Magpakalakas ang Inyong mga Kamay
Magpakalakas ang Inyong mga Kamay
“Magpakalakas ang inyong mga kamay, kayo na nakaririnig sa mga araw na ito ng mga salitang ito mula sa bibig ng mga propeta.”—ZACARIAS 8:9.
1, 2. Bakit dapat nating pag-ukulan ng pansin ang mga aklat ng Hagai at Zacarias?
ANG mga hula nina Hagai at Zacarias ay isinulat mga 2,500 taon na ang nakalilipas, subalit ang mga ito ay tiyak na mahalaga pa rin sa iyong buhay. Ang mga ulat sa Bibliya na masusumpungan sa mga aklat na ito ay hindi basta kasaysayan lamang. Ang mga ito ay bahagi ng ‘lahat ng bagay na isinulat noong una para sa ating ikatututo.’ (Roma 15:4) Kapag binasa ang mga ito, mapapansin natin na karamihan dito ay tumutukoy sa tunay na mga kalagayang nagaganap mula nang itatag ang Kaharian sa langit noong 1914.
2 Sa pagbanggit sa mga pangyayari at kalagayang naranasan ng bayan ng Diyos noong sinaunang panahon, sinabi ni apostol Pablo: “Ngayon ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang mga halimbawa, at isinulat ang mga ito bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” (1 Corinto 10:11) Kaya baka isipin mo, ‘Ano kaya ang kahalagahan ng mga aklat ng Hagai at Zacarias sa ating panahon?’
3. Sa ano nagtuon ng pansin sina Hagai at Zacarias?
3 Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, ang mga hula nina Hagai at Zacarias ay sumasaklaw sa panahon nang ang mga Judio ay bumalik sa lupaing ibinigay sa kanila ng Diyos pagkatapos silang palayain mula sa pagkabihag sa Babilonya. Nagtuon ng pansin ang dalawang propeta sa muling pagtatayo ng templo. Inilatag ng mga Judio ang pundasyon ng templo noong 536 B.C.E. Bagaman inisip ng ilang may-edad nang mga Judio ang nakalipas, sa pangkalahatan ay may “pagsigaw dahil sa kagalakan.” Subalit ang totoo, may mas mahalaga pang pangyayaring naganap sa ating panahon. Paano?—Ezra 3:3-13.
4. Ano ang naganap di-nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I?
4 Di-nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang mga pinahiran ni Jehova ay pinalaya mula sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila. Isa itong malaking patotoo na sinusuportahan sila ni Jehova. Bago nito, waring winakasan na ng mga relihiyosong lider at ng kanilang mga kasabuwat sa pulitika ang pangmadlang pangangaral at pagtuturo ng mga Estudyante ng Bibliya. (Ezra 4:8, 13, 21-24) Ngunit inalis ng Diyos na Jehova ang mga balakid sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad. Sa paglipas ng maraming dekada mula noong 1919, lumago ang gawaing pang-Kaharian at walang nakapigil sa pagsulong nito.
5, 6. Anong dakilang tagumpay ang tinutukoy ng Zacarias 4:7?
5 Makatitiyak tayo na ang pangangaral at pagtuturo ng masunuring mga lingkod ni Jehova sa ating panahon ay magpapatuloy sa tulong niya. Sa Zacarias 4:7, mababasa natin: “Tiyak na ilalabas niya ang pangulong-bato. Magkakaroon ng hiyawan para roon: ‘Kahali-halina! Kahali-halina!’ ” Saan tumutukoy ang dakilang tagumpay na ito sa ating panahon?
6 Tinutukoy ng Zacarias 4:7 ang panahon kapag ang tunay na pagsamba sa Soberanong Panginoon ay pasasakdalin na sa makalupang looban ng kaniyang espirituwal na templo. Ang templong ito ay ang kaayusan ni Jehova sa paglapit sa kaniya sa pagsamba salig sa pampalubag-loob na hain ni Kristo Jesus. Sabihin pa, ang dakilang espirituwal na templong ito ay umiiral na mula pa noong unang siglo C.E. Subalit ang tunay na pagsamba sa makalupang looban nito ay pasasakdalin pa. Milyun-milyong mananamba ang naglilingkod ngayon sa makalupang looban ng espirituwal na templong ito. Ang mga ito at ang napakaraming binuhay-muli ay gagawing sakdal sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo. Sa katapusan ng sanlibong taon, ang tunay na mga mananamba lamang ng Diyos ang matitira sa nilinis na lupa.
7. Ano ang papel ni Jesus hinggil sa pagpapasakdal sa tunay na pagsamba sa ating panahon, at bakit tayo dapat mapatibay nito?
7 Naroroon noon si Gobernador Zerubabel at ang mataas na saserdoteng si Josue upang saksihan ang pagtatapos sa paggawa ng templo noong 515 B.C.E. Inihula ng Zacarias 6:12, 13 ang katulad na papel ni Jesus sa pagpapasakdal sa tunay na pagsamba: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: ‘Narito ang lalaki na ang pangalan ay Sibol. At mula sa kaniyang sariling dako ay sisibol siya, at tiyak na itatayo niya ang templo ni Jehova. At . . . siya, sa ganang kaniya, ang magtataglay ng dangal; at siya ay uupo at mamamahala sa kaniyang trono, at siya ay magiging isang saserdote sa kaniyang trono.’ ” Yamang sinusuportahan ni Jesus, na nasa langit at siyang sanhi ng pagsibol ng mga hari sa linya ni David, ang gawaing pang-Kaharian sa espirituwal na templo, sa palagay mo kaya’y may makapipigil sa pagsulong nito? Tiyak na wala! Hindi ba tayo dapat mapatibay nito na ipagpatuloy ang ating ministeryo, anupat hindi naililihis ng pang-araw-araw na mga alalahanin?
Mga Priyoridad
8. Bakit dapat nating unahin sa ating buhay ang gawain sa espirituwal na templo?
8 Upang matamo ang suporta at pagpapala ni Jehova, dapat nating pagsikapang unahin sa ating buhay ang gawain sa espirituwal na templo. Di-tulad ng mga Judio na nagsabi, “Ang panahon ay hindi pa dumarating,” dapat nating tandaan na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” (Hagai 1:2; 2 Timoteo 3:1) Inihula ni Jesus na ang kaniyang tapat na mga tagasunod ay mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at gagawa ng mga alagad. Dapat tayong maging maingat upang hindi natin mapabayaan ang ating pribilehiyo ng paglilingkod. Ang gawaing pangangaral at pagtuturo na pansamantalang napahinto ng pananalansang ng sanlibutan ay naipagpatuloy noong 1919, subalit hindi pa ito natatapos. Pero makatitiyak ka na talagang matatapos ito!
9, 10. Sa ano nakadepende ang pagpapala ni Jehova, at ano ang kahulugan nito para sa atin?
9 Hangga’t patuloy tayong gumagawa nang puspusan, pagpapalain tayo—bilang isang bayan at bilang mga indibiduwal. Pansinin ang katiyakang ibinibigay sa atin ng pangako ni Jehova. Hagai 2:19) Makikinabang sila sa ganap na pagsasauli ng kaniyang lingap. Isaalang-alang ngayon ang mga pagpapalang binabanggit sa pangako ng Diyos: “Darating ang binhi ng kapayapaan; ang punong ubas ay magbibigay ng bunga nito, at ang lupa ay magbibigay ng ani nito, at ang mga langit ay magbibigay ng kanilang hamog; at ipamamana ko sa mga nalalabi sa bayang ito ang lahat ng mga bagay na ito.”—Zacarias 8:9-13.
Mula nang ipagpatuloy ng mga Judio ang buong-kaluluwang pagsamba at puspusang paggawa sa pundasyon ng templo, sinabi ni Jehova: “Mula sa araw na ito ay maggagawad ako ng pagpapala.” (10 Kung paanong pinagpala ni Jehova sa espirituwal at pisikal na paraan ang mga Judio noon, pagpapalain din niya tayo habang masikap nating tinutupad ang gawaing iniatas niya sa atin taglay ang masayang puso. Kasama sa mga pagpapalang ito ang kapayapaan sa gitna natin, espirituwal na katiwasayan, kasaganaan, at pagsulong. Gayunman, makatitiyak ka na ang patuloy na pagpapala ng Diyos ay nakadepende sa ating paggawa sa espirituwal na templo sa paraang nais ni Jehova.
11. Paano natin maaaring suriin ang ating sarili?
11 Ngayon na ang panahon upang ‘ituon natin ang ating puso sa ating mga lakad.’ (Hagai 1:5, 7) Dapat tayong maglaan ng panahon na suriin ang ating mga priyoridad sa buhay. Ang pagpapala ni Jehova sa atin sa ngayon ay nakasalalay sa antas ng ating pagdakila sa kaniyang pangalan at patuloy na paggawa sa kaniyang espirituwal na templo. Maaari mong tanungin ang iyong sarili: ‘Nagbago na ba ang mga priyoridad ko? Ang akin bang sigasig para kay Jehova, sa kaniyang katotohanan, at sa kaniyang gawain ay kagaya pa rin noong ako ay mabautismuhan? Naaapektuhan ba ng aking hangaring magkaroon ng maalwang pamumuhay ang aking pag-uukol ng pansin kay Jehova at sa kaniyang Kaharian? Ang takot ba sa tao—pagkabahala sa kung ano ang iisipin ng iba—ang waring nakapipigil sa akin?’—Apocalipsis 2:2-4.
12. Anong kalagayan ng mga Judio ang itinatampok sa Hagai 1:6, 9?
12 Hindi natin nais na ipagkait sa atin ng Diyos ang kaniyang saganang pagpapala dahil sa ating pagpapabaya sa gawaing dumadakila sa kaniyang pangalan. Alalahanin na pagkatapos magkaroon ng mabuting pasimula, ang nagsibalik na mga Judio ay “tumatakbo, bawat isa para sa kaniyang sariling bahay,” gaya ng iniulat ng Hagai 1:9. Naging abala sila sa kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan at pamumuhay. Bunga nito, “ang ipinapasok ay kakaunti,” anupat nagkaroon ng kakapusan sa kasiya-siyang pagkain, inumin, at kasuutang pantaglamig. (Hagai 1:6) Ipinagkait ni Jehova ang kaniyang pagpapala. May matututuhan ba tayong aral dito?
13, 14. Paano natin maikakapit ang aral sa Hagai 1:6, 9, at bakit ito mahalaga?
13 Hindi ba’t sasang-ayon ka na upang patuloy na tamasahin ang pagpapala ng Diyos, kailangan nating tanggihan ang paghahanap ng mga bagay para sa ating sarili kapalit ng pagluwalhati kay Jehova? Ganiyan nga ang dapat nating gawin sa anumang bagay o gawaing naglilihis ng ating pansin, gaya ng paghahangad na yumaman, mga pakanang biglang-yaman, malalaking plano na kumuha ng mas mataas na edukasyon upang
magkaroon ng magandang propesyon sa sistemang ito, o mga programa para maabot ang personal na mga ambisyon.14 Maaaring hindi naman kasalanan ang mismong mga bagay na ito. Gayunman, hindi mo ba natatanto na kung iisipin mo ang buhay na walang hanggan, ang mga ito sa katunayan ay “patay na mga gawa”? (Hebreo 9:14) Paano? Ang mga ito ay patay sa espirituwal, walang saysay, at walang kabuluhan. Kung ipagpapatuloy pa rin ng isa ang paggawa ng ganitong mga bagay, hahantong ito sa espirituwal na kamatayan. Nangyari ito sa ilang pinahirang Kristiyano noong panahon ng mga apostol. (Filipos 3:17-19) Nangyari na rin ito sa ilang Kristiyano sa ating panahon. Maaaring may kilala kang ilan na unti-unting nailihis mula sa Kristiyanong mga gawain at mula sa kongregasyon; sa ngayon ay hindi nakikita sa kanila ang pagnanais na manumbalik sa paglilingkod kay Jehova. Gustung-gusto nating manumbalik sila kay Jehova, pero ang totoo, ang pagtataguyod sa “patay na mga gawa” ay magbubunga ng pagkawala ng lingap at pagpapala ni Jehova. Nakikini-kinita mo kung gaano kalungkot ang magiging kalagayan kapag nangyari iyan. Mangangahulugan ito ng pagkawala ng kagalakan at ng kapayapaang dulot ng espiritu ng Diyos. At kaylaking kawalan nga na mapawalay sa magiliw na kapatirang Kristiyano!—Galacia 1:6; 5:7, 13, 22-24.
15. Paano ipinakikita sa Hagai 2:14 ang kaselangan ng ating pagsamba?
15 Napakaselan nito. Pansinin sa Hagai 2:14 kung ano ang naging pangmalas ni Jehova sa mga Judiong nagpabaya sa kaniyang bahay ng pagsamba at sa halip ay naglagay ng entrepanyo sa kani-kanilang mga bahay, sa literal o makasagisag na paraan. “ ‘Ganiyan ang bayang ito, at ganiyan ang bansang ito sa harap ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘at ganiyan ang lahat ng gawa ng kanilang mga kamay, at ang anumang ihandog nila roon. Iyon ay marumi.’ ” Hangga’t pinababayaan nila ang tunay na pagsamba, hindi magiging katanggap-tanggap ang anumang hain ng mga Judiong hindi taos-puso sa kanilang paghahandog sa pansamantalang altar sa Jerusalem.—Ezra 3:3.
Tiyak na Pagsuporta
16. Batay sa mga pangitaing tinanggap ni Zacarias, sa ano makatitiyak ang mga Judio?
16 Tiniyak sa masunuring mga Judio na muling nagtayo ng templo ng Diyos ang Kaniyang suporta, gaya ng ipinahiwatig ng Diyos sa walong sunud-sunod na pangitaing natanggap ni Zacarias. Ang unang pangitain ay gumagarantiyang matatapos ang templo at magkakaroon ng kasaganaan sa Jerusalem at Juda hangga’t tinutupad ng mga Judio ang kanilang atas. (Zacarias 1:8-17) Ang ikalawang pangitain naman ay nangangakong wawakasan ang lahat ng pamahalaang sumasalansang sa tunay na pagsamba. (Zacarias 1:18-21) Ang iba pang mga pangitain ay tumitiyak na ipagsasanggalang ng Diyos ang gawaing pagtatayo, na daragsa ang mga tao mula sa maraming bansa tungo sa natapos na bahay ng pagsamba kay Jehova, na magkakaroon ng tunay na kapayapaan at katiwasayan, na mawawala ang waring di-madaraig na mga balakid sa gawaing iniatas ng Diyos, na maaalis ang kabalakyutan, at na mangangasiwa at magsasanggalang ang mga anghel. (Zacarias 2:5, 11; 3:10; 4:7; 5:6-11; 6:1-8) Taglay ang gayong mga garantiya ng pagsuporta ng Diyos, mauunawaan mo kung bakit binago ng mga masunurin ang kanilang paraan ng pamumuhay at itinuon ang kanilang pansin sa gawain na siyang dahilan kung bakit pinalaya sila ng Diyos.
17. Alinsunod sa katiyakang taglay natin, anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
17 Sa katulad na paraan, ang katiyakan natin na magtatagumpay ang tunay na pagsamba ay dapat mag-udyok sa atin na kumilos at seryosong pag-isipan
ang tungkol sa bahay ng pagsamba kay Jehova. Tanungin ang iyong sarili: ‘Kung naniniwala akong ngayon na ang panahon upang mangaral ng mabuting balita ng Kaharian at gumawa ng mga alagad, kasuwato ba ng aking mga tunguhin at paraan ng pamumuhay ang aking paninindigan? Gumugugol ba ako ng sapat na panahon sa pag-aaral ng makahulang Salita ng Diyos, anupat binibigyan ito ng dako sa aking buhay, at ipinakikipag-usap ito sa mga kapuwa Kristiyano at sa iba na nakikilala ko?’18. Ayon sa Zacarias kabanata 14, ano ang mangyayari sa hinaharap?
18 Tinukoy ni Zacarias ang pagkawasak ng Babilonyang Dakila na susundan naman ng digmaan ng Armagedon. Mababasa natin: “Iyon ay magiging isang araw na kilala bilang nauukol kay Jehova. Hindi magiging araw, ni magiging gabi man; at mangyayari nga na sa bandang gabi ay magliliwanag.” Oo, ang araw ni Jehova ay tunay na magiging isang madilim at malagim na araw para sa kaniyang mga kaaway sa lupa! Pero para sa tapat na mga mananamba ni Jehova, ito ay magiging isang panahon ng patuluyang liwanag at lingap. Inilarawan din ni Zacarias kung paano ipahahayag ng lahat ng nasa bagong sanlibutan ang kabanalan ni Jehova. Ang tunay na pagsamba sa dakilang espirituwal na templo ng Diyos ang magiging tanging anyo ng pagsamba sa lupa. (Zacarias 14:7, 16-19) Isa nga itong kapana-panabik na garantiya! Mararanasan natin ang katuparan ng hula at masasaksihan ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova. Isa nga itong pambihirang araw na nauukol kay Jehova!
Mga Namamalaging Pagpapala
19, 20. Bakit nakapagpapasigla sa iyo ang Zacarias 14:8, 9?
19 Pagkatapos ng kamangha-manghang tagumpay na iyan, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay ikukulong sa kalaliman, sa isang di-aktibong kalagayan. (Apocalipsis 20:1-3, 7) Pagkatapos, dadaloy ang mga pagpapala sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Ganito ang sinasabi ng Zacarias 14:8, 9: “Mangyayari sa araw na iyon na ang tubig na buháy ay lalabas mula sa Jerusalem, ang kalahati nito ay patungo sa silanganing dagat at ang kalahati nito ay patungo sa kanluraning dagat. Sa tag-araw at sa taglamig ay mangyayari ito. At si Jehova ay magiging hari sa buong lupa. Sa araw na iyon si Jehova ay magiging iisa, at ang kaniyang pangalan ay iisa.”
20 Ang “tubig na buháy,” o “ilog ng tubig ng buhay,” na lumalarawan sa mga paglalaan ni Jehova ukol sa buhay, ay patuloy na dadaloy mula sa sentro ng Mesiyanikong Kaharian. (Apocalipsis 22:1, 2) Makikinabang ang malaking pulutong ng mga mananamba ni Jehova, na nakaligtas sa Armagedon, sa pamamagitan ng kanilang paglaya mula sa hatol na kamatayan dahil kay Adan. Maging ang mga patay ay makikinabang din sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Sa gayon ay magsisimula ang isang bagong yugto ng pamamahala ni Jehova sa buong lupa. Kikilalanin si Jehova ng mga tao sa buong lupa bilang Soberano ng Sansinukob, ang tanging isa na dapat sambahin.
21. Ano ang dapat nating maging kapasiyahan?
21 Batay sa lahat ng inihula nina Hagai at Zacarias at sa lahat ng natupad na, may matibay tayong dahilan upang ipagpatuloy ang gawaing iniatas sa atin ng Diyos sa makalupang looban ng kaniyang espirituwal na templo. Hangga’t hindi pa napasasakdal ang tunay na pagsamba, magsikap sana tayong lahat na palaging unahin sa ating buhay ang kapakanan ng Kaharian. Hinihimok tayo ng Zacarias 8:9: “Magpakalakas ang inyong mga kamay, kayo na nakaririnig sa mga araw na ito ng mga salitang ito mula sa bibig ng mga propeta.”
Naaalaala Mo Ba?
• Anong katulad na pangyayari sa kasaysayan ang dahilan kung bakit mahalaga sa ngayon ang mga aklat ng Hagai at Zacarias?
• Anong aral hinggil sa ating mga priyoridad ang matututuhan natin mula kina Hagai at Zacarias?
• Bakit ang pagsasaalang-alang sa Hagai at Zacarias ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang umasa sa hinaharap?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Pinasigla nina Hagai at Zacarias ang mga Judio na gumawa nang buong-kaluluwa upang tumanggap ng pagpapala
[Mga larawan sa pahina 27]
Ikaw ba ay ‘tumatakbo para sa iyong sariling bahay’?
[Larawan sa pahina 28]
Nangako si Jehova ng pagpapala, at ipinagkaloob niya ito