Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sa Kautusang Mosaiko, bakit may ilang likas na bagay hinggil sa pagtatalik na itinuturing na ‘nagpaparumi’ sa isang tao?
Dinisenyo ng Diyos ang pagtatalik para sa pagpaparami ng tao at para sa kasiyahan ng mga mag-asawa. (Genesis 1:28; Kawikaan 5:15-18) Gayunman, sa mga kabanata 12 at 15 ng Levitico, masusumpungan natin ang detalyadong mga batas may kinalaman sa karumihang dulot ng paglabas ng semilya, pagreregla, at panganganak. (Levitico 12:1-6; 15:16-24) Ang gayong mga kautusang ibinigay sa sinaunang Israel ay nagtaguyod ng malusog na pamumuhay, nagpatibay sa mataas na pamantayang moral, at nagdiin sa kabanalan ng dugo at sa pangangailangang magbayad-sala sa mga kasalanan.
Ang mga kahilingan sa Kautusang Mosaiko may kinalaman sa pagtatalik ay nagtaguyod, bukod sa iba pang bagay, ng pangkalahatang kalusugan ng pamayanang Israelita. Ang aklat na The Bible and Modern Medicine ay nagsasabi: “Ang paggalang sa siklo ng pagreregla kung saan may takdang panahon na hindi dapat magtalik ay napatunayang isang mabisang paraan ng pag-iwas sa ilang sakit na dulot nito . . . at isang tiyak na proteksiyon sa pagkakaroon ng kanser sa matris.” Dahil sa gayong mga kautusan, naingatan ang bayan ng Diyos mula sa mga sakit na maaaring hindi pa nila kilala o kaya’y hindi pa natutuklasan noon. Nakatulong ang malinis na pagtatalik upang magkaroon ng mas maraming anak ang bayan na pinangakuan ng Diyos na darami at sasagana. (Genesis 15:5; 22:17) Kasama rin dito ang emosyonal na kalusugan ng bayan ng Diyos. Sa pagsunod sa mga kautusang ito, natutuhan ng mga mag-asawa na magpigil sa seksuwal na pagnanasa.
Gayunman, ang pangunahing isyung nasasangkot sa mga uri ng karumihang dulot ng pagtatalik ay ang pag-agas ng dugo o labis na pagdurugo. Dahil sa kautusan ni Jehova tungkol sa dugo, naikintal sa isip ng mga Israelita hindi lamang ang kabanalan ng dugo kundi pati na rin ang natatanging papel ng dugo sa pagsamba kay Jehova, samakatuwid nga, sa paghahain at sa pagbabayad-sala ng mga kasalanan.—Levitico 17:11; Deuteronomio 12:23, 24, 27.
Kung gayon, ang detalyadong mga kahilingan ng Kautusan sa bagay na ito ay may malaking kaugnayan sa di-kasakdalan ng tao. Alam ng mga Israelita na sina Adan at Eva—matapos magkasala—ay hindi makapagsisilang ng mga anak na sakdal. Daranasin ng lahat ng inapo nila ang mga epekto ng minanang kasalanan—ang di-kasakdalan at kamatayan. (Roma 5:12) Dahil dito, walang maibibigay ang mga magulang kundi isang di-sakdal at makasalanang buhay, kahit na dinisenyo noong una ang mga sangkap ng tao sa pag-aanak para magluwal ng sakdal na buhay sa pamamagitan ng kaayusan sa pag-aasawa.
Kung gayon, ang mga kahilingan ng Kautusan ukol sa pagpapadalisay ay nagpapaalaala sa mga Israelita hindi lamang sa kanilang minanang kasalanan kundi pati na rin sa pangangailangan sa isang haing pantubos upang matakpan ang mga kasalanan at maibalik ang kasakdalan ng tao. Mangyari pa, hindi ito nagawa ng mga haing hayop na inihandog nila. (Hebreo 10:3, 4) Ang layunin ng Kautusang Mosaiko ay upang akayin sila kay Kristo at upang tulungan silang maunawaan na tanging sa pamamagitan lamang ng sakdal na hain ni Jesus bilang tao matatamo ang tunay na kapatawaran, na magbubukas ng daan tungo sa walang-hanggang buhay para sa mga tapat.—Galacia 3:24; Hebreo 9:13, 14.