Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Bagong Miyembro ng Lupong Tagapamahala

Mga Bagong Miyembro ng Lupong Tagapamahala

Mga Bagong Miyembro ng Lupong Tagapamahala

NOONG Miyerkules ng umaga, Agosto 24, 2005, narinig ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos at Canada, na konektado ng video, ang isang kapana-panabik na patalastas. Simula Setyembre 1, 2005, dalawang bagong miyembro​—sina Geoffrey W. Jackson at Anthony Morris III​—​ang idaragdag sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.

Si Brother Jackson ay nagsimulang magpayunir noong Pebrero 1971 sa Tasmania, ang islang estado ng Australia. Noong Hunyo 1974, pinakasalan niya si Jeanette (Jenny). Di-nagtagal, naatasan silang maglingkod bilang mga special pioneer. Mula 1979 hanggang 2003, naglingkod sila bilang mga misyonero sa Tuvalu, Samoa, at Fiji​—mga islang bansa sa Timog Pasipiko. Habang nasa isla, malaki rin ang naitulong nina Brother at Sister Jackson sa pagsasalin ng mga literatura sa Bibliya. Simula 1992, naglingkod si Brother Jackson sa Komite ng Sangay sa Samoa, at mula 1996, sa Komite ng Sangay sa Fiji. Noong Abril 2003, sila ni Jenny ay naging miyembro ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos at nagsimulang magtrabaho sa Translation Services Department. Di-nagtagal, pinatulong si Brother Jackson sa Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala.

Si Brother Morris naman ay pumasok sa paglilingkod bilang payunir noon ding 1971 sa Estados Unidos. Noong Disyembre ng taóng iyon, pinakasalan niya si Susan, at nagpatuloy sila sa pagpapayunir sa loob ng halos apat na taon hanggang sa isilang ang kanilang panganay na lalaki, si Jesse. Pagkaraan, nagkaroon sila ng isa pang anak, si Paul. Muling pumasok si Brother Morris sa buong-panahong paglilingkod bilang regular pioneer noong 1979. Nang pumapasok na sa paaralan ang dalawang bata, nagpayunir na rin ang kaniyang asawa. Naglingkod silang buong pamilya sa Rhode Island at North Carolina, sa Estados Unidos, kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sa North Carolina, naglingkod si Brother Morris bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito, at pumasok naman sa paglilingkod bilang regular pioneer ang kanilang dalawang anak. Inanyayahan sina Jesse at Paul sa sangay sa Estados Unidos sa edad na 19. Samantala, nagsimulang maglingkod si Brother Morris bilang tagapangasiwa ng sirkito. Pagkaraan noong 2002, sila ni Susan ay inanyayahan sa Bethel, anupat nagsimula sa kanilang bagong atas na ito noong Agosto 1. Nagtrabaho si Brother Morris sa Service Department sa Patterson at nang maglaon, bilang katulong sa Service Committee ng Lupong Tagapamahala.

Bukod sa dalawang bagong miyembrong ito, ang Lupong Tagapamahala ay binubuo nina C. W. Barber; J. E. Barr; S. F. Herd; M. S. Lett; G. Lösch; T. Jaracz; G. H. Pierce; A. D. Schroeder; D. H. Splane; at D. Sydlik. Ang lahat ng miyembro ng Lupong Tagapamahala ay pinahirang Kristiyano.