Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?

BAKIT ka nasisiyahang maglakad sa parke o sa kaparangan na namumutiktik sa mababangong bulaklak? Bakit ka sumisigla kapag nakikita mo ang isang magandang lawa o matataas na bundok na ang mga taluktok ay umaabot sa mga ulap? Bakit ka humihinto upang makinig sa masasayang huni ng mga ibong nakadapo sa tuktok ng mga puno? At bakit ka tuwang-tuwang makita ang isang napakagandang usa na tumatalun-talon o isang kawan ng tupa na nanginginain sa parang?

Iisa lamang ang sagot sa lahat ng tanong na ito. Nilalang tayo para mabuhay sa Paraiso! Doon pinasimulan ng ating unang magulang, sina Adan at Eva, ang kanilang buhay. Namana natin sa kanila ang ating hangaring mabuhay sa Paraiso, at ang kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang nagkintal nito sa kanilang isip. Alam niya na tayong mga tao ay magiging maligaya sa Paraiso dahil nilalang niya tayo taglay ang mga katangiang kailangan natin upang masiyahan sa gayon kagandang tahanan dito sa lupa.

Bakit ba nilalang ni Jehova ang lupa? ‘Inanyuan niya ito upang tahanan’ ng sangkatauhan. (Isaias 45:18) Ipinagkaloob ng “Maylikha ng lupa” kina Adan at Eva ang isang magandang paraisong tahanan, ang hardin ng Eden. (Jeremias 10:12; Genesis 2:7-9, 15, 21, 22) Tiyak na tuwang-tuwa sila sa mga ilog, bulaklak, at punungkahoy nito! Makikita ang magagandang ibon sa himpapawid, at iba’t ibang uri ng hayop na lumilibut-libot sa lupain​—wala sa mga ito ang nagdudulot ng panganib sa mga tao. Ang mga isda at iba pang mga kinapal ay lumalanguy-langoy sa malinaw at malinis na tubig ng lupa. Higit sa lahat, magkasama sina Adan at Eva. Maaari silang magluwal ng supling at magpalawak ng kanilang tahanang Paraiso, habang tinatamasa ang masayang pagsasamahan ng kanilang lumalaking pamilya.

Bagaman hindi paraiso ang lupa ngayon, maihahambing ito sa napakagandang tahanan ng isang maligayang pamilya. Naririto sa ating bigay-Diyos na tahanang lupa ang kailangan natin​—liwanag, init, tubig, at pagkain. Tunay ngang pinahahalagahan natin ang sinag at init ng araw at ang malamlam na liwanag ng buwan sa gabi! (Genesis 1:14-18) Sa ilalim ng lupa, naroroon naman ang mga panggatong na gaya ng karbon at langis, na magagamit natin para sa pagpapainit. Dahil sa siklo ng tubig at sistema ng mga ilog, lawa, at dagat dito sa lupa, mayroon tayong tubig. At bilang pinakaalpombra, ang lupa ay may berdeng damo.

Kung paanong nakapag-iimbak ng pagkain sa bahay, saganang pagkain din naman ang makikitang nakaimbak sa lupa. Sa pamamagitan ng mga pananim sa mga bukid at ng mga prutas sa taniman, ‘binibigyan tayo ni Jehova ng mabubungang kapanahunan at lubusang pinupuno ang ating mga puso ng pagkagalak.’ (Gawa 14:16, 17) Yamang isa nang magandang tahanan ang lupa, gunigunihin kung ano ang mangyayari kapag ginawa itong paraiso ng “maligayang Diyos,” si Jehova!​—1 Timoteo 1:11.

[Picture Credit Lines sa pahina 2]

PABALAT: Lupa: NASA photo; Stars: NASA, ESA and AURA/Caltech