Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Job
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Job
ANG patriyarkang si Job ay nakatira sa lupain ng Uz, na bahagi ng Arabia ngayon. Maraming Israelita ang naninirahan sa Ehipto nang panahong iyon. Bagaman hindi Israelita si Job, isa siyang mananamba ng Diyos na Jehova. Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kaniya: “Walang sinumang tulad niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:8) Malamang na nabuhay si Job sa pagitan ng panahon ni Jose na anak ni Jacob at ni propeta Moises—dalawang natatanging lingkod ni Jehova.
Malamang na nalaman ni Moises, na sinasabing sumulat sa aklat ng Job, ang tungkol kay Job nang manirahan siya nang 40 taon sa Midian, na malapit sa lupain ng Uz. Maaaring nabalitaan ni Moises ang tungkol sa mga huling taon ng buhay ni Job nang ang mga Israelita ay malapit na sa Uz, sa katapusan ng kanilang 40-taóng pakikipamayan sa ilang. * Napakahusay ng pagkakasulat sa karanasan ni Job anupat ang ulat na ito ay itinuring na obra maestra sa panitikan. Pero higit na mahalaga, sinasagot nito ang mga tanong na gaya ng: Bakit nagdurusa ang mabubuting tao? Bakit pinahihintulutan ni Jehova na umiral ang labis na kasamaan? Makapananatili bang tapat sa Diyos ang di-sakdal na mga tao? Bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos, ang mensahe sa aklat ng Job ay buháy at may lakas kahit hanggang ngayon.—Hebreo 4:12.
“MAGLAHO NAWA ANG ARAW NG AKING KAPANGANAKAN”
Isang araw, kinuwestiyon ni Satanas ang katapatan ni Job sa harap ng Diyos. Tinanggap ni Jehova ang hamon at pinahintulutan si Satanas na iparanas kay Job ang sunud-sunod na kalamidad. Pero tumanggi si Job na ‘sumpain ang Diyos.’—Job 2:9.
Dumating ang tatlong kasamahan ni Job upang “makiramay sa kaniya.” (Job 2:11) Umupo sila sa tabi niya nang hindi umiimik hanggang sa magsalita si Job: “Maglaho nawa ang araw ng aking kapanganakan.” (Job 3:3) Gusto ni Job na maging “tulad ng mga bata na hindi nakakita ng liwanag,” o na ipinanganak na patay.—Job 3:11, 16.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:4—Nagdiwang ba ng kaarawan ang mga anak ni Job? Hindi. Magkaiba ang orihinal na mga salita para sa “araw” at “kaarawan,” at bawat isa ay may kani-kaniyang kahulugan. (Genesis 40:20) Sa Job 1:4, ang salitang “araw” ang ginamit, na tumutukoy sa isang yugto ng panahon mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. Lumilitaw na nagdiriwang ng pitong-araw na pampamilyang pagtitipon minsan sa isang taon ang pitong anak na lalaki ni Job. Sa pagtitipong ito, ang bawat isang anak na lalaki ang nagsisilbing punong-abala ng piging na idinaraos sa kaniyang bahay “sa kani-kaniyang araw.”
1:6; 2:1—Sino ang pinahihintulutang pumasok sa harap ni Jehova? Kasali sa mga tumayo sa harap ni Jehova ang bugtong na Anak ng Diyos, ang Salita; ang tapat na mga anghel; at ang masuwaying anghelikong ‘mga anak ng Diyos,’ pati na si Satanas na Diyablo. (Juan 1:1, 18) Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay pinalayas sa langit noon lamang 1914 di-nagtagal matapos maitatag ang Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 12:1-12) Sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanila na pumasok at humarap sa kaniya, ipinaalam ni Jehova sa lahat ng espiritung nilalang ang hamon ni Satanas at ang mga isyung ibinangon nito.
1:7; 2:2—Tuwiran bang nakipag-usap si Jehova kay Satanas? Hindi nagbibigay ang Bibliya ng maraming detalye kung paano nakikipagtalastasan si Jehova sa espiritung mga nilalang. Gayunman, nagkaroon ng pangitain si propeta Micaias kung saan nakita niya ang isang anghel na tuwirang nakikipagtalastasan kay Jehova. (1 Hari 22:14, 19-23) Kung gayon, lumilitaw na nakipag-usap si Jehova kay Satanas nang walang tagapamagitan.
1:21—Sa anong paraan makababalik si Job sa ‘tiyan ng kaniyang ina’? Yamang inanyuan ng Diyos na Jehova ang tao “mula sa alabok ng lupa,” ang terminong “ina” sa tekstong ito ay ginamit sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa lupa.—Genesis 2:7.
2:9—Ano marahil ang nasa kalooban ng asawa ni Job nang sabihin nito sa kaniya na sumpain ang Diyos upang mamatay na siya? Gaya ni Job, nagdusa rin ang kaniyang asawa. Malamang na napakasakit para sa kaniya na makitang nanghihina dahil sa karima-rimarim na sakit ang kaniyang dating masiglang asawa. Namatay ang kaniyang minamahal na mga anak. Malamang na halos mabaliw siya dahil sa lahat ng ito anupat hindi na niya naisip kung ano ang talagang mahalaga—ang kanilang kaugnayan sa Diyos.
Mga Aral Para sa Atin:
1:8-11; 2:3-5. Gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Job, kailangan sa katapatan ang tamang motibo sa paglilingkod kay Jehova bukod sa wastong pagkilos at pagsasalita.
1:21, 22. Sa pamamagitan ng pananatiling matapat kay Jehova sa kaayaaya at di-kaayaayang mga kalagayan, mapatutunayan nating sinungaling si Satanas.—Kawikaan 27:11.
2:9, 10. Tulad ni Job, dapat manatiling matatag ang ating pananampalataya kahit na hindi pinahahalagahan ng ating mga kapamilya ang ating espirituwal na mga tunguhin o ginigipit nila tayong ikompromiso o talikuran ang ating pananampalataya.
2:13. Ang mga kasamahan ni Job ay walang masabing nakaaaliw na bagay hinggil sa Diyos at sa kaniyang mga pangako dahil hindi nila minalas ang mga bagay-bagay sa paraan ng Diyos.
“HINDI KO AALISIN SA AKIN ANG AKING KATAPATAN!”
Pinalitaw ng tatlong kasamahan ni Job sa kanilang talumpati na malamang na nakagawa si Job ng napakasamang bagay kaya tumanggap siya ng gayon katinding parusa mula sa Diyos. Si Elipaz ang nauna. Sumunod kay Elipaz si Bildad, na gumamit ng mas masasakit na salita. Higit namang mapanghamak si Zopar.
Hindi matanggap ni Job ang maling mga pangangatuwiran ng kaniyang mga panauhin. Palibhasa’y hindi niya maunawaan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magdusa siya, labis niyang ipinagmatuwid ang kaniyang sarili. Gayunpaman, mahal ni Job ang Diyos at ibinulalas niya: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!”—Job 27:5.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
7:1; 14:14—Ano ang kahulugan ng “sapilitang pagpapagal” o “sapilitang paglilingkod”? Napakatindi ng paghihirap ni Job anupat inisip niyang ang buhay ay gaya ng napakabigat at nakapapagod na sapilitang pagpapagal. (Job 10:17, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Yamang ang panahong ilalagi ng isa sa Sheol ay sapilitan—mula sa panahon ng kaniyang kamatayan hanggang sa pagkabuhay-muli—inihalintulad ni Job ang panahong iyon sa sapilitang paglilingkod.
7:9, 10; 10:21; 16:22—Ipinahihiwatig ba ng mga pananalitang ito na hindi naniniwala si Job sa pagkabuhay-muli? Mga komento ito tungkol sa malapit nang mangyari kay Job. Kung gayon, ano ang ibig niyang sabihin? Ang isang posibleng kahulugan ay na kung mamamatay siya, hindi na siya makikita ng kaniyang mga kapanahon. Sa pananaw nila, hindi na siya babalik sa kaniyang bahay ni kikilalanin man hanggang sa itinakdang panahon ng Diyos. Baka ibig ding sabihin ni Job na walang sinumang makababalik mula sa Sheol sa ganang sarili niya. Maliwanag na ipinakikita ng Job 14:13-15 na umaasa si Job sa pagkabuhay-muli sa hinaharap.
10:10—Paano ‘ibinuhos ni Jehova si Job na gaya ng gatas at kinurta na tulad ng keso’? Matulaing paglalarawan ito kung paano nabuo si Job sa bahay-bata ng kaniyang ina.
19:20—Ano ang ibig sabihin ni Job sa pananalitang “ako ay bahagya nang nakatakas na gabalat ng aking mga ngipin”? Sa pagsasabing bahagya na siyang nakatakas na gabalat ng isang bagay na sa tingin ay wala namang balat, marahil ay sinasabi ni Job na nakatakas siya na halos walang dala.
Mga Aral Para sa Atin:
4:7, 8; 8:5, 6; 11:13-15. Hindi natin dapat kaagad ipagpalagay na ang isang taong napipighati ay nagdurusa dahil sa kaniyang pagkakamali at na hindi siya sinasang-ayunan ng Diyos.
4:18, 19; 22:2, 3. Ang ating payo ay dapat batay sa Salita ng Diyos, hindi sa personal na opinyon.—2 Timoteo 3:16.
10:1. Nabulagan si Job sa kapaitan, o sobrang paghihinanakit, anupat hindi niya nakita ang iba pang posibleng dahilan ng kaniyang pagdurusa. Hindi tayo dapat maghinanakit kapag nagdurusa, lalo na’t malinaw nating nauunawaan ang mga isyung nasasangkot.
14:7, 13-15; 19:25; 33:24. Sa panahon ng anumang pagsubok na maaaring iparanas sa atin ni Satanas, mapalalakas tayo ng pag-asa sa pagkabuhay-muli.
16:5; 19:2. Ang ating pananalita ay dapat makapagpatibay at makapagpalakas-loob sa iba sa halip na makayamot.—Kawikaan 18:21.
22:5-7. Ang payong ibinibigay batay sa mga akusasyon na walang matibay na ebidensiya ay walang silbi at nakapipinsala.
27:2; 30:20, 21. Hindi kailangang maging sakdal upang makapanatiling tapat. May-kamaliang sinisi ni Job ang Diyos.
27:5. Si Job lamang ang makapag-aalis ng kaniyang sariling katapatan sapagkat ang katapatan ay nakadepende sa pag-ibig ng isa sa Diyos. Kaya dapat nating linangin ang masidhing pag-ibig kay Jehova.
28:1-28. Alam ng tao kung nasaan ang mga yaman sa lupa. Habang hinahanap niya ang mga ito, ginagamit niya ang kaniyang talino upang makarating siya sa mga daanan sa ilalim ng lupa na hindi nakikita ng ibong maninila na matalas ang mata. Gayunman, ang makadiyos na karunungan ay nagmumula sa pagkatakot kay Jehova.
29:12-15. Dapat na kusang-loob tayong magpakita ng maibiging-kabaitan sa mga nangangailangan.
31:1, 9-28. Nag-iwan sa atin ng halimbawa si Job anupat umiwas sa pakikipagligaw-biro, pangangalunya, di-pantay at walang-awang pakikitungo sa iba, materyalismo, at idolatriya.
“AKO AY NAGSISISI SA ALABOK AT ABO”
Isang kabataang tagapagmasid na nagngangalang Elihu ang matiyagang nakikinig noon sa debate. Ngayon ay nagsalita na siya. Itinuwid niya si Job at ang tatlong tagausig nito.
Matapos magsalita si Elihu, sumagot si Jehova mula sa buhawi. Hindi siya nagbigay ng paliwanag hinggil sa pagdurusa ni Job. Gayunman, sa pamamagitan ng sunud-sunod na tanong, ipinaalam ng Makapangyarihan-sa-lahat kay Job ang Kaniyang kagila-gilalas na kapangyarihan at dakilang karunungan. Inamin ni Job na nagsalita siya nang walang unawa at nagsabi: “Binabawi ko ang aking sinabi, at ako ay nagsisisi sa alabok at abo.” (Job 42:6) Nang matapos ang pagsubok kay Job, ginantimpalaan ang kaniyang katapatan.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
32:1-3—Kailan dumating si Elihu? Yamang narinig ni Elihu ang lahat ng talumpati, malamang na nakaupo na siya sa malapit bago pa man magsalita si Job at tapusin ang pitong-araw na pananahimik ng kaniyang tatlong kasamahan.—Job 3:1, 2.
34:7—Sa anong paraan katulad si Job ng lalaking “umiinom ng kaalipustaan na tulad ng tubig”? Dahil sa labis na paghihirap ng kalooban, inisip ni Job na siya ang inaalipusta ng kaniyang tatlong panauhin, bagaman ang Diyos talaga ang pinagsasalitaan nila nang masama. (Job 42:7) Kaya tinatanggap niya ang mga kaalipustaan na gaya ng isang taong nasisiyahang uminom ng tubig.
Mga Aral Para sa Atin:
32:8, 9. Hindi masasabing matalino ang isang tao dahil lamang sa may-edad na siya. Kailangan ang unawa sa Salita ng Diyos at ang patnubay ng kaniyang espiritu.
34:36. Napatutunayan ang ating katapatan kapag ‘nasubok tayo sa kasukdulan’ sa paanuman.
35:2. Nakinig nang mabuti si Elihu at tinukoy muna ang tunay na isyu bago magsalita. (Job 10:7; 16:7; 34:5) Bago magpayo, kailangan munang makinig na mabuti ang Kristiyanong mga elder, alamin ang mga pangyayari, at malinaw na unawain ang mahahalagang isyu.—Kawikaan 18:13.
37:14; 38:1–39:30. Ang pagbubulay-bulay sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova—mga kapahayagan ng kaniyang kapangyarihan at karunungan—ay tumutulong sa atin na magpakumbaba at maunawaan na ang pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya ay mas mahalaga kaysa sa ating sariling kapakanan.—Mateo 6:9, 10.
40:1-4. Kapag naiisip nating magreklamo laban sa Makapangyarihan-sa-lahat, dapat nating ‘itakip ang ating kamay sa ating bibig.’
40:15–41:34. Pagkalakas-lakas nga ng Behemot (hipopotamus) at Leviatan (buwaya)! Upang makapagbata sa paglilingkod sa Diyos, kailangan din natin ng lakas mula sa nagbibigay ng kapangyarihan sa atin, ang Maylikha ng malalakas na hayop na ito.—Filipos 4:13.
42:1-6. Nang marinig ni Job ang salita ni Jehova at maipaalaala sa kaniya ang kapahayagan ng Kaniyang kapangyarihan, natulungan siyang ‘mamasdan ang Diyos,’ o maunawaan ang katotohanan hinggil sa Kaniya. (Job 19:26) Binago nito ang kaniyang pag-iisip. Kapag itinutuwid tayo ng Kasulatan, dapat na handa nating tanggapin ang ating pagkakamali at gumawa ng mga pagbabago.
Linangin ang “Pagbabata ni Job”
Maliwanag na ipinakikita sa atin ng aklat ng Job na hindi ang Diyos ang nasa likod ng pagdurusa ng sangkatauhan kundi si Satanas. Ang pagpapahintulot ng Diyos sa labis na kasamaan sa lupa ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong magbigay ng personal na sagot may kinalaman sa ating paninindigan sa mga isyu hinggil sa soberanya ni Jehova at sa ating katapatan.
Tulad ni Job, susubukin din ang lahat ng umiibig kay Jehova. Tinitiyak sa atin ng ulat hinggil kay Job na makapagbabata tayo. Ipinaaalaala nito sa atin na may katapusan ang ating mga problema. “Narinig ninyo ang tungkol sa pagbabata ni Job at nakita ang kinalabasan na ibinigay ni Jehova,” ang sabi ng Santiago 5:11. Ginantimpalaan ni Jehova si Job sa pananatiling tapat. (Job 42:10-17) Kamangha-mangha ang pag-asang nasa harap natin—buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa! Tulad ni Job, maging determinasyon sana natin na manatiling tapat.—Hebreo 11:6.
[Talababa]
^ par. 2 Ang aklat ng Job ay sumasaklaw sa isang yugto na mahigit 140 taon, sa pagitan ng 1657 at 1473 B.C.E.
[Mga larawan sa pahina 16]
Ano ang matututuhan natin sa “pagbabata ni Job”?