Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sino ang mga Tunay na Kristiyano?

Sino ang mga Tunay na Kristiyano?

Sino ang mga Tunay na Kristiyano?

“ANG Kristiyanismo ay masusumpungan lamang sa mga taong nagtuturo at nagkakapit ng mga turo ni Jesu-Kristo.” (On Being a Christian) Sa mga pananalitang iyan, binanggit ng teologong Swiso na si Hans Küng ang isang napakalinaw na katotohanan: Ang tunay na Kristiyanismo ay makikita lamang sa taimtim na mga indibiduwal na namumuhay ayon sa mga turo ni Jesus.

Kung gayon, paano kung sinasabi ng mga indibiduwal o mga organisasyon na sila ay mga tagasunod ni Kristo subalit ang totoo ay hindi naman isinasagawa ang mga itinuro ni Jesus? Sinabi mismo ni Jesus na marami ang mag-aangking Kristiyano. Babanggitin ng mga ito ang iba’t ibang ginawa nila upang patunayang naglingkod sila sa kaniya, sa pagsasabi: “Hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?” Pero paano kaya tutugon si Jesus? Ipinahahayag ng kaniyang mapuwersang mga pananalita ang kaniyang hatol sa kanila: “Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”​—Mateo 7:22, 23.

Napakatinding babala nga para sa “mga manggagawa ng katampalasanan” na nag-aangking sumusunod kay Jesus! Isaalang-alang ang dalawang pangunahing kahilingan na itinakda ni Jesus sa mga tao upang kilalanin niya sila bilang tunay na mga Kristiyano sa halip na itakwil bilang mga manggagawa ng katampalasanan.

“Kung Kayo ay May Pag-ibig sa Isa’t Isa”

Ito ang isang kahilingan na itinakda ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​Juan 13:34, 35.

Hinihiling ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na magkaroon sila ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa at sa buong sangkatauhan. Tinutupad ng maraming indibiduwal na Kristiyano ang kahilingang iyan sa loob ng maraming siglo mula noong mabuhay si Jesus sa lupa. Pero kumusta naman ang karamihan sa mga relihiyosong organisasyon na nag-aangking kumakatawan kay Kristo? Masasalamin ba ang pag-ibig sa kanilang kasaysayan? Tiyak na hindi. Sa halip, malaki ang papel na ginampanan nila sa napakaraming digmaan at alitan kung saan maraming inosente ang namatay.​—Apocalipsis 18:24.

Ganiyan pa rin ang kalagayan hanggang sa ngayon. Ang mga bansang nag-aangking Kristiyano ay nanguna sa lansakang pagpatay sa dalawang digmaang pandaigdig noong ika-20 siglo. Kamakailan lamang, ang mga miyembro ng di-umano’y Kristiyanong mga relihiyon ang nanguna sa matitinding kalupitan at nabigong paglipol sa lahi na naganap sa Rwanda noong 1994. “Ang mga nagsagupaan sa napakarahas at madugong labanang ito,” ang sulat ng dating arsobispong Anglikano na si Desmond Tutu, “ay magkakarelihiyon. Karamihan ay mga Kristiyano.”

“Kung Kayo ay Nananatili sa Aking Salita”

Ang ikalawang pangunahing kahilingan para sa tunay na Kristiyanismo ay maliwanag na binanggit ni Jesus nang sabihin niya: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:31, 32.

Inaasahan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na mananatili sila sa kaniyang salita​—na sila ay manghahawakan sa kaniyang mga turo. Sa halip na gawin ito, “higit at higit na tinatanggap [ng relihiyosong mga guro na nag-aangking sumusunod kay Kristo] ang mga ideya ng mga Griego,” ang komento ng teologong si Küng. Pinalitan nila ang mga turo ni Jesus ng mga ideya gaya ng imortalidad ng kaluluwa, paniniwala sa purgatoryo, pagsamba kay Maria, at pagkakaroon ng uring klero​—mga ideyang salig sa paganong mga relihiyon at mga pilosopo.​—1 Corinto 1:19-​21; 3:18-20.

Itinuturo rin ng relihiyosong mga guro ang di-maunawaang doktrina ng Trinidad, anupat itinataas si Jesus sa posisyong hindi niya kailanman inangkin. Sa doktrinang ito, inililihis nila ang pansin ng mga tao mula sa pagsamba sa isa na palaging niluluwalhati ni Jesus​—ang kaniyang Ama, si Jehova. (Mateo 5:16; 6:9; Juan 14:28; 20:17) “Kapag binabanggit ni Jesus ang tungkol sa Diyos,” ang sulat ni Hans Küng, “ang tinutukoy niya ay ang sinaunang Diyos ng mga patriyarkang sina Abraham, Isaac at Jacob: Si Yahweh . . . Para sa kaniya ito lamang ang iisa at tanging Diyos.” Gaano karaming tao sa ngayon ang nakakakilala sa pangalan ng Diyos at Ama ni Jesus na si Yahweh, o Jehova, na siyang karaniwang pagkakasulat nito sa wikang Tagalog?

Lubusang winawalang-bahala ng relihiyosong mga lider ang utos ni Jesus na manatiling neutral sa pulitika. Noong panahon ni Jesus, ang Galilea “ang sentro ng etnikong nasyonalismo,” ang sabi ng manunulat na si Trevor Morrow. Maraming makabayang Judio ang nakipagdigma upang makamit ang kalayaan sa pulitika at relihiyon. Sinabi ba ni Jesus sa kaniyang mga alagad na makibahagi sila sa gayong mga pakikipaglaban? Hindi. Sa kabaligtaran, sinabi niya sa kanila: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19; 17:14) Gayunman, sa halip na manatiling neutral, itinaguyod ng mga pinuno ng relihiyon ang “palaban at pulitikal na adhikain ng simbahan,” gaya ng pagkakalarawan ng manunulat na taga-Ireland na si Hubert Butler. “Ang pulitikal na Kristiyanismo,” ang sulat niya, “ay halos militar na Kristiyanismo na rin at kapag nagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga pulitiko at ng mga relihiyosong lider, palaging binabasbasan ng Simbahan ang hukbong sandatahan ng estado kapalit ng ilang pakinabang.”

Itinatatwa ng mga Bulaang Guro si Jesus

Nagbabala si apostol Pablo hinggil sa paghiwalay sa tunay na Kristiyanismo. Sinabi niya na pagkamatay niya, ang “mapaniil na mga lobo” mula sa mga nag-aangking Kristiyano ay “magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:29, 30) ‘Hayagan nilang sasabihin na kilala nila ang Diyos,’ pero ang totoo, ‘itatatwa nila siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.’ (Tito 1:16) Nagbabala rin si apostol Pedro na ang mga bulaang guro ay “tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta at magtatatwa maging sa may-ari na bumili sa kanila.” Sinabi niya na dahil sa kanilang masamang paggawi, ang mga tao ay magsasalita nang “may pang-aabuso” hinggil sa “daan ng katotohanan.” (2 Pedro 2:1, 2) Ang pagtatatwa kay Kristo sa ganitong paraan, ang sabi ng Griegong iskolar na si W. E. Vine, ay nangangahulugang “pagtatatwa sa Ama at sa Anak, sa pamamagitan ng pag-apostata at pagpapalaganap ng mapaminsalang mga turo.”

Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Jesus kung ang nag-aangking mga alagad niya ay sadyang hindi “nananatili sa [kaniyang] salita” at hindi sumusunod sa ibang mga kahilingang binanggit niya? Nagbabala siya: “Sinumang nagtatatwa sa akin sa harap ng mga tao, itatatwa ko rin siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 10:33) Sabihin pa, hindi naman itinatatwa ni Jesus ang sinumang nagkamali sa kabila ng kaniyang marubdob na hangaring maging tapat. Halimbawa, bagaman tatlong beses na itinatwa ni apostol Pedro si Jesus, nagsisi si Pedro at pinatawad. (Mateo 26:69-75) Gayunman, itinatatwa ni Jesus ang mga indibiduwal o mga institusyon na nakadamit-tupa ngunit sa loob ay mga lobo​—nagkukunwaring sumusunod kay Kristo ngunit sadya at patuloy na itinatakwil ang kaniyang mga turo. Ganito ang sinabi ni Jesus hinggil sa gayong mga bulaang guro: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.”​—Mateo 7:15-20.

Namatay ang mga Apostol, at Nagsimula ang Apostasya

Kailan sinimulang itatwa ng mga huwad na Kristiyano si Kristo? Maikling panahon lamang pagkamatay ni Jesus. Siya mismo ay nagbabala na mabilis na maghahasik si Satanas na Diyablo ng mga “panirang-damo,” o mga huwad na Kristiyano, sa gitna ng “mainam na binhi,” o mga tunay na Kristiyano, na itinanim naman ni Jesus noong panahon ng kaniyang ministeryo. (Mateo 13:24, 25, 37-39) Si apostol Pablo ay nagbabala na aktibo na noong panahon niya ang mapanlinlang na mga guro. Sinabi niya na ang pangunahing dahilan ng kanilang paglihis mula sa mga turo ni Jesu-Kristo ay na wala silang tunay na “pag-ibig sa katotohanan.”​—2 Tesalonica 2:10.

Ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay nagsilbing pamigil sa apostasyang ito noong nabubuhay sila. Subalit nang mamatay ang mga apostol, parami nang parami ang nailihis mula sa mga katotohanang itinuturo ni Jesus at ng mga apostol niya dahil sa relihiyosong mga lider na gumagamit ng “bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at . . . bawat likong panlilinlang” upang iligaw ang mga tao. (2 Tesalonica 2:3, 6-12) Di-nagtagal, ayon sa pilosopong Ingles na si Bertrand Russell, ang orihinal na kongregasyong Kristiyano ay naging isang relihiyosong organisasyon na “lubhang makagugulat kay Jesus, at maging kay Pablo.”

Isinauli ang Tunay na Kristiyanismo

Malinaw ang ulat. Pagkamatay ng mga apostol, hindi na gaanong nasasalamin ang mga turo ni Kristo sa mga ginawa sa ngalan ng Kristiyanismo. Gayunman, hindi ito nangangahulugang nabigo si Jesus na tuparin ang kaniyang pangako sa kaniyang mga tagasunod na siya ay sasakanila sa “lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20) Makatitiyak tayo na mula noong sambitin niya ang mga salitang iyon, may mga tapat na indibiduwal na “nagtuturo at nagkakapit ng mga turo ni Jesu-Kristo.” Tinupad ni Jesu-Kristo ang kaniyang pangakong susuportahan niya ang gayong mga tapat na nagsisikap magpakita ng pag-ibig na siyang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano at manatiling tapat sa mga katotohanang itinuro niya.

Bukod diyan, ipinangako ni Jesus na sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay, titipunin niya ang kaniyang tapat na mga alagad sa isang kongregasyong Kristiyano na malinaw na makikilala ng lahat at na gagamitin niya upang ganapin ang kaniyang kalooban. (Mateo 24:14, 45-47) Sa ngayon, ginagamit niya ang kongregasyong iyan upang tipunin ang “isang malaking pulutong” ng mga lalaki, babae, at mga bata “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” at pinagkakaisa niya sila sa ilalim ng kaniyang pagkaulo para maging “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol.”​—Apocalipsis 7:9, 14-17; Juan 10:16; Efeso 4:11-16.

Kung gayon, lumayo ka mula sa anumang institusyon o organisasyon na dumungis sa pangalan ni Kristo at nanirang-puri sa Kristiyanismo nang mahigit dalawang libong taon na. Kung hindi, gaya ng sinabi ni Jesu-Kristo kay apostol Juan, maaari kang “tumanggap ng bahagi ng [kanilang] mga salot” kapag ipinataw na ng Diyos ang kaniyang hatol sa kanila sa malapit na hinaharap. (Apocalipsis 1:1; 18:4, 5) Maging determinado kang mapabilang sa mga inilarawan ni propeta Mikas nang sabihin niya na “sa huling bahagi ng mga araw,” ang tunay na mga mananamba​—mga tagapagtaguyod ng tunay na Kristiyanismo​—ay makikinig sa mga tagubilin ng Diyos at “lalakad . . . sa kaniyang mga landas” ng isinauling dalisay na pagsamba. (Mikas 4:1-4) Magagalak ang mga tagapaglathala ng magasing ito na tulungan kang makilala kung sino ang tunay na mga mananambang iyon.

[Mga larawan sa pahina 5]

Bakit hindi nakikibahagi sa digmaan ang mga tunay na Kristiyano?

[Credit Lines]

Mga sundalo, kaliwa: U.S. National Archives photo; flamethrower, kanan: U.S. Army Photo

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang ‘pagkakaroon ng pag-ibig sa isa’t isa’ at ‘pananatili sa kaniyang salita’ ay pangunahing mga kahilingan na itinakda ni Jesus para sa mga tunay na Kristiyano