Paano Ka Makapagpapasiya Nang Ayon sa Kalooban ng Diyos?
Paano Ka Makapagpapasiya Nang Ayon sa Kalooban ng Diyos?
ISANG lalaki sa Estados Unidos ang nagpunta sa bangko dala ang tsekeng nagkakahalaga ng $25,000. Gusto sana niyang ilagay sa time deposit ang kaniyang pera. Pero pinayuhan siya ng bangkero na ipuhunan ito sa stock market, at sinabi pa nito na lumipas man ang mahabang panahon, hindi ito mawawalan ng halaga sa stock market. Ipinasiya ng lalaki na sundin ang payo. Hindi nagtagal pagkaraan nito, bumaba nang husto ang halaga ng ipinuhunan niya rito.
Ipinakikita ng karanasang ito na isang hamon ang matalinong pagpapasiya. Kumusta naman ang iba’t ibang pasiya natin sa buhay? Maraming pasiya ang maaaring mangahulugan ng tagumpay o kabiguan—at sa malao’t madali, ng buhay o kamatayan pa nga. Kung gayon, paano tayo makatitiyak na matalino ang mga pasiya natin?
“Ito ang Daan”
Sa araw-araw, nagpapasiya tayo kung ano ang ating kakainin, isusuot, pupuntahan, at iba pa. Waring maliit na bagay lamang ang ilang pasiya, ngunit baka malubha ang resulta nito. Halimbawa, ang pasiyang magsindi ng sigarilyo sa kauna-unahang pagkakataon ay maaaring humantong sa habambuhay na bisyo ng paninigarilyo. Huwag na huwag nating maliitin ang kahalagahan ng pagpapasiya sa waring di-mahahalagang bagay.
Saan kaya tayo makahahanap ng patnubay kapag nagpapasiya, kahit sa waring maliliit na bagay? Napakainam nga kung may tagapayo tayo na maaasahan natin kapag napapaharap tayo sa mahirap na pagpapasiya! May ganiyang tagapayo. Ganito ang sinasabi ng isang sinaunang aklat na may mensahe para sa atin sa ngayon: “Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.” (Isaias 30:21) Kaninong mga salita ito? At paano ka makatitiyak na maaasahan ang kaniyang patnubay?
Mababasa ang katiyakang ito sa Bibliya, na pinag-aaralan ng milyun-milyong tao at napagtanto nila na kinasihan ito ng Diyos na Jehova, ang Maylalang. (2 Timoteo 3:16, 17) Alam ni Jehova ang kayarian natin, kaya siya ang pinakamahusay na pinagmumulan ng patnubay. Maaari rin niyang alamin ang hinaharap, yamang siya “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon; ang Isa na nagsasabi, ‘Ang aking pasiya ay mananatili.’ ” (Isaias 46:10) Kaya naman, isang salmista ang nagpahayag ng ganitong pagtitiwala sa Salita ni Jehova: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Awit 119:105) Pero paano ba tayo inaakay ni Jehova sa ligtas na daan sa gitna ng maligalig na sanlibutang ito sa ngayon? Paano tayo makapagpapasiya nang ayon sa kalooban ng Diyos?
Ikapit ang mga Simulain sa Bibliya
Nagbigay ang Diyos na Jehova sa mga Kristiyano ng banal na mga simulain upang makapagpasiya sila nang tama. Ang pag-aaral ng mga simulain sa Bibliya at pagkakapit ng mga ito ay maihahalintulad sa pag-aaral ng wika at paggamit nito. Kapag naging bihasa ka na sa wika, kadalasang masasabi mo kung may mali sa gramatika ng isang tao sapagkat hindi tama sa pandinig mo ang sinasabi niya. Baka hindi mo espesipikong matukoy kung ano ang mali sa sinabi niya, pero alam mong mali iyon. Kapag nalaman mo ang mga simulain sa Bibliya at alam mong ikapit ang mga ito sa iyong sarili, kadalasang masasabi mo kung ang pasiya ay hindi angkop, o taliwas sa mga simulain ng Diyos.
Kuning halimbawa ang pagpapasiya ng isang binata hinggil sa istilo ng buhok. Walang utos sa Bibliya na espesipikong nagbabawal sa isang partikular na istilo ng buhok. Gayunman, isaalang-alang ang isang simulain sa Bibliya. Sumulat si apostol Pablo: “Nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” (1 Timoteo 2:9, 10) Bagaman para sa kababaihan ang isinulat na ito ni Pablo, kumakapit ang simulain kapuwa sa lalaki at babae. Anong simulain? Dapat makita ang kahinhinan at katinuan ng pag-iisip sa ating hitsura. Kaya maaaring itanong ng binata sa kaniyang sarili, ‘Makikita ba sa istilo ng buhok ko ang kahinhinan na angkop sa isang Kristiyano?’
At anong nakatutulong na simulain ang mapupulot ng isang kabataan mula sa sumusunod na mga salitang ito ng alagad na si Santiago? “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Ayaw man lamang isipin ng mga Kristiyano na maging kaibigan ng sanlibutan, na kaaway ng Diyos. Kung pipiliin niya ang istilo ng buhok na gusto ng kaniyang mga kaibigan, masasabi bang kaibigan siya ng Diyos o kaibigan ng sanlibutan? Magagamit ng kabataang pumipili ng istilo ng buhok ang gayong mga simulaing salig sa Bibliya upang makagawa ng matalinong pasiya. Oo, makatutulong ang mga simulain ng Diyos sa ating pagpapasiya. At kapag nasanay na tayong magpasiya batay sa makadiyos na mga simulain, magiging mas madaling gumawa ng matatalinong desisyon na walang kaakibat na masasamang bunga.
Marami tayong masusumpungang simulain sa Salita ng Diyos. Siyempre pa, baka hindi tayo makahanap ng teksto na espesipikong kumakapit sa Genesis 4:6, 7, 13-16; Deuteronomio 30:15-20; 1 Corinto 10:11) Sa pagbabasa sa gayong mga ulat at sa pagsusuri sa mga kinahinatnan nito, malalaman natin ang mga simulain ng Diyos na makatutulong sa atin sa paggawa ng mga pasiyang nakalulugod sa Diyos.
ating kalagayan. Gayunman, mababasa natin kung paano sinunod ng ilang tao ang patnubay ng Diyos at kung paano naman binale-wala ng iba ang Kaniyang mga babala. (Isang halimbawa ang maikling pag-uusap ni Jesu-Kristo at ng kaniyang apostol na si Pedro. Tinanong si Pedro ng mga taong naniningil ng dalawang drakma para sa buwis: “Hindi ba nagbabayad ang inyong guro ng buwis na dalawang drakma?” Sumagot si Pedro: “Oo.” Di-nagtagal pagkaraan nito, tinanong ni Jesus si Pedro: “Mula kanino tumatanggap ng mga impuwesto o pangulong buwis ang mga hari sa lupa? Mula sa kanilang mga anak o mula sa ibang mga tao?” Nang sabihin ni Pedro: “Mula sa ibang mga tao,” sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung gayon nga, ang mga anak ay libre sa buwis. Ngunit upang hindi natin sila matisod, pumunta ka sa dagat, maghagis ka ng kawil, at kunin mo ang unang isda na lilitaw at, kapag ibinuka mo ang bibig nito, makasusumpong ka ng isang baryang estater. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila para sa akin at sa iyo.” (Mateo 17:24-27) Anu-anong simulain ng Diyos ang matututuhan natin sa ulat na ito?
Sa pamamagitan ng sunud-sunod na tanong, tinulungan ni Jesus na mangatuwiran si Pedro: Bilang Anak ng Diyos, si Jesus ay libre sa buwis. Bagaman hindi nakuha agad ni Pedro ang puntong ito, mabait siyang tinulungan ni Jesus na maunawaan ito. Kapag nagkamali ang iba, makabubuting tularan natin si Jesus, anupat mahabagin silang pakitunguhan sa halip na ipamukha sa kanila ang pagkakamali nila o hatulan sila.
Sa gayong paraan ay naunawaan ni Pedro ang dahilan ng pagbabayad ng pangulong buwis—upang hindi makatisod sa iba. Heto pa ang isang simulain na mapupulot natin sa ulat na ito. Mas mahalaga na isaalang-alang ang budhi ng iba kaysa sa igiit ang ating mga karapatan.
Ano ang nag-uudyok sa atin na gumawa ng mga pasiyang nagpapakita ng paggalang sa budhi ng iba? Pag-ibig sa ating kapuwa. Itinuro ni Jesu-Kristo na ang pag-ibig sa ating kapuwa gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili ay pangalawa sa mahalagang utos na ibigin ang Diyos nang ating buong kaluluwa. (Mateo 22:39) Gayunman, nabubuhay tayo sa makasariling sanlibutan, at dahil makasalanan tayo, nakahilig tayong maging makasarili. Kaya upang maipakita ng isang tao ang pag-ibig sa kaniyang kapuwa gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili, kailangang baguhin niya ang kaniyang pag-iisip.—Roma 12:2.
Marami ang nakagawa na ng gayong mga pagbabago, at isinasaalang-alang nila ang iba kapag gumagawa ng mga pasiya, malalaki man o maliliit. Sumulat si Pablo: “Sabihin pa, kayo ay tinawag ukol sa kalayaan, mga kapatid; huwag lamang ninyong gamitin ang kalayaang ito bilang pangganyak para sa laman, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig ay magpaalipin kayo sa isa’t isa.” (Galacia 5:13) Paano natin ito magagawa? Isaalang-alang ang isang kabataang babae na lumipat sa isang bayan sa lalawigan upang tulungan ang mga tao na matuto hinggil sa Salita ng Diyos. Habang nakikipag-usap siya sa mga tao, natanto niyang ang kaniyang damit, bagaman mahinhin ayon sa pamantayan ng moda sa lunsod, ay nagiging usap-usapan ng bayan. Mahinhin ang kaniyang pananamit at pag-aayos, subalit ipinasiya niyang magsuot ng damit na di-gaanong makulay “upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.”—Tito 2:5.
Paano ka kaya tutugon kung mapaharap ka sa pagpapasiya may kinalaman sa iyong pag-aayos o sa iba pang bagay na nagsasangkot ng personal na kagustuhan? Makatitiyak kang malulugod si Jehova kapag nakita sa iyong mga pasiya na isinasaalang-alang mo ang budhi ng iba.
Isipin ang Pangmatagalang Epekto
Bukod sa mga simulain sa Bibliya at sa budhi ng iba, ano pa ang maisasaalang-alang natin kapag nagpapasiya? Bagaman mahirap ang landasin ng isang Kristiyano, malaki ang kalayaang ibinibigay sa kanila ng Diyos sa loob ng kaniyang itinakdang mga hangganan. (Mateo 7:13, 14) Kailangan nating pag-isipan kung paano makaaapekto ang ating mga pasiya sa ating espirituwal, mental, emosyonal, at pisikal na kapakanan sa hinaharap.
Ipagpalagay nang pinag-iisipan mong tanggapin ang isang trabaho. Baka wala namang imoral o di-angkop sa uri ng trabaho. Makadadalo ka sa mga pulong Kristiyano at mga kombensiyon. Mas malaki ang magiging sahod mo kaysa sa inaasahan mo. Pinahahalagahan ng iyong amo ang iyong kakayahan at gusto niyang magamit nang husto ang iyong potensiyal. Bukod dito, gusto mo rin naman ang trabaho. Magdadalawang-isip ka ba sa alok niya? Buweno, paano kung nakikini-kinita mong malululong ka sa trabahong ito. Sinabihan ka na hindi ka oobligahing mag-overtime. Pero handa ka bang sagarin ang iyong sarili para matapos ang isang proyekto? Hindi kaya dahil dito ay dumalas ang iyong pag-o-overtime? Hindi ka kaya malayo nang matagal sa iyong pamilya at sa bandang huli ay makaligtaan ang espirituwal na mga gawain na hindi mo dapat isaisantabi?
Isaalang-alang kung paano gumawa ng malaking pasiya si Jim hinggil sa kaniyang trabaho. Nagsumikap siya nang husto at tumaas ang kaniyang posisyon sa kompanya. Nang maglaon, naging managing director siya ng kanilang kompanya sa Silangan, chief executive officer ng kaugnay na establisimyento ng kanilang kompanya sa Estados Unidos, at miyembro ng board of directors ng kompanya nito sa Europa. Gayunman, nang humina ang ekonomiya sa Hapon, natanto niyang walang-saysay ang paghahabol sa salapi at kapangyarihan. Mabilis na naglaho ang kaniyang pinaghirapang salapi. Nawalan ng direksiyon ang kaniyang buhay. ‘Ano na kaya ang buhay ko pagkalipas ng sampung taon?’ ang tanong niya sa kaniyang sarili. Saka niya natanto na mas makabuluhan ang mga tunguhin sa buhay ng kaniyang asawa at mga anak. Matagal na silang nakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Gusto ni Jim na matamasa ang kaligayahan at kasiyahang nakikita niya sa kaniyang pamilya. Kaya nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya.
Hindi nagtagal at nakita ni Jim na nakahahadlang ang istilo ng kaniyang pamumuhay sa pagkakaroon niya ng makabuluhang buhay bilang Kristiyano. Yamang lagi siyang nagpaparoo’t parito sa Asia, Estados Unidos, at Europa, wala siyang sapat na panahon para mag-aral ng Bibliya at makisama sa kaniyang mga kapananampalataya. Kinailangan niyang magpasiya: ‘Ipagpapatuloy ko ba ang buhay na nakagawian ko na sa nakalipas na 50 taon, o babaguhin ko ito?’ Pinag-isipan niya nang may pananalangin ang magiging pangmatagalang epekto ng kaniyang pasiya at nagpasiya siyang magbitiw sa lahat ng kaniyang trabaho maliban sa isa upang magkaroon siya ng panahon para sa espirituwal na mga gawain. (1 Timoteo 6:6-8) Dahil sa kaniyang pasiya, naging mas maligaya siya at abala sa mga gawaing Kristiyano.
Malaki man o maliit, mahalaga ang iyong pasiya. Ang pasiya mo ngayon ay maaaring mangahulugan ng kabiguan o tagumpay, maging ng buhay o kamatayan sa hinaharap. Makagagawa ka ng matatalinong pasiya kung isasaalang-alang mo ang mga simulain sa Bibliya, ang budhi ng iba, at ang pangmatagalang mga epekto ng iyong mga kilos. Magpasiya ayon sa kalooban ng Diyos.
[Larawan sa pahina 13]
Maaaring may malubhang resulta ang waring maliliit na pasiya
[Larawan sa pahina 14]
Paano siya matutulungan ng mga simulain sa Bibliya upang matalinong makapagpasiya?
[Larawan sa pahina 15]
Mahabaging kinausap ni Jesus si Pedro