Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-unawa sa Bibliya—Ano ang Makatutulong sa Iyo?

Pag-unawa sa Bibliya—Ano ang Makatutulong sa Iyo?

Pag-unawa sa Bibliya​—Ano ang Makatutulong sa Iyo?

“MAINGAT mong ikinubli ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino, at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Lucas 10:21) Ang mga salitang ito na sinabi ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama ay nagpapahiwatig na dapat tayong magkaroon ng tamang saloobin upang maunawaan ang Bibliya. Nakita ang karunungan ni Jehova nang maglaan siya ng isang aklat na mauunawaan lamang ng mga mapagpakumbaba at handang magpaturo.

Marami sa atin ang nahihirapang magpakumbaba. Minana nating lahat ang hilig na magmataas. Bukod diyan, nabubuhay tayo sa “mga huling araw,” kasama ng mga taong “maibigin sa kanilang sarili, . . . mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki.” (2 Timoteo 3:1-4) Ito ang mga saloobing humahadlang sa pag-unawa sa Salita ng Diyos. Nakalulungkot sabihin, tayong lahat sa paanuman ay naiimpluwensiyahan ng ating kapaligiran. Kung gayon, paano ka magkakaroon ng saloobing kailangan upang maunawaan ang Bibliya?

Ihanda ang Puso at Isip

Si Ezra ay isang sinaunang lider ng bayan ng Diyos. “Inihanda [niya] ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova.” (Ezra 7:10) May paraan ba upang ihanda ang ating puso? Oo. Puwede natin itong pasimulan sa pagkakaroon ng tamang pangmalas sa Kasulatan. Sumulat si apostol Pablo sa kapuwa niya mga Kristiyano: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Bagaman mga tao ang ginamit upang isulat ang Kasulatan, ang kanilang isinulat naman ay mula kay Jehova. Kung kikilalanin natin ang mahalagang katotohanang iyan, mas madali nating matatanggap ang ating mababasa.​—2 Timoteo 3:16.

Ang isa pang paraan upang ihanda ang ating puso ay sa pamamagitan ng panalangin. Yamang kinasihan ng banal na espiritu ang Bibliya, ang mensahe nito ay mauunawaan natin sa tulong ng espiritung iyan. Dapat nating ipanalangin ang tulong na iyan. Pansinin na ito ang hiniling ng salmista na sumulat: “Ipaunawa mo sa akin, upang matupad ko ang iyong kautusan at upang maingatan ko iyon nang buong puso.” (Awit 119:34) Kailangang ipanalangin natin hindi lamang ang pagkakaroon ng talino upang maunawaan ang nakasulat dito kundi gayundin ang pagkakaroon ng bukás na puso upang tanggapin ito. Para maunawaan ang Bibliya, kailangang tanggapin natin kung ano ang totoo.

Habang nagbubulay-bulay ka upang magkaroon ng tamang saloobin, isaalang-alang kung paano ka matutulungan ng pag-aaral ng Bibliya. Napakarami nating dahilan upang kumonsulta sa Salita ng Diyos, at ang pinakamahalagang dahilan ay na tumutulong itong maging malapít tayo sa Diyos. (Santiago 4:8) Habang binabasa natin ang mga reaksiyon ni Jehova sa iba’t ibang situwasyon, ang pagpapahalaga niya sa mga umiibig sa kaniya, at ang pakikitungo niya sa mga tumatalikod sa kaniya, nakikilala natin kung anong uri siya ng persona. Ang pangunahing layunin natin sa pagbabasa ng Bibliya ay ang higit na makilala ang Diyos at sa gayon ay mapatibay ang ating kaugnayan sa kaniya.

Mga Hadlang sa Pagkakaroon ng Tamang Saloobin

Ano kaya ang maaaring humadlang sa atin sa pag-unawa sa Salita ng Diyos? Ang isang hadlang ay ang maling pag-uukol ng katapatan. Halimbawa, baka nakikiayon ka sa mga paniniwala at opinyon ng ilang kinikilalang tao. Ngunit paano kung ang mga indibiduwal na ito’y hindi naman talaga nagtataguyod o nagpapahalaga sa katotohanan ng Salita ng Diyos? Sa ganitong kalagayan, baka mahirapan kang unawain kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Kaya naman hinihimok tayo ng Bibliya na suriing mabuti ang itinuturo sa atin.​—1 Tesalonica 5:21.

Si Maria na ina ni Jesus ay napaharap sa ganitong hamon. Lumaki siya ayon sa tradisyon ng mga Judio. Maingat niyang sinusunod ang Kautusang Mosaiko at tiyak na pumupunta siya sa sinagoga. Nang maglaon, naunawaan niyang hindi na pala katanggap-tanggap sa Diyos ang paraan ng pagsambang itinuro sa kaniya ng mga magulang niya. Dahil dito, tinanggap ni Maria ang turo ni Jesus at napabilang sa mga unang miyembro ng kongregasyong Kristiyano. (Gawa 1:13, 14) Hindi ito kawalang-galang sa kaniyang mga magulang o sa kanilang mga tradisyon; kundi pagpapakita lamang ng kaniyang pag-ibig sa Diyos. Upang makinabang tayo sa Bibliya, dapat na maging tapat muna tayo sa Diyos bago sa sinumang tao gaya ng ginawa ni Maria.

Nakalulungkot sabihin, marami ang hindi nagpapahalaga sa katotohanan sa Bibliya. Kontento na ang ilan sa pagsunod sa mga tradisyon ng relihiyon na salig sa kabulaanan. Ipinakikita ng iba sa kanilang pagsasalita at paraan ng pamumuhay na hindi nila pinahahalagahan ang katotohanan. Kaayon nito, may ilang sakripisyo ang pagtanggap sa katotohanan sa Bibliya: Baka hindi ka maunawaan ng iyong mga kaibigan, kapitbahay, katrabaho, at maging ng inyong pamilya. (Juan 17:14) Gayunman, sumulat ang marunong na si Solomon: “Bilhin mo ang katotohanan at huwag mong ipagbili iyon.” (Kawikaan 23:23) Kung pahahalagahan mo ang katotohanan, tutulungan ka ni Jehova na maunawaan ang Bibliya.

Ang isa pang hadlang sa pag-unawa sa mensahe ng Bibliya ay ang pagtanggi na ikapit ang sinasabi nito. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa inyo ay ipinagkakaloob na maunawaan ang mga sagradong lihim ng kaharian ng langit, ngunit sa mga taong iyon ay hindi ito ipinagkaloob. Sapagkat ang puso ng bayang ito ay naging manhid, at sa pamamagitan ng kanilang mga tainga ay narinig nila nang walang pagtugon.” (Mateo 13:11, 15) Manhid at ayaw magbago ang karamihan sa mga pinangangaralan ni Jesus. Ibang-iba talaga sa naglalakbay na mangangalakal na binanggit ni Jesus sa isang ilustrasyon! Nang makita ang isang mamahaling perlas, agad na ibinenta ng mangangalakal ang lahat niyang pag-aari upang mabili ito. Dapat na ganito rin kahalaga sa atin ang pag-unawa sa katotohanan sa Bibliya.​—Mateo 13:45, 46.

Ang Hamon sa Pagiging Handang Magpaturo

Ang pinakamalaking hamon sa pag-unawa sa Bibliya ay kung handang magpaturo ang isang tao. Baka hindi madali para sa isa na tanggapin ang mga bagong ideya mula sa isang taong mukhang ordinaryo lamang. Subalit ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay mga lalaking “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) Upang ipaliwanag, sumulat si Pablo: “Makikita ninyo ang kaniyang pagtawag sa inyo, mga kapatid, na hindi marami na marunong ayon sa laman ang tinawag, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang ipinanganak na maharlika; kundi pinili ng Diyos ang mangmang na mga bagay ng sanlibutan, upang mailagay niya sa kahihiyan ang mga taong marurunong.” (1 Corinto 1:26, 27) Kung nahihirapan kang magpakita ng kapakumbabaan dahil ordinaryong tao lamang ang nagtuturo sa iyo, tandaan mong ginagamit lamang siya ng Diyos para turuan ka. Isang napakalaking karangalan na maturuan ni Jehova, ang ating “Dakilang Tagapagturo,” hindi ba?​—Isaias 30:20; 54:13.

Naging hamon para sa Siryanong si Naaman, isang kumandante ng militar, ang sumunod sa tagubilin ng isang nakabababa. Sa kagustuhang magamot ang kaniyang ketong, pumunta siya sa propeta ni Jehova na si Eliseo. Subalit isang lingkod lamang ang nagsabi kay Naaman ng mga tagubilin ng Diyos para gumaling ito. Ang mensahe at ang paraan ng pagsasabi nito ay sumubok sa kapakumbabaan ni Naaman, kung kaya hindi niya sinunod sa simula ang sinabi ng propeta ng Diyos. Pagkaraan, binago ni Naaman ang kaniyang saloobin at siya’y gumaling. (2 Hari 5:9-14) Gayunding hamon ang napapaharap sa atin kapag nag-aaral tayo ng Bibliya. Baka matutuhan natin na kailangan nating baguhin ang ating paraan ng pamumuhay upang mapagaling sa espirituwal at moral na paraan. Magiging mapagpakumbaba kaya tayo para sumang-ayon na turuan ng iba kung ano ang dapat nating gawin? Ang mga handang magpaturo lamang ang makauunawa ng Bibliya.

Isang magandang saloobin ang ipinamalas ng isang lalaking may kapangyarihan sa ilalim ni Candace na reyna ng mga Etiope. Pauwi na siya noon sa Aprika sakay ng kaniyang karwahe nang tumakbo sa tabi niya ang alagad na si Felipe at lumapit sa kaniya. Tinanong ni Felipe ang lalaki kung naiintindihan niya ang kaniyang binabasa. Buong-kapakumbabaan namang inamin ng opisyal: “Paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?” Matapos maunawaan ang Salita ng Diyos, nagpabautismo ang lalaking iyon. Pagkatapos, “nagpatuloy itong humayo sa kaniyang lakad na nagsasaya.”​—Gawa 8:27-39.

Sa pangkalahatan, mga ordinaryong tao lamang ang mga Saksi ni Jehova. Linggu-linggo silang nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa mga tahanan ng mahigit anim na milyon katao. Yamang ang Bibliya ay nagtuturo ng pinakamagandang paraan ng pamumuhay, nagpapaliwanag ng tanging pag-asa ng sangkatauhan, at nagsasabi kung paano makikilala ang Diyos, napatunayan ng milyun-milyon na isa ngang napakalaking kagalakan na mag-aral ng Bibliya at maunawaan ang sinasabi nito. Magagalak kang gawin ito.

[Larawan sa pahina 7]

Nahirapan si Naaman na sundin ang mga tagubilin ng isang hamak na lingkod lamang

[Larawan sa pahina 7]

Nakapagpapasigla ng puso ang pag-unawa sa Bibliya