Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Iyong mga Paalaala ang Aking Kinagigiliwan”

“Ang Iyong mga Paalaala ang Aking Kinagigiliwan”

“Ang Iyong mga Paalaala ang Aking Kinagigiliwan”

“Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo.”​—ROMA 15:4.

1. Paano tayo pinaglalaanan ni Jehova ng mga paalaala, at bakit natin kailangan ang mga ito?

NAGLALAAN si Jehova ng mga paalaala para sa kaniyang bayan upang matulungan silang harapin ang mga panggigipit na nararanasan sa mahihirap na panahong ito. Ang ilan sa mga paalaalang ito ay naitatampok sa panahon ng personal na pagbabasa ng Bibliya, samantalang ang iba naman ay sa mga bahagi o komentong inihaharap sa mga Kristiyanong pagpupulong. Hindi na bago sa atin ang karamihan sa nababasa o naririnig natin sa mga pagkakataong ito. Malamang na dati pa’y napag-aralan na natin ang gayunding impormasyon. Subalit dahil may tendensiya tayong makalimot, kailangan nating patuloy na sariwain sa ating isip ang mga bagay na may kinalaman sa mga layunin, kautusan, at mga tagubilin ni Jehova. Dapat nating pahalagahan ang mga paalaala ng Diyos. Pinatitibay tayo nito sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na maging palaisip sa mga bagay na nagpakilos sa atin na mamuhay alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya umawit ang salmista kay Jehova: “Ang iyong mga paalaala ang aking kinagigiliwan.”​—Awit 119:24.

2, 3. (a) Bakit iningatan ni Jehova hanggang sa ating panahon ang mga kuwento ng buhay ng mga tauhan sa Bibliya? (b) Anu-anong ulat sa Kasulatan ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Bagaman isinulat maraming siglo na ang nakalilipas, may lakas pa rin ang Salita ng Diyos. (Hebreo 4:12) Mababasa natin dito ang tunay na mga ulat hinggil sa buhay ng mga tauhan sa Bibliya. Bagaman malaki ang ipinagbago ng mga kaugalian at pananaw ng mga tao mula noong panahong isulat ang Bibliya, ang mga problemang kinakaharap natin sa ngayon ay kadalasang katulad din ng mga problema nila noon. Maraming kuwento sa Bibliya na iningatan para sa ating kapakinabangan ang nagbibigay ng nakaaantig-damdaming mga halimbawa ng mga taong umibig at tapat na naglingkod kay Jehova sa kabila ng mahihirap na kalagayan. Ang iba namang ulat ay bumabanggit sa paggawing kinapopootan ng Diyos. Ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang lahat ng salaysay na ito hinggil sa mga tao, mabuti man sila o masama, bilang mga paalaala. Ito ay kasuwato ng isinulat ni apostol Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”​—Roma 15:4.

3 Pagtuunan natin ng pansin ang tatlong ulat mula sa Kasulatan: ang kuwento hinggil sa pakikitungo ni David kay Saul, ang salaysay hinggil kina Ananias at Sapira, at ang ulat hinggil sa iginawi ni Jose may kaugnayan sa asawa ni Potipar. Ang bawat kuwento ay nagtuturo ng mahahalagang aral para sa atin.

Pagkamatapat sa mga Kaayusan ng Diyos

4, 5. (a) Anong situwasyon ang bumangon sa pagitan nina Haring Saul at David? (b) Paano tumugon si David sa matinding poot ni Saul?

4 Si Haring Saul ay napatunayang di-tapat kay Jehova at hindi na karapat-dapat mamahala sa Kaniyang bayan. Kaya itinakwil siya ng Diyos at inutusan Niya si propeta Samuel na pahiran si David bilang hari ng Israel sa hinaharap. Nang ipakita ni David ang kaniyang kahusayan sa pakikidigma at papurihan siya ng bayan, itinuring ni Saul si David bilang karibal. Paulit-ulit na sinikap ni Saul na patayin siya. Pero sa lahat ng pagkakataon, nakaligtas si David dahil si Jehova ay sumasakaniya.​—1 Samuel 18:6-12, 25; 19:10, 11.

5 Sa loob ng maraming taon, napilitan si David na mamuhay bilang takas. Nang magkaroon siya ng pagkakataong patayin si Saul, hinimok si David ng kaniyang mga kasama na gawin ito, na sinasabing ibinibigay na ni Jehova sa kaniyang kamay ang kaaway niya. Pero tumanggi si David. Ang kaniyang pagkamatapat kay Jehova at ang paggalang niya sa posisyon ni Saul bilang pinahirang hari ng bayan ng Diyos ang nag-udyok sa kaniya na gumawi nang gayon. Hindi ba’t si Jehova ang humirang kay Saul bilang hari ng Israel? Si Jehova rin ang mag-aalis sa kaniya bilang hari sa Kaniyang takdang panahon. Ikinatuwiran ni David na wala siyang karapatang makialam. Pagkatapos gawin ang lahat ng magagawa niya upang pahupain ang matinding poot ni Saul sa kaniya, sinabi ni David: “Si Jehova mismo ang mananakit sa kaniya; o darating ang kaniyang araw at siya nga ay mamamatay, o lulusong siya sa pagbabaka, at siya ay tiyak na malilipol. Malayong mangyari, sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ni Jehova!”​—1 Samuel 24:3-15; 26:7-20.

6. Bakit mahalagang isaalang-alang natin ang kuwento ni David at ni Saul?

6 May napakahalagang aral na makukuha sa ulat na ito. Minsan ba ay naitatanong mo kung bakit bumabangon ang ilang problema sa kongregasyong Kristiyano? Baka mali ang iginagawi ng isang indibiduwal. Maaaring ang kaniyang paggawi ay hindi naman maituturing na malubhang pagkakasala, pero nababagabag ka rito. Paano ka dapat tumugon? Dahil sa pagmamalasakit mo sa taong iyon bilang Kristiyano at dahil sa iyong pagkamatapat kay Jehova, maaaring ipasiya mo na kausapin siya sa mabait na paraan, na ang tunguhin ay malutas ang problema. Pero paano kung ganoon pa rin ang problema? Pagkatapos mong gawin ang lahat ng makatuwiran mong magagawa, maaaring ipaubaya mo na lamang ito kay Jehova. Ganiyan ang ginawa ni David.

7. Bilang pagtulad kay David, paano tayo dapat tumugon kapag nakaranas tayo ng kawalang-katarungan o pagtatangi?

7 O baka napapaharap ka sa mga problema hinggil sa kawalang-katarungan sa lipunan o pagtatangi dahil sa relihiyon. Maaaring kaunti lamang o wala ka namang magagawa hinggil dito sa kasalukuyan. Baka napakahirap batahin ang ganitong kalagayan, pero may makukuha tayong aral sa reaksiyon ni David sa kawalang-katarungan. Ang mga awit na isinulat ni David ay isang nakaaantig na ulat hindi lamang ng kaniyang taos-pusong mga panalangin sa Diyos na huwag sana siyang mahuli ni Saul kundi gayundin ng kaniyang pagkamatapat kay Jehova at ng kaniyang pagmamalasakit sa kaluwalhatian ng pangalan ng Diyos. (Awit 18:1-6, 25-27, 30-32, 48-50; 57:1-11) Nanatiling matapat si David kay Jehova bagaman patuloy na kumilos si Saul nang walang katarungan sa loob ng maraming taon. Dapat din tayong manatiling tapat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon sa kabila ng kawalang-katarungang nararanasan natin at anuman ang ginagawa ng iba. Makatitiyak tayo na lubusang nababatid ni Jehova ang kalagayan.​—Awit 86:2.

8. Paano tumugon ang mga Saksi ni Jehova sa Mozambique nang subukin ang kanilang pagkamatapat kay Jehova?

8 Sa makabagong panahon, ang isang magandang halimbawa ng mga nanatiling matapat kay Jehova sa panahon ng pagsubok ay ang mga Kristiyano sa Mozambique. Noong 1984, ang kanilang mga nayon ay paulit-ulit na nilusob ng mga armadong miyembro ng isang rebeldeng kilusan, na nagnakaw, nanunog ng mga bahay, at pumatay. Halos walang nagawa ang mga tunay na Kristiyanong ito upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Ang mga naninirahan sa lugar na iyon ay pinilit na kalapin sa isang armadong kilusan o pinuwersa na suportahan ito sa iba pang mga paraan. Para sa mga Saksi ni Jehova, mali ang paggawa nito yamang hindi ito kasuwato ng kanilang neutralidad bilang Kristiyano. Nagalit ang kilusan dahil dito. Tatlumpung Saksi ang pinatay noong magulong panahong iyon, pero hindi pa rin nawala ang pagkamatapat ng bayan ng Diyos kahit pinagbantaan pa sila ng kamatayan. * Gaya ni David, nagbata sila ng kawalang-katarungan pero sa dakong huli ay nagtagumpay sila.

Isang Paalaalang Nagsisilbing Babala

9, 10. (a) Paano tayo makikinabang sa ilang halimbawa sa Kasulatan? (b) Ano ang mali sa ginawa nina Ananias at Sapira?

9 Ang ilan sa mga indibiduwal na binanggit sa Kasulatan ay naglalaan ng mga paalaalang nagsisilbing babala hinggil sa paggawing dapat iwasan. Sa katunayan, naglalaman ang Bibliya ng maraming ulat hinggil sa mga tao, maging sa mga lingkod ng Diyos, na gumawa ng mali at dumanas ng mga epekto nito. (1 Corinto 10:11) Ang isang ulat ay tungkol kina Ananias at Sapira, isang mag-asawang miyembro ng kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem noong unang siglo.

10 Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., kinailangang paglaanan ang materyal na mga pangangailangan ng mga bagong mananampalataya na nanatili sa Jerusalem upang makinabang sila sa pakikipagsamahan sa mga apostol. Ang ilang miyembro ng kongregasyon ay nagbenta ng ari-arian upang matulungan ang mga nangangailangan. (Gawa 2:41-45) Nagbenta sina Ananias at Sapira ng isang bukid at isang bahagi lamang ng pinagbentahan nito ang ibinigay nila sa mga apostol, pero sinabi nilang iyon ang lahat ng perang pinagbentahan. Sabihin pa, karapatan nina Ananias at Sapira na ibigay kung magkano ang gusto nilang iabuloy, subalit masama ang motibo nila, at hindi sila matapat. Gusto nilang pahangain ang mga apostol at ang kongregasyon at palitawin na malaki ang iniabuloy nila kahit hindi gayon. Sa pagkasi ng banal na espiritu, ibinunyag ni apostol Pedro ang kanilang pagiging di-matapat at pagpapaimbabaw, at pinatay sila ni Jehova.​—Gawa 5:1-10.

11, 12. (a) Anu-ano ang ilang paalaala hinggil sa pagkamatapat? (b) Anu-ano ang mga kapakinabangan ng pagiging matapat?

11 Kung natutukso man tayong pilipitin ang katotohanan upang maging maganda ang tingin sa atin ng mga tao, ang salaysay hinggil kina Ananias at Sapira ay magsilbi sanang matinding babala sa atin. Puwede nating malinlang ang mga tao, pero hindi natin maloloko si Jehova. (Hebreo 4:13) Paulit-ulit tayong hinihimok ng Kasulatan na maging matapat sa isa’t isa, sapagkat ang mga sinungaling ay hindi magkakaroon ng dako sa isang lupa na wala nang kalikuan. (Kawikaan 14:2; Apocalipsis 21:8; 22:15) Dapat maging malinaw ang dahilan kung bakit gayon. Ang pasimuno ng lahat ng kasinungalingan ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo.​—Juan 8:44.

12 Maraming kapakinabangan ang pamumuhay nang matapat. Kasama rito ang pagkakaroon ng malinis na budhi at ang kasiyahan na pinagkakatiwalaan ka ng iba. Sa maraming kaso, dahil matapat ang mga Kristiyano, nakakakuha sila ng trabaho o nakapananatili sa kanilang trabaho. Subalit ang pinakamahalagang kapakinabangan ng pagiging matapat ay nagiging kaibigan tayo ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.​—Awit 15:1, 2.

Pananatiling Malinis sa Moral

13. Sa anong situwasyon napaharap si Jose, at paano siya tumugon?

13 Si Jose, na anak ng patriyarkang si Jacob, ay ipinagbili upang maging alipin sa edad na 17. Nang dakong huli, napunta siya sa sambahayan ni Potipar, isang opisyal ng korte ng Ehipto, at dito napansin si Jose ng asawa ng kaniyang panginoon. Gusto nitong makipagtalik kay Jose, isang guwapong kabataang lalaki, at araw-araw ay hinihimok nito si Jose: “Sipingan mo ako.” Malayo si Jose sa kaniyang pamilya at nasa lupain kung saan walang nakakakilala sa kaniya. Madali niyang masisipingan ang babaing ito nang hindi nalalaman ng ibang tao. Pero nang sunggaban na siya ng asawa ni Potipar, tumakas si Jose.​—Genesis 37:2, 18-28; 39:1-12.

14, 15. (a) Bakit tayo interesado sa kuwento tungkol kay Jose? (b) Bakit nagpapasalamat ang isang babaing Kristiyano na pinakinggan niya ang mga paalaala ng Diyos?

14 Pinalaki si Jose sa isang pamilyang may takot sa Diyos, at nauunawaan niya na maling magtalik ang dalawang taong hindi mag-asawa. “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” ang tanong niya. Malamang na ang kaniyang pasiya ay batay sa kaalaman niya sa pamantayan ng Diyos para sa mga tao na ipinahayag sa Eden, ang pagkakaroon ng isang asawa lamang. (Genesis 2:24) Makikinabang sa ngayon ang bayan ng Diyos mula sa pagbubulay-bulay sa naging pagtugon ni Jose sa situwasyong iyon. Sa ilang lugar, napakaluwag ng mga tao pagdating sa imoral na pagtatalik anupat ang mga kabataang tumatangging gumawa ng imoralidad ay tinutuya ng kanilang mga kasamahan. Pangkaraniwan sa mga adulto ang pangangalunya. Kaya ang kuwento tungkol kay Jose ay isang napapanahong paalaala sa atin. Kasalanan pa rin sa Diyos ang pakikiapid at pangangalunya. (Hebreo 13:4) Marami sa mga nagpadala sa panggigipit na gumawa ng imoralidad ang sumasang-ayon na may matibay na dahilan na umiwas sa imoralidad. Maaaring kasama sa di-kanais-nais na mga resulta ang mababang pagtingin sa sarili, bagabag na budhi, pagseselos, pagdadalang-tao, at pagkakaroon ng sakit na naililipat sa pagtatalik. Gaya ng ipinaaalaala sa atin ng Kasulatan, ang isa na namimihasa sa pakikiapid ay “nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.”​—1 Corinto 5:9-12; 6:18; Kawikaan 6:23-29, 32.

15 May dahilan si Jenny, * isang dalagang Saksi ni Jehova, kung bakit niya pinahahalagahan ang mga paalaala ng Diyos. Isang guwapong katrabaho ang nagpahiwatig na may gusto ito sa kaniya. Nang hindi magpakita ng interes si Jenny, lalo nitong pinagpakitaan ng atensiyon si Jenny. “Kinailangan kong magpunyagi upang manatiling malinis sa moral,” ang pag-amin niya, “dahil talaga namang masarap ang pakiramdam kapag pinapansin ka ng isang di-kasekso.” Subalit natanto niya na gusto lamang siyang idagdag ng lalaki sa listahan ng mga babaing nakarelasyon nito. Nang madama niyang humihina na ang kaniyang paninindigang tumanggi, nagsumamo siya kay Jehova na tulungan siyang makapanatiling tapat sa Kaniya. Natuklasan ni Jenny na ang mga bagay na natutuhan niya sa pagsasaliksik sa Bibliya at sa mga publikasyong Kristiyano ay parang mga paalaalang nagsilbing pampagising upang manatili siyang mapagbantay. Ang isa sa mga paalaalang iyon ay ang kuwento tungkol kay Jose at sa asawa ni Potipar. “Hangga’t patuloy kong pinaaalalahanan ang aking sarili kung gaano ko kamahal si Jehova,” ang sabi niya, “nagtitiwala akong hindi ko gagawin ang malaking kasamaan at kasalanang ito laban sa kaniya.”

Makinig sa mga Paalaala ng Diyos!

16. Paano tayo makikinabang sa pagrerepaso at pagbubulay-bulay sa buhay ng mga indibiduwal na binabanggit sa Bibliya?

16 Mapasisidhi natin ang ating pagpapahalaga sa mga pamantayan ni Jehova sa pamamagitan ng pagsisikap na unawain kung bakit iningatan ang ilang ulat sa Kasulatan para sa atin. Ano ba ang itinuturo ng mga ito? Anu-anong katangian o hilig ng mga tauhan sa Bibliya ang kailangan nating tularan o iwasan? Napakaraming indibiduwal ang nakaulat sa mga pahina ng Salita ng Diyos. Ang lahat ng umiibig sa tagubilin ng Diyos ay makikinabang sa paglinang ng hangaring kumuha ng nagbibigay-buhay na karunungan, pati na ng mga aral na matututuhan natin mula sa mga halimbawang iningatang mabuti ni Jehova. Madalas na ang magasing ito ay nagtatampok ng mga artikulo hinggil sa gayong mga indibiduwal na may mga kuwentong nakapagtuturo. Bakit hindi gumugol ng panahon para repasuhin ang mga ito?

17. Ano ang nadarama mo hinggil sa mga paalaala ni Jehova, at bakit?

17 Kaylaking pasasalamat natin sa maibiging pagmamalasakit ni Jehova sa mga nagsisikap na gawin ang kaniyang kalooban! Totoo, hindi tayo sakdal, kung paanong ang mga lalaki at babaing binabanggit sa Bibliya ay di-sakdal. Subalit ang nakasulat na rekord ng kanilang mga ginawa ay lubhang kapaki-pakinabang para sa atin. Sa pakikinig sa mga paalaala ni Jehova, makaiiwas tayo sa malulubhang pagkakamali, at matutularan natin ang maiinam na halimbawa ng mga lumakad sa daan ng katuwiran. Kung gagawin natin ito, makaaawit tayo gaya ng salmista: “Maligaya yaong mga tumutupad sa . . . mga paalaala [ni Jehova]; buong puso nila siyang hinahanap. Tinutupad ng aking kaluluwa ang iyong mga paalaala, at lubha kong iniibig ang mga iyon.”​—Awit 119:2, 167.

[Mga talababa]

^ par. 8 Tingnan ang 1996 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 160-2.

^ par. 15 Binago ang pangalan.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang matututuhan natin sa saloobin ni David kay Saul?

• Ano ang itinuturo sa atin ng ulat hinggil kina Ananias at Sapira?

• Bakit tayo partikular na interesado sa kuwento ng buhay ni Jose?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 26]

Bakit hindi pumayag si David na patayin si Saul?

[Larawan sa pahina 27]

Ano ang matututuhan natin sa ulat hinggil kina Ananias at Sapira?

[Larawan sa pahina 28]

Ano ang nag-udyok kay Jose na tanggihan ang tuksong gumawa ng imoralidad?