Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-abot sa mga Kahilingan sa Kristiyanong Bautismo

Pag-abot sa mga Kahilingan sa Kristiyanong Bautismo

Pag-abot sa mga Kahilingan sa Kristiyanong Bautismo

“Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?”​—GAWA 8:36.

1, 2. Paano nagsimula si Felipe sa pakikipag-usap sa isang opisyal na Etiope, at ano ang katibayan na interesado sa espirituwal na mga bagay ang lalaking ito?

MGA isa o dalawang taon pagkamatay ni Jesus, isang opisyal ng pamahalaan ang naglalakbay patimog mula Jerusalem patungong Gaza. Ang nakapapagod na paglalakbay na ito sakay ng karwahe ay marahil aabot pa nang hanggang 1,500 kilometro. Naglakbay nang malayo ang lalaking ito mula Etiopia hanggang Jerusalem upang sumamba kay Jehova. Sa kaniyang mahabang paglalakbay pabalik, may-katalinuhan niyang ginagamit ang kaniyang panahon sa pamamagitan ng pagbasa sa Salita ng Diyos​—katibayan ito ng kaniyang pananampalataya. Binigyang-pansin ni Jehova ang taimtim na lalaking ito, at sa pamamagitan ng isang anghel, inutusan Niya ang alagad na si Felipe na mangaral sa kaniya.​—Gawa 8:26-28.

2 Hindi nahirapan si Felipe na simulan ang usapan, yamang ang opisyal na Etiope ay nagbabasa nang malakas, gaya ng kinaugalian nang panahong iyon. Kaya narinig ni Felipe na nagbabasa siya mula sa balumbon ni Isaias. Napukaw ang interes ng lalaki sa simpleng tanong ni Felipe: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” Umakay ito sa isang talakayan sa Isaias 53:7, 8. Nang bandang huli, ‘ipinahayag ni Felipe sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus.’​—Gawa 8:29-35.

3, 4. (a) Bakit binautismuhan kaagad ni Felipe ang Etiope? (b) Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin ngayon?

3 Madaling naunawaan ng Etiope ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos, pati na ang pangangailangang maging bautisadong alagad ni Kristo. “Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?” ang tanong niya kay Felipe nang makita nito ang dakong may tubig sa di-kalayuan. Mangyari pa, naiiba ang kalagayang ito. Ang lalaking ito ay nananampalataya at sumasamba na sa Diyos bilang isang Judiong proselita. Malamang na kailangan pa niyang maghintay nang matagal bago siya uli magkaroon ng pagkakataong mabautismuhan. Higit na mahalaga, naunawaan ng lalaking ito ang hinihiling sa kaniya ng Diyos, at gusto niyang gawin ito nang buong puso. Masayang sumang-ayon si Felipe sa kaniyang hiling, at nang mabautismuhan ang Etiope, “nagpatuloy itong humayo sa kaniyang lakad na nagsasaya.” Walang-alinlangang naging masigasig na mangangaral siya ng mabuting balita sa kaniyang sariling bayan.​—Gawa 8:36-39.

4 Bagaman ang mga hakbang sa pag-aalay at bautismo ay hindi dapat madaliin o gawin nang padalus-dalos, ipinakikita ng halimbawa ng opisyal na Etiope na may mga pagkakataong kaagad na nababautismuhan ang mga indibiduwal pagkarinig nila sa katotohanan sa Salita ng Diyos. * Kaya angkop lamang na isaalang-alang ang sumusunod na mga tanong: Paano maghahanda ang isa para sa bautismo? Kailan dapat isaalang-alang ang edad? Anong espirituwal na pagsulong ang dapat munang makita bago mabautismuhan ang isang tao? Higit sa lahat, bakit hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga lingkod na gawin ang hakbang na ito?

Isang Taimtim na Kasunduan

5, 6. (a) Paano sinuklian ng sinaunang bayan ng Diyos ang pag-ibig ni Jehova? (b) Anong malapít na kaugnayan sa Diyos ang matatamo natin kapag nabautismuhan tayo?

5 Matapos iligtas ang mga Israelita mula sa Ehipto, handa si Jehova na tanggapin sila bilang kaniyang “pantanging pag-aari,” na ibigin at ipagsanggalang sila at gawin silang “isang banal na bansa.” Gayunman, upang matamo ang gayong mga pagpapala, kailangang suklian nila ang pag-ibig ng Diyos sa espesipikong paraan. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagsang-ayon na gawin “ang lahat ng sinalita ni Jehova” at pakikipagtipan sa kaniya. (Exodo 19:4-9) Noong unang siglo, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, at ang lahat ng tumanggap sa kaniyang turo ay binautismuhan. Ang mabuting kaugnayan sa Diyos ay nakasalalay sa pananampalataya kay Jesu-Kristo at sa pagpapabautismo.​—Mateo 28:19, 20; Gawa 2:38, 41.

6 Ang mga ulat na ito sa Kasulatan ay nagpapakitang pinagpapala ni Jehova ang mga taimtim na nangangako at tumutupad sa panatang maglingkod sa kaniya. Para sa mga Kristiyano, ang pag-aalay at bautismo ay mahahalagang hakbang na nagdudulot ng pagpapala ni Jehova. Determinado tayong sundin ang kaniyang mga daan at hanapin ang kaniyang patnubay. (Awit 48:14) Dahil dito, makasagisag namang hinahawakan ni Jehova ang ating kamay at inaakay tayo sa daan na dapat nating lakaran.​—Awit 73:23; Isaias 30:21; 41:10, 13.

7. Bakit tayo mismo ang dapat magpasiyang mag-alay at magpabautismo?

7 Ang dapat mag-udyok sa atin na gawin ang mga hakbang na ito ay ang pag-ibig kay Jehova at ang pagnanais na maglingkod sa kaniya. Walang sinuman ang dapat magpabautismo dahil lamang sa may nagsasabi sa kaniya na sapat na ang panahong ginugol niya sa pag-aaral o dahil magpapabautismo na ang kaniyang mga kaibigan. Likas lamang na pasiglahin ng mga magulang at may-gulang na mga Kristiyano ang isang tao na pag-isipan ang pag-aalay at bautismo. Hinimok ni apostol Pedro na “magpabautismo” ang mga nakinig sa kaniya noong Pentecostes. (Gawa 2:38) Gayunpaman, isang personal na bagay ang ating pag-aalay, at walang sinuman ang makagagawa nito para sa atin. Tayo mismo ang dapat magpasiyang gawin ang kalooban ng Diyos.​—Awit 40:8.

Sapat na Paghahanda sa Bautismo

8, 9. (a) Bakit hindi kasuwato ng Bibliya ang pagbabautismo sa mga sanggol? (b) Anong espirituwal na pagsulong ang kailangang gawin ng mga kabataan bago mabautismuhan?

8 May kakayahan na ba ang mga bata na magpasiyang ialay ang kanilang sarili? Wala namang itinakdang edad ang Kasulatan para sa bautismo. Gayunpaman, imposibleng maging mananampalataya, o mag-alay sa Diyos, ang mga sanggol. (Gawa 8:12) Hinggil sa mga Kristiyano noong unang siglo, ganito ang sinabi ng istoryador na si Augustus Neander sa kaniyang aklat na General History of the Christian Religion and Church: “Mga adulto lamang ang binabautismuhan noong una, dahil karaniwang iniisip ng mga tao na ang bautismo ay para lamang talaga sa mga may pananampalataya.”

9 May ilang kabataang sumusulong na sa espirituwal na pagkamaygulang bagaman bata pa, samantalang ang iba naman ay nangangailangan ng higit pang panahon. Gayunman, tulad ng isang adulto, ang isang kabataan ay kailangan munang magkaroon ng personal na kaugnayan kay Jehova, tumpak na kaunawaan sa saligang mga katotohanan sa Kasulatan, at malinaw na pagkaunawa sa kahulugan ng pag-aalay, bago mabautismuhan.

10. Ano muna ang hinihiling bago ang pag-aalay at bautismo?

10 Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ituro sa mga baguhan ang lahat ng bagay na iniutos niya. (Mateo 28:20) Kaya kailangan munang matuto ang mga baguhan ng tumpak na kaalaman sa katotohanan na tutulong sa kanila na magkaroon ng pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang Salita. (Roma 10:17; 1 Timoteo 2:4; Hebreo 11:6) Sa gayon, kapag naantig ng katotohanan sa Kasulatan ang puso ng isang tao, pakikilusin siya nito na magsisi at baguhin ang kaniyang dating paraan ng pamumuhay. (Gawa 3:19) Sa dakong huli, nanaisin ng isang tao na mag-alay ng kaniyang sarili kay Jehova at magpabautismo, gaya ng iniutos ni Jesus.

11. Bakit mahalagang makibahagi tayo nang regular sa pangangaral bago magpabautismo?

11 Ang isa pang mahalagang hakbang bago magpabautismo ay ang pakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Ito ang pinakamahalagang gawain na iniatas ni Jehova sa kaniyang bayan sa mga huling araw na ito. (Mateo 24:14) Kaya naman masisiyahan ang di-bautisadong mga mamamahayag na magpatotoo sa iba hinggil sa kanilang mga paniniwala. Inihahanda rin sila nito sa regular at masigasig na pakikibahagi sa ministeryo sa larangan pagkatapos ng bautismo.​—Roma 10:9, 10, 14, 15.

May Nakahahadlang ba sa Iyo na Magpabautismo?

12. Ano ang maaaring pumigil sa ilan na magpabautismo?

12 Ang ilan ay napipigilang magpabautismo dahil nag-aatubili silang tumanggap ng pananagutan na kaakibat nito. Iniisip nila na malalaking pagbabago ang kailangan nilang gawin sa kanilang buhay upang maabot ang mga pamantayan ni Jehova. O baka nangangamba sila na mahihirapan silang sumunod sa mga kahilingan ng Diyos pagkatapos ng bautismo. Maaaring mangatuwiran pa nga ang ilan, “Baka isang araw ay magkasala ako at matiwalag sa kongregasyon.”

13. Noong panahon ni Jesus, ano ang nakahadlang sa ilan para maging mga tagasunod ni Jesus?

13 Noong panahon ni Jesus, hinayaan ng ilan na makahadlang sa kanilang pagiging alagad ang personal na mga interes at ugnayang pampamilya. Sinabi ng isang eskriba na susundan niya si Jesus saanman Siya magpunta. Pero binanggit ni Jesus na sa maraming pagkakataon, wala man lamang siyang matulugan sa gabi. Nang anyayahan ni Jesus na maging tagasunod niya ang isa pang tagapakinig, sumagot ang lalaking ito na kailangan muna niyang “ilibing” ang kaniyang ama. Malamang na mas gusto niyang manatili na muna sa bahay at hintaying mamatay ang kaniyang ama sa halip na sumunod kay Jesus, at saka na lamang asikasuhin ang pampamilyang pananagutang iyon kapag kailangan na. Bilang panghuli, sinabi ng ikatlong lalaki na bago siya sumunod kay Jesus, kailangan muna niyang “magpaalam” sa kaniyang mga kasambahay. Inihalintulad ni Jesus ang gayong pagpapaliban sa ‘pagtingin sa mga bagay na nasa likuran.’ Kaya lumilitaw na ang mga taong gustong magpaliban ay laging may maidadahilan para iwasan ang kanilang Kristiyanong pananagutan.​—Lucas 9:57-62.

14. (a) Paano tumugon sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan nang anyayahan sila ni Jesus na maging mangingisda ng mga tao? (b) Bakit hindi tayo dapat mag-atubiling tanggapin ang pamatok ni Jesus?

14 Ibang-iba naman ang halimbawa nina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Nang anyayahan sila ni Jesus na sumunod sa kaniya at maging mangingisda ng mga tao, ganito ang sabi ng Bibliya: “Karaka-rakang iniwan ang mga lambat, sila ay sumunod sa kaniya.” (Mateo 4:19-22) Dahil walang-pag-aatubili nilang ginawa ang gayong pasiya, naranasan nila mismo ang sinabi ni Jesus nang maglaon: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:29, 30) Bagaman may kaakibat na pananagutan ang pagpapabautismo, tinitiyak sa atin ni Jesus na ito ay may-kabaitan, magaan, at lubos na makapagpapaginhawa sa atin.

15. Paano ipinakikita ng mga halimbawa nina Moises at Jeremias na makaaasa tayo sa suporta ng Diyos?

15 Mangyari pa, likas lamang na makadamang hindi natin kayang gampanan ang pananagutang kaakibat ng bautismo. Sa simula, nadama nina Moises at Jeremias na hindi nila kayang gampanan ang mga atas na ibinigay sa kanila ni Jehova. (Exodo 3:11; Jeremias 1:6) Paano sila binigyang-katiyakan ng Diyos? “Ako ay sasaiyo,” ang sabi niya kay Moises. “Ako ay sumasaiyo upang iligtas ka,” ang pangako niya kay Jeremias. (Exodo 3:12; Jeremias 1:8) Makaaasa rin tayo sa suporta ng Diyos. Ang pag-ibig sa Diyos at ang pagtitiwala sa kaniya ay tutulong sa atin na madaig ang ating mga pag-aalinlangan kung matutupad kaya natin ang ating pag-aalay. “Walang takot sa pag-ibig,” ang sulat ni apostol Juan, “kundi itinataboy ng sakdal na pag-ibig ang takot.” (1 Juan 4:18) Maaaring matakot ang isang paslit kung maglalakad siyang mag-isa, pero napapanatag siya kapag nakahawak sa kamay ng kaniyang ama. Sa katulad na paraan, kung nagtitiwala tayo kay Jehova nang buong puso, ipinangangako niyang ‘itutuwid niya ang ating mga landas’ habang lumalakad tayong kasama niya.​—Kawikaan 3:5, 6.

Isang Marangal na Okasyon

16. Bakit lubusang inilulubog sa tubig ang binabautismuhan?

16 Bago ang aktuwal na bautismo, karaniwan nang may maka-Kasulatang pahayag muna na nagpapaliwanag sa kahalagahan ng Kristiyanong bautismo. Sa katapusan ng pahayag na ito, ang mga kandidato ay hinihilingang ipahayag sa madla ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsagot sa dalawang tanong sa bautismo. (Roma 10:10; tingnan ang kahon sa pahina 22.) Pagkatapos, inilulubog sa tubig ang mga kandidato, kasuwato ng halimbawang iniwan mismo ni Jesus. Ipinakikita ng Bibliya na pagkatapos bautismuhan, “umahon si Jesus mula sa tubig.” (Mateo 3:16; Marcos 1:10) Maliwanag na lubusang inilubog ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus. * Ang lubusang paglulubog ay angkop na lumalarawan sa malaking pagbabago na ginawa natin sa ating buhay​—makasagisag tayong namatay sa ating dating landasin sa buhay at nagsimula ng panibagong buhay sa paglilingkod sa Diyos.

17. Paano makatutulong kapuwa ang mga kandidato sa bautismo at ang mga tagapagmasid upang maging marangal na okasyon ang bautismo?

17 Ang bautismo ay kapuwa isang seryoso at maligayang okasyon. Ipinahihiwatig ng Bibliya na nananalangin si Jesus nang ilubog siya ni Juan sa Ilog Jordan. (Lucas 3:21, 22) Kasuwato ng halimbawang ito, dapat maging mapitagan ang paggawi ng mga kandidato sa bautismo ngayon. At yamang hinihimok tayo ng Bibliya na manamit nang mahinhin sa araw-araw, lalong higit na dapat nating sundin ang payong ito sa araw ng ating bautismo! (1 Timoteo 2:9) Ang mga tagapagmasid ay makapagpapakita rin ng wastong paggalang sa pamamagitan ng pakikinig na mabuti sa pahayag sa bautismo at pagmamasid sa okasyon sa maayos na paraan.​—1 Corinto 14:40.

Mga Pagpapalang Natatamo ng mga Bautisadong Alagad

18, 19. Anu-anong pribilehiyo at pagpapala ang idinudulot ng bautismo?

18 Kapag naialay na natin ang ating sarili sa Diyos at nabautismuhan, nagiging bahagi tayo ng isang natatanging pamilya. Una sa lahat, nagiging Ama at Kaibigan natin si Jehova. Hiwalay tayo sa Diyos bago tayo mabautismuhan; ngayon ay naipagkasundo na tayo. (2 Corinto 5:19; Colosas 1:20) Sa pamamagitan ng hain ni Kristo, lumalapit tayo sa Diyos at lumalapit siya sa atin. (Santiago 4:8) Inilalarawan ni propeta Malakias kung paano nagbibigay-pansin at nakikinig si Jehova sa mga gumagamit at nagdadala ng kaniyang pangalan, at inilalakip niya ang kanilang pangalan sa kaniyang aklat ng alaala. “Sila ay tiyak na magiging akin,” ang sabi ng Diyos, “at mahahabag ako sa kanila, gaya ng pagkahabag ng isang tao sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.”​—Malakias 3:16-18.

19 Dahil din sa bautismo, nagiging bahagi tayo ng pambuong-daigdig na kapatiran. Nang magtanong si apostol Pedro kung anu-anong pagpapala ang tatanggapin ng mga alagad ni Kristo dahil sa mga sakripisyong ginawa nila, nangako si Jesus: “Ang bawat isa na nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng lalong marami pa at magmamana ng buhay na walang hanggan.” (Mateo 19:29) Makalipas ang maraming taon, isinulat ni Pedro ang tungkol sa “buong samahan ng mga kapatid” na naitatag “sa sanlibutan.” Naranasan mismo ni Pedro ang suporta at pagpapala ng maibiging kapatiran, at maaari rin natin itong maranasan.​—1 Pedro 2:17; 5:9.

20. Anong kamangha-manghang pag-asa ang inilalaan ng bautismo?

20 Bukod diyan, sinabi ni Jesus na ang mga sumusunod sa kaniya ay “magmamana ng buhay na walang hanggan.” Oo, ang pag-aalay at bautismo ay nagbibigay sa atin ng pag-asang ‘makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay’​—buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Timoteo 6:19) May maitatatag pa kaya tayong mas mabuting pundasyon sa hinaharap para sa ating sarili at sa ating pamilya kaysa rito? Ang kamangha-manghang pag-asang ito ay tutulong sa atin na ‘lumakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.’​—Mikas 4:5.

[Mga talababa]

^ par. 4 Ang tatlong libong Judio at mga proselita na nakinig sa pahayag ni Pedro noong Pentecostes ay kaagad ding nabautismuhan. Mangyari pa, gaya ng bating na Etiope, pamilyar na sila sa saligang mga turo at simulain sa Salita ng Diyos.​—Gawa 2:37-41.

^ par. 16 Ang Griegong salitang baʹpti·sma (bautismo) ay nangangahulugang “proseso ng paglulubog, . . . at pag-ahon,” ayon sa Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Paano at bakit natin dapat suklian ang pag-ibig ni Jehova?

• Anong espirituwal na pagsulong ang dapat munang makita sa isa bago magpabautismo?

• Bakit hindi dapat makapigil sa ating pagpapabautismo ang takot na mabigo o ang pag-aatubiling tumanggap ng pananagutan?

• Anu-anong natatanging mga pagpapala ang maaaring matamo ng mga bautisadong alagad ni Jesu-Kristo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 26]

“Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?”

[Mga larawan sa pahina 29]

Ang bautismo ay kapuwa isang seryoso at maligayang okasyon