Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maligayang Naglilingkod sa Kabila ng Kapansanan

Maligayang Naglilingkod sa Kabila ng Kapansanan

Maligayang Naglilingkod sa Kabila ng Kapansanan

AYON SA SALAYSAY NI VARNAVAS SPETSIOTIS

Noong 1990, sa edad na 68, naging paralisado ang buong katawan ko. Subalit sa loob ng mga 15 taon na ngayon, maligaya akong naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro sa isla ng Ciprus. Ano ang nagbigay sa akin ng lakas upang manatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova sa kabila ng aking kapansanan?

ISINILANG ako sa isang pamilya na may siyam na anak​—apat na lalaki at limang babae​—​noong Oktubre 11, 1922. Nakatira kami sa nayon ng Xylophagou, sa Ciprus. Bagaman medyo nakaririwasa ang aking mga magulang, kailangan pa rin nilang magpagal sa bukid upang buhayin ang gayon kalaking pamilya.

Ang aking ama, si Antonis, ay likas na palaaral at mausisa. Di-nagtagal pagkasilang sa akin, napansin ni Itay, habang dumadalaw sa guro sa paaralan sa nayon, ang isang tract na pinamagatang Peoples Pulpit, na inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya (na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova). Sinimulan niyang basahin ito, at di-nagtagal ay naging buhos na buhos ang kaniyang isip sa nilalaman nito. Dahil dito, si Itay at ang isa sa kaniyang mga kaibigan, si Andreas Christou, ang unang mga taga-isla na nakisama sa mga Saksi ni Jehova.

Paglago sa Kabila ng Pagsalansang

Nang maglaon, silang dalawa ay kumuha ng higit pang mga publikasyong salig sa Bibliya mula sa mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, si Itay at si Andreas ay napakilos na ibahagi sa kanilang mga kanayon ang mga katotohanan sa Bibliya na natututuhan nila. Ang kanilang pangangaral ay pumukaw ng labis na pagsalansang mula sa klero ng Griego Ortodokso at sa iba pa na nag-iisip na masamang impluwensiya ang mga Saksi ni Jehova.

Pero iginagalang ng maraming taganayon ang dalawang gurong ito ng Bibliya. Ang aking ama ay kilalang-kilala sa kaniyang kabaitan at pagkabukas-palad. Napakadalas niyang tumulong sa mahihirap na pamilya. Kung minsan, tahimik siyang umaalis ng bahay sa kalaliman ng gabi at nag-iiwan ng trigo o tinapay sa pinto ng mga pamilyang nangangailangan. Dahil sa kanilang walang pag-iimbot na Kristiyanong paggawing ito, lalong naging kaakit-akit ang mensahe ng dalawang ministrong ito.​—Mateo 5:16.

Bunga nito, mga 12 katao ang naging interesado sa mensahe ng Bibliya. Habang lumalago ang pagkaunawa nila sa katotohanan, nadama nila ang pangangailangang magtipon sa iba’t ibang tahanan upang pag-aralan ang Bibliya bilang isang grupo. Noong mga 1934, si Nikos Matheakis, isang buong-panahong ministro mula sa Gresya, ay dumating sa Ciprus at nakipagkita sa grupo sa Xylophagou. Sa pamamagitan ng pagtitiyaga at determinasyon, tumulong si Brother Matheakis upang organisahin ang grupo at magkaroon sila ng mas mabuting pagkaunawa sa Kasulatan. Nang maglaon, ang grupong ito ang naging unang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Ciprus.

Habang sumusulong ang gawaing Kristiyano at mas maraming tao ang tumatanggap ng katotohanan sa Bibliya, nadama ng mga kapatid ang pangangailangang magkaroon ng isang permanenteng dako para sa kanilang pagpupulong. Inialok ng aking kuya, si George, at ng kaniyang asawa, si Eleni, ang isang lugar na ginagamit nilang kamalig. Ang ari-ariang ito na katabi ng kanilang bahay ay kinumpuni at ginawang isang angkop na dako para sa mga pagpupulong. Kaya ang mga kapatid ay nagkaroon ng kanilang kauna-unahang Kingdom Hall sa isla. Gayon na lamang ang kanilang pasasalamat! At talaga namang nagpasigla ito sa kanila para sa higit pang paglago!

Dinibdib Ko ang Katotohanan

Noong 1938, sa edad na 16, nagpasiya akong maging karpintero. Kaya ipinadala ako ni Itay sa kabisera ng Ciprus, sa Nicosia. Palibhasa’y pinag-iisipang mabuti ang aking kinabukasan, isinaayos niya na tumira ako kina Nikos Matheakis. Ang tapat na kapatid na ito ay naaalaala pa rin ng maraming tagaisla dahil sa kaniyang sigasig at pagkamapagpatuloy. Ang kaniyang nakikitang kasiglahan at di-natitinag na lakas ng loob ay mahahalagang katangian para sa sinumang Kristiyano sa Ciprus noong unang mga panahong iyon.

Malaki ang naitulong sa akin ni Brother Matheakis upang magkaroon ako ng matibay na pundasyon sa kaalaman sa Bibliya at sumulong sa espirituwal. Habang nakikitira ako sa kaniya, dinaluhan ko ang lahat ng mga pagpupulong na idinaraos sa kaniyang tahanan. Sa kauna-unahang pagkakataon, nadama kong sumisidhi ang pag-ibig ko kay Jehova. Nalinang ko ang determinasyong magkaroon ng makabuluhang kaugnayan sa Diyos. Sa loob lamang ng ilang buwan, tinanong ko si Brother Matheakis kung puwede ba akong sumama sa kaniya sa paglilingkod sa larangan. Ito ay noong 1939.

Nang maglaon, umuwi ako sa amin upang dalawin ang aking pamilya. Ang sandaling panahon na nakasama ko ang aking ama ay lalo pang nagpalakas sa kombiksiyon ko na nasumpungan ko na nga ang katotohanan at ang kahulugan ng buhay. Noong Setyembre 1939, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II. Maraming kabataang lalaki na kasing-edad ko ang nagboluntaryong magsundalo, subalit dahil sa pagsunod sa utos ng Bibliya, nagpasiya akong manatiling neutral. (Isaias 2:4; Juan 15:19) Nang taon ding iyon, inialay ko ang aking sarili kay Jehova at nabautismuhan noong 1940. Sa kauna-unahang pagkakataon, nadama kong hindi na ako natatakot sa tao!

Noong 1948, pinakasalan ko si Efprepia. Pinagpala kami ng apat na anak. Di-nagtagal, natanto namin na kailangan naming magpagal upang palakihin sila “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ang aming mga panalangin at pagsisikap ay nakatutok sa pagkikintal sa aming mga anak ng masidhing pag-ibig kay Jehova at paggalang sa kaniyang mga kautusan at simulain.

Naging Hamon ang mga Problema sa Kalusugan

Noong 1964, sa edad na 42, nakadama ako ng pamamanhid sa aking kanang kamay at binti. Unti-unti itong kumalat sa kaliwa. Natuklasan na mayroon akong muscle atrophy, isang sakit na walang lunas at nauuwi sa ganap na paralisis. Labis akong nagitla sa balita. Napakabilis at di-inaasahan ang mga pangyayari! Galit na galit ako, anupat naisip ko: ‘Bakit ako pa? Ano ba’ng nagawa ko?’ Subalit nang maglaon, napagtagumpayan ko ang negatibong damdaming ito. Pagkatapos ay nalipos ako ng pagkabalisa at kawalang-katiyakan. Paulit-ulit na naglalaro sa isip ko ang maraming katanungan. Ako kaya ay ganap na mapaparalisa at lubusang aasa na lamang sa iba? Paano ko makakayanan ito? Mapaglalaanan ko kaya ang aking pamilya​—ang aking asawa at ang aming apat na anak? Napakasakit isipin ng mga bagay na iyon.

Higit kailanman, sa kritikal na yugtong ito sa aking buhay, nadama ko ang pangangailangang bumaling kay Jehova sa panalangin at sabihin sa kaniya nang buong kataimtiman ang lahat ng aking ikinababahala at ikinababalisa. Nanalangin akong lumuluha araw at gabi. Di-nagtagal, nakadama ako ng kaaliwan. Naging totoong-totoo sa akin ang nakaaaliw na mga salita sa Filipos 4:6, 7: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”

Pagharap sa Paralisis

Patuloy na lumala ang aking kalagayan. Natanto ko na kailangan kong makibagay kaagad sa aking bagong kalagayan. Yamang hindi na ako makapagtrabaho bilang karpintero, nagpasiya akong humanap ng hindi gaanong mabigat na trabaho na nababagay sa aking pisikal na kalagayan at tutulong sa akin na masuportahan ang aking pamilya. Sa simula, nagtinda ako ng sorbetes gamit ang maliit na van. Ginawa ko ito sa loob ng halos anim na taon hanggang sa kinailangan kong gumamit ng silyang de-gulong dahil sa paglala ng aking karamdaman. Pagkatapos, naghanap ako ng iba’t ibang mas madadaling trabaho na kaya ko.

Mula noong 1990, lalo pang lumala ang aking kalusugan hanggang sa puntong hindi ko na kayang gumawa ng anumang sekular na trabaho. Ngayon, lubusan na akong umaasa sa iba, kahit na sa mga atas na pangkaraniwan lamang para sa taong malusog. Kailangan ko ng tulong upang magtungo sa higaan, upang maligo, at upang magbihis. Para makadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, kailangan akong isakay sa silyang de-gulong patungo sa kotse at pagkatapos ay buhatin at iupo rito. Sa Kingdom Hall, kailangan akong buhatin mula sa kotse, iupo sa silyang de-gulong, at saka itulak sakay nito papasok sa loob ng Kingdom Hall. Sa panahon ng pulong, nasa tabi ko ang isang pampainit na de-kuryente upang manatiling mainit ang aking mga paa.

Gayunman, sa kabila ng paralisis, regular kong dinadaluhan ang lahat ng pagpupulong. Nauunawaan ko na dito tayo tinuturuan ni Jehova, at ang pakikisama sa aking espirituwal na mga kapatid ay tunay na kanlungan at pinagmumulan ng tulong at pampatibay-loob. (Hebreo 10:24, 25) Laging nakatutulong sa akin ang regular na pagdalaw ng mga kapananampalatayang may-gulang sa espirituwal. Damang-dama ko ang nadama ni David: “Ang aking kopa ay punung-punô.”​—Awit 23:5.

Ang mahal kong asawa ay napakahusay na katulong sa lahat ng panahong ito. Malaking tulong din ang aking mga anak. Sa loob ng ilang taon na ngayon, tinutulungan nila ako sa aking pang-araw-araw na mga pangangailangan. Hindi madali ang ginagawa nila, at habang lumilipas ang panahon, pahirap nang pahirap ang pag-aalaga sa akin. Talagang kapuri-puri sila sa pagiging matiisin at mapagsakripisyo, at idinadalangin ko na patuloy silang pagpalain ni Jehova.

Ang panalangin ay isa pang kamangha-manghang paglalaan mula kay Jehova upang patibayin ang kaniyang mga lingkod. (Awit 65:2) Bilang sagot sa aking taos-pusong mga pagsusumamo, binigyan ako ni Jehova ng lakas upang magpatuloy sa pananampalataya sa lahat ng panahong ito. Lalo na kapag nasisiraan ako ng loob, ang panalangin ay nagdudulot ng kaginhawahan at tumutulong na mapanatili ang aking kagalakan. Ang palaging pakikipag-usap kay Jehova ay nakarerepresko sa akin at pinananauli nito ang determinasyon kong magpatuloy. Kumbinsidung-kumbinsido ako na dinirinig ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang mga lingkod at binibigyan niya sila ng kapayapaan ng isipan na kailangan nila.​—Awit 51:17; 1 Pedro 5:7.

Higit sa lahat, ako ay muling napasisigla tuwing naaalaala ko na sa bandang huli, pagagalingin ng Diyos ang lahat ng pagpapalain ng buhay sa Paraiso sa ilalim ng pamamahala sa Kaharian ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Maraming beses na akong napaluha sa kagalakan habang binubulay-bulay ko ang kahanga-hangang pag-asang iyon.​—Awit 37:11, 29; Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4.

Paglilingkod Bilang Buong-Panahong Ministro

Noong mga 1991, natanto ko matapos suriin ang aking kalagayan na ang pinakamabuting paraan upang maiwasan kong mahabag sa sarili ay ang manatiling abala sa pagbabahagi sa iba ng mahalagang mabuting balita ng Kaharian. Nang taóng iyon, nagsimula akong maglingkod bilang isang buong-panahong ministro.

Dahil may kapansanan ako, karamihan ng pagpapatotoo ko ay sa pamamagitan ng pagliham. Gayunman, hindi madali para sa akin ang pagsulat; nangangailangan ito ng malaking pagsisikap. Nahihirapan akong hawakan nang mahigpit ang panulat sa aking kamay, na humina na dahil sa sakit ko. Subalit sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pananalangin, nakapagpapatotoo ako sa pamamagitan ng pagliham sa loob ng mahigit na 15 taon na ngayon. Ginagamit ko rin ang telepono upang makapangaral sa mga tao. Lagi kong sinasamantala ang pagkakataon upang ipakipag-usap ang aking pag-asa tungkol sa bagong sanlibutan at sa Paraisong lupa sa mga kamag-anak, kaibigan, at mga kapitbahay na dumadalaw sa akin sa bahay.

Dahil dito, nagkaroon ako ng maraming nakapagpapasiglang karanasan. Tuwang-tuwa akong makita ang isa sa aking mga apo, na pinagdausan ko ng pag-aaral sa Bibliya mga 12 taon na ang nakalilipas, na sumusulong sa espirituwal at nagpapahalaga sa katotohanan ng Bibliya. Udyok ng kaniyang budhing sinanay sa Bibliya, nanatili siyang matapat at matatag tungkol sa isyu ng Kristiyanong neutralidad.

Natutuwa ako lalo na kapag ang mga taong sinulatan ko ay nakikipag-ugnayan sa akin para sa higit pang impormasyon tungkol sa Bibliya. Sa pana-panahon, ang ilan ay humihiling ng higit pang literatura sa Bibliya. Halimbawa, isang babae ang tumawag sa akin sa telepono at pinasalamatan ako sa nakapagpapatibay-loob na liham na ipinadala ko sa kaniyang asawa. Nasumpungan niyang lubhang kawili-wili ang nilalaman ng liham. Umakay ito sa maraming pakikipagtalakayan sa kaniya at sa kaniyang asawa tungkol sa Bibliya sa bahay ko.

Isang Napakagandang Pag-asa

Sa paglipas ng panahon, nakita ko ang pagdami ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa bahaging ito ng daigdig. Ang maliit na Kingdom Hall sa tabi ng bahay ng aking kuya na si George ay ilang ulit nang pinalaki at binago. Isa itong magandang dako ng pagsamba, na ginagamit ng dalawang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Namatay si Itay noong 1943, sa edad na 52. Subalit kaylaking espirituwal na pamana ang iniwan niya! Walo sa kaniyang mga anak ang tumanggap sa katotohanan at naglilingkod pa rin kay Jehova. Sa nayon ng Xylophagou, kung saan isinilang si Itay, at sa kalapit na mga nayon, mayroon na ngayong tatlong kongregasyon, na may kabuuang bilang na 230 mamamahayag ng Kaharian!

Nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan ang gayong maiinam na resulta. Ngayon, sa edad na 83, nagtitiwala ako sa pananalita ng salmista: “Ang mga may-kiling na batang leon ay kinakapos at nagugutom; ngunit yaong mga humahanap kay Jehova, hindi sila kukulangin ng anumang bagay na mabuti.” (Awit 34:10) Buong-pananabik kong hinihintay ang panahon kapag nagkatotoo ang hulang nakaulat sa Isaias 35:6: “Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.” Hanggang sa panahong iyon, desidido akong masayang maglingkod kay Jehova nang patuluyan sa kabila ng aking kapansanan.

[Mapa sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TURKEY

SIRYA

LEBANON

CIPRUS

Nicosia

Xylophagou

Dagat Mediteraneo

[Larawan sa pahina 17]

Ang unang Kingdom Hall sa Xylophagou, na ginagamit pa rin sa ngayon

[Mga larawan sa pahina 18]

Kasama si Efprepia noong 1946 at ngayon

[Larawan sa pahina 20]

Naliligayahan akong magpatotoo sa pamamagitan ng telepono at pagliham