Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-unawa sa Bibliya—Magagalak Kang Gawin Ito

Pag-unawa sa Bibliya—Magagalak Kang Gawin Ito

Pag-unawa sa Bibliya​—Magagalak Kang Gawin Ito

ANG Bibliya ay naglalaman ng mahahalagang katotohanan mula sa Diyos. Sinasabi nito sa atin ang layunin ng buhay, ang dahilan ng pagdurusa ng tao, at ang kinabukasan ng sangkatauhan. Itinuturo nito sa atin kung paano magiging maligaya, kung paano makikipagkaibigan, at kung paano lulutasin ang mga problema. Higit pa riyan, natututo tayo tungkol sa ating Maylalang at makalangit na Ama, si Jehova. Ang ganitong mga kaalaman ay nagpapagalak sa atin at nagbibigay ng layunin sa ating buhay.

Ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos ay inihalintulad ng Bibliya sa pagkain. Sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4; Hebreo 5:12-14) Kung paanong dapat tayong kumain ng masustansiyang pagkain araw-araw para mabuhay, dapat din tayong regular na magbasa ng Salita ng Diyos para matamo ang pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan.

Nasisiyahan tayong kumain dahil ito ang nilayon ni Jehova at dahil nasasapatan nito ang isang pangunahing pangangailangan. Gayunman, may isa pang pangunahing pangangailangan na dapat nating sapatan kung gusto nating lumigaya. Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Maaari tayong lumigaya sapagkat ang pangangailangang iyan ay masasapatan kung mauunawaan natin ang Salita ng Diyos.

Totoo naman na nahihirapan ang ilan sa pag-unawa sa Bibliya. Halimbawa, baka kailanganin mo ng tulong para maunawaan ang mga tekstong tumutukoy sa di-pamilyar na mga kaugalian o gumagamit ng matalinghagang pananalita. Nariyan din ang mga hulang isinulat sa makasagisag na pananalitang mauunawaan lamang kung titingnan ang ibang teksto sa Bibliya na tumatalakay sa kaparehong paksa. (Daniel 7:1-7; Apocalipsis 13:1, 2) Magkagayunman, talagang mauunawaan mo pa rin ang Bibliya. Paano ka makatitiyak?

Magagalak ang Lahat na Gawin Ito

Ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Dito inihahayag sa atin ng Diyos ang kaniyang kalooban. Maglalaan kaya ang Diyos ng isang aklat na imposibleng maunawaan o maiintindihan lamang ng mga taong mataas ang pinag-aralan? Hindi, hindi ganoon kalupit si Jehova. Sinabi ni Kristo Jesus: “Sinong ama sa inyo, na kapag ang kaniyang anak ay humingi ng isda, ang marahil ay magbibigay sa kaniya ng serpiyente sa halip na isda? O kapag humingi rin siya ng itlog ay magbibigay sa kaniya ng alakdan? Samakatuwid, kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:11-13) Kaya makatitiyak kang mauunawaan mo ang Bibliya at na kung taimtim kang hihiling sa Diyos, tutulungan ka niyang maunawaan ang kaniyang Salita. Sa katunayan, ang mga pangunahing turo sa Bibliya ay puwedeng maunawaan kahit ng mga bata!​—2 Timoteo 3:15.

Bagaman kailangan ang pagsisikap upang maunawaan ang Bibliya, makapagpapalakas at makapagpapatibay naman ito sa atin. Matapos buhaying muli si Jesus, nagpakita siya sa dalawang alagad niya at ipinakipag-usap sa kanila ang tungkol sa mga hula ng Bibliya. Ganito ang sabi ng ulat ni Lucas: “Pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta ay binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.” Ano ang resulta? Nang gabing iyon, habang binubulay-bulay nila ang kanilang natutuhan, nag-usap ang mga alagad: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin sa daan, habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?” (Lucas 24:13-32) Nasiyahan sila nang maunawaan nila ang Salita ng Diyos sapagkat napatibay nito ang kanilang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos at naging positibo ang kanilang pananaw hinggil sa kinabukasan.

Sa halip na maging pabigat, ang pagsisikap na maunawaan ang Salita ng Diyos ay kapana-panabik at kapaki-pakinabang, anupat masasabing kasiya-siya rin na gaya ng pagkain ng isang masarap na putahe. Ano ang dapat mong gawin upang matamo ang gayong kaunawaan? Ipakikita ng susunod na artikulo kung paano ka masisiyahan sa “mismong kaalaman sa Diyos.”​—Kawikaan 2:1-5.

[Larawan sa pahina 4]

Gaya ng isang maibiging ama, nagbibigay si Jehova ng banal na espiritu upang tulungan tayong maunawaan ang Bibliya