Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Determinadong Maglingkod kay Jehova

Determinadong Maglingkod kay Jehova

Determinadong Maglingkod kay Jehova

AYON SA SALAYSAY NI RAIMO KUOKKANEN

Noong 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa, at nilusob ng Unyong Sobyet ang Finland kung saan ako isinilang. Kabilang si Itay sa hukbong nakipaglaban para sa Finland. Di-nagtagal, nagpaulan na ng mga bomba ang mga eroplanong pandigma ng Russia sa lunsod na kinaroroonan namin, kung kaya pinatira ako ni Inay sa aking lola sa mas ligtas na lugar.

NOONG 1971, naglilingkod ako bilang misyonero sa Uganda, Silangang Aprika. Isang araw habang nangangaral ako sa bahay-bahay, nilampasan ako ng nagtatakbuhan at nahihintakutang mga tao. Nakarinig ako ng mga putok ng baril kung kaya tumakbo na rin akong pauwi. Nang papalapit na ang mga nagbabarilan, tumalon ako sa isang kanal sa kahabaan ng daan. Hinahagingan ako ng mga bala habang gumagapang akong pauwi.

Hindi ko maiiwasan ang mga epekto ng Digmaang Pandaigdig II, pero bakit nga ba namin isinasapanganib ang buhay naming mag-asawa sa kaguluhang ito sa Silangang Aprika? Ang sagot ay may malaking kaugnayan sa aming determinasyong maglingkod kay Jehova.

Naitanim ang Binhi ng Determinasyon

Isinilang ako noong 1934 sa Helsinki, Finland. Pintor ang aking ama, at isang araw ay kinailangan niyang pintahan ang gusali ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Finland. Nabanggit sa kaniya ng mga Saksi ang tungkol sa kanilang mga pulong ng kongregasyon. Pag-uwi niya, binanggit niya kay Inay ang tungkol sa mga pulong na iyon. Hindi pa dumalo si Inay nang pagkakataong iyon, pero nang maglaon ay ipinakikipag-usap na sa kaniya ng isang katrabahong Saksi ang tungkol sa Bibliya. Dinibdib ni Inay ang kaniyang natututuhan, at nagpabautismo siya bilang Saksi ni Jehova noong 1940.

Bago nito, isinama ako ni Lola sa kanilang bayan habang nagaganap ang Digmaang Pandaigdig II. Mula sa Helsinki, nagsimulang sumulat si Inay sa kaniyang nanay at nakababatang kapatid na babae tungkol sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Pareho silang nagpakita ng interes at ibinahagi sa akin ang kanilang natututuhan. Dinalaw ng mga naglalakbay na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ang aking lola at pinatibay kami, pero hindi pa ako determinadong maglingkod noon sa Diyos.

Ang Simula ng Teokratikong Pagsasanay

Nang matapos ang digmaan noong 1945, umuwi ako sa Helsinki, at isinama ako ni Inay sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Kung minsan, nanonood ako ng sine sa halip na dumalo. Pero ibinabalita sa akin ni Inay ang pahayag na napakinggan niya sa pulong, at paulit-ulit niyang idiniriin sa akin ang isang punto: Napakalapit na ng Armagedon. Nakumbinsi ako rito at hindi na ako lumiban sa mga pulong. Habang lumalawak ang kaunawaan ko sa katotohanan sa Bibliya, lalo namang sumisidhi ang pagnanais kong makibahagi sa lahat ng gawain sa kongregasyon.

Tuwang-tuwa ako sa pagdalo sa mga asamblea at mga kombensiyon. Noong 1948, dumalo ako sa pandistritong kombensiyon na ginanap malapit sa bahay ng aking lola, kung saan ako nagbabakasyon tuwing tag-araw. Babautismuhan sa kombensiyong iyon ang isa kong kaibigan, at niyaya niya akong magpabautismo na rin. Sinabi ko sa kaniya na wala akong dalang pambasa, pero ipahihiram daw niya sa akin ang pambasa niya pagkabautismo sa kaniya. Pumayag ako at nagpabautismo noong Hunyo 27, 1948, sa edad na 13.

Pagkatapos ng kombensiyon, ibinalita kay Inay ng ilang kaibigan niya na nagpabautismo ako. Nang magkita kami, itinanong niya sa akin kung bakit hindi ko muna siya kinonsulta bago gawin ang gayon kahalagang hakbangin. Ipinaliwanag kong nauunawaan ko na naman ang saligang mga turo sa Bibliya at na alam kong mananagot ako kay Jehova sa aking igagawi.

Sumidhi ang Aking Determinasyon

Tinulungan ako ng mga kapatid na lalaki sa kongregasyon na patibayin ang aking determinasyong maglingkod kay Jehova. Sinamahan nila ako sa ministeryo sa bahay-bahay at binigyan ng mga bahagi sa mga pulong nang halos linggu-linggo. (Gawa 20:20) Sa edad na 16, nagbigay ako ng aking unang pahayag pangmadla. Di-naglaon, inatasan ako bilang lingkod sa pag-aaral ng Bibliya sa aming kongregasyon. Nakatulong sa akin ang lahat ng espirituwal na gawaing ito upang sumulong sa pagkamaygulang, subalit kailangan ko pa ring mapagtagumpayan ang aking takot sa tao.

Noong panahong iyon, iniaanunsiyo namin ang pahayag pangmadla ng pandistritong kombensiyon gamit ang malalaking karatula. Ang bawat karatulang ito ay gawa sa dalawang plakard na pinagdugtong ng tali at nakasabit sa aming mga balikat anupat natatakpan ang harapan at likuran ng aming katawan. Dahil dito, mga taong sandwich ang tawag sa amin ng ilan.

Minsan, nakatayo ako sa kanto ng isang tahimik na kalye suot ang aking karatulang sandwich nang makita ko ang isang grupo ng aking mga kaklase na papalapit mismo sa akin. Halos matunaw ako sa kanilang mga titig habang dumaraan sila sa harap ko. Nanalangin ako kay Jehova na palakasin ang aking loob at nanatili akong nakatayo suot ang karatula. Nang madaig ko ang takot sa tao nang pagkakataong iyon, naihanda ang loob ko para sa mas malaking pagsubok na mapanatili ang Kristiyanong neutralidad.

Nang maglaon, ako at ang ilan pang kabataang Saksi ay pinagreport ng gobyerno para magsundalo. Pumunta kami sa himpilan ng mga sundalo bilang pagsunod sa utos, subalit magalang kaming tumanggi na magsuot ng uniporme. Ikinulong kami ng mga opisyal, at pagkaraan ay sinentensiyahan kami ng hukuman ng anim na buwang pagkabilanggo. Kailangan din naming pagbayaran sa bilangguan ang walong buwan na dapat sana ay nagsusundalo kami. Kaya sa kabuuan, 14 na buwan kaming ikinulong dahil sa aming neutral na paninindigan.

Sa mga baraks ng bilangguan, araw-araw kaming nagpupulong para pag-usapan ang Bibliya. Sa loob ng mga buwang iyon, marami sa amin ang dalawang beses na nakabasa ng buong Bibliya. Pagkatapos ng aming sentensiya, karamihan sa amin ay lumabas nang mas determinado higit kailanman na maglingkod kay Jehova. Hanggang sa kasalukuyan, tapat pa ring naglilingkod kay Jehova ang marami sa grupong iyon ng mga kabataang Saksi.

Paglabas sa bilangguan, umuwi ako sa aking mga magulang. Di-nagtagal, nakilala ko si Veera, isang masigasig at bagong bautisadong Saksi. Nagpakasal kami noong 1957.

Isang Gabi na Bumago sa Aming Buhay

Isang gabi nang dumalaw kami sa ilang responsableng mga kapatid na lalaki sa tanggapang pansangay, tinanong kami ng isa sa kanila kung gusto naming pumasok sa pansirkitong gawain. Matapos manalangin nang magdamag, tumawag ako sa tanggapang pansangay para sabihing payag ako. Kung papasok ako sa buong-panahong ministeryo, iiwan ko ang aking trabaho na may malaking suweldo, pero determinado kaming unahin muna ang Kaharian sa aming buhay. Ako ay 23 taóng gulang at si Veera naman ay 19 nang pumasok kami sa gawaing paglalakbay noong Disyembre 1957. Sa loob ng tatlong taon, masaya kaming dumalaw at nagpatibay sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa Finland.

Sa mga huling buwan ng 1960, tumanggap ako ng imbitasyon para mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead sa Brooklyn, New York. Tatlo sa amin mula sa Finland ang mag-aaral sa isang pantanging sampung-buwang kurso para sanayin sa pangangasiwa sa sangay. Naiwan sa tanggapang pansangay sa Finland ang aming mga asawa at nagtrabaho sila roon.

Nang malapit nang matapos ang kurso, pinagreport ako sa opisina ni Nathan H. Knorr, na nangangasiwa noon sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Inalok ako ni Brother Knorr na maglingkod kasama ang aking asawa bilang mga misyonero sa Malagasy Republic, kilala ngayon bilang Madagascar. Sinulatan ko si Veera para itanong ang kaniyang masasabi sa atas na iyon, at agad siyang sumagot ng, “Oo.” Pag-uwi ko sa Finland, nagmamadali kaming naghanda para sa panibagong buhay sa Madagascar.

Kagalakan at Pagkasira ng Loob

Lumipad kami noong Enero 1962 patungong Antananarivo, ang kabisera ng bansa, suot ang mabalahibong sombrero at makapal na jacket, dahil taglamig noon sa Finland. Agad naming binago ang aming istilo ng pananamit dahil sa init ng panahon sa Madagascar. Ang aming unang tahanan bilang misyonero ay isang maliit na bahay na may isang kuwarto. Mayroon nang mag-asawang misyonero roon, kaya sa beranda kami natutulog ni Veera.

Nagsimula kaming mag-aral ng Pranses, isang opisyal na wika sa Madagascar. Medyo mahirap ito sa amin dahil magkaiba ang wika namin at ng aming instruktor na si Sister Carbonneau. Ingles ang gamit niya sa pagtuturo sa amin ng Pranses, pero hindi marunong ng Ingles si Veera. Kaya isinasalin ko pa kay Veera sa wikang Pinlandes ang mga instruksiyon ni Sister Carbonneau. Nang maglaon, napansin namin na mas naiintindihan ni Veera ang teknikal na mga termino sa wikang Sweko, kaya ipinaliliwanag ko sa kaniya ang balarilang Pranses sa wikang Sweko. Di-nagtagal, natuto kami ng wikang Pranses at nag-aral naman ng Malagasy, ang wika sa lugar na iyon.

Ang una kong pinagdausan ng pag-aaral sa Bibliya sa Madagascar ay isang lalaking nagsasalita lamang ng wikang Malagasy. Tinitingnan ko muna ang mga talata sa aking Bibliyang Pinlandes, at saka namin hahanapin ang mga talatang iyon sa kaniyang Bibliyang Malagasy. Hindi ko masyadong maipaliwanag sa kaniya ang mga teksto, pero di-nagtagal ay dinibdib ng lalaking ito ang katotohanan sa Bibliya, at sumulong siya tungo sa pagpapabautismo.

Noong 1963, dumalaw sa Madagascar si Milton Henschel mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Di-nagtagal, isang bagong tanggapang pansangay ang itinayo sa Madagascar, at ako ang inatasang maging tagapangasiwa ng sangay, bukod pa sa aking gawain bilang tagapangasiwa ng sirkito at distrito. Sa buong panahong ito, sagana kaming pinagpala ni Jehova. Mula 1962 hanggang 1970, dumami ang mamamahayag ng Kaharian sa Madagascar mula 85 tungo sa 469.

Nang umuwi kami mula sa pagmiministeryo isang araw ng 1970, nasumpungan namin ang isang maikling paunawa sa may pinto namin na nagsasabing kailangang magreport ang lahat ng misyonerong Saksi ni Jehova sa tanggapan ng ministro ng ugnayang panloob. Doon ay sinabi sa amin ng isang opisyal na inuutusan kami ng pamahalaan na umalis sa bansa sa lalong madaling panahon. Nang itanong ko kung anong krimen ang nagawa ko, sinabi ng opisyal: “Wala kayong kasalanan Ginoong Kuokkanen.”

“Walong taon na kami rito,” ang sabi ko. “Ito na ang tahanan namin. Hindi kami basta-basta makaaalis.” Sa kabila ng aming pagsisikap, napilitan na ring umalis ang lahat ng misyonero sa loob ng isang linggo. Ipinasara ang sangay, at naiwan sa isang Saksing tagaroon ang pangangasiwa sa gawain. Bago namin iwan ang aming mahal na mga kapatid sa Madagascar, nakatanggap kami ng isang bagong atas, sa Uganda.

Panibagong Atas

Ilang araw pagkaalis sa Madagascar, dumating kami sa Kampala, ang kabisera ng Uganda. Agad kaming nag-aral ng Luganda, isang magandang wika na masarap pakinggan pero napakahirap matutuhan. Tinuruan muna ng Ingles si Veera ng ibang mga misyonero, at sa wikang iyan ay mabisa kaming nakapangaral.

Hindi nakayanan ng kalusugan ni Veera ang mainit at mahalumigmig na klima ng Kampala. Kaya tinanggap namin ang atas sa Mbarara, isang bayan sa Uganda na mas katamtaman ang klima. Kami ang unang mga Saksi roon, at sa unang araw ng aming ministeryo, biniyayaan agad kami ng isang magandang karanasan. Nakikipag-usap ako noon sa isang lalaki sa kanilang bahay nang lumabas mula sa kusina ang kaniyang asawa. Margaret ang pangalan niya, at nakinig siya sa aking presentasyon. Pinasimulan ni Veera ang pakikipag-aral ng Bibliya kay Margaret, na gumawa ng mahusay na pagsulong sa espirituwal. Nabautismuhan siya at naging masigasig na mamamahayag ng Kaharian.

Labanán sa mga Kalye

Noong 1971, nabasag ang katahimikan sa Uganda dahil sa digmaang sibil. Isang araw, nagkaroon ng labanán malapit sa tahanan naming mga misyonero sa Mbarara. Dito naganap ang karanasang ikinukuwento ko sa pasimula ng ulat na ito.

Nasa bahay na si Veera nang dumating ako matapos ang matagal na paggapang sa kanal, upang huwag akong makita ng mga sundalo. Sa isang sulok ng bahay, gumawa kami ng isang “kuta” gamit ang mga kutson at mga muwebles. Isang linggo kami sa loob ng bahay, habang nakikibalita sa radyo. Naririnig namin paminsan-minsan ang tama ng mga bala sa aming dingding habang nagsusumiksik naman kami sa aming kuta. Hindi kami nagbubukas ng ilaw sa gabi para isipin nilang walang tao sa bahay. Minsan, may dumating na mga sundalo sa harap ng pinto at sumigaw. Hindi kami kumikibo, habang tahimik na nananalangin kay Jehova. Nang matapos ang labanán, dumating ang aming mga kapitbahay at nagpasalamat sa amin dahil naligtas sila. Naniniwala silang iningatan kaming lahat ni Jehova, at sumang-ayon kami sa kanila.

Nanatiling tahimik ang kalagayan hanggang sa marinig namin sa radyo na ipinagbabawal na ng pamahalaan ng Uganda ang mga Saksi ni Jehova. Sinabi ng tagapagbalita na dapat nang bumalik sa dati nilang relihiyon ang lahat ng Saksi ni Jehova. Ipinakipag-usap ko ang aming kaso sa harap ng mga opisyal ng pamahalaan pero walang nangyari. Pumunta naman ako sa opisina ni Presidente Idi Amin at humiling na makipagkita sa kaniya. Sinabi sa akin ng resepsiyonista na abala ang presidente. Nagpabalik-balik ako, pero hindi ko kailanman nakausap ang presidente. Sa dakong huli noong Hulyo 1973, napilitan na kaming umalis sa Uganda.

Umabot Nang Sampu ang Isang Taon

Naulit ang kalungkutang nadama namin noon nang palayasin kami sa Madagascar habang iniiwan namin ang mahal naming mga kapatid sa Uganda. Bago kami tumuloy sa aming bagong atas sa Senegal, naglakbay muna kami patungong Finland. Habang naroroon kami, nakansela ang aming atas sa Aprika, at sinabihan kaming manatili sa Finland. Waring natapos na ang aming gawain bilang mga misyonero. Sa Finland, naglingkod kami bilang mga special pioneer at pagkatapos ay bumalik sa gawaing pansirkito.

Pagsapit ng 1990, hindi na gaanong mahigpit ang pagsalansang sa gawain sa Madagascar, at nabigla kami nang tanungin kami ng punong-tanggapan sa Brooklyn kung gusto naming maglingkod doon nang isang taon. Payag sana kami pero nahahadlangan kami ng dalawang mabibigat na problema. Kailangang alagaan ang aking matanda nang tatay, at patuloy na humihina ang katawan ni Veera. Nalungkot ako nang mamatay si Itay noong Nobyembre 1990, pero nabuhay ang aming pag-asang makabalik sa gawain bilang misyonero nang unti-unting bumuti ang kalusugan ni Veera. Bumalik kami sa Madagascar noong Setyembre 1991.

Isang taon lamang ang aming atas sa Madagascar, pero umabot iyon nang sampu. Nang panahong iyon, dumami ang mga mamamahayag mula 4,000 tungo sa 11,600. Siyang-siya ako sa pagmimisyonero. Subalit kung minsan ay nasisiraan ako ng loob dahil parang napapabayaan ko naman ang pisikal at emosyonal na pangangailangan ng aking mahal na asawa. Pinalakas kami ni Jehova na magpatuloy. Nang bandang huli, umuwi kami sa Finland noong 2001 at patuloy na naglingkod doon sa tanggapang pansangay. Nag-aalab pa rin ang aming sigasig sa Kaharian, at napapangarap namin ang Aprika. Determinado kaming gawin ang kalooban ni Jehova saanman niya kami atasan.​—Isaias 6:8.

[Mapa sa pahina 12]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

FINLAND

EUROPA

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

APRIKA

MADAGASCAR

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

APRIKA

UGANDA

[Larawan sa pahina 14]

Araw ng aming kasal

[Mga larawan sa pahina 14, 15]

Mula sa gawaing pansirkito sa Finland, 1960 . . .

. . . tungo sa gawain bilang misyonero sa Madagascar, 1962

[Larawan sa pahina 16]

Ako at si Veera ngayon