‘Piliin ang Buhay Upang Manatiling Buháy’
‘Piliin ang Buhay Upang Manatiling Buháy’
“Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy.”—DEUTERONOMIO 30:19.
1, 2. Sa anu-anong paraan masasabing nilalang ang tao ayon sa larawan ng Diyos?
“GAWIN natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” Ang pananalitang ito ng Diyos ay nakaulat sa unang kabanata ng Bibliya. Kaya naman, “pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos,” ang ulat ng Genesis 1:26, 27. Naiiba kung gayon ang unang tao mula sa lahat ng iba pang nilalang sa lupa. Kawangis siya ng kaniyang Maylalang, na may kakayahang magpakita ng tulad-Diyos na saloobin sa pangangatuwiran, sa pagpapamalas ng pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. Mayroon siyang budhi na tutulong sa kaniya na makapagpasiya upang makinabang siya at mapaluguran ang kaniyang makalangit na Ama. (Roma 2:15) Sa maikli, si Adan ay may kalayaang magpasiya. Habang pinagmamasdan ang kayarian ng kaniyang makalupang anak, ganito ang sinabi ni Jehova sa kaniyang gawa: “Narito! iyon ay napakabuti.”—Genesis 1:31; Awit 95:6.
2 Bilang mga inapo ni Adan, tayo rin ay ginawa ayon sa larawan at wangis ng Diyos. Pero talaga nga kayang maaari tayong magpasiya sa ating mga ginagawa? Bagaman may kakayahan si Jehova na patiunang alamin kung ano ang mangyayari, hindi niya patiunang itinatakda ang bawat kilos at kahihinatnan natin. Hindi niya kailanman pinahintulutang kumilos ang kaniyang makalupang mga anak batay sa predestinasyon. Upang maunawaan natin ang kahalagahan ng paggamit Roma 15:4.
ng ating kalayaang magpasiya na piliin ang tama, alamin muna natin ang isang aral mula sa bansang Israel.—May Kalayaang Pumili ang Israel
3. Ano ang una sa Sampung Utos, at paano pinili ng tapat na mga Israelita na sundin ito?
3 “Ako ay si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng mga alipin,” ang sinabi ni Jehova sa mga Israelita. (Deuteronomio 5:6) Noong 1513 B.C.E., makahimalang iniligtas ang bansang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto kung kaya wala silang dahilan para mag-alinlangan sa mga salitang ito. Sa una sa Sampung Utos, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Moises: “Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha.” (Exodo 20:1, 3) Sa pagkakataong iyon, pinili ng bansang Israel na sumunod. Kusang-loob nilang iniukol kay Jehova ang kanilang bukod-tanging debosyon.—Exodo 20:5; Bilang 25:11.
4. (a) Anong pagpili ang iniharap ni Moises sa Israel? (b) Anong pagpili ang nasa harap natin sa ngayon?
4 Makalipas ang mga 40 taon, mariing pinaalalahanan ni Moises ang isa pang henerasyon ng mga Israelita sa gagawin nilang pagpili. “Kinukuha ko ang langit at ang lupa bilang mga saksi laban sa inyo ngayon,” ipinahayag niya, “na inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling.” (Deuteronomio 30:19) Maaari rin naman tayong pumili sa ngayon. Oo, puwede nating piliing maglingkod nang tapat kay Jehova taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan, o kaya’y piliing sumuway sa kaniya at pagdusahan ang kahihinatnan nito. Talakayin natin ang halimbawa ng dalawang taong magkaiba ang pinili.
5, 6. Anong pagpili ang ginawa ni Josue, at ano ang naging resulta?
5 Noong 1473 B.C.E., pinangunahan ni Josue ang mga Israelita papasók sa Lupang Pangako. Sa isang mapuwersang payo na binigkas ni Josue bago siya mamatay, nakiusap siya sa buong bayan: “Kung masama sa inyong paningin ang maglingkod kay Jehova, piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo, kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog o ang mga diyos ng mga Amorita na sa kanilang lupain ay nananahanan kayo.” Pagkatapos, sa pagtukoy sa kaniyang pamilya, nagpatuloy siya: “Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.”—Josue 24:15.
6 Bago nito, pinasigla ni Jehova si Josue na magpakalakas-loob at magpakatibay, na tinatagubilinan siyang huwag lilihis sa Kautusan ng Diyos. Sa halip, sa pamamagitan ng pagbabasa ng aklat ng Kautusan nang pabulong araw at gabi, magagawa ni Josue na maging matagumpay ang kaniyang lakad. (Josue 1:7, 8) At gayon nga ang nangyari. Nagdulot ng pagpapala ang ginawang pagpili ni Josue. “Walang isa mang pangako ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako na binitiwan ni Jehova sa sambahayan ng Israel,” ang sabi ni Josue. “Ang lahat ay nagkatotoo.”—Josue 21:45.
7. Noong panahon ni Isaias, anong pagpili ang ginawa ng ilang Israelita, at ano ang ibinunga nito?
7 Sa kabaligtaran naman, tingnan natin ang situwasyon sa Israel makalipas ang mga 700 taon. Nang panahong iyon, maraming Israelita ang nagsasagawa ng mga kaugaliang pagano. Halimbawa, sa huling araw ng taon, nagtitipun-tipon ang mga tao sa palibot ng isang mesang punô ng iba’t ibang masasarap na pagkain at matamis na alak. Hindi ito basta simpleng pagsasalu-salo lamang ng pamilya. Isa itong relihiyosong seremonya na nagpaparangal sa dalawang paganong diyos. Iniulat ng propetang si Isaias ang pangmalas ng Diyos sa kawalang-katapatang ito: “Kayo yaong mga umiiwan kay Jehova, yaong mga lumilimot sa aking banal na bundok, yaong mga nag-aayos ng mesa para sa diyos ng Suwerte at yaong mga nagbubuhos ng hinaluang alak para sa diyos ng Tadhana.” Naniniwala sila na ang magiging ani sa buong taon ay nakadepende, hindi sa pagpapala ni Jehova, kundi sa pagpapalubag sa “diyos ng Suwerte” at sa “diyos ng Tadhana.” Ngunit ang totoo, dahil sa kanilang mapaghimagsik na landasin at kusang-loob na pagpili, tiyak na kung ano ang kahihinatnan nila. “At itatalaga ko kayo sa tabak,” ang sabi ni Jehova, “at kayong lahat ay yuyukod upang patayin; sa dahilang tumawag ako, ngunit hindi kayo sumagot; nagsalita ako, ngunit hindi kayo nakinig; at patuloy ninyong ginawa ang masama sa aking paningin, at ang bagay na hindi ko kinalugdan ay pinili ninyo.” (Isaias 65:11, 12) Ang kanilang di-matalinong pagpili ay humantong sa pagkapuksa nila, at walang kapangyarihan ang mga diyos ng Tadhana at Suwerte para hadlangan ito.
Gumawa ng Tamang Pagpili
8. Ayon sa Deuteronomio 30:20, ano ang nasasangkot sa paggawa ng tamang pagpili?
8 Nang payuhan ni Moises ang Israel na piliin ang buhay, bumanggit siya ng tatlong bagay na dapat nilang gawin: “Sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya.” (Deuteronomio 30:20) Isa-isa natin itong suriin upang makagawa tayo ng tamang pagpili.
9. Paano natin maipakikitang iniibig natin si Jehova?
9 Sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na ating Diyos: Pinili nating maglingkod kay Jehova dahil iniibig natin siya. Bilang pakikinig sa mga babalang halimbawa noong panahon ng Israel, nilalabanan natin ang lahat ng tukso na gumawa ng imoralidad at iniiwasan natin ang pamumuhay na maaaring maglubog sa atin sa kumunoy ng materyalismo. (1 Corinto 10:11; 1 Timoteo 6:6-10) Nangungunyapit tayo kay Jehova at tumutupad sa kaniyang mga tuntunin. (Josue 23:8; Awit 119:5, 8) Bago pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, pinayuhan sila ni Moises: “Narito, tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya, gaya ng iniutos sa akin ni Jehova na aking Diyos, upang gawin ninyo ang gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin. At ingatan ninyo at gawin ninyo ang mga iyon, sapagkat ito ay karunungan sa ganang inyo at pagkaunawa sa ganang inyo sa paningin ng mga bayan na makaririnig ng lahat ng tuntuning ito.” (Deuteronomio 4:5, 6) Ngayon na ang panahon para ipakita ang ating pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pag-una sa kalooban ni Jehova sa ating buhay. Tiyak na pagpapalain tayo kung ito ang pipiliin nating gawin.—Mateo 6:33.
10-12. Anu-anong aral ang natutuhan natin sa nangyari noong panahon ni Noe?
10 Sa pamamagitan ng pakikinig sa tinig ng Diyos: Si Noe ay “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Bago ang Baha, halos lahat ng tao ay abalang-abala at “hindi sila nagbigay-pansin” sa mga babala ni Noe. Ang resulta? “Dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Nagbabala si Jesus na magiging gayundin sa ating panahon, sa “pagkanaririto ng Anak ng tao.” Ang nangyari noong panahon ni Noe ay isang mariing babala sa mga tao sa ngayon na pinipiling huwag makinig sa mensahe ng Diyos.—Mateo 24:39.
11 Dapat maunawaan ng mga nanunuya sa mga babala ng Diyos na ipinahahayag ng Kaniyang modernong-panahong mga lingkod ang magiging resulta ng hindi nila pakikinig sa babala. Sa gayong mga manunuya, sinabi ni apostol Pedro: “Ayon sa kanilang naisin, ang bagay na ito ay nakalalampas sa kanilang pansin, na may mga langit mula noong sinauna at isang lupa na nakatayong matatag mula sa tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sa pamamagitan ng mga iyon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig. Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 3:3-7.
12 Ihambing naman ito sa ginawang pagpili ni Noe at ng kaniyang sambahayan. “Sa pananampalataya si Noe, pagkatapos mabigyan ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka.” Nakaligtas ang kaniyang sambahayan dahil nakinig siya sa babala. (Hebreo 11:7) Maging matulin sana tayo sa pakikinig sa mensahe ng Diyos at pagkatapos ay sundin ito.—Santiago 1:19, 22-25.
13, 14. (a) Bakit napakahalagang ‘manatili kay Jehova’? (b) Paano natin hahayaang hubugin tayo ni Jehova, ang ‘ating Magpapalayok’?
13 Sa pamamagitan ng pananatili kay Jehova: Sa ‘pagpili sa buhay upang manatiling buháy,’ hindi sapat ang basta ibigin lamang si Jehova at makinig sa kaniya kundi dapat din tayong ‘manatili kay Jehova,’ samakatuwid nga, patuloy na gawin ang kaniyang kalooban. “Sa pamamagitan ng inyong pagbabata ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa,” ang sabi ni Jesus. (Lucas 21:19) Ang totoo, isinisiwalat ng ating gagawing pagpili ang laman ng ating puso. “Maligaya ang taong laging nakadarama ng panghihilakbot, ngunit siyang nagpapatigas ng kaniyang puso ay mahuhulog sa kapahamakan,” ang sabi ng Kawikaan 28:14. Ang halimbawa nito ay ang Paraon ng sinaunang Ehipto. Habang isa-isang sumasapit sa Ehipto ang Sampung Salot, pinatigas ni Paraon ang kaniyang puso sa halip na magpakita ng makadiyos na pagkatakot. Hindi pinilit ni Jehova si Paraon na maging masuwayin kundi hinayaan niyang pumili ang mapagmataas na pinunong ito. Mangyari pa, naganap ang kalooban ni Jehova, gaya ng paliwanag ni apostol Pablo tungkol sa pangmalas ni Jehova kay Paraon: “Sa mismong dahilang ito ay pinahintulutan kitang manatili, upang may kaugnayan sa iyo ay maipakita ko ang aking kapangyarihan, at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.”—Roma 9:17.
14 Makalipas ang ilang siglo matapos iligtas ang Israel mula sa panunupil ni Paraon, ipinahayag ni propeta Isaias: “O Jehova, ikaw ang aming Ama. Kami ang luwad, at ikaw ang aming Magpapalayok; at kaming lahat ang gawa ng iyong kamay.” (Isaias 64:8) Habang hinahayaan nating hubugin tayo ni Jehova sa pamamagitan ng ating personal na pag-aaral at pagkakapit ng kaniyang Salita, unti-unti nating ibinibihis ang bagong personalidad. Lalo tayong nagiging maamo at madaling hubugin, anupat nagiging mas madali para sa atin na manatiling tapat kay Jehova dahil taimtim tayong nagnanais na mapaluguran siya.—Efeso 4:23, 24; Colosas 3:8-10.
“Ipaaalam Mo ang mga Iyon”
15. Ayon sa Deuteronomio 4:9, anong dalawang pananagutan ang ipinaalaala ni Moises sa Israel?
15 Sa nagkakatipong mga Israelitang papasók na sa Lupang Pangako, sinabi ni Moises: “Bantayan mo lamang ang iyong sarili at ingatan mong mabuti ang iyong kaluluwa, upang hindi mo makalimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata at upang hindi mahiwalay ang mga iyon sa iyong puso sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; at ipaaalam mo ang mga iyon sa iyong mga anak at sa iyong mga apo.” (Deuteronomio 4:9) Upang makamit ang pagpapala ni Jehova at managana sa lupaing malapit na nilang manahin, kailangang tuparin ng bayan ang dalawang pananagutan sa harap ni Jehova na kanilang Diyos. Hindi nila dapat kalimutan ang mga kamangha-manghang bagay na nakita nilang ginawa ni Jehova, at dapat nilang ituro ang mga ito sa mga susunod pang henerasyon. Gayundin ang dapat nating gawin bilang bayan ng Diyos sa ngayon kung gusto nating ‘piliin ang buhay at manatiling buháy.’ Ano ang nakita na nating ginawa ni Jehova para sa atin?
16, 17. (a) Ano ang naisagawa na ng mga misyonerong sinanay sa Gilead sa kanilang pangangaral tungkol sa Kaharian? (b) Anu-anong halimbawa ng walang-kupas na sigasig ang nalalaman mo?
16 Tuwang-tuwa tayong makita kung paano pinagpapala ni Jehova ang ating pangangaral at paggawa ng mga alagad. Mula nang buksan ang Watchtower Bible School of Gilead noong 1943, pinangunahan na ng mga misyonero ang paggawa ng mga alagad sa maraming lupain. Hanggang sa ngayon, napananatili pa rin ng mga unang nagtapos sa paaralang ito ang sigasig sa pangangaral tungkol sa Kaharian, kahit may mga edad na sila at hindi na kaya ng ilan ang dati nilang ginagawa. Isang magandang halimbawa si Mary Olson, na nagtapos sa Gilead noong 1944. Nakapaglingkod siya bilang misyonera—una sa Uruguay, pagkatapos ay sa Colombia, at ngayon ay sa Puerto Rico. Bagaman medyo nahahadlangan na siya ng mahinang pangangatawan dahil sa katandaan, napananatili pa rin ni Sister Olson ang kaniyang sigla sa pangangaral. Upang magamit ang natutuhan niyang wikang Kastila, iniskedyul niya na maglingkod sa ministeryo sa larangan linggu-linggo kasama ng mga mamamahayag na tagaroon.
* “Naglalaan ito ng isang maayos na espirituwal na rutin na nakapagbigay ng kaayusan at katatagan sa aking buhay.” Kapag binabalikan ni Sister Porter at ng iba pang tapat na mga lingkod ang nakaraan, hindi nila nalilimutan ang ginawa ni Jehova. Kumusta naman tayo? Pinasasalamatan ba natin ang pagpapala ni Jehova sa gawaing pang-Kaharian sa ating komunidad?—Awit 68:11.
17 Bagaman balo na si Nancy Porter na nagtapos sa Paaralang Gilead noong 1947, naglilingkod pa rin siya sa Bahamas. Isa siya sa mga misyonerang nananatiling abala sa pangangaral. “Ang pagtuturo sa iba hinggil sa katotohanan ng Bibliya ay naging isang pantanging pinagmumulan ng kagalakan,” ang sinabi ni Sister Porter sa kaniyang talambuhay.18. Ano ang matututuhan natin sa pagbabasa ng talambuhay ng mga misyonero?
18 Natutuwa tayo sa nagawa na at ginagawa pa ng mga misyonerong ito na matatagal na sa katotohanan. Napasisigla tayo sa pagbabasa ng kanilang mga talambuhay dahil kapag nakikita natin ang ginagawa ni Jehova para sa mga tapat na ito, lalong tumitibay ang ating determinasyong maglingkod kay Jehova. Palagi mo bang binabasa ang gayong nakapananabik na mga ulat na nakalathala sa Ang Bantayan at binubulay-bulay ang mga ito?
19. Paano mabisang magagamit ng mga magulang na Kristiyano ang mga talambuhay na nakaulat sa Ang Bantayan?
19 Pinaalalahanan ni Moises ang mga Israelita na huwag kalilimutan ang lahat ng bagay na ginawa ni Jehova para sa kanila at na hindi dapat mahiwalay ang mga ito sa kanilang puso sa lahat ng mga araw ng kanilang buhay. Pagkatapos ay idinagdag niya ang isa pang bagay: “Ipaaalam mo ang mga iyon sa iyong mga anak at sa iyong mga apo.” (Deuteronomio 4:9) May natatanging pang-akit ang mga talambuhay. Kailangan ng mga lumalaking kabataan ang magagandang halimbawa. May matututuhang aral ang mga dalaga mula sa tapat na halimbawa ng mga nakatatandang sister na ang talambuhay ay isinalaysay sa Ang Bantayan. Ang paglilingkod sa mga teritoryong banyaga ang wika sa sarili nilang bansa ay nagbibigay sa mga kapatid ng mas malaking pagkakataon na maging abala sa pangangaral ng mabuting balita. Kayong mga magulang na Kristiyano, bakit hindi ninyo gamitin ang mga karanasan ng tapat na mga misyonero ng Gilead at ng iba pa upang mapakilos ang inyong mga anak na piliin sa kanilang buhay ang buong-panahong paglilingkod?
20. Ano ang dapat nating gawin upang “piliin ang buhay”?
20 Kung gayon, paano magagawa ng bawat isa sa atin na “piliin ang buhay”? Ito ay sa pamamagitan ng paggamit sa napakagandang kaloob na kalayaang magpasiya upang ipakita kay Jehova na iniibig natin siya, at sa pamamagitan ng patuloy na paglilingkod sa kaniya nang ating buong makakaya hangga’t ipinahihintulot niya sa atin ang pribilehiyong ito. “Sapagkat,” gaya ng ipinahayag ni Moises, si Jehova “ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.”—Deuteronomio 30:19, 20.
[Talababa]
^ par. 17 Tingnan ang “Nagagalak at Nagpapasalamat sa Kabila ng Masaklap na Kawalan,” na inilathala sa Ang Bantayan ng Hunyo 1, 2001, pahina 23-7.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang natutuhan mo sa mga halimbawa ng magkaibang pagpili na tinalakay natin?
• Anu-anong bagay ang dapat nating gawin upang “piliin ang buhay”?
• Anong dalawang pananagutan ang hinihimok na gawin natin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
“Inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo”
[Larawan sa pahina 29]
Nakaligtas si Noe at ang kaniyang pamilya dahil sa pakikinig sa tinig ng Diyos
[Larawan sa pahina 30]
Mary Olson
[Larawan sa pahina 30]
Nancy Porter