Mayroon Ka Bang “Kalayaan sa Pagsasalita”?
Mayroon Ka Bang “Kalayaan sa Pagsasalita”?
MAHIGIT anim na milyong tao sa 235 lupain ang nagtataglay ng tinatawag ng Bibliya na “kalayaan sa pagsasalita.” Ang pananalitang ito ay lumitaw nang 16 na beses sa teksto ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. (Filipos 1:20; 1 Timoteo 3:13; Hebreo 3:6; 1 Juan 3:21) Ano ba ang kahulugan ng “kalayaan sa pagsasalita”? Ano ang makatutulong sa atin na matamo ito? Sa anu-anong pagkakataon natin magagamit ang kalayaang ito na makapagsalita nang walang hadlang?
Ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, ang Griegong salita para sa pananalitang “kalayaan sa pagsasalita” ay nagpapahiwatig ng “malayang pagsasalita, tuwirang pagsasabi, . . . walang-takot sa pagsasalita nang tahasan; samakatuwid, nagpapahiwatig ito ng pagtitiwala sa sarili, lakas ng loob, katapangan, anupat hindi laging may kaugnayan sa pagsasalita.” Subalit ang gayong tahasang pagsasalita ay hindi dapat ipagkamali sa masakit o magaspang na pagsasalita. “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob,” ang sabi ng Bibliya. (Colosas 4:6) Kasama sa kalayaan sa pagsasalita ang pagiging mataktika, na hindi hinahayaan ang mahihirap na kalagayan o ang takot sa tao na pigilan tayo sa pagsasalita.
Ang kalayaan ba sa pagsasalita ay isang likas na karapatan? Isaalang-alang ang isinulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso. Sinabi niya: “Sa akin, isang tao na mas mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal, ay ibinigay ang di-sana-nararapat na kabaitang ito, upang maipahayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-maarok na kayamanan ng Kristo.” Idinagdag pa ni Pablo na dahil kay Jesu-Kristo kung kaya “mayroon tayo nitong kalayaan sa pagsasalita at paglapit taglay ang pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya.” (Efeso 3:8-12) Sa halip na isang karapatan na likas sa atin, ang kalayaan sa pagsasalita ay resulta ng ating kaugnayan sa Diyos na Jehova na salig sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Tingnan natin kung ano ang makatutulong sa atin na matamo ang kalayaang ito at kung paano natin ito maipakikita kapag tayo ay nangangaral, nagtuturo, at nananalangin.
Ano ang Nakatutulong sa Atin na Mangaral Nang May Katapangan?
Si Jesu-Kristo ang pinakapangunahing halimbawa sa paggamit ng kalayaan sa pagsasalita. Napakilos siya ng kaniyang kasigasigan na samantalahin ang mga pagkakataong mangaral. Nagpapahinga man siya, kumakain sa tahanan ng iba, o naglalakad sa daan, hindi niya kailanman pinalalampas ang pagkakataong ipakipag-usap ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kahit ang panunuya ni ang tahasang pananalansang man ay hindi nakapagpahina ng loob ni Jesus upang manahimik siya. Sa halip, lakas-loob niyang ibinunyag ang huwad na Mateo 23:13-36) Kahit noong siya ay arestuhin at litisin, walang-takot na nagsalita si Jesus.—Juan 18:6, 19, 20, 37.
relihiyosong mga lider noong panahon niya. (Nagkaroon din ang mga apostol ni Jesus ng gayong katapangan sa pagsasalita. Noong Pentecostes 33 C.E., nagsalita si Pedro nang may kalayaan sa harap ng pulutong na mahigit 3,000 katao. Kapansin-pansin, hindi pa natatagalan bago nito, natakot siya nang makilala siya ng isang alilang babae. (Marcos 14:66-71; Gawa 2:14, 29, 41) Nang iharap sila sa relihiyosong mga lider, hindi natakot sina Pedro at Juan. Walang-pag-aatubiling nagpatotoo sila nang may katapangan hinggil sa binuhay-muling si Jesu-Kristo. Sa katunayan, dahil sa tahasang pagsasalitang ito nina Pedro at Juan, nakilala ng relihiyosong mga lider na ang mga lalaking ito ay naging mga kasama ni Jesus. (Gawa 4:5-13) Ano ang nagpakilos sa kanila na magsalita nang may katapangan?
Nangako si Jesus sa kaniyang mga apostol: “Kapag dinala nila kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin; sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras na iyon; sapagkat ang nagsasalita ay hindi lamang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo.” (Mateo 10:19, 20) Tinulungan ng banal na espiritu si Pedro at ang iba pa na madaig ang pagkamahiyain o takot na maaaring pumigil sa kanilang kalayaan sa pagsasalita. Ang impluwensiya ng malakas na puwersang iyan ay makatutulong din sa atin.
Karagdagan pa, inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad. Angkop ito, yamang Siya ang binigyan ng “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” At ‘siya ay sumasakanila.’ (Mateo 28:18-20) Yamang batid nila ang suporta ni Jesus, nagkaroon ng kumpiyansa ang sinaunang mga alagad habang kaharap nila ang mga awtoridad na determinadong pahintuin ang kanilang pangangaral. (Gawa 4:18-20; 5:28, 29) Gayundin ang magagawa sa atin ng kabatirang iyan.
Sa pagbanggit sa isa pang dahilan ng tahasang pagsasalita, iniugnay ni Pablo ang pag-asa sa “malaking kalayaan sa pagsasalita.” (2 Corinto 3:12; Filipos 1:20) Palibhasa’y talaga namang kamangha-mangha ang mensahe ng pag-asa, napakikilos ang mga Kristiyano na sabihin ito sa iba. Tunay nga, ang ating pag-asa ay isang dahilan upang gamitin natin ang kalayaan sa pagsasalita.—Hebreo 3:6.
Mangaral Nang May Katapangan
Paano tayo makapangangaral nang may katapangan maging sa ilalim ng mahihirap na kalagayan? Isaalang-alang ang halimbawa ni apostol Pablo. Habang nakabilanggo sa Roma, hiniling niya sa kaniyang mga kapananampalataya na manalangin upang ‘ang kakayahang magsalita ay maibigay sa kaniya sa pagbubuka ng kaniyang bibig, upang makapagsalita siya nang may katapangan gaya ng dapat niyang salitain.’ (Efeso 6:19, 20) Sinagot ba ang mga panalanging iyon? Oo! Habang nakabilanggo, patuloy na ‘ipinangangaral ni Pablo ang kaharian ng Diyos taglay ang buong kalayaan sa pagsasalita, nang walang hadlang.’—Gawa 28:30, 31.
Ang pagsasamantala sa mga pagkakataong magpatotoo sa trabaho, paaralan, o habang naglalakbay ay maaaring sumubok sa ating kalayaan sa pagsasalita. Ang pagkamahiyain, takot sa posibleng reaksiyon ng iba, o kawalan ng kumpiyansa sa ating kakayahan ay maaaring pumigil sa atin na magsalita. Muli, nagbibigay rito si apostol Pablo ng magandang halimbawa. “Nag-ipon kami ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi,” ang isinulat niya. (1 Tesalonica 2:2) Nagawa lamang ni Pablo ang bagay na hindi niya kayang gawin dahil nanalig siya kay Jehova.
Ang pananalangin ang tumulong kay Sherry na magsalita nang may katapangan noong magkaroon siya ng pagkakataong magpatotoo nang di-pormal. Isang araw, habang hinihintay niya ang kaniyang asawa galing sa isang appointment, napansin niya ang isang babaing naghihintay rin. “Palibhasa’y kabadung-kabado ako,” ang sabi ni Sherry, “nanalangin ako kay Jehova para sa lakas ng loob.” Nang lapitan ni Sherry ang babae, dumating ang isang ministro ng Baptist. Hindi inaasahan ni Sherry na mapapaharap siya sa isang klerigo. Subalit nanalangin siyang muli at nakapagpatotoo. Nakapagpasakamay siya ng literatura sa babae at naisaayos na madalaw itong muli. Kapag sinasamantala natin ang pagkakataong magpatotoo, makapagtitiwala tayo na ang pananalig kay Jehova ay tutulong sa atin na magsalita nang may katapangan.
Kapag Nagtuturo
Ang kalayaan sa pagsasalita ay may malaking kaugnayan sa pagtuturo. Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa “mga lalaki na naglilingkod sa mahusay na paraan” sa kongregasyon: “[Sila ay] nagtatamo sa kanilang sarili ng isang mainam na katayuan at malaking kalayaan sa pagsasalita sa pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (1 Timoteo 3:13) Natatamo nila ang kalayaang ito ng pagsasalita sa pamamagitan ng pagkakapit nila mismo ng kanilang itinuturo sa iba. Sa paggawa nito, naipagsasanggalang at napatitibay nila ang kongregasyon.
Kapag taglay natin ang kalayaan sa pagsasalita sa ganitong paraan, mas mabisa at mas malamang na sundin ang ating payo. Sa halip na malito ang mga tagapakinig dahil sa di-magandang halimbawa ng nagpapayo, napasisigla sila sa nakikita nilang praktikal na pagkakapit sa itinuturo sa kanila. Sa pamamagitan ng kalayaang ito, sinisikap ng may mga espirituwal na kuwalipikasyon na ‘ibalik sa ayos ang kanilang kapatid’ bago pa lumala ang isang problema. (Galacia 6:1) Sa kabaligtaran naman, ang taong hindi nagpapakita ng magandang halimbawa ay maaaring mag-atubiling magsalita, yamang nadarama niyang wala siyang karapatang magpayo. Ang pagpapaliban sa pagbibigay ng kinakailangang payo ay maaaring humantong sa kapahamakan.
Ang pagsasalita natin nang may katapangan ay hindi nangangahulugan ng pagiging mapamuna, dogmatiko, o sarado ang pag-iisip. Pinayuhan ni Pablo si Filemon “salig sa pag-ibig.” (Filemon 8, 9) At lumilitaw na naging kaayaaya ang tugon sa payo ng apostol. Tunay nga, pag-ibig ang dapat maging saligan ng anumang payo na maibibigay ng isang elder!
Talagang napakahalaga ng kalayaan sa pagsasalita kapag nagpapayo. Mahalaga rin ito sa ibang pagkakataon. Sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Corinto: “Mayroon akong malaking kalayaan sa pagsasalita sa inyo. Mayroon akong malaking paghahambog may kinalaman sa inyo.” (2 Corinto 7:4) Hindi nag-atubili si Pablo sa pagpuri sa kaniyang mga kapatid kung nararapat ito. Pinakilos siya ng pag-ibig na magtuon ng pansin sa mabubuting katangian ng kaniyang mga kapananampalataya, bagaman alam niya ang kanilang mga kapintasan. Sa katulad na paraan, ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon ay napatitibay rin kapag malayang pinapupurihan at pinatitibay ng mga elder ang kanilang mga kapatid.
Upang maging mabisa sa kanilang pagtuturo, kailangang taglayin ng lahat ng Kristiyano ang kalayaan sa pagsasalita. Nais himukin ni Sherry, na binanggit kanina, ang kaniyang mga anak na magpatotoo sa paaralan. “Bagaman pinalaki ako sa katotohanan,” ang pag-amin niya, “bihira akong magpatotoo sa paaralan. At bihira rin akong magpatotoo nang di-pormal. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Anong halimbawa ang ipinakikita ko sa aking mga anak?’ ” Napakilos nito si Sherry na lalong magsikap na magpatotoo nang di-pormal.
Oo, nakikita ng iba ang ating ginagawa at napapansin nila kapag hindi natin isinasagawa ang
ating itinuturo. Kung gayon, makamit nawa natin ang kalayaan sa pagsasalita sa pamamagitan ng pagsisikap na isagawa ang ating sinasabi.Sa Pananalangin
Lalo nang mahalaga ang kalayaan sa pagsasalita kapag nananalangin tayo kay Jehova. Walang-pag-aatubili nating maibubuhos ang nilalaman ng ating puso kay Jehova taglay ang pagtitiwala na diringgin niya ang ating mga panalangin at sasagutin ang mga ito. Sa gayon ay natatamasa natin ang isang magiliw at malapít na kaugnayan sa ating makalangit na Ama. Hinding-hindi tayo dapat mag-atubiling lumapit kay Jehova, anupat iniisip na napakawalang-halaga natin. Paano kung napipigilan tayong ipahayag ang taos-puso nating damdamin dahil binabagabag tayo ng ating budhi sa nagawa nating pagkakamali? Maaari pa rin ba nating lapitan nang may kalayaan ang Soberano ng sansinukob?
Ang niluwalhating posisyon ni Jesus bilang Mataas na Saserdote ay nagbibigay ng karagdagang dahilan upang magkaroon tayo ng kumpiyansa sa pananalangin. Ganito ang mababasa natin sa Hebreo 4:15, 16: “Taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan. Samakatuwid, lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.” Gayon kahalaga ang kamatayan ni Jesus at ang kaniyang papel bilang Mataas na Saserdote.
Kung marubdob nating sinisikap na sundin si Jehova, taglay natin ang lahat ng dahilan upang magtiwala na diringgin niya tayo nang may paglingap. Sumulat si apostol Juan: “Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating mga puso, tayo ay may kalayaan sa pagsasalita sa Diyos; at anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa kaniya, sapagkat tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang paningin.”—1 Juan 3:21, 22.
Ang walang-pag-aatubiling paglapit kay Jehova sa pamamagitan ng pananalangin ay nangangahulugang masasabi natin sa kaniya ang kahit na anong bagay na gusto nating sabihin. Anumang pangamba, pagkabahala, pagkabalisa, o pagkabagabag ang nakapipighati sa atin, maaari nating idulog ito kay Jehova, anupat nagtitiwalang palagi niyang pakikinggan ang ating taimtim na mga panalangin. Kahit na magkasala tayo nang malubha, hindi tayo mapipigilan ng pagkabagabag ng budhi sa paghahayag ng ating nadarama sa panalangin kung tayo ay taimtim na nagsisisi.
Ang di-sana-nararapat na kaloob na kalayaan sa pagsasalita ay talagang napakahalaga. Sa pamamagitan nito, maluluwalhati natin ang Diyos sa ating pangangaral at pagtuturo at lalo tayong nagiging malapít sa kaniya sa panalangin. Huwag nawa nating ‘iwaksi ang ating kalayaan sa pagsasalita, na may malaking gantimpalang kabayaran’—ang gantimpalang buhay na walang hanggan.—Hebreo 10:35.
[Larawan sa pahina 13]
Nagsalita si apostol Pablo nang may katapangan
[Mga larawan sa pahina 15]
Upang maging mabisa sa pagtuturo, kailangan ang kalayaan sa pagsasalita
[Larawan sa pahina 16]
Mahalaga ang kalayaan sa pagsasalita sa pananalangin