Handa Ka na ba Para sa Kaligtasan?
Handa Ka na ba Para sa Kaligtasan?
“Pumasok ka, ikaw at ang iyong buong sambahayan, sa loob ng arka, sapagkat ikaw ang nakita kong matuwid sa harap ko sa gitna ng salinlahing ito.”—GENESIS 7:1.
1. Anong paglalaan ukol sa kaligtasan ang ginawa ni Jehova noong panahon ni Noe?
SI Jehova ay ‘nagpasapit ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos’ noong panahon ni Noe, subalit naglaan din Siya ng kaligtasan. (2 Pedro 2:5) Ang tunay na Diyos ay nagbigay kay Noe ng malinaw na instruksiyon kung paano itatayo ang arka upang magligtas ng buhay sa pangglobong baha. (Genesis 6:14-16) Gaya ng maaasahan natin sa isang tapat na lingkod ni Jehova, “ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya.” Oo, “gayung-gayon ang ginawa niya.” Sa isang antas, buháy tayo ngayon dahil sa pagsunod na ito ni Noe.—Genesis 6:22.
2, 3. (a) Ano ang naging reaksiyon ng mga kapanahon ni Noe sa kaniyang ginagawa noon? (b) Saan nakasalig ang pagtitiwala ni Noe nang pumasok siya sa arka?
2 Hindi naging madali ang paggawa ng arka. Malamang na humanga ang marami sa ginagawa noon ni Noe at ng kaniyang pamilya. Ngunit hindi ito sapat upang makumbinsi silang pumasok sa arka upang maligtas. Nang dakong huli, naubos na rin ang pasensiya ng Diyos sa masamang sanlibutang iyon.—Genesis 6:3; 1 Pedro 3:20.
3 Matapos ang maraming dekada ng napakahirap na trabahong iyon ni Noe at ng kaniyang pamilya, sinabi ni Jehova kay Noe: “Pumasok ka, ikaw at ang iyong buong sambahayan, sa loob ng arka, sapagkat ikaw ang nakita kong matuwid sa harap ko sa gitna ng salinlahing ito.” Dahil sa pananampalataya at pagtitiwala sa salita ni Jehova, “pumasok si Noe sa arka, at kasama niya ang kaniyang mga anak at ang kaniyang asawa at ang mga asawa ng kaniyang mga anak.” Isinara ni Jehova ang pinto upang maingatan ang kaniyang mga mananamba. Nang sumapit ang Delubyo sa lupa, ang arka ang naging mapananaligang paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan.—Genesis 7:1, 7, 10, 16.
Mga Pagkakatulad ng Modernong Panahon at ng Panahon ni Noe
4, 5. (a) Sa ano inihalintulad ni Jesus ang panahon ng kaniyang pagkanaririto? (b) Anu-ano ang pagkakatulad ng panahon ni Noe at ng panahon natin sa ngayon?
4 “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:37) Ipinahiwatig ni Jesus sa mga salitang ito na ang panahon ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto ay magiging katulad noong panahon ni Noe, at gayon nga ang nangyari. Partikular na noong 1919, isang babalang mensahe na gaya ng ibinigay kay Noe ang pinasimulang ipahayag sa mga tao ng lahat ng bansa. Sa pangkalahatan, ang kanilang reaksiyon ay katulad din ng naging reaksiyon ng mga tao noong panahon ni Noe.
5 Sa pamamagitan ng Baha, kumilos si Jehova laban sa isang daigdig na “punô ng karahasan.” (Genesis 6:13) Kitang-kita ng mga tao na si Noe at ang kaniyang pamilya ay hindi nakibahagi sa gayong karahasan at sa halip, payapa silang nagpatuloy sa paggawa ng arka. May makikita rin tayo ritong pagkakatulad sa ating panahon. ‘Nakikita na ng taimtim na mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.’ (Malakias 3:18) Ang katapatan, kabaitan, kapayapaan, at kasipagang ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova ay hinahangaan ng mga walang-pinapanigang nagmamasid, at nakikita nila ang pagkakaiba ng bayan ng Diyos at ng sanlibutan sa pangkalahatan dahil sa mga katangiang ito. Umiiwas ang mga Saksi sa lahat ng uri ng karahasan at nagpapaakay sila sa espiritu ni Jehova. Kaya naman nagtatamasa sila ng kapayapaan at nagtataguyod ng matuwid na landasin.—Isaias 60:17.
6, 7. (a) Ano ang hindi naunawaan ng mga tao noong panahon ni Noe, at paano ito nakakatulad sa ngayon? (b) Anong mga halimbawa ang nagpapakitang sa pangkalahatan ay kinikilalang naiiba ang mga Saksi ni Jehova?
6 Hindi naunawaan ng mga kapanahon ni Noe na sinusuportahan ng Diyos si Noe at na sinusunod niya ang mga utos ng Diyos. Kaya binale-wala nila ang kaniyang pangangaral at hindi sila kumilos ayon sa kaniyang babalang mensahe. Kumusta naman sa ngayon? Bagaman marami ang humahanga sa gawain at paggawi ng mga Saksi ni Jehova, karamihan ay nagwawalang-bahala sa mabuting balita at sa mga babala ng Bibliya. Pinupuri ng mga kapitbahay, amo, o mga kamag-anak ang magagandang katangian ng mga tunay na Kristiyano subalit nanghihinayang, “Kung hindi sana sila mga Saksi ni Jehova!” Hindi alam ng mga nagmamasid na ito na ang mga Saksi ay may mga katangiang gaya ng pag-ibig, kapayapaan, kabaitan, kabutihan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili dahil inaakay sila ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22-25) Dapat na nakaragdag pa nga ito sa kredibilidad ng kanilang mensahe.
7 Halimbawa, sa Russia, nagtatayo noon ng isang Kingdom Hall ang mga Saksi ni Jehova. Ganito ang sinabi ng isang lalaking nakipag-usap sandali sa isa sa mga nagtatrabaho: “Ibang-iba talaga ang lugar na ito ng konstruksiyon—walang naninigarilyo, walang nagsasalita ng masama, at walang naglalasing! Mga Saksi ni Jehova ba kayo?” Tinanong siya ng nagtatrabaho, “Kung sasabihin kong hindi, maniniwala ka kaya?” Agad sumagot ang lalaki, “Aba, hindi.” Sa isa pang lunsod sa Russia, hangang-hanga ang alkalde nang makita niya ang mga Saksi na nagtatayo ng kanilang bagong Kingdom Hall. Sinabi niyang pare-pareho lamang ang tingin niya noon sa lahat ng grupo ng relihiyon, pero nang aktuwal niyang makita ang taimtim na pagsasakripisyo ng mga Saksi ni Jehova, nabago ang kaniyang pangmalas. Dalawang halimbawa lamang ito na nagpapakitang naiiba ang bayan ni Jehova sa mga hindi sumusunod sa mga pamantayan ng Bibliya.
8. Sa ano nakadepende ang ating kaligtasan sa katapusan ng napakasamang sanlibutang ito?
8 Sa huling yugto ng “sinaunang sanlibutan” na nalipol sa Baha, si Noe ay nanatiling isang tapat na “mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Sa mga huling araw na ito ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, ipinaaalam ng bayan ni Jehova ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos at ipinahahayag ang mabuting balita tungkol sa pagkakataong makaligtas tungo sa bagong sanlibutan. (2 Pedro 3:9-13) Kung paanong nakaligtas sa loob ng arka si Noe at ang kaniyang pamilyang may takot sa Diyos, ang kaligtasan ng mga indibiduwal sa ngayon ay nakadepende sa kanilang pananampalataya at sa kanilang tapat na pakikisama sa makalupang bahagi ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova.
Kailangan ang Pananampalataya Upang Makaligtas
9, 10. Bakit mahalaga ang pananampalataya upang makaligtas sa katapusan ng sistema ng mga bagay ni Satanas?
9 Ano ang dapat gawin ng isang tao upang makaligtas sa nalalapit na pagkawasak ng sanlibutang ito na nasa kapangyarihan ni Satanas? (1 Juan 5:19) Dapat muna niyang maunawaan na kailangan niya ng proteksiyon. Pagkatapos ay dapat niyang samantalahin ang proteksiyong iyon. Patuloy ang mga tao noong panahon ni Noe sa kanilang pang-araw-araw na gawain ayon sa kanilang karaniwang pamamaraan at hindi nila nakitang kailangan nila ng proteksiyon mula sa nalalapit na kapahamakan. Isang bagay ang wala sa kanila—pananampalataya sa Diyos.
10 Sa kabilang dako naman, alam ni Noe at ng kaniyang pamilya na kailangan nila ng proteksiyon at pagliligtas. May pananampalataya rin sila sa Soberano ng Sansinukob, ang Diyos na Jehova. “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [si Jehova] nang lubos,” isinulat ni apostol Pablo, “sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” Dagdag pa ni Pablo: “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka ukol sa kaligtasan ng kaniyang sambahayan; at sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.”—Hebreo 11:6, 7.
11. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng paglalaan noon ni Jehova ng proteksiyon?
11 Upang makaligtas sa katapusan ng kasalukuyang napakasamang sistema ng mga bagay, higit pa ang dapat nating gawin kaysa sa basta maniwala lamang na mawawasak ito. Dapat tayong magkaroon ng pananampalataya, anupat lubusang sinasamantala ang mga paglalaan ng Diyos para makaligtas. Mangyari pa, kailangang sumampalataya tayo sa haing pantubos ng Anak ng Diyos na si Jesu-Kristo. (Juan 3:16, 36) Gayunman, huwag nating kalilimutan na ang mga aktuwal na nasa loob lamang ng arka ni Noe ang nakaligtas sa Baha. Sa katulad na paraan, ang mga kanlungang lunsod noon sa sinaunang Israel ay naglalaan ng proteksiyon sa mga nakapatay nang di-sinasadya tangi lamang kung tatakas siya patungo sa lunsod na iyon at saka mananatili sa loob nito hangga’t hindi namamatay ang mataas na saserdote. (Bilang 35:11-32) Sa ikasampung salot sa Ehipto noong panahon ni Moises, ang mga panganay ng mga Ehipsiyo ay namatay, subalit nakaligtas ang mga panganay ng mga Israelita. Bakit? Tinagubilinan ni Jehova si Moises: “Kukuha [ang mga Israelita] ng dugo [ng kordero ng Paskuwa] at isasaboy iyon sa dalawang poste ng pinto at sa itaas na bahagi ng pintuan ng mga bahay na kanilang kakainan niyaon. . . . At walang sinuman sa inyo ang lalabas sa pasukan ng kaniyang bahay hanggang sa kinaumagahan.” (Exodo 12:7, 22) May maglalakas-loob kaya sa mga panganay ng mga Israelita na ipagwalang-bahala ang gayong mga tagubilin ng Diyos sa pamamagitan ng paglabas sa bahay na may marka ng dugong isinaboy sa dalawang poste ng pinto at sa itaas na bahagi ng pintuan?
12. Ano ang dapat itanong ng bawat isa sa kaniyang sarili, at bakit?
12 Kung gayon, dapat nating pag-isipang mabuti ang ating sariling kalagayan. Aktuwal ba tayong nasa loob ng kaayusan ni Jehova ukol sa espirituwal na proteksiyon? Kapag dumating na ang malaking kapighatian, dadaloy ang luha ng kagalakan at pasasalamat sa mukha ng mga humanap ng proteksiyong iyon. Para naman sa iba, dadaloy ang luha ng kalungkutan at pagsisisi.
Inihahanda Tayo ng Progresibong mga Pagbabago
13. (a) Anong layunin ang naisakatuparan ng mga pagbabago sa organisasyon? (b) Ipaliwanag ang ilang progresibong mga pagbabago.
13 Gumagawa si Jehova ng progresibong mga pagbabago sa makalupang bahagi ng kaniyang organisasyon. Ito’y upang pagandahin, patatagin, at patibayin ang kaniyang kaayusan para sa ating espirituwal na proteksiyon. Mula noong dekada ng 1870 hanggang 1932, ang matatanda at mga diyakono ay inihahalal ng mga miyembro ng kongregasyon. Noong 1932, ang nahalal na matatanda ay pinalitan ng isang komite sa paglilingkod na inihalal ng kongregasyon upang tumulong sa hinirang na service director. Noon namang 1938, gumawa ng mga kaayusan para sa teokratikong paghirang sa lahat ng lingkod sa kongregasyon. Simula noong 1972, sa ilalim ng patnubay ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ginagawa ang mga rekomendasyon, at kapag inaprubahan ito, ang mga kongregasyon ay tumatanggap ng mga liham hinggil sa teokratikong paghirang sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod. Sa paglipas ng mga taon, dumami ang gawain ng Lupong Tagapamahala kung kaya gumawa ng mga pagbabago upang mapadali ang trabaho nito.
14. Anong programa sa pagsasanay ang pinasimulan noong 1959?
14 Noong 1950, nagsimula ang patuloy na programa ng pagsasanay dahil sa maingat na pagsasaalang-alang sa Awit 45:16. Ganito ang mababasa sa tekstong iyon: “Ang magiging kahalili ng iyong mga ninuno ay ang iyong mga anak, na aatasan mo bilang mga prinsipe sa buong lupa.” Ang matatandang nangunguna ngayon sa kongregasyon ay sinasanay para gampanan ang teokratikong mga atas sa ngayon at pagkatapos ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Pinasimulan ang Kingdom Ministry School noong 1959. Isinaayos noon ang isang kurso na tatagal nang isang buwan pangunahin nang para sa mga lingkod ng kongregasyon, na siyang tawag noon sa mga punong tagapangasiwa. Ang paaralang ito ngayon ay naglalaan ng mga instruksiyon sa lahat ng tagapangasiwa at ministeryal na lingkod. Ang mga kapatid na ito naman ang nangunguna sa pagsasanay sa indibiduwal na mga Saksi ni Jehova sa kani-kanilang kongregasyon. Sa gayon, ang lahat ay natutulungang sumulong sa espirituwal at sa kanilang ministeryo bilang mga tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian.—Marcos 13:10.
15. Ano ang dalawang paraan upang maingatang malinis ang kongregasyong Kristiyano?
15 Ang mga indibiduwal na gustong maging bahagi ng kongregasyon Kristiyano ay dapat na makaabot sa ilang kahilingan. Mangyari pa, hindi puwede rito ang mga manunuya, kung paanong wala silang dako sa arka ni Noe noon. (2 Pedro 3:3-7) Partikular na noong 1952, higit na sinuportahan ng mga Saksi ni Jehova ang isang kaayusan na tutulong upang maingatan ang kongregasyon—samakatuwid nga, ang pagtitiwalag sa mga di-nagsisising nagkasala. Mangyari pa, ang tunay na nagsisising nagkasala ay maibiging tinutulungan na ‘gumawa ng tuwid na mga landas para sa kanilang mga paa.’—Hebreo 12:12, 13; Kawikaan 28:13; Galacia 6:1.
16. Ano ang espirituwal na kalagayan ng bayan ni Jehova?
16 Hindi nakapagtataka at hindi rin nagkataon lamang ang pagsulong ng bayan ni Jehova sa espirituwal na paraan. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ni Jehova: “Narito! Ang aking mga lingkod ay kakain, ngunit kayo ay magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay iinom, ngunit kayo ay mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsasaya, ngunit kayo ay mapapahiya. Narito! Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso, ngunit kayo ay daraing dahil sa kirot ng puso at magpapalahaw kayo dahil sa lubusang pagkabagbag ng espiritu.” (Isaias 65:13, 14) Patuloy tayong pinaglalaanan ni Jehova ng saganang suplay ng napapanahon at nakapagpapalusog na espirituwal na pagkaing tumutulong sa atin na manatiling malakas sa espirituwal.—Mateo 24:45.
Maging Handa Para sa Kaligtasan
17. Ano ang makatutulong sa atin na maging handa para sa kaligtasan?
17 Higit kailanman, ngayon na ang panahon upang “isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa.” (Hebreo 10:23-25) Ang pakikisama at pananatiling aktibo sa isa sa mahigit 98,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay tutulong sa atin na maging handa para sa kaligtasan. Mapapasaatin ang suporta ng ating mga kapananampalataya habang sinisikap nating ipamalas ang “bagong personalidad” at buong-pusong sinisikap na tulungan ang iba na matutuhan ang paglalaan ni Jehova ng kaligtasan.—Efeso 4:22-24; Colosas 3:9, 10; 1 Timoteo 4:16.
18. Bakit desidido kang manatiling malapít sa kongregasyong Kristiyano?
18 Wala nang pinakahahangad si Satanas at ang kaniyang napakasamang sanlibutan kundi ang tuksuhin tayo at ilayo sa kongregasyong Kristiyano. Gayunman, makapananatili tayong bahagi nito at makaliligtas sa katapusan ng kasalukuyang napakasamang sistema ng mga bagay. Sana’y mapakilos tayo ng pag-ibig kay Jehova at ng pagtanaw ng utang na loob sa kaniyang maibiging mga paglalaan na maging desididong biguin ang mga pagsisikap ni Satanas. Magiging matatag ang ating pasiyang ito kung bubulay-bulayin natin ang ating kasalukuyang mga pagpapala. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilan sa mga pagpapalang ito.
Anu-ano ang Iyong Sagot?
• Paano nakakatulad ng panahon ni Noe ang ating panahon?
• Anong katangian ang kailangan para makaligtas?
• Anong progresibong mga pagbabago ang nagpatibay sa kaayusan ni Jehova ukol sa ating proteksiyon?
• Paano tayo personal na makapaghahanda para sa kaligtasan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 22]
Binale-wala ng kaniyang mga kapanahon si Noe
[Larawan sa pahina 23]
Sulit na bigyang-pansin ang mga babalang mensahe ng Diyos
[Larawan sa pahina 24]
Ano ang layunin ng Kingdom Ministry School?
[Larawan sa pahina 25]
Ngayon na ang panahon na manatiling malapít sa kongregasyong Kristiyano