“Isang Makasagisag na Drama” na Mahalaga sa Atin
“Isang Makasagisag na Drama” na Mahalaga sa Atin
KAYHIRAP unawain ang ganap na kahulugan ng partikular na mga talata sa Bibliya kung hindi ito bibigyang-liwanag ng ibang bahagi ng Bibliya! Baka ituring na basta kasaysayan lamang ang mga ulat sa Salita ng Diyos. Pero may nakapaloob na malalalim na katotohanan sa ilang salaysay na ito na hindi madaling mapansin. Isang halimbawa ang ulat tungkol sa dalawang babae sa sambahayan ng patriyarkang si Abraham. Tinawag iyon ni apostol Pablo na “isang makasagisag na drama.”—Galacia 4:24.
Nararapat lamang na pansinin ang dramang ito dahil napakahalaga ng mga katotohanang inilalarawan nito para sa lahat ng nagnanais tumanggap ng pagpapala ng Diyos na Jehova. Bago natin suriin kung bakit gayon nga, isaalang-alang muna natin ang mga kalagayang nag-udyok kay Pablo na isiwalat ang kahulugan ng drama.
Nagkaroon ng problema sa gitna ng mga Kristiyano sa Galacia noong unang siglo. Ang ilan sa kanila ay ‘ubod-ingat na nangingilin ng mga araw at mga buwan at mga kapanahunan at mga taon’—mga bagay na ipinag-uutos sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Inaangkin ng mga indibiduwal na ito na kailangang sundin ng mga mananampalataya ang Kautusan para sang-ayunan sila ng Diyos. (Galacia 4:10; 5:2, 3) Pero alam ni Pablo na hindi na kailangang gawin ng mga Kristiyano ang gayong mga pangingilin. Para patunayan ito, tinukoy niya ang isang ulat na alam ng sinumang may Judiong pinagmulan.
Ipinaalaala ni Pablo sa mga taga-Galacia na sina Ismael at Isaac ay mga anak ni Abraham, ang ama ng bansang Judio. Si Ismael ay anak ng alilang babae na si Hagar, at si Isaac naman ay anak ng malayang babae na si Sara. Tiyak na alam ng mga taga-Galacia—na nagsasabing kailangang sundin ang Kautusang Mosaiko—ang ulat hinggil sa pagiging dating baog ni Sara at na ibinigay niya kay Abraham ang kaniyang alilang babaing si Hagar bilang kahalili niya sa pagsisilang ng isang anak. Malamang na batid nilang matapos ipaglihi ni Hagar si Ismael, hinamak niya ang kaniyang Genesis 16:1-4; 17:15-17; 21:1-14; Galacia 4:22, 23.
amo na si Sara. Gayunman, ayon sa pangako ng Diyos, sa wakas ay isinilang ni Sara si Isaac sa kaniyang katandaan. Nang maglaon, pinalayas ni Abraham sina Hagar at Ismael dahil pinagmalupitan ni Ismael si Isaac.—Dalawang Babae, Dalawang Tipan
Ipinaliwanag ni Pablo ang mga tauhan sa ‘makasagisag na dramang’ ito. “Ang mga babaing ito ay nangangahulugan ng dalawang tipan,” isinulat niya, “ang isa ay mula sa Bundok Sinai, na nagluluwal ng mga anak ukol sa pagkaalipin, na siyang si Hagar. . . . Siya ay katumbas ng Jerusalem ngayon, sapagkat siya ay nasa pagkaalipin na kasama ng kaniyang mga anak.” (Galacia 4:24, 25) Si Hagar ay lumalarawan sa literal na Israel, na Jerusalem ang kabisera. Dahil sa tipang Kautusan na pinasinayaan sa Bundok Sinai, ang bansang Judio ay may obligasyon kay Jehova. Sa ilalim ng tipang Kautusan, palaging napaaalalahanan ang mga Israelita na sila ay alipin sa kasalanan at nangangailangan ng katubusan.—Jeremias 31:31, 32; Roma 7:14-24.
Kanino naman lumalarawan ang “malayang babae” na si Sara at ang kaniyang anak na si Isaac? Sinabi ni Pablo na si Sara, ang “babaing baog,” ay lumalarawan sa asawang babae ng Diyos, ang makalangit na bahagi ng kaniyang organisasyon. Ang makalangit na babaing ito ay baog dahil bago pumarito si Jesus, wala pa siyang pinahiran-ng-espiritung “mga anak” sa lupa. (Galacia 4:27; Isaias 54:1-6) Gayunman, noong Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ang banal na espiritu sa isang grupo ng mga lalaki at babae at sa gayon ay ipinanganak muli bilang mga anak ng makalangit na babaing ito. Ang mga anak na iniluwal ng organisasyong ito ay inampon bilang mga anak ng Diyos at naging mga kasama ni Jesu-Kristo bilang tagapagmana sa ilalim ng bagong pakikipagtipan. (Roma 8:15-17) Kaya naman naisulat ng isa sa mga anak na ito na si apostol Pablo: “Ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.”—Galacia 4:26.
Mga Anak ng mga Babae
Ayon sa ulat ng Bibliya, inusig ni Ismael si Isaac. Sa katulad na paraan, noong unang siglo C.E., ang mga anak ng Jerusalem na nasa pagkaalipin ay tumuya at umusig sa mga anak ng Jerusalem sa itaas. “Kung paanong noon ay pinasimulang usigin niyaong ipinanganak ayon sa laman [Ismael] yaong ipinanganak ayon sa espiritu [Isaac], gayundin naman ngayon,” ang paliwanag ni Pablo. (Galacia 4:29) Nang bumaba si Jesu-Kristo sa lupa at magsimulang ihayag ang tungkol sa Kaharian, pinakitunguhan siya ng relihiyosong mga lider na Judio na tulad ng pakikitungo ng anak ni Hagar na si Ismael sa tunay na tagapagmana ni Abraham na si Isaac. Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na lehitimong tagapagmana ni Abraham at si Jesus ay nag-aangkin lamang, tinuya at pinag-usig nila si Jesu-Kristo.
Nang malapit na siyang ipapatay ng mga pinuno ng likas na Israel, sinabi ni Jesus: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya,—kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig. Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.”—Mateo 23:37, 38.
Ipinakikita ng kinasihang ulat ng mga pangyayari noong unang siglo, na hindi lahat ng mga anak na iniluwal ng likas na bansang lumalarawan kay Hagar ay magiging kasama ni Jesus bilang tagapagmana. Ang mga Judio na buong-pagmamalaking naniniwala na may karapatan sila sa gayong mana dahil sa kanilang lahi ay itinaboy o tinanggihan ni Jehova. Pero mayroon din namang likas na mga Israelita na naging kasama ni Kristo bilang tagapagmana. Gayunman, ipinagkaloob ang gayong pribilehiyo dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesus at hindi dahil sa lahing pinagmulan nila.
Noong Pentecostes 33 C.E., naging malinaw kung sino ang ilan sa mga makakasama ni Kristo bilang tagapagmana. Sa paglipas ng panahon, pinahiran ni Jehova ang iba pa bilang mga anak ng Jerusalem sa itaas.
Ipinaliwanag ni Pablo ang ‘makasagisag na dramang’ ito para ipakita ang kahigitan ng bagong tipan sa tipang Kautusan na si Moises ang tagapamagitan. Hindi makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusang Mosaiko, dahil di-sakdal ang lahat ng tao at idiniin lamang ng Kautusan ang kanilang pagkaalipin sa kasalanan. Ngunit, tulad ng ipinaliwanag ni Pablo, pumarito si Jesus “upang mapalaya niya yaong mga nasa ilalim ng kautusan.” (Galacia 4:4, 5) Kaya sa pamamagitan ng pananampalataya sa halaga ng hain ni Kristo, mapalalaya ang isa mula sa hatol ng Kautusan.—Galacia 5:1-6.
Ang Kahalagahan ng Drama Para sa Atin
Bakit tayo dapat maging interesado sa kinasihang paliwanag ni Pablo sa dramang ito? Ang isang dahilan ay binibigyan tayo nito ng kaunawaan sa maka-Kasulatang kahulugan na hindi sana natin gaanong mauunawaan. Pinatitibay ng paliwanag ang ating pagtitiwala sa pagkakasuwato ng Bibliya.—1 Tesalonica 2:13.
Bukod diyan, mahalaga sa ating kaligayahan sa hinaharap ang mga katotohanan na isinasagisag ng dramang ito. Kung hindi lumitaw ang “mga anak” ayon sa pangako ng Diyos, mananatili tayong alipin ng kasalanan at kamatayan. Pero sa ilalim ng maibiging pangangasiwa ni Kristo at ng kaniyang kasamang mga tagapagmana ng pangako ng Diyos kay Abraham, “pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Mangyayari ito kapag pinalaya na sila magpakailanman mula sa epekto ng kasalanan, di-kasakdalan, pamimighati, at kamatayan. (Isaias 25:8, 9) Isa ngang maluwalhating panahon iyon!
[Larawan sa pahina 11]
Pinasinayaan sa Bundok Sinai ang tipang Kautusan
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 12]
Ano ang kahulugan ng “makasagisag na drama” na binanggit ni apostol Pablo?