naman nito ibig sabihin na hindi na maaaring magsalita sa mga pagpupulong ang taong ito kundi may mga pagkakataong kailangan siyang tumahimik. Tutal, hindi matatamo ang layunin ng mga pulong​—upang magpatibayan sa isa’t isa​—kung magsasalita siya sa isang wikang walang nakauunawa.

Pangalawa, sinabi ni Pablo: “Dalawa o tatlong propeta ang magsalita, at unawain ng iba ang kahulugan. Ngunit kung may pagsisiwalat sa isa pa samantalang nakaupo roon, manatiling tahimik ang nauna.” Hindi ito nangangahulugan na hindi na magsasalita sa mga pagpupulong ang unang propeta, kundi may mga panahong kailangan siyang tumahimik. Pagkatapos, maaari nang magsalita sa kongregasyon ang isa na may makahimalang pagsisiwalat, at sa gayon ay matatamo ang layunin ng pagpupulong​—upang ang “lahat ay mapatibay-loob.”​—1 Corinto 14:26, 29-31.

Pangatlo, ang mga babaing Kristiyano lamang ang kausap ni Pablo, at sinabi niya: “Ang mga babae ay manatiling tahimik sa mga kongregasyon, sapagkat hindi ipinahihintulot na magsalita sila, kundi magpasakop sila.” (1 Corinto 14:34) Bakit ibinigay ni Pablo sa mga babae ang utos na ito? Upang panatilihin ang kaayusan sa kongregasyon. Sinabi niya: “Kaya nga, kung may anumang bagay na nais nilang matutuhan, magtanong sila sa kani-kanilang asawa sa bahay, sapagkat kahiya-hiya na ang isang babae ay magsalita sa isang kongregasyon.”​—1 Corinto 14:35.

Marahil ay kinukuwestiyon noon ng ilang kapatid na babae ang sinasabi sa kongregasyon. Ang payo ni Pablo ay nakatulong sa mga babae na iwasan ang gayong espiritung pumupukaw ng kaguluhan at na mapagpakumbabang tanggapin ang kanilang katayuan sa kaayusan ni Jehova sa pagkaulo, partikular na may kaugnayan sa kanilang asawa. (1 Corinto 11:3) Bukod diyan, sa pananatiling tahimik, naipakikita ng mga kapatid na babae na hindi nila hinahangad na maging mga guro sa loob ng kongregasyon. Nang sumulat siya kay Timoteo, ipinakita ni Pablo na mali para sa isang babae na kunin ang papel ng isang guro sa loob ng kongregasyon: “Hindi ko pinahihintulutan ang babae na magturo, o magkaroon ng awtoridad sa lalaki, kundi tumahimik.”​—1 Timoteo 2:12.

Nangangahulugan ba iyan na hindi dapat magsalita ang mga babaing Kristiyano sa panahon ng pulong ng kongregasyon? Hindi naman. Noong panahon ni Pablo, may mga pagkakataong nananalangin o nanghuhula sa kongregasyon ang mga babaing Kristiyano, marahil ay udyok ng banal na espiritu. Sa gayong mga pagkakataon, naglalagay sila ng lambong sa ulo bilang pagkilala sa kanilang katayuan sa kongregasyon. * (1 Corinto 11:5) Karagdagan pa, noong panahon ni Pablo at maging sa ngayon, parehong hinihimok ang mga kapatid na lalaki at babae na ipahayag sa madla ang kanilang pag-asa. (Hebreo 10:23-25) Bukod sa paggawa nito sa ministeryo sa larangan, ipinahahayag ng mga kapatid na babae ang kanilang pag-asa at pinatitibay nila ang iba sa mga pagpupulong sa kongregasyon sa pamamagitan ng pinag-isipang-mabuting mga komento kapag pinagkomento sila at sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga atas na magtanghal o gumanap ng mga bahagi bilang estudyante.

Kaya ang mga babaing Kristiyano ay ‘nananatiling tahimik’ sa pamamagitan ng hindi pagtatangkang gampanan ang papel ng isang lalaki at hindi pagtuturo sa loob ng kongregasyon. Hindi sila nagbabangon ng mapanghamong mga tanong na kumukuwestiyon sa awtoridad ng mga nagtuturo sa loob ng kongregasyon. Kapag ginagampanan nila ang kanilang wastong papel sa kongregasyon, malaki ang naitutulong ng mga babaing Kristiyano upang maitaguyod ang kapayapaan sa mga pagpupulong ng kongregasyon kung saan ‘nagaganap ang lahat ng bagay ukol sa ikatitibay.’​—1 Corinto 14:26, 33.

[Talababa]

^ par. 10 Sa makabagong panahon, sinusunod ng may-gulang na mga kapatid na babae ang halimbawang iyon sa mga pagkakataong kailangan nilang gampanan ang mga katungkulan ng isang bautisadong lalaki sa loob ng kongregasyon.​—Tingnan Ang Bantayan, Hulyo 15, 2002, pahina 26.