Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Karapatang Magkaroon ng Pangalan

Ang Karapatang Magkaroon ng Pangalan

Ang Karapatang Magkaroon ng Pangalan

KARAPATAN ng bawat tao na magkaroon ng pangalan. Sa Tahiti, kahit ang bagong-silang na sanggol na inabandona at hindi kilala ang ama at ina ay binibigyan ng pangalan. Ang inabandonang sanggol ay binibigyan ng pangalan at apelyido ng tanggapan ng pagrerehistro.

Magkagayunman, may isang persona na masasabing pinagkakaitan ng saligang karapatang ito, isang karapatang ibinibigay sa halos lahat ng tao. Nakagugulat nga ito dahil siya ang “Ama, na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa”! (Efeso 3:14, 15) Ayaw gamitin ng maraming tao ang pangalan ng Maylalang na lumilitaw sa Bibliya. Mas gusto pa nilang palitan ito ng mga titulong gaya ng “Diyos,” “Panginoon,” o “Isa na Walang Hanggan.” Kung gayon, ano ang pangalan niya? Sinasagot ng salmista ang tanong na iyan: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”​—Awit 83:18.

Noong unang kalahatian ng ika-19 na siglo, nang dumating ang mga misyonero ng London Missionary Society sa Tahiti, ang mga taga-Polynesia ay sumasamba sa maraming diyos. May kani-kaniyang natatanging pangalan ang bawat isa, anupat ang mga pangunahing diyos ay sina Oro at Taaroa. Upang mapaiba ang Diyos ng Bibliya sa iba pang mga diyos, hindi nag-atubili ang mga misyonerong iyon na gamitin nang lubusan ang banal na pangalan, na ang transliterasyon ay Iehova sa wikang Tahitiano.

Ang pangalang iyan ay nakilala at karaniwang ginagamit sa araw-araw na usapan at sa mga sulat. Madalas itong gamitin ni Haring Pomare II ng Tahiti, na naghari noong unang bahagi ng ika-19 na siglo, sa kaniyang personal na mga liham. Pinatutunayan ito ng larawan ng liham na nasa kanan. Ang liham na ito, na isinulat sa wikang Ingles, ay makikita sa Museum of Tahiti and Its Islands. Katibayan ito na tinatanggap nang panahong iyon ang paggamit ng banal na pangalan. Bukod diyan, lumilitaw nang libu-libong beses ang personal na pangalan ng Diyos sa unang bersiyon ng Bibliya sa wikang Tahitiano, na natapos noong 1835.

[Larawan sa pahina 32]

Haring Pomare II

[Picture Credit Line sa pahina 32]

Hari at liham: Collection du Musée de Tahiti et de ses Îles, Punaauia, Tahiti