Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa—Malapit Nang Matupad

Ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa—Malapit Nang Matupad

Ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa​—Malapit Nang Matupad

NANG sina Adan at Eva ay nasa Paraiso pa, inutusan sila ng Diyos: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.”​—Genesis 1:28.

Ang pagsupil sa lupa ay hindi lamang paglilinang o pangangalaga sa isang maliit na bahagi nito. Palalawakin nina Adan at Eva at ng kanilang mga supling ang Paraiso hanggang sa masaklaw nito ang buong globo. Gayunman, nagkasala ang unang mag-asawa at pinalayas sila sa hardin ng Eden. (Genesis 3:23, 24) Pero hindi ito nangangahulugang hindi na kailanman masusupil ang lupa.

Dahil pagpapalain sila ng Diyos, masusupil ng masunuring sangkatauhan ang lupa. Nang taglay ng bayan ng sinaunang Israel ang pagpapala ng Diyos, ang kanilang mga bukid ay nagluwal ng maiinam na tanim at ang kanilang mga puno ay nagluwal ng magagandang bunga. Iiral ang gayunding mga kalagayan habang unti-unting nagiging paraiso ang ating globo. Gaya ng ipinangako sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, “ang lupa ay tiyak na magbibigay ng bunga nito; ang Diyos, ang ating Diyos, ay magpapala sa atin.” (Awit 67:6) Sa diwa, ang mga parang at kabundukan ng lupa, ang mga punungkahoy at mga bulaklak nito, ang mga ilog at mga dagat nito ay magsasaya. (Awit 96:11-13; 98:7-9) Ang ating globo ay mananagana sa mga tanim, makukulay na ibon, kamangha-manghang mga hayop, at mapagmahal na mga tao.

Malapit Na ang Isang Bagong Sanlibutan!

Nasa bungad na tayo ngayon ng isang bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos na Jehova. “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako,” ang sulat ni apostol Pedro, “at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Pagkabasa sa mga salitang ito ni Pedro, maaaring isipin ng iba na imposibleng maging paraiso ang planetang ito. Baka isipin nila na papalitan ang pisikal na langit at lupa. Ganoon nga ba?

Ano ba ang “mga bagong langit”? Ang mga ito ay hindi ang pisikal na langit na nilalang ng Diyos. (Awit 19:1, 2) Sa naunang mga talata, tinukoy ni Pedro ang makasagisag na “mga langit”​—mga pamahalaan ng tao na itinuturing na mas mataas o dakila sa kanilang mga sakop. (2 Pedro 3:10-12) Binigo ng “mga langit” na ito ang sangkatauhan at ang mga ito ay maglalaho. (Jeremias 10:23; Daniel 2:44) Ang “mga bagong langit” na papalit sa mga ito ay ang Kaharian ng Diyos na binubuo ng haring si Jesu-Kristo at ng 144,000 kasamang tagapagmana niya na binuhay-muli tungo sa langit.​—Roma 8:16, 17; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3.

Ang “bagong lupa” na binanggit ni Pedro ay hindi isang bagong planeta. Ginawang sakdal ni Jehova ang lupa para mabuhay nang walang hanggan ang mga tao. (Awit 104:5) Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “lupa” upang tumukoy sa mga tao. (Genesis 11:1) Ang lupa na malapit nang wasakin ay binubuo ng mga taong bahagi ng napakasamang sanlibutang ito. Sa katulad na paraan, isang daigdig ng di-makadiyos na mga tao ang nilipol sa Baha noong panahon ni Noe. (2 Pedro 3:5-7) Kung gayon, ano ang “bagong lupa”? Ito ay isang bagong lipunan ng mga tao​—mga tunay na mananamba ng Diyos na ‘matuwid ang mga puso.’ (Awit 125:4; 1 Juan 2:17) Ang lahat ng batas para sa “bagong lupa” ay magmumula sa “mga bagong langit.” Titiyakin ng tapat na mga tao sa lupa na masusunod ang mga tagubiling ito.

Mga Bago at Kamangha-manghang Bagay!

Tunay na binigyan tayo ni Jehova ng isang kamangha-manghang tahanan nang ihanda niya ang lupa para tirhan ng tao. Siya mismo ang nagsabi na “napakabuti” ng kaniyang ginawa sa lupa. (Genesis 1:31) Inudyukan ni Satanas na Diyablo sina Adan at Eva na maghimagsik. (Genesis 3:1-5; Apocalipsis 12:9) Subalit di-magtatagal, titiyakin ng Diyos na matatamasa ng mga matuwid ang “tunay na buhay.” Samakatuwid nga, “buhay na walang hanggan” sa ilalim ng sakdal na kalagayan sa Paraiso. (1 Timoteo 6:12, 19) Isaalang-alang natin ngayon ang ilang pagpapala na tatamasahin sa panahong iyon.

Sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, ikukulong si Satanas at hindi makapagdudulot ng kaabahan sa mga tao. Ganito ang sinabi ni apostol Juan: “Nakita ko ang isang anghel [ang arkanghel na si Miguel, o Jesu-Kristo] na bumababa mula sa langit na taglay ang susi ng kalaliman at ang isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon.” (Apocalipsis 20:1-3; 12:12) Bukod sa kalayaan mula sa impluwensiya ni Satanas habang siya ay nasa kalaliman, matatamasa ng sangkatauhan ang maraming iba pang pagpapala sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.

Mawawala na ang kasamaan, karahasan, at digmaan. Nangangako ang Bibliya: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:10, 11, 29) ‘Patitigilin ng Diyos na Jehova ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.’ (Awit 46:9) Tunay ngang kasiya-siyang katiyakan ng katiwasayan at kapayapaan!

Magiging sagana ang nakapagpapalusog at masasarap na pagkain. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa,” ang awit ng salmista. “Sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 72:16) Sa panahong iyon, walang sinuman ang daranas ng hapdi ng pagkagutom.

Walang sinuman ang magkakasakit. Oo, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” (Isaias 33:24; 35:5, 6) Nang narito sa lupa si Jesu-Kristo, pinagaling niya ang mga ketongin, pilay, at mga bulag. (Mateo 9:35; Marcos 1:40-42; Juan 5:5-9) Gunigunihin ang gagawin niya sa bagong sanlibutan! Isip-isipin ang kaligayahang madarama kapag gumaling na ang mga bulag, bingi, pilay, at mga pipi.

Habang nagiging sakdal ang masunuring sangkatauhan, mawawala na ang masasamang epekto ng pagtanda. Hindi na kakailanganin ang mga salamin sa mata, baston, saklay, silyang de-gulong, ospital, at mga gamot. Kaylaki ngang pagbabago ang magaganap habang bumabalik ang lakas ng ating kabataan! (Job 33:25) Mula sa mahimbing na pagtulog, magigising tayo tuwing umaga na masigla at handang pasimulan ang panibagong araw ng masayang paggawa.

Ang pagkabuhay-muli ng mga mahal sa buhay at ng iba pa ay magdudulot ng kagalakan sa ating puso. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Talaga namang nakapananabik na salubungin sina Abel, Noe, Abraham, Sara, Job, Moises, Ruth, David, Elias, Esther, at marami pang iba! Bubuhayin ding muli ang milyun-milyong iba pa. Marami sa kanila ang hindi pa nakakakilala kay Jehova, pero malugod silang tatanggapin ng mga taong nananabik na magturo sa kanila hinggil sa Diyos, sa kaniyang mga layunin, at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Habang nakikilala ng mga binuhay-muli ang kanilang Maylalang, ang buong lupa ay talagang mapupuno ng kaalaman kay Jehova.

Higit sa lahat, masasamba natin magpakailanman ang tanging tunay na Diyos. Magiging pribilehiyo natin na “maglingkod . . . kay Jehova na may pagsasaya,” at magtutulung-tulong tayo sa pagtatayo ng magagandang bahay, pagbubungkal ng lupa at sa dakong huli, pagsupil sa buong lupa. (Awit 100:1-3; Isaias 65:21-24) Kayligaya ngang mabuhay magpakailanman sa isang mabunga, mapayapa, at magandang paraiso na nagpaparangal sa banal na pangalan ni Jehova!​—Awit 145:21; Juan 17:3.

Huling Pagsubok Para sa Sangkatauhan

Sa kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, gagamitin ni Jesus ang bisa ng kaniyang haing pantubos para sa kapakinabangan ng bawat masunuring tao. Sa dakong huli, mawawala na ang lahat ng kasalanan, at ang sangkatauhan ay magiging sakdal na. (1 Juan 2:2; Apocalipsis 21:1-4) Palibhasa’y lubusan nang mawawala ang mga epekto ng kasalanan ni Adan, susundin ng sakdal na mga tao ang mga pamantayan ng Diyos sa pisikal, mental, moral, at espirituwal. Sa gayon ay ‘mabubuhay’ sila sa ganap na diwa kapag naabot na nila ang kasakdalan. (Apocalipsis 20:5) Tunay ngang maluluwalhati nito at ng Paraisong lupa si Jehova!

Sa loob ng isang maikling yugto ng panahon pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, pakakawalan si Satanas na Diyablo at ang kaniyang mga demonyo, o masasamang anghel, mula sa kalaliman kung saan sila ibinulid sa loob ng mga sampung siglo. (Apocalipsis 20:1-3) Sa huling pagkakataon, pahihintulutan sila na sikaping italikod ang mga tao mula sa Diyos. Bagaman ang ilang tao ay magpapadala sa maling mga hangarin, mabibigo ang paghihimagsik na ito. Lilipulin ni Jehova ang mga makasarili pati na si Satanas at lahat ng kaniyang mga demonyo. Hinding-hindi na muling iiral ang kasamaan. Ang lahat ng gumagawa ng masama ay mawawala na magpakailanman, at ang matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.​—Apocalipsis 20:7-10.

Naroroon Ka Kaya?

Ang mga umiibig sa Diyos na Jehova ay may pag-asang magtamo ng walang-hanggang kaligayahan. Hindi magiging kabagut-bagot ang walang-hanggang buhay sa Paraiso. Sa katunayan, lalong magiging kawili-wili ang buhay sa paglipas ng panahon, sapagkat walang limitasyon sa kaalaman ng Diyos na Jehova. (Roma 11:33) Palagi kang may matututuhang bago, at magkakaroon ka ng maraming panahon upang kumuha ng kaalaman. Bakit? Dahil mabubuhay ka, hindi lamang 70 o 80 taon, kundi magpakailanman.​—Awit 22:26; 90:10; Eclesiastes 3:11.

Kung iniibig mo ang Diyos, palagi kang malulugod na gawin ang kaniyang kalooban. Sumulat si apostol Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.” (1 Juan 5:3) Kaya huwag mong hayaang mahadlangan ka ng anumang bagay upang paluguran ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano ang matuwid. Laging isaisip ang kamangha-manghang pag-asa na ibinibigay sa iyo ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Maging determinadong gawin ang kalooban ni Jehova, at huwag na huwag kang lilihis sa landasing iyan. Bilang resulta, naroroon ka kapag ang layunin ng Diyos para sa lupa ay natupad at ang ating tahanang lupa ay naging isang paraiso magpakailanman.

[Larawan sa pahina 4]

Dahil sa pagpapala ng Diyos, saganang namunga ang mga taniman ng Israel

[Larawan sa pahina 7]

Anu-anong pagpapala ang inaasahan mong matatamasa sa Paraiso?