Nabago ang Aking Buhay Nang Malaman Ko Kung Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa
Nabago ang Aking Buhay Nang Malaman Ko Kung Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa
AYON SA SALAYSAY NI HARRY PELOYAN
Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa? Bata pa ako’y binabagabag na ako ng tanong na ito. Masipag, tapat, at mapagmahal sa pamilya ang aking mga magulang. Pero hindi gaanong relihiyoso ang aking nanay, at lalo naman si Itay. Kaya hindi nila masagot ang tanong na iyon.
LALO kong pinag-isipan ang tanong na iyon nang sumiklab at matapos ang Digmaang Pandaigdig II, noong naglilingkod ako sa Hukbong-Dagat ng Estados Unidos sa loob ng mahigit tatlong taon. Pagkatapos ng digmaan, idinestino ako sa isang barko na ipinadala sa Tsina upang maghatid ng mga suplay bilang tulong. Namalagi ako roon nang halos isang taon at nasaksihan ko ang matinding pagdurusa ng napakaraming tao.
Masisipag at matatalino ang mga Tsino. Pero marami ang dumaranas ng matinding kahirapan dahil sa karukhaan pati na sa karahasang idinulot ng Digmaang Pandaigdig II. Lalo akong naantig sa magagandang bata, karamihan ay payat at gula-gulanit ang damit, na namamalimos sa amin kapag dumadaong kami.
Bakit Kaya?
Ipinanganak ako noong 1925 at lumaki sa California, E.U.A. Ngayon ko lamang nasaksihan ang ganitong kalagayan. Kaya paulit-ulit kong itinatanong sa sarili ko, ‘Kung may makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang, bakit niya pinahihintulutang danasin ng napakaraming tao, lalo na ng inosenteng mga bata, ang gayong mga kalagayan?’
Nagtataka rin ako kung bakit pinahihintulutan
ng Diyos, kung talagang mayroon man, ang ganitong pagkawasak, lansakang pagpatay, kamatayan, at pagdurusa na gaya ng dinaranas ng sangkatauhan sa loob ng maraming siglo—lalo na noong Digmaang Pandaigdig II, na doo’y mahigit 50 milyon katao ang namatay. Bukod diyan, sa panahon ng digmaang iyon, bakit ang magkakarelihiyon, na sinulsulan ng kanilang klero, ay nagpapatayan dahil lamang sa magkaiba ang kanilang nasyonalidad?Ang Teleskopyo
Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939 at napakaraming tao ang namatay, naisip kong walang Diyos. Pagkatapos, sa kurso namin sa siyensiya noong haiskul, bawat isa sa amin na mga estudyante ay hinilingang bumuo ng isang instrumento sa siyensiya. Yamang interesado ako sa astronomiya, sinimulan kong bumuo ng malaking reflecting telescope na may salamin na 20 sentimetro ang diyametro.
Para mabuo ang teleskopyong ito, bumili ako ng isang piraso ng salamin na mahigit 2.5 sentimetro ang kapal at 20 sentimetro ang lapad at binilog ko ito sa pamamagitan ng pamutol ng salamin. Saka ko sinimulan ang nakapapagod na manu-manong pagliliha rito upang maging malukong na salamin. Diyan naubos ang lahat ng libreng panahon ko sa buong semester. Nang matapos na ang salamin, ikinabit ko ito sa isang mahabang tubong metal at nilagyan ang teleskopyo ng mga lente na may iba’t ibang grado.
Isang gabing maaliwalas at walang buwan, inilabas ko sa kauna-unahang pagkakataon ang nabuo kong teleskopyo at ipinokus ito sa mga bituin at sa mga planeta sa ating sistema solar. Namangha ako sa dami ng mga bagay sa kalangitan at sa napakahusay na pagkakaorganisa sa mga ito. At nang malaman kong ang ilan sa mga “bituing” ito ay mga galaksi pala na gaya ng ating Milky Way, na may bilyun-bilyong bituin, lalo pa akong namangha.
‘Tiyak na hindi nagkataon lamang ang lahat ng ito,’ ang naisip ko. ‘Walang anumang bagay na organisado ang basta na lamang lumitaw. Napakaorganisado ng uniberso anupat parang ginawa ito ng isang henyo. Mayroon nga kayang Diyos?’ Dahil sa karanasan ko sa teleskopyong iyon, isinaisantabi ko ang dogmatiko at ateistikong pananaw na dati kong pinaninindigan.
Saka ko tinanong ang aking sarili: ‘Kung talaga ngang may Diyos na sapat ang kapangyarihan at talino para lalangin ang kamangha-manghang unibersong ito, hindi niya kaya maitutuwid ang kahabag-habag na situwasyon sa lupa? Unang-una, bakit kaya niya pinahintulutan ang lahat ng kalungkutang ito?’ Kapag itinatanong ko ang mga ito sa relihiyosong mga tao, wala silang maibigay na kasiya-siyang sagot.
Pagkatapos ng haiskul at ng ilang taon sa kolehiyo, umanib ako sa Hukbong-Dagat ng Estados Unidos. Gayunman, hindi rin talaga masagot ng mga pari sa militar ang aking mga tanong. Kadalasan nang ganito ang sinasabi ng relihiyosong
mga tao, “Mahirap maunawaan ang mga daan ng Diyos.”Nagpatuloy Ako sa Paghahanap
Pagkaalis ko sa Tsina, pinag-iisipan ko pa rin kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Hindi ito maalis sa isip ko, lalo na nang makita ko ang mga sementeryo ng militar sa iba’t ibang isla sa Pasipiko na dinaungan namin noong pauwi na kami. Halos lahat ng nakalibing doon ay mga kabataang nasa kasariwaan pa lamang ng buhay.
Nang bumalik ako sa Estados Unidos at matapos na ang paglilingkod ko sa hukbong-dagat, isang taon pa ang kailangan para tapusin ang aking pag-aaral sa Harvard University sa Cambridge, Massachusetts. Nakapagtapos ako makalipas ang taóng iyon at nakuha ko ang aking titulo, pero hindi pa ako umuwi noon sa California. Ipinasiya kong manatili muna sa Silangang Baybayin ng Estados Unidos upang hanapin ang mga sagot sa aking mga tanong. Plano ko noon na pumunta sa New York City, kung saan maraming relihiyon, upang dumalo sa ilang relihiyosong serbisyo at makita kung ano ang itinuturo roon.
Sa New York, inanyayahan ako ng aking tiyahin, si Isabel Kapigian, na manuluyan sa kanila. Siya at ang kaniyang dalawang anak, sina Rose at Ruth, ay mga Saksi ni Jehova. Dahil hindi ko inisip na magugustuhan ko ang kanilang mga paniniwala, dumalo ako sa serbisyo ng ibang relihiyon, nakipag-usap sa mga naroroon, at nagbasa ng kanilang mga literatura. Tinatanong ko sila kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, pero hindi rin nila alam ang sagot. Naisip ko tuloy na talaga nga sigurong walang Diyos.
Nasumpungan Ko ang mga Sagot
Isang araw, tinanong ko ang aking tiyahin at ang kaniyang mga anak kung puwede kong basahin ang ilan sa kanilang literatura upang malaman ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova. Nang basahin ko ang kanilang mga publikasyon, agad kong napansin na ibang-iba ang mga Saksi sa ibang relihiyon. Ang mga sagot ay galing sa Bibliya at talagang kasiya-siya. Di-nagtagal, nasagot ang mga tanong ko kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa.
Hindi lamang iyan, nakita ko rin sa pamumuhay ng mga Saksi ni Jehova na ikinakapit nila ang kanilang salig-Bibliyang mga sagot. Halimbawa,
tinanong ko ang aking tiyahin kung ano ang ginawa ng mga kabataang lalaking Saksi ni Jehova sa Alemanya noong Digmaang Pandaigdig II. Umanib ba sila sa sandatahang lakas doon, nagsabi ng “Heil Hitler!,” at sumaludo sa bandilang swastika? Sinabi niyang hindi nila ginawa iyon. At dahil sa kanilang neutral na paninindigan, dinala sila sa mga kampong piitan, kung saan marami sa kanila ang pinatay. Ipinaliwanag niya na noong panahon ng digmaan, iisa ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova saanmang lugar—ang pagiging neutral. Kahit sa mga bansang demokratiko, ikinulong ang mga kabataang lalaking Saksi ni Jehova dahil sa kanilang neutral na paninindigan.Saka hiniling ng aking tiyahin na basahin ko ang Juan 13:35, na nagsasabi: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” Ang mga tunay na Kristiyano ay dapat na may gayong tanda ng pag-ibig saanmang bansa sila nakatira. Hindi sila kailanman papanig sa alinmang nagdidigmaang pangkat, na nagpapatayan dahil lamang magkaiba ang kanilang nasyonalidad! Nagtanong siya: “Maiisip mo ba si Jesus at ang kaniyang mga alagad na may kinakampihan sa mga pakikidigma ng Roma, at nagpapatayan?”
Ipinabasa rin sa akin ang 1 Juan 3:10-12. Sinasabi nito: “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa bagay na ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa paggawa ng katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos, ni siya man na hindi umiibig sa kaniyang kapatid. . . . Dapat tayong magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa; hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid.”
Maliwanag ang sinasabi ng Bibliya. Iniibig ng mga tunay na Kristiyano ang isa’t isa, saanmang bansa sila nakatira. Dahil dito, hindi nila kailanman papatayin ang kanilang sariling espirituwal na mga kapatid ni ang sinuman. Kaya naman masasabi ni Jesus hinggil sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.”—Juan 17:16.
Kung Bakit Pinahihintulutan
Di-nagtagal, nalaman ko na sinasabi sa atin ng Bibliya kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Ipinaliliwanag nito na nang lalangin ng Diyos ang ating unang mga magulang, ginawa niya silang sakdal at inilagay sila sa paraisong hardin. (Genesis 1:26; 2:15) Binigyan din niya sila ng napakagandang regalo—ang kalayaang magpasiya. Pero kailangan nilang gamitin ang kakayahang iyon sa responsableng paraan. Kung susundin nila ang Diyos at ang kaniyang mga batas, patuloy silang mabubuhay nang sakdal sa paraiso. Palalawakin nila ang mga hangganan ng paraisong iyon hanggang sa saklawin nito ang buong lupa. Magiging sakdal din ang kanilang mga supling, upang ang lupang ito sa kalaunan ay maging maluwalhating paraiso na tinitirhan ng sakdal at maliligayang tao.—Genesis 1:28.
Gayunman, kung pipiliin nina Adan at Eva na magsarili at humiwalay sa Diyos, hindi na niya sila pananatilihing sakdal. (Genesis 2:16, 17) Kawawang sangkatauhan, inabuso ng ating unang mga magulang ang kanilang kalayaang magpasiya at pinili nilang maging hiwalay sa Diyos. Inudyukan sila ng mapaghimagsik na espiritung nilalang na nakilala bilang Satanas na Diyablo. Inimbot niya ang kalayaan mula sa Diyos at ang pagsambang nararapat lamang sa Diyos.—Genesis 3:1-19; Apocalipsis 4:11.
Kaya si Satanas ay naging “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Tinawag ni Jesus si Satanas na “tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30) Ang pagsuway ni Satanas at ng ating unang mga magulang ay nagdulot ng di-kasakdalan, karahasan, kamatayan, pagkalumbay, at pagdurusa sa buong sangkatauhan.—Roma 5:12.
‘Hindi sa Tao’
Upang ipakita kung ano ang magiging epekto sa pamilya ng tao ng pagwawalang-bahala sa mga kautusan ng Maylalang, pinahintulutan ng Diyos na maranasan ng tao ang mga epekto nito sa loob ng libu-libong taon. Ang yugtong ito ng panahon ay naglaan ng sapat na pagkakataon sa buong sangkatauhan na makita ang katotohanan ng sinasabi sa Bibliya: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, O Jehova.”—Jeremias 10:23, 24.
Ngayon, pagkalipas ng napakaraming siglo, nakita nating bigo ang pamamahalang hiwalay sa Diyos. Kaya nilayon ng Diyos na wakasan ang kapaha-pahamak na pag-eeksperimento ng mga tao sa paghiwalay sa kaniya at sa kaniyang mga kautusan.
Kamangha-manghang Kinabukasan
Ipinakikita ng hula sa Bibliya na napakalapit nang wakasan ng Diyos ang marahas at malupit na sistemang ito ng mga bagay: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11.
Sinasabi sa hula ng Daniel 2:44: “Sa mga araw ng mga haring iyon [lahat ng anyo ng pamamahalang umiiral ngayon] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Hindi na muling pahihintulutang mamahala ang tao. Ang buong lupa ay pamamahalaan ng Kaharian ng Diyos. Sa ilalim ng pangangasiwa nito, ang buong lupa ay gagawing paraiso at magiging sakdal ang mga tao upang mabuhay magpakailanman sa kaligayahan. Nangangako ang Bibliya: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Talagang kamangha-manghang kinabukasan ang inilalaan sa atin ng Diyos!
Naiibang Buhay
Nabago ang aking buhay nang masumpungan ko ang kasiya-siyang sagot sa aking mga tanong. Mula noon, gusto ko nang maglingkod sa Diyos at tulungan ang iba na masumpungan ang mga sagot na ito. Naunawaan ko ang kahalagahan ng sinasabi sa 1 Juan 2:17: “Ang sanlibutan [kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay na pinamamahalaan ni Satanas] ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” Gustung-gusto kong mabuhay nang walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ipinasiya kong manatili sa New York at umugnay sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova roon, at nagkaroon ako ng maraming magagandang karanasan sa pagtulong sa iba na malaman ang aking mga natututuhan.
Noong 1949, nakilala ko si Rose Marie Lewis. Siya, ang kaniyang inang si Sadie, at ang kaniyang anim na kapatid na babae ay pawang mga Saksi ni Jehova. Si Rose ay naglilingkod sa Diyos nang buong panahon sa gawaing pangangaral. Marami siyang magagandang katangian, at nagustuhan ko siya agad. Nagpakasal kami noong Hunyo 1950 at namalagi sa New York. Maligaya kami sa ginagawa namin at nagagalak kami sa pag-asang mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos.
Noong 1957, kami ni Rose Marie ay inanyayahang maglingkod nang buong panahon sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Pagsapit ng Hunyo 2004, 54 na taon na kami sa maligayang pagsasama bilang mag-asawa, at 47 rito ay sa punong-tanggapan
sa Brooklyn. Pinagpalang mga taon ito ng paglilingkod kay Jehova at paggawang kasama ng libu-libong mga kapananampalataya.Ang Pinakamasaklap Kong Pagdurusa
Nakalulungkot, sa pagsisimula ng Disyembre 2004, natuklasang may kanser si Rose Marie sa isa sa kaniyang baga. Nagkaisa ang mga doktor na dapat alisin ang tumor dahil sa mabilis na paglaki nito. Inoperahan siya nang papatapos na ang Disyembre, at makalipas ang mga isang linggo, pumasok ang siruhano sa silid ni Rose sa ospital habang naroroon ako at nagsabi: “Rose Marie, puwede ka nang umuwi! Magaling ka na!”
Gayunman, mga ilang araw pa lamang kaming nakakauwi, nakaramdam si Rose Marie ng matinding kirot sa gawing tiyan niya at sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan. Hindi ito mawala-wala, kaya bumalik siya sa ospital para sa higit pang pagsusuri. Natuklasan nila na sa di-malamang dahilan, namumuo pala ang dugo sa ilan sa mahahalagang sangkap ng kaniyang katawan kung kaya ang mga sangkap na ito ay hindi makatanggap ng kinakailangang oksiheno. Ginawa ng mga doktor ang buong makakaya nila para lunasan ito, pero wala ring nangyari. Makalipas lamang ang ilang linggo, noong Enero 30, 2005, naranasan ko ang pinakamatinding dagok sa aking buhay. Namatay ang pinakamamahal kong si Rose Marie.
Nang panahong iyon, halos 80 taóng gulang na ako, at sa buong buhay ko ay nasaksihan ko na ang pagdurusa ng mga tao, pero iba ito. Gaya ng sabi ng Bibliya, “isang laman” kami ni Rose Marie. (Genesis 2:24) Nasaksihan ko ang pagdurusa ng iba at nagdusa rin ako mismo nang mamatayan ako ng mga kaibigan at kamag-anak. Pero ang pagdurusang naranasan ko nang mamatay ang aking asawa ay di-hamak na mas matindi at matagal batahin. Lubos ko nang nauunawaan ngayon ang matinding lungkot na nararanasan ng pamilya ng tao sa loob ng napakahabang panahon dahil sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay.
Gayunman, nakatulong sa akin ang kaunawaan ko tungkol sa dahilan ng pagdurusa at kung paano ito magwawakas. Sinasabi sa Awit 34:18: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” Ang susi upang mabata ang pagdurusang ito ay ang malaman na itinuturo ng Bibliya na magkakaroon ng pagkabuhay-muli, na ang mga nasa libingan ay magbabalik at magkakaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sinasabi sa Gawa 24:15: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Mahal na mahal ni Rose Marie ang Diyos. Natitiyak kong gayundin siya kamahal ng Diyos at na aalalahanin Niya siya at bubuhayin siyang muli sa Kaniyang takdang oras, sana’y sa lalong madaling panahon.—Lucas 20:38; Juan 11:25.
Bagaman matindi ang kalungkutang idinudulot ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay, mas matindi ang kagalakang idudulot kapag binuhay siyang muli. (Marcos 5:42) Nangangako ang Salita ng Diyos: “Ang iyong mga patay ay mabubuhay. . . . Maging yaong mga inutil sa kamatayan ay palalaglagin ng lupa upang maipanganak.” (Isaias 26:19) Marami sa “mga matuwid” na binabanggit sa Gawa 24:15 ang malamang na unang bubuhaying muli. Tunay ngang magiging kasiya-siyang panahon iyon! At kabilang sa mga bubuhaying muli ay si Rose Marie. Tiyak na malugod siyang sasalubungin ng kaniyang mga mahal sa buhay! Kasiya-siya ngang mabuhay sa panahong iyon sa isang daigdig na walang nang pagdurusa!
[Mga larawan sa pahina 9]
Nasaksihan ko ang pagdurusa samantalang nakadestino sa Tsina
[Mga larawan sa pahina 10]
Nagsimula akong maglingkod sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn noong 1957
[Larawan sa pahina 12]
Pinakasalan ko si Rose Marie noong 1950
[Larawan sa pahina 13]
Noong ika-50 anibersaryo ng aming kasal, taóng 2000