Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naglakas-Loob Siya na Itaguyod ang Bibliya

Naglakas-Loob Siya na Itaguyod ang Bibliya

Naglakas-Loob Siya na Itaguyod ang Bibliya

Nalagutan siya ng hininga sa napakalamig at tigang na lupain sa silanganing Siberia, inalisan ng dangal at dinusta. Iilan lamang ang nakaaalaala na isa siya sa may pangunahing papel sa pagsulong sa espirituwalidad ng kaniyang kapuwa mga Griego. Ang pangalan ng tagapangunang ito na winalang-bahala ay Seraphim. Ang kaniyang paglalakas-loob na itaguyod ang Bibliya ang isa sa naging sanhi ng kaniyang kamatayan.

NABUHAY si Seraphim noong ang Gresya ay bahagi ng Imperyong Ottoman. Ayon sa Griego Ortodoksong iskolar na si George Metallinos, ang yugtong iyon ay kinakitaan ng “kakulangan sa angkop na mga paaralan” at “kawalan ng edukasyon para sa karamihan ng mga tao,” pati na mismo sa klero.

May malaking pagkakaiba ang Griegong Koine (pangkaraniwan) at ang wikang Griego na sinasalita noon, pati na ang maraming diyalekto nito. Naging napakalaki ng pagkakaibang ito anupat ang Koine, na siyang ginamit sa pagsulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay hindi na nauunawaan ng mga hindi nakapag-aral. Sa naganap na kontrobersiya, pinili ng simbahan na itaguyod ang di-nauunawaang Griegong Koine.

Sa kalagayang ito isinilang si Stephanos Ioannis Pogonatus sa isang kilaláng pamilya sa isla ng Lesbos, Gresya, noong mga 1670. Maraming tao sa islang iyon ang mahihirap at hindi marunong bumasa’t sumulat. Dahil sa kakulangan ng paaralan, napilitan si Stephanos na mag-aral ng elementarya sa isang monasteryo roon. Sa napakamurang edad, inordena siya bilang diyakono ng Simbahang Griego Ortodokso at pinanganlang Seraphim.

Noong mga 1693, nagpunta si Seraphim sa Constantinople (ngayo’y Istanbul, Turkey) dahil sa paghahangad niyang matuto pa nang higit. Nang maglaon, natamo niya ang paggalang ng prominenteng mga Griego dahil sa kaniyang mga kakayahan. Di-nagtagal, isinugo siya ng isang lihim na nasyonalistikong kilusan ng mga Griego kay Czar Peter the Great ng Russia. Dahil sa pagpaparoo’t parito ni Seraphim sa Moscow, nalakbay niya ang kalakhang bahagi ng Europa, kung saan nahantad siya sa iba’t ibang ideya ng relihiyoso at intelektuwal na reporma. Noong 1698, naglakbay si Seraphim patungong Inglatera at nagkaroon ng mahahalagang koneksiyon sa London at Oxford. Ipinakilala siya sa Arsobispo ng Canterbury na pinuno ng Simbahang Anglikano, isang koneksiyon na di-nagtagal ay napakinabangan ni Seraphim.

Paglalathala ng Bibliya

Habang nasa Inglatera, nakita ni Seraphim na talagang kailangang-kailangan ng mga Griego na magkaroon ng bago at madaling-unawaing bersiyon ng “Bagong Tipan” (Kristiyanong Griegong Kasulatan). Gamit ang isinalin ng mongheng si Maximus mahigit kalahating siglo ang kaagahan, sinimulang ilathala ni Seraphim ang isang bago, walang-mali, at madaling-unawaing bersiyon. Masigla niyang pinasimulan ang kaniyang trabaho, pero di-nagtagal ay naubusan siya ng pondo. Waring gumanda ang situwasyon nang mangako ang Arsobispo ng Canterbury na magbigay ng kinakailangang pinansiyal na tulong. Palibhasa’y napasigla sa suportang ito, bumili si Seraphim ng papel na pang-imprenta at nakipag-usap sa isang taga-imprenta.

Subalit umabot lamang ang pag-iimprenta sa Ebanghelyo ng Mateo, Marcos, at sa kalahati ng Lucas. Pagkatapos, hindi na nagbigay ng pondo ang Arsobispo ng Canterbury dahil sa pagbabago ng pulitikal na kalagayan sa Inglatera. Yamang hindi natinag, humingi ng tulong si Seraphim sa ilang mayayamang tao at nailathala ang kaniyang nirebisang bersiyon noong 1703. Ang bahagi ng gastusin ay binayaran ng Society for Propagating the Gospel in Foreign Parts.

Kasama ang orihinal na tekstong Griego sa naunang salin ni Maximus na binubuo ng dalawang tomo. Malaki ito at mabigat. Ang nirebisang bersiyon ni Seraphim ay may mas maliliit na titik, nagtataglay lamang ng makabagong salin sa Griego, at mas manipis at mas mura.

Pumukaw ng Kontrobersiya

“Tiyak na sinapatan ng bagong publikasyong ito ang tunay na pangangailangan ng mga tao,” ang sabi ng iskolar na si George Metallinos. “Gayunman, ginamit ni Seraphim ang pagkakataong ito upang batikusin ang grupo ng klero na sumasalansang sa pagsasalin [ng Bibliya].” Nagalit ang klero nang sabihin ni Seraphim sa paunang salita na inilathala niya ang kaniyang salin ‘partikular na para sa ilang pari at presbitero na hindi nakauunawa ng Griego [na Koine], upang sa tulong ng Kabanal-banalang Espiritu ay may mabasa at may maunawaan sila mula sa orihinal na teksto, upang maituro nila ito sa karaniwang mga Kristiyano.’ (The Translation of the Bible Into Modern Greek​—During the 19th Century) Sa gayon, lubhang nasangkot si Seraphim sa mainit na kontrobersiya hinggil sa pagsasalin ng Bibliya sa loob ng Simbahang Griego Ortodokso.

Ang isang panig ay nakatatanto na nakasalalay sa pag-unawa sa sinasabi ng Bibliya ang espirituwal at moral na pagsulong ng mga tao. Iniisip din nila na dapat pasulungin ng mga miyembro ng klero ang kaalaman nito sa Kasulatan. Bukod diyan, naniniwala ang mga tagapagtaguyod ng pagsasalin ng Bibliya na ang maka-Kasulatang mga katotohanan ay maaaring ipahayag sa anumang wika.​—Apocalipsis 7:9.

Naniniwala naman ang mga sumasalansang sa pagsasalin ng Bibliya na anumang pagsasalin ay makasisira sa nilalaman nito at sa awtoridad ng simbahan may kaugnayan sa pagbibigay-kahulugan dito at pagtatatag ng doktrina. Pero ang talagang ikinatatakot nila ay ang paggamit ng mga Protestante sa salin ng Bibliya upang manghimasok sa Simbahang Griego Ortodokso. Inakala ng maraming klerigo na obligado silang salansangin ang anumang kalakaran na maaaring sumuporta sa mga Protestante, kasama na rito ang mga pagsisikap na isalin ang Bibliya upang maunawaan ito ng karaniwang mga tao. Kaya ang pagsasalin ng Bibliya ang pinakasensitibong paksa sa alitan ng Protestantismo at ng Ortodokso.

Bagaman wala siyang planong iwan ang Simbahang Ortodokso, nagsalita si Seraphim laban sa pagiging ignorante at sa pagtatangi ng kaniyang mga kalabang klerigo. Sa paunang salita ng kaniyang “Bagong Tipan,” isinulat niya: “Kailangang basahin ng bawat Kristiyanong natatakot sa Diyos ang Banal na Bibliya” upang siya’y “maging tagatulad ni Kristo at maging masunurin sa [kaniyang] turo.” Iginiit ni Seraphim na ang pagbabawal sa pag-aaral ng Kasulatan ay nagmula sa Diyablo.

Daluyong ng Pagsalansang

Nang makarating sa Gresya ang bersiyon ni Seraphim, nagalit ang Simbahang Griego Ortodokso. Ipinagbawal ang bagong bersiyong ito. Sinunog ang mga kopya ng salin, at ang sinumang nagmamay-ari o nagbabasa nito ay pinagbantaan ng ekskomunikasyon. Ipinagbawal ni Patriyarka Gabriel III ang pamamahagi ng bersiyon ni Seraphim, anupat itinuturing itong walang halaga at walang silbi.

Bagaman hindi nawalan ng pag-asa si Seraphim, nakita niya na kailangang maging maingat. Sa kabila ng opisyal na pagbabawal ng simbahan, tinanggap ng ilang klerigo at karaniwang tao ang kaniyang salin. Lubha siyang naging matagumpay sa pamamahagi ng kaniyang salin. Subalit nagsisimula pa lamang ang kaniyang pakikipag-alit sa makapangyarihan niyang mga kalaban.

Ang Pasimula ng Wakas

Bukod sa pagtataguyod ng pamamahagi ng Bibliya, nasangkot si Seraphim sa rebolusyonaryo at nasyonalistikong mga kilusan. Upang maitaguyod ang mga ito, bumalik siya sa Moscow noong tag-init ng 1704. Siya ay naging pinagkakatiwalaang kaibigan ni Peter the Great at sa loob ng ilang panahon ay naging propesor sa Russian Royal Academy. Subalit dahil nababahala sa kahihinatnan ng kaniyang salin, nagbalik si Seraphim sa Constantinople noong 1705.

Sa muling pag-iimprenta ng kaniyang bersiyon noong taon ding iyon, inalis ni Seraphim ang mapamunang paunang salita sa naunang paglilimbag nito. Dinagdagan niya ito ng simpleng paunang salita na nagpapasigla sa pagbabasa ng Bibliya. Lumaganap ang pamamahagi ng edisyong ito, at walang anumang ulat na nagalit dito ang mga patriyarka.

Gayunpaman, noong 1714 isang matinding dagok ang nagmula kay Alexander Helladius, isang Griegong manlalakbay at kalaban ng pagsasalin ng Bibliya. Sa kaniyang aklat na Status Præsens Ecclesiæ Græcæ (Ang Kasalukuyang Kalagayan ng Simbahang Griego), may-kalupitan niyang binatikos ang mga tagapagsalin at ang mga salin ng Bibliya. Isang buong kabanata ang isinulat ni Helladius tungkol kay Seraphim, na inilalarawan siya bilang magnanakaw, mandaraya, at isang mapagpanggap na imoral at hindi marunong bumasa’t sumulat. Totoo ba ang mga paratang na ito? Ipinahayag ng awtor na si Stylianos Bairaktaris ang mapananaligang opinyon ng maraming iskolar sa pagtawag kay Seraphim bilang ‘isang manggagawa at naliwanagang tagapanguna’ na binatikos dahil sa mas marunong siya kaysa sa kaniyang mga kapanahon. Subalit ang aklat ni Helladius ay umakay sa masaklap na pagbagsak ni Seraphim.

Pinagdudahan

Nang bumalik si Seraphim sa Russia noong 1731, patay na si Peter the Great. Dahil dito, wala nang proteksiyon mula sa awtoridad ang Griegong diyakono na si Seraphim. Ang namamahalang emperatris na si Anna Ivanovna ay napakaingat sa anumang gawain na posibleng makaapekto sa kaniyang pamamahala. Noong Enero 1732, nagkaroon ng bulung-bulungan na may Griegong espiya sa St. Petersburg na nagtatangkang ibuwag ang imperyo. Ang pinagdudahan ay si Seraphim. Inaresto siya at dinala sa monasteryo ng Nevsky upang pagtatanungin. Naroroon sa monasteryo ang isang kopya ng aklat ni Helladius na nag-aakusa kay Seraphim ng iba’t ibang krimen. Sinikap ng diyakono na ipagtanggol ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagsulat ng tatlong argumento. Nagtagal nang mga limang buwan ang interogasyon, at mahirap alisin ang pagdududa kay Seraphim.

Yamang wala naman talagang mapanghahawakang ebidensiya laban kay Seraphim, hindi siya sinentensiyahan ng kamatayan. Pero dahil sa mga paratang ni Helladius, nag-atubili ang mga awtoridad na palayain si Seraphim. Sinentensiyahan ng habambuhay na pagkatapon sa Siberia ang Griegong diyakono. Binanggit ng sentensiya na ang akusasyon ay batay sa “sanaysay na inilathala ng Griegong awtor na si Helladius.” Noong Hulyo 1732, dumating si Seraphim sa silanganing Siberia na nakagapos sa mga pangaw at itinapon sa kinatatakutang bilangguan sa Okhotsk.

Pagkalipas ng mga tatlong taon, namatay si Seraphim, pinabayaan, at kinalimutan. May mga panahon na mali at di-matalino ang kaniyang mga pasiya at pamamaraan, pero ang kaniyang bersiyon ang isa sa maraming salin ng Bibliya na makukuha ngayon sa makabagong wikang Griego. * Kabilang na rito ang madaling-unawaing Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na makukuha rin sa iba pang wika. Kaylaki ng ating pasasalamat na iningatan ng Diyos na Jehova ang kaniyang Salita upang magkaroon ng pagkakataon ang mga tao sa lahat ng dako na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan”!​—1 Timoteo 2:3, 4.

[Talababa]

^ par. 26 Tingnan “Ang Pakikipagpunyagi Upang Magkaroon ng Bibliya sa Makabagong Griego,” sa Ang Bantayan, Nobyembre 15, 2002, pahina 26-9.

[Larawan sa pahina 12]

Peter the Great

[Picture Credit Line sa pahina 10]

Mga larawan: Courtesy American Bible Society