Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Kang Matakot—Si Jehova ay Sumasaiyo!

Huwag Kang Matakot—Si Jehova ay Sumasaiyo!

Huwag Kang Matakot​—Si Jehova ay Sumasaiyo!

MAHIGIT 50 taon na ang nakararaan, hindi pa natatagalan matapos sumabog ang kauna-unahang bomba nuklear, ganito ang sinabi ng siyentipikong nanalo ng Nobel Prize na si Harold C. Urey hinggil sa kinabukasan: “Tayo’y kakain sa takot, matutulog sa takot, mamumuhay sa takot, at mamamatay sa takot.” Talaga ngang lipos ng takot ang ating daigdig sa ngayon, at hindi ito kataka-taka! Araw-araw na ibinabalita sa mga pahayagan ang nakapangingilabot na mga ulat ng terorismo, mararahas na krimen, at kakaibang mga sakit.

Bilang mga Kristiyano, alam natin ang kahulugan ng mga kalagayang ito. Ipinahihiwatig nito na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng balakyot na sistemang ito, na ayon sa hula sa Bibliya ay magiging “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Kaya naman napatitibay ang ating pagtitiwala na malapit nang pairalin ng Diyos na Jehova ang bagong sanlibutan kung saan tatahan ang katuwiran. (2 Pedro 3:13) Samantala, hindi na ba tayo nakadarama ng takot?

Ang Takot at ang mga Lingkod ng Diyos

Sina Jacob, David, at Elias ay kabilang sa mga lingkod ni Jehova na nakadama rin ng takot nang mapaharap sila sa mapanganib na mga situwasyon. (Genesis 32:6, 7; 1 Samuel 21:11, 12; 1 Hari 19:2, 3) Hindi nagkulang ng pananampalataya ang mga lalaking ito. Sa kabaligtaran, nagpakita pa nga sila ng di-natitinag na pagtitiwala kay Jehova. Gayunpaman, sina Jacob, David, at Elias ay mga tao lamang; kaya natatakot din sila. “Si Elias ay isang taong may damdaming tulad ng sa atin,” ang sulat ng alagad na si Santiago.​—Santiago 5:17.

Baka nangangamba rin tayo kapag pinag-iisipan natin ang isang problemang napapaharap o maaaring mapaharap sa atin. Likas lamang ang gayong takot. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na determinado si Satanas na Diyablo na “makipagdigma” sa mga “tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 12:17) Bagaman espesipikong tumutukoy ang mga salitang iyon sa mga pinahirang Kristiyano, sumulat si Pablo: “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Pero hindi naman tayo dapat madaig ng takot kapag napapaharap sa mga problema. Bakit?

“Isang Diyos ng mga Gawa ng Pagliligtas”

Ganito ang isinulat ng salmistang si David: “Ang tunay na Diyos para sa atin ay isang Diyos ng mga gawa ng pagliligtas.” (Awit 68:20) Paulit-ulit na ipinakita ni Jehova ang kaniyang kakayahang iligtas ang kaniyang bayan, ito man ay sa pamamagitan ng pagliligtas sa kanila sa mapanganib na mga situwasyon o sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng lakas upang makapagbata. (Awit 34:17; Daniel 6:22; 1 Corinto 10:13) Sa iyong pag-aaral ng Bibliya, gaano karami sa gayong mga “gawa ng pagliligtas” ang natatandaan mo?

Gamit ang Watch Tower Publications Index, * bakit hindi saliksikin ang tunay-sa-buhay na mga pangyayari na gaya ng pangglobong Delubyo noong panahon ni Noe, ang pagliligtas kay Lot at sa kaniyang mga anak na babae sa Sodoma at Gomorra, ang Pag-alis ng Israel sa Ehipto at ang pagtawid nila sa Dagat na Pula, o ang nabigong pakana ni Haman na lipulin ang mga Judio? Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa kapana-panabik na mga ulat na ito ay magpapatibay ng iyong pananampalataya na si Jehova ay isang Diyos ng mga gawa ng pagliligtas. At ito naman ang tutulong sa iyo na haraping walang takot ang mga pagsubok sa iyong pananampalataya.

Makabagong-Panahong mga Halimbawa

May naiisip ka bang makabagong-panahong mga halimbawa ng pagbabata sa inyong lugar? Baka may isang nabilanggo dahil sa kaniyang tapat na landasin. Baka may kakilala kang may-edad nang Kristiyano na naglilingkod kay Jehova sa kabila ng mahinang pangangatawan. O baka may naiisip kang mga kabataang nananatiling hiwalay sa sanlibutan sa kabila ng matinding panggigipit ng kanilang mga kamag-aral. Nariyan din ang nagsosolong mga magulang, na nagpapalaki ng mga anak nang walang katuwang, o ang mga walang asawa na naglilingkod kay Jehova sa kabila ng nadarama nilang kalungkutan. Ano ang matututuhan mo sa kanila? Ang pagbubulay-bulay sa kanilang tapat na landasin ay tutulong sa iyo na magbata at manatiling walang takot sa kabila ng anumang pagsubok na maaaring dumating sa iyo.

Kailangan ang kawalan ng takot hindi lamang kapag napapaharap tayo sa pagsalansang o pag-uusig kundi gayundin kapag nag-aalinlangan na tayo sa pag-ibig ni Jehova sa atin. Kailangan nating linangin ang pagtitiwala na ang pantubos ni Kristo ay kumakapit sa atin bilang mga indibiduwal. (Galacia 2:20) Sa gayon ay makalalapit tayo kay Jehova nang walang di-wastong pagkatakot o panghihilakbot. Kung nadarama natin na hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig ni Jehova, maaari nating bulay-bulayin ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.”​—Mateo 10:29-31.

Kadalasan nang naglalathala ang mga magasing Bantayan at Gumising! ng mga karanasan ng makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova na walang-takot na humarap sa mga hamon. Hindi naman ito nangangahulugang hindi na sila kailanman nalungkot o nabalisa sa kanilang mahirap na kalagayan. Pero hindi nila hinayaan ang gayong mga damdamin na pigilin sila sa paglilingkod kay Jehova. Ang inilathalang mga karanasan nila ay makatutulong sa iyo na magbata rin nang walang takot. Isaalang-alang ang dalawang halimbawa.

Binago ng Isang Pinsala ang Kaniyang Buhay

Ang Abril 22, 2003 na isyu ng Gumising! ay may artikulong “Kung Paano Binago ng Isang Pinsala ang Aking Buhay.” Dito, binuod ni Stanley Ombeva, isang Saksi ni Jehova sa Kenya, ang mga hamong napaharap sa kaniya nang mahagip siya ng isang rumaragasang sasakyan. Dahil sa paghina ng kalusugan niya, nawalan siya ng trabaho at lahat ng mga benepisyo. “Habang unti-unti kong nauunawaan ang kalubhaan ng aking kalagayan,” ang pag-amin ni Brother Ombeva sa kaniyang salaysay, “ako ay naging negatibo, makasarili, at mainisin. Kung minsan, galít ako at masama ang loob.” Sa kabila ng masaklap na nangyari sa kaniya, nanatiling walang takot ang Kristiyanong lalaking ito. Hindi siya nadaig at lubusang napasuko ng pagkabigo. Sa halip, nanalig siya kay Jehova. “Lagi niya akong inaalalayan sa lahat ng pinagdaraanan ko​—labis-labis, anupat nahihiya ako sa aking sarili kung minsan,” ang sabi ni Brother Ombeva. “Gumawa ako ng matatag na paninindigan na basahin at bulay-bulayin ang mga kasulatan na alam kong makaaaliw sa aking kalagayan.”

Ang prangkang mga komento ni Brother Ombeva ay nakatulong sa maraming iba pa na mabata ang mga pagsubok nang walang takot. “Napaiyak ako nang mabasa ko ang artikulong ito,” ang isinulat ng isang Kristiyanong sister. “Nadama ko na sa pamamagitan ng artikulong ito, ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pagmamahal at maibiging pangangalaga at pinaglalaanan niya ako ng kaaliwan.” Ganito ang isinulat ng isa pang Saksi: “Ang mga artikulong gaya nito ay nagbibigay ng malaking pampatibay-loob sa amin na nasa gayunding kalagayan at tahimik na nagtitiis.”

Daigin ang Paghihirap ng Kalooban

Ang isa pang nakaaantig na karanasan ay yaong kay Herbert Jennings, na isinalaysay sa artikulong “Hindi Ninyo Nalalaman Kung Ano ang Magiging Buhay Ninyo Bukas.” * May bipolar disorder si Brother Jennings. Noong nagsisimula pa lamang ang kaniyang sakit, ganito ang sabi niya: “Talagang kailangang makipagpunyagi para lamang makadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Gayunman, lubos akong kumbinsido sa kahalagahan ng espirituwal na pakikipagsamahan. Upang makayanan ito, karaniwan nang pumapasok ako sa Kingdom Hall pagkatapos na makaupo ang mga tao at umaalis ako bago pa sila magtayuan sa katapusan ng programa.”

Mahirap ding mangaral. “Kung minsan, kahit na kararating pa lamang sa isang bahay, nawawalan ako ng lakas ng loob na tumimbre man lamang sa pintuan,” ang salaysay ni Brother Jennings. “Gayunman, hindi ako sumusuko dahil natanto ko na ang ating ministeryo ay nangangahulugan ng kaligtasan sa ating sarili at sa sinumang tutugon nang may pagsang-ayon. (1 Timoteo 4:16) Pagkatapos ng ilang sandali, makokontrol ko na ang aking emosyon, pupunta sa susunod na pintuan, at susubok muli. Sa pamamagitan ng patuluyang pakikibahagi sa ministeryo, napanatili kong nasa kainaman ang aking espirituwal na kalusugan, at iyan ang nagpalakas sa aking kakayahan na makayanan ang aking karamdaman.”

Ang prangkang salaysay ni Brother Jennings ay nakatulong sa maraming mambabasa na harapin ang kanilang mabibigat na problema nang walang takot. Halimbawa, ganito ang isinulat ng isang Kristiyanong sister: “Sa loob ng 28 taóng pagbabasa ko ng mga magasing Bantayan at Gumising!, ngayon lamang ako naantig nang ganito nang basahin ko ang artikulong ito. Kinailangan kong huminto sa buong-panahong paglilingkod at nakokonsiyensiya ako nang husto, dahil iniisip kong nakapagpatuloy sana ako kung nagkaroon lamang ako ng higit na pananampalataya. Nang mabasa kong kinailangan ni Brother Jennings na huminto sa isang atas upang magpagaling, natulungan akong malasin ang aking situwasyon sa timbang na paraan. Talagang sagot ito sa mga panalangin ko!”

Katulad din nito ang isinulat ng isang Kristiyanong kapatid na lalaki: “Matapos maglingkod bilang elder sa kongregasyon sa loob ng sampung taon, kinailangan kong bitiwan ang aking pribilehiyo dahil sa sakit sa isip. Gayon na lamang ang kabiguan ko anupat madalas na lumung-lumo ako tuwing nagbabasa ako ng mga artikulo hinggil sa talambuhay, na kadalasang nagsasalaysay ng mga pambihirang nagawa ng bayan ni Jehova. Subalit napasigla ako ng pagtitiyaga ni Brother Jennings. Maraming beses ko nang nabasa ang artikulong ito.”

Magpatuloy Nang May Pagtitiwala

Tulad nina Brother Ombeva at Brother Jennings, maraming Saksi ni Jehova ang patuloy na sumasamba sa Diyos na Jehova nang walang takot sa kabila ng mga hadlang na nakapanghihina ng loob. Kung kabilang ka sa kanila, karapat-dapat kang papurihan. Makatitiyak ka: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”​—Hebreo 6:10.

Kung paanong tinulungan ni Jehova ang kaniyang tapat na bayan noong sinaunang panahon upang lupigin ang kanilang mga kaaway, matutulungan ka rin niya na mapagtagumpayan ang anumang hadlang na maaaring mapaharap sa iyo. Kaya isapuso mo ang mga salitang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”​—Isaias 41:10.

[Mga talababa]

^ par. 9 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga larawan sa pahina 16]

Tulad nina Stanley Ombeva (itaas) at Herbert Jennings (kanan), marami ang naglilingkod kay Jehova nang walang takot

[Picture Credit Line sa pahina 14]

USAF photo