Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad, na Binabautismuhan Sila’

‘Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad, na Binabautismuhan Sila’

‘Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad, na Binabautismuhan Sila’

“Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila . . . , na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”​—MATEO 28:19, 20.

1. Anong pasiya ang ginawa ng bansang Israel sa paanan ng Bundok Sinai?

MGA 3,500 taon na ang nakalilipas, isang buong bansa ang gumawa ng panata sa Diyos. Habang nagkakatipon sa paanan ng Bundok Sinai, hayagang sinabi ng mga Israelita: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” Mula noon, ang Israel ay naging isang bayang nakaalay sa Diyos, at kaniyang “pantanging pag-aari.” (Exodo 19:5, 8; 24:3) Buong-pananabik silang umasa na tatanggap sila ng kaniyang proteksiyon at mamumuhay sila at ang kanilang mga inapo sa isang lupaing “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”​—Levitico 20:24.

2. Anong kaugnayan sa Diyos ang maaaring matamo ng mga tao sa ngayon?

2 Gayunman, gaya ng inamin ng salmistang si Asap, ‘hindi iningatan ng mga Israelita ang tipan ng Diyos, at tumanggi silang lumakad sa kaniyang kautusan.’ (Awit 78:10) Hindi nila tinupad ang panata ng kanilang mga ninuno kay Jehova. Nang dakong huli, naiwala ng bansang iyon ang kanilang pantanging kaugnayan sa Diyos. (Eclesiastes 5:4; Mateo 23:37, 38) Kaya “ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) At sa mga huling araw na ito, tinitipon niya ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika,” na buong-kagalakang kumikilala: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.”​—Apocalipsis 7:9, 10.

3. Anu-ano ang kailangang gawin ng isang tao upang magkaroon siya ng personal na kaugnayan sa Diyos?

3 Upang mapabilang sa mga taong may gayong mahalagang kaugnayan sa Diyos, kailangan munang mag-alay ang isang tao kay Jehova at hayagang sagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagsunod ito sa tuwirang utos ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Nakinig ang mga Israelita habang binabasa “ang aklat ng tipan.” (Exodo 24:3, 7, 8) Kaya naman naunawaan nila ang kanilang obligasyon kay Jehova. Gayundin naman sa ngayon, bago magpasiyang magpabautismo ang isa, dapat muna siyang magkaroon ng tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos na masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya.

4. Ano ang dapat gawin ng isa para maging kuwalipikado sa bautismo? (Talakayin ang kahon sa itaas.)

4 Maliwanag na gusto ni Jesus na magkaroon muna ng matibay na pundasyon ang pananampalataya ng kaniyang mga alagad bago sila bautismuhan. Bukod sa paghayo at paggawa ng mga alagad, tinagubilinan din niya ang kaniyang mga tagasunod na magturo sa kanila na ‘tuparin ang lahat ng bagay na iniutos niya.’ (Mateo 7:24, 25; Efeso 3:17-19) Kaya ang mga nagiging kuwalipikado sa bautismo ay karaniwan nang nag-aaral ng Bibliya sa loob ng maraming buwan o sa loob pa nga ng isa o dalawang taon upang makapag-isip silang mabuti at makagawa ng matalinong desisyon. Sa bautismo mismo, ang mga kandidato ay sumasagot ng oo sa dalawang mahahalagang tanong. Yamang idiniin ni Jesus na ang ‘ating Oo ay dapat mangahulugang Oo, ang ating Hindi, Hindi,’ makatutulong sa ating lahat kung rerepasuhin nating mabuti ang kahulugan ng dalawang tanong na ito sa bautismo.​—Mateo 5:37.

Pagsisisi at Pag-aalay

5. Anong dalawang mahahalagang hakbang ang idiniriin sa unang tanong sa bautismo?

5 Ang unang tanong sa kandidato sa bautismo ay kung pinagsisihan na niya ang dati niyang landasin ng pamumuhay at naialay na ang kaniyang buhay kay Jehova upang gawin ang Kaniyang kalooban. Idiniriin ng tanong na ito ang dalawang mahahalagang hakbang na dapat munang gawin bago magpabautismo, samakatuwid nga, ang pagsisisi at pag-aalay.

6, 7. (a) Bakit kailangang magsisi ang lahat ng kandidato sa bautismo? (b) Anu-anong pagbabago ang kailangang gawin pagkatapos magsisi ang isang tao?

6 Bakit dapat munang magsisi ang isang tao bago magpabautismo? Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Tayong lahat noong una ay gumawi na kasuwato ng mga pagnanasa ng ating laman.” (Efeso 2:3) Bago tayo nagkaroon ng tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos, namuhay tayo na kasuwato ng sanlibutan, ayon sa mga simulain at pamantayan nito. Ang ating landasin sa buhay ay kinontrol ng diyos ng sistemang ito, si Satanas. (2 Corinto 4:4) Gayunman, nang matutuhan natin ang kalooban ng Diyos, nagpasiya tayong mamuhay “hindi na ukol sa mga pagnanasa ng mga tao, kundi ukol sa kalooban ng Diyos.”​—1 Pedro 4:2.

7 Nagdudulot ng maraming pakinabang ang bagong paraang ito ng pamumuhay. Una sa lahat, nagbubukas ito ng daan para sa mahalagang kaugnayan kay Jehova, na inihalintulad ni David sa isang paanyaya na pumasok sa “tolda” at “banal na bundok” ng Diyos​—isa ngang dakilang pribilehiyo. (Awit 15:1) Makatuwiran naman na hindi basta aanyayahan ni Jehova ang kahit sino kundi yaon lamang “lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa [kanilang] puso.” (Awit 15:2) Depende sa ating mga kalagayan bago natin matutuhan ang katotohanan, ang pag-abot sa mga kahilingang ito ay maaaring mangahulugan na kailangan nating gumawa ng ilang pagbabago​—kapuwa sa ating paggawi at personalidad. (1 Corinto 6:9-11; Colosas 3:5-10) Ang mag-uudyok sa atin na gawin ang gayong mga pagbabago ay ang pagsisisi​—matinding pagkadama ng lungkot sa ating dating landasin ng pamumuhay at matatag na determinasyong mapalugdan si Jehova. Aakay ito sa lubusang pagbabago​—pagtalikod sa makasarili at makasanlibutang paraan ng pamumuhay at pagtataguyod ng landasing nakalulugod sa Diyos.​—Gawa 3:19.

8. Paano tayo nag-aalay, at ano ang kaugnayan nito sa bautismo?

8 Ang ikalawang bahagi ng unang tanong sa mga kandidato sa bautismo ay kung naialay na nila ang kanilang sarili kay Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban. Ang pag-aalay ay isang mahalagang hakbang bago magpabautismo. Ginagawa ito sa panalangin, kung saan ipinahahayag natin ang pagnanais na ibigay ang ating buhay kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo. (Roma 14:7, 8; 2 Corinto 5:15) Pagkatapos nito, si Jehova na ang ating Panginoon at May-ari, at nalulugod tayong gawin ang kalooban ng Diyos gaya ni Jesus. (Awit 40:8; Efeso 6:6) Minsan lamang ginagawa ang taimtim na pangakong ito kay Jehova. Gayunman, yamang ginagawa natin ang ating pag-aalay nang pribado, ang pangmadlang pagpapahayag sa araw ng bautismo ay nagpapabatid sa lahat na ginawa na natin ang taimtim na pag-aalay na ito sa ating makalangit na Ama.​—Roma 10:10.

9, 10. (a) Ano ang nasasangkot sa paggawa ng kalooban ng Diyos? (b) Paano masasabing alam maging ng mga opisyal na Nazi ang kahulugan ng ating pag-aalay?

9 Ano ang nasasangkot sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus sa paggawa ng kalooban ng Diyos? Ganito ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mateo 16:24) Inisa-isa niya sa tekstong ito ang tatlong bagay na kailangan nating gawin. Una, “itatwa” ang ating sarili. Sa ibang salita, tatanggihan natin ang ating makasarili at di-sakdal na mga hilig at tatanggapin ang payo at patnubay ng Diyos. Ikalawa, ‘buhatin natin ang ating pahirapang tulos.’ Noong panahon ni Jesus, ang pahirapang tulos ay sagisag ng kahihiyan at pagdurusa. Bilang mga Kristiyano, alam natin na maaari tayong magdusa paminsan-minsan alang-alang sa mabuting balita. (2 Timoteo 1:8) Bagaman maaari tayong tuyain o dustain ng sanlibutan, ‘hinahamak natin ang kahihiyan’ na gaya ni Kristo, at maligaya tayo dahil alam nating napalulugdan natin ang Diyos. (Hebreo 12:2) Bilang panghuli, “patuloy” nating sinusundan si Jesus.​—Awit 73:26; 119:44; 145:2.

10 Kapansin-pansin, maging ang ilang mananalansang ay nakaaalam sa kahulugan ng pag-aalay na ginawa ng mga Saksi ni Jehova sa Diyos upang maglingkod sa kaniya nang walang pasubali. Halimbawa, sa kampong piitan sa Buchenwald, Alemanya na nasa ilalim ng mga Nazi, ang mga Saksing ayaw magtatwa sa kanilang pananampalataya ay hinilingang pumirma sa dokumentong nagsasaad ng ganito: “Aktibo pa rin akong Estudyante ng Bibliya at hindi ko kailanman sisirain ang aking panata kay Jehova.” Maliwanag na ipinakikita nito ang saloobin ng lahat ng nakaalay at tapat na mga lingkod ng Diyos!​—Gawa 5:32.

Kilala Bilang Isang Saksi ni Jehova

11. Ano ang nagiging pribilehiyo ng isa na nabautismuhan?

11 Ang ikalawang tanong sa kandidato, una sa lahat, ay kung nauunawaan niya na ang kaniyang bautismo ay nagpapakilala sa kaniya bilang isang Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng bautismo, isa na siyang ordenadong ministro na nagdadala ng pangalan ni Jehova. Kapuwa ito isang dakilang pribilehiyo at seryosong pananagutan. May pag-asa rin sa walang-hanggang kaligtasan ang isa na nabautismuhan, kung mananatili siyang tapat kay Jehova.​—Mateo 24:13.

12. Anong pananagutan ang kaakibat ng karangalang dalhin ang pangalan ni Jehova?

12 Talaga ngang isang napakalaking karangalan na dalhin ang pangalan ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Ganito ang sabi ni propeta Mikas: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Mikas 4:5) Gayunman, may kaakibat na pananagutan ang karangalang ito. Dapat nating sikaping mamuhay sa paraang magpaparangal sa pangalan na dinadala natin. Gaya ng ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, kung hindi isinasagawa ng isa ang kaniyang ipinangangaral, ang pangalan ng Diyos ay “nalalapastangan,” o nawawalan ng dangal.​—Roma 2:21-24.

13. Bakit may pananagutang magpatotoo hinggil sa kanilang Diyos ang nakaalay na mga lingkod ni Jehova?

13 Kapag naging Saksi ni Jehova ang isa, tinatanggap din niya ang pananagutang magpatotoo hinggil sa kaniyang Diyos. Inanyayahan ni Jehova ang kaniyang nakaalay na bansang Israel na maging kaniyang mga saksi upang magpatotoo sa kaniyang walang-hanggang pagka-Diyos. (Isaias 43:10-12, 21) Subalit hindi ginampanan ng bansa ang pananagutang ito, at nang maglaon, lubusang nawala ang lingap ni Jehova sa kanila. Sa ngayon, ipinagmamalaki ng tunay na mga Kristiyano na pribilehiyo nilang magpatotoo hinggil kay Jehova. Ginagawa natin ito sapagkat mahal natin siya at hangad nating mapabanal ang kaniyang pangalan. Paano natin magagawang manahimik gayong alam natin ang katotohanan hinggil sa ating makalangit na Ama at sa kaniyang layunin? Nadarama natin ang nadama ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, sa aba ko kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!”​—1 Corinto 9:16.

14, 15. (a) Anong papel ang ginagampanan ng organisasyon ni Jehova sa ating espirituwal na pagsulong? (b) Anu-ano ang inilalaan sa atin upang tulungan tayo sa espirituwal na paraan?

14 Ang ikalawang tanong ay nagpapaalaala rin sa kandidato hinggil sa kaniyang pananagutang makipagtulungan sa organisasyon ni Jehova na pinapatnubayan ng espiritu. Hindi tayo nag-iisa sa paglilingkod sa Diyos, at kailangan natin ang tulong, suporta, at pampatibay-loob ng “buong samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17; 1 Corinto 12:12, 13) May mahalagang papel ang organisasyon ng Diyos sa ating espirituwal na pagsulong. Naglalaan ito ng maraming publikasyon sa Bibliya na tumutulong sa atin na sumulong sa tumpak na kaalaman, kumilos nang may katalinuhan kapag napapaharap sa mga problema, at malinang ang malapít na kaugnayan sa Diyos. Tulad ng isang ina na tinitiyak na nakakakain nang sapat at napangangalagaan ang kaniyang anak, ang “tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng sagana at napapanahong espirituwal na pagkain para sa ating espirituwal na pagsulong.​—Mateo 24:45-47; 1 Tesalonica 2:7, 8.

15 Sa lingguhang mga pulong, ang bayan ni Jehova ay tumatanggap ng kinakailangang pagsasanay at pampatibay-loob upang maging tapat na mga Saksi ni Jehova. (Hebreo 10:24, 25) Tinuturuan tayo ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa pagsasalita sa madla, at sinasanay naman tayo ng Pulong sa Paglilingkod upang mabisang maiharap ang ating mensahe. Kapuwa sa ating mga pulong at personal na pag-aaral ng mga publikasyon sa Bibliya, nakikita natin ang pagkilos ng espiritu ni Jehova, na pumapatnubay sa kaniyang organisasyon. Sa pamamagitan ng regular na mga paglalaang ito, binababalaan tayo ng Diyos sa mga panganib, sinasanay tayo na maging mabisang mga ministro, at tinutulungan tayong manatiling gising sa espirituwal.​—Awit 19:7, 8, 11; 1 Tesalonica 5:6, 11; 1 Timoteo 4:13.

Ang Motibo sa Pagpapabautismo

16. Ano ang nag-uudyok sa atin na ialay ang ating sarili kay Jehova?

16 Kung gayon, ang dalawang tanong sa bautismo ay nagpapaalaala sa mga kandidato hinggil sa kahulugan ng bautismo sa tubig at sa mga pananagutang kaakibat nito. Ano naman ang dapat mag-udyok sa kanila na magpasiyang magpabautismo? Nagiging bautisadong alagad tayo, hindi dahil may pumilit sa atin, kundi dahil ‘inilalapit’ tayo ni Jehova. (Juan 6:44) Yamang “ang Diyos ay pag-ibig,” pinamumunuan niya ang uniberso sa pamamagitan ng pag-ibig, at hindi ng pamimilit. (1 Juan 4:8) Nápapalapít tayo kay Jehova dahil sa kaniyang mababait na katangian at sa paraan ng kaniyang pakikitungo sa atin. Ibinigay ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak sa atin at inilaan ang pinakamagandang kinabukasan para sa atin. (Juan 3:16) Dahil dito, nauudyukan tayong ihandog sa kaniya​—ialay sa kaniya​—​ang ating buhay.​—Kawikaan 3:9; 2 Corinto 5:14, 15.

17. Sa ano natin hindi inialay ang ating sarili?

17 Iniaalay natin ang ating sarili, hindi sa isang simulain ni sa isang gawain, kundi kay Jehova mismo. Ang gawaing iniatas ng Diyos sa kaniyang bayan ay magbabago, subalit hindi ang kanilang pag-aalay sa kaniya. Halimbawa, ibang-iba ang ipinagawa niya kay Abraham sa ipinagawa niya kay Jeremias. (Genesis 13:17, 18; Jeremias 1:6, 7) Gayunman, kapuwa nila ginampanan ang espesipikong gawain na iniatang sa kanila ng Diyos sapagkat mahal nila si Jehova at gusto nilang gawin nang may katapatan ang kaniyang kalooban. Sa panahong ito ng kawakasan, sinisikap ng lahat ng bautisadong tagasunod ni Kristo na gawin ang utos ni Kristo na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian at gumawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang buong-pusong pagtupad sa gawaing ito ay isang mainam na paraan upang ipakita na iniibig natin ang ating makalangit na Ama at na talagang nakaalay tayo sa kaniya.​—1 Juan 5:3.

18, 19. (a) Ano ang ipinahahayag natin sa madla sa pamamagitan ng ating bautismo? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

18 Walang alinlangan, ang bautismo ay nagbubukas ng daan tungo sa maraming pagpapala, subalit dapat itong pag-isipang mabuti. (Lucas 14:26-33) Kapahayagan ito ng isang pasiyang mas mahalaga kaysa sa anumang ibang pananagutan. (Lucas 9:62) Ang totoo, kapag nagpabautismo tayo, ipinahahayag natin sa madla: “Ang Diyos na ito ay ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman. Siya ang papatnubay sa atin hanggang sa tayo ay mamatay.”​—Awit 48:14.

19 Susuriin ng susunod na artikulo ang iba pang mga tanong na maaaring bumangon hinggil sa bautismo sa tubig. May makatuwiran bang mga dahilan para hindi magpabautismo ang isang tao? Dapat bang isaalang-alang ang edad? Paano makatutulong ang lahat para maging marangal ang okasyon ng pagbabautismo?

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Bakit dapat munang magsisi ang bawat Kristiyano bago magpabautismo?

• Ano ang nasasangkot sa pag-aalay sa Diyos?

• Anu-anong pananagutan ang kaakibat ng karangalang dalhin ang pangalan ni Jehova?

• Ano ang dapat mag-udyok sa atin na magpasiyang magpabautismo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/​Larawan sa pahina 22]

Ang Dalawang Tanong sa Bautismo

Salig sa hain ni Jesu-Kristo, pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan at inialay ang iyong sarili kay Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban?

Nauunawaan mo ba na ang iyong pag-aalay at bautismo ay nagpapakilala sa iyo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova na kaugnay sa organisasyon ng Diyos na pinapatnubayan ng espiritu?

[Larawan sa pahina 23]

Ang pag-aalay ay isang taimtim na pangako na sinasabi natin kay Jehova sa panalangin

[Larawan sa pahina 25]

Ang ating pangangaral ay nagpapatunay na nag-alay tayo sa Diyos