Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Natatandaan Mo Ba?

Nakinabang ka ba sa pagbabasa sa katatapos na mga isyu ng Ang Bantayan? Tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:

Anu-ano ang ilang dahilan kung bakit palasak ang kasamaan sa ngayon?

Ang isang sanhi ng masasamang gawa ay ang hilig ng tao sa kasamaan. (Genesis 8:21) Gayundin, karamihan sa mga tao ay walang tumpak na kaalaman hinggil sa kalooban ng Diyos. Bukod diyan, si Satanas, na pinagmulan ng kasamaan, ay patuloy na nakikialam sa mga gawain ng tao.​—1/1, pahina 4-6.

Anu-ano ang mga kapakinabangang idinudulot ng salitang binigkas sa tamang panahon? (Kawikaan 12:25)

Maaari itong magbigay ng kumpiyansa sa pinapurihan, makapagpapasigla at makagaganyak ito sa kaniya, at maipadarama nito na siya ay pinahahalagahan. Gayundin, habang sinisikap nating papurihan ang iba, matutulungan tayo nito na makita ang kanilang positibong mga katangian.​—1/1, pahina 16-17.

Ano ang laman ng kaban ng tipan?

Nasa loob nito ang dalawang tapyas na bato ng Kautusan at kaunting manna. Pagkatapos ng paghihimagsik ni Kora, inilagay sa Kaban ang tungkod ni Aaron upang magsilbing patotoo laban sa salinlahing iyon. (Hebreo 9:4) Posibleng inalis sa Kaban ang tungkod at ang manna bago ialay ang templo ni Solomon.​—1/15, pahina 31.

Bakit kailangang magdala ng kahoy sa templo ang mga Judio noong panahon ni Nehemias?

Hindi ipinag-utos sa Kautusang Mosaiko ang paghahandog ng kahoy. Subalit noong panahon ni Nehemias, kailangang patuloy ang suplay ng kahoy para sa pagsusunog ng mga hain sa altar.​—2/1, pahina 11.

Ano ang Muratorian Fragment?

Bahagi ito ng manuskritong Latin. Ang teksto ay orihinal na isinulat sa wikang Griego noong huling bahagi ng ikalawang siglo C.E. Makikita rito ang pinakamatanda at kinikilalang listahan ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, gayundin ang mga komento tungkol sa mga aklat at sa mga manunulat nito.​—2/15, pahina 13-14.

Bakit patuloy na tumanggi si Reyna Vasti ng Persia na humarap sa hari? (Esther 1:10-12)

Hindi sinasabi ng Bibliya ang kaniyang motibo. Sinasabi ng ilang iskolar na tumanggi siya sapagkat ayaw niyang mabawasan ang kaniyang dignidad yamang mga lasing na panauhin ng hari ang makakasama niya. O marahil ay talagang hindi mapagpasakop ang magandang reynang ito, kaya masamang halimbawa siya sa iba pang mga asawang babae sa Imperyo ng Persia.​—3/1, pahina 9.

Paano tayo maililigtas ng pantubos?

Ang hain ni Jesus ay makapagliligtas sa atin mula sa minanang kasalanan at makapagpapalaya sa atin mula sa nakamamatay na epekto ng kasalanan. (Roma 6:23) Ang haing ito ay naglilinis ng budhi ng tunay na mga Kristiyano. At sa pananampalataya sa pantubos, hindi na tayo nag-aalala tungkol sa ating katayuan sa harap ng Diyos. (1 Juan 2:1)​—3/15, pahina 8.

Ano ang matututuhan natin sa pagbabawal sa Kautusan na huwag pakuluan ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina? (Exodo 23:19)

Ang pagpapakulong iyon ay maaaring paganong ritwal na isinasagawa para magpasapit ng ulan. (Levitico 20:23) Inilaan ng Diyos ang gatas ng inang kambing bilang pagkain ng batang kambing at upang tumulong sa paglaki nito. Ang pagluluto sa batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina ay kawalang-galang sa itinatag ng Diyos na ugnayan ng ina at ng supling nito. Ipinakikita ng pagbabawal na ito ang magiliw na pagkamahabagin ng Diyos.​—4/1, pahina 31.